Binigyan Ako ni Jesucristo ng Pag-asang Mabuhay
Ang awtor ay naninirahan sa Japan.
Ilang taon na ang nakararaan, ayaw ko nang mabuhay pa, pero ipinakita sa akin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang kahulugan ng buhay.
Anim na taon na ang nakararaan, tinangka kong wakasan ang buhay ko.
Kamakailan ay nasuri ako na may schizoaffective disorder ako, isang mahirap na karamdaman sa pag-iisip, at nanlumo ako. Pakiramdam ko ay wala akong mga kaibigan. Pakiramdam ko ay napakalayo ko sa pamilya ko. Na-depress ako at napakalungkot ng buhay ko noon. Nawalan din ako ng pag-asa dahil wala akong nakitang anumang layunin sa buhay.
Nagsimula akong mag-isip na mas makakabuti sa lahat na mawala ako, at ayaw ko nang mabuhay. Kaya isang gabi, tinangka kong lihim na wakasan ang buhay ko.
Pero mabuti na lang, nalaman iyon ng pamilya ko at dinala nila ako sa isang ospital kung saan ipinasok ako para matulungan sa sitwasyon ng kalusugan ng aking isipan.
Sa loob ng ilang linggo, wala pa rin akong nakitang anumang layunin sa buhay at wala akong nadamang kagalakan o liwanag. Nawalan ako ng interes sa buhay. Pero kalaunan ay natanto ko na hindi talaga ako nag-iisa, at ayaw kong mamatay. Nang makatanggap ako ng propesyonal na tulong, malinaw kong nakita na minahal ako ng aking pamilya at mga kaibigan, at bumuti ang kalusugan ng aking isipan hanggang sa magkaroon ako ng panibagong pag-asa sa buhay. Gusto kong muling makadama ng kagalakan at kahulugan sa aking buhay. Matindi ang pakiramdam ko ngayon na ang Ama sa Langit ang nagbigay sa akin ng isa pang pagkakataon at pinuspos ng pag-asa ang puso ko.
Palaging Iaalok sa Atin ng Panginoon ang Kanyang Liwanag
Nagsimula akong mag-aral sa unibersidad, kung saan kami nagkita ng dati kong kakilala. Hindi ko siya gaanong kilala, pero mayroong kakaiba sa kanya. Maaliwalas at masaya ang kanyang mukha. Nalaman ko sa iba ko pang mga kaklase na kababalik lang niya mula sa paglilingkod sa isang “misyon.” Wala akong ideya kung ano iyon, pero nang ipaliwanag niya na kinailangan niyang iwan ang kanyang mga kaibigan at pamilya sa loob ng dalawang taon, nalito ako nang husto. Parang napakaligaya at napakasaya niya, pero kung ako ang nasa lugar niya, malulungkot ako nang husto.
Habang nabubuo ang aming pagkakaibigan, sinimulan niyang kausapin ako tungkol sa kanyang simbahan. Sa karanasan ko sa pagtatangkang wakasan ang buhay ko, nagkaroon ako ng malinaw na ideya na maaaring totoo ang Diyos. Narinig ko na ang mga tao na binabanggit Siya at si Jesucristo noon, pero hindi ako sigurado kung ano ang paniniwalaan. Kaya isang araw, tinanong ko ang kaibigan ko, “Naniniwala ka ba sa Diyos?” Agad siyang nagbahagi sa akin ng isang patotoong marubdob at nagpapabago ng buhay na nagpunla ng mga binhi ng pananampalataya sa sarili kong puso. Nakita ko kung gaano kalaking kagalakan at liwanag ang ibinigay sa kanya ng ebanghelyo, at gusto ko ring maranasan ang kagalakang iyon.
Nang patuloy akong nagtanong sa kanya, binigyan niya ako ng Aklat ni Mormon at sinabi sa akin na bibigyan ako nito ng mga sagot tungkol sa buhay. Ipinakilala niya ako sa mga missionary. Nagsimula rin akong sumama sa kanya sa sacrament meeting, kung saan ang mga taong masasaya ang mukha ay nagpakita ng pagmamahal sa akin at nagpaalala sa akin ng kabutihan sa mundo.
Nalaman ko ang tungkol kay Jesucristo, ang tungkol sa aking banal na pagkatao at layunin, ang pag-ibig ng Diyos at ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, at kung ano ang kahulugan nito sa akin. Pagkaraan ng tatlong linggo, nabinyagan ako at nakumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang ebanghelyo ay nagbigay sa akin ng bagong damdamin ng kagalakan at kapayapaan na hindi ko pa nadama kailanman. Matapos malaman na mayroon akong karamdaman sa pag-iisip, hindi ko inisip na magiging masaya akong muli. Pero napuspos ng liwanag ang buhay ko nang malaman ko na hindi ako nag-iisa kailanman sa aking mga paghihirap.
Nalaman ko na sa kabila ng anumang tunay na mahihirap na pagsubok, palaging iaalok sa atin ng Panginoon ang Kanyang liwanag.
Ang Buhay ay Isang Regalo o Kaloob
Pagkaraan ng ilang taon, natanggap ko ang mga pagpapala ng templo at sa huli ay ikinasal ako sa kaibigang nagpakilala sa akin sa ebanghelyo. Nabuklod kami sa Sapporo Japan Temple. Lubos akong nagpapasalamat sa liwanag, pagmamahal, at pag-asang naihatid ni Jesucristo sa aking buhay at mga relasyon. Sa paghahangad at pagpapalalim ng aking pananampalataya sa Kanya at sa mga katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagdalo sa templo, lubos kong natanto kung gaano kalaking regalo o kaloob at pribilehiyo ang aking buhay.
Napakahalaga sa akin na isinuko ni Cristo ang Kanyang buhay upang ako ay mabuhay. Talagang nabago ng kaalamang iyan ang pananaw ko tungkol sa mga paghihirap ko sa kalagayan ng kalusugan ng aking pag-iisip, at labis akong nagpapasalamat araw-araw na nabubuhay ako na kasama Siya sa aking tabi.
Inuulit ko ang sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na:
“Sa sinuman … [sa inyo] na nahihirapan, anuman ang inyong mga alalahanin o paghihirap, hindi sagot ang pagpapakamatay. Hindi nito maiibsan ang sakit na nararamdaman ninyo o iniisip ninyong naidudulot ninyo. Sa mundong nangangailangan ng lahat ng liwanag na makukuha nito, huwag sana ninyong balewalain ang walang-hanggang liwanag na inilagay ng Diyos sa inyong kaluluwa bago pa nilikha ang daigdig na ito. Makipag-usap sa isang tao. Humingi ng tulong. Huwag ninyong kitlin ang buhay na pinag-alayan ni Cristo ng Kanyang buhay upang maligtas. Makakayanan ninyo ang mga paghihirap sa buhay na ito dahil tutulungan namin kayong makayanan ang mga ito. Mas malakas kayo kaysa inaakala ninyo. Ang tulong ay makukuha, mula sa iba at lalo na sa Diyos. Kayo ay minamahal at pinahahalagahan at kailangan. Kailangan namin kayo!”1
May mga hamon pa rin akong kinakaharap, pero alam ko na ngayon na may layunin ang buhay ko. Mahal na mahal ako ng aking Ama sa Langit at ng napakaraming iba pa. Alam kong makakahingi ako kapwa ng temporal at ng espirituwal na tulong. Madalas kong ipaalala sa sarili ko na laging magkaroon ng walang-hanggang pananaw, alalahanin na nauunawaan ng Tagapagligtas ang bawat pasakit at kawalang-katarungang nadarama ko, at isipin kung paano Niya ako matutulungang maging higit na katulad Niya sa harap ng mga pagsubok.
Naniniwala ako kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Alam ko na sa Kanya, lagi kong madaraig ang mga hamon at paghihirap at masusumpungan kong muli ang liwanag. Dahil sa Kanya, natuklasan ko na talagang posibleng mahalin ang buhay at magkaroon ng kagalakan at kapayapaan, maging sa gitna ng mga hamon. Lubos akong nagpapasalamat araw-araw para sa kahulugan at pag-asang inihahatid Niya sa aking buhay. Alam ko na kung aasa tayo sa Kanya, lagi Niya tayong bibigyan ng pag-asa sa ating buhay.