“Pagsunod sa Halimbawa ni Cristo: Pangangalaga sa mga Nangangailangan,” Liahona, Mar. 2023.
Pagsunod sa Halimbawa ni Cristo: Pangangalaga sa mga Nangangailangan
Mula sa produksyon ng pagkain hanggang sa emergency response sa ministering, maraming paraan para maipakita natin ang pagmamahal sa ating kapwa.
Bilang mga alagad ni Jesucristo, nagsisikap ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na ipamuhay ang dalawang dakilang kautusan: ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa (tingnan sa Mateo 22:37–39). Ang pagsunod sa dalawang dakilang kautusang ito at ang halimbawa ni Jesucristo ang gumagabay sa Simbahan at sa mga miyembro nito na pangalagaan ang mga nangangailangan.
Kaya paano tumutulong ang Simbahan sa pangangalaga sa mga nangangailangan? At paano maaaring makibahagi ang mga miyembro sa dakilang gawaing ito?
Mga Paraan para Makatulong
Bilang mga miyembro ng Simbahan, sinisikap nating hanapin ang mga nangangailangan at tulungan ang lahat ng anak ng Diyos anuman ang kanilang lahi, nasyonalidad, o relihiyon.
Pinangangalagaan natin ang mga nangangailangan sa maraming paraan, kabilang na ang:
-
Pag-aayuno at paggamit ng mga handog-ayuno;
-
Paglilingkod sa isa’t isa.
-
Mga self-reliance program.
-
Mga programa sa pagkain, edukasyon, malinis na tubig, at pangangalaga sa kalusugan sa buong mundo.
-
Emergency response.
-
Mga volunteer project sa komunidad.
Bagama’t malawak ang sakop ng ilang pagkakawanggawa ng Simbahan, kahit maliliit na pagsisikap ay maaaring sama-samang makagawa ng malaking epekto. Narito ang ilang halimbawa kung paano tinutulungan ng mga miyembro ng Simbahan ang mga nangangailangan.
Ministering sa gitna ng Kaguluhan
Hindi alam nina RaeAnn at Sterling Jarvis—mga miyembro ng Simbahan sa Warsaw, Poland—kung ano ang aasahan nang magpasiya silang tumanggap ng mga refugee sa bahay nila. Ngunit handa silang tumulong sa anumang paraang makakaya nila.
Hindi nagtagal matapos magsimula ang kaguluhan sa Europa, dumating ang isang pamilyang Ukrainian na may limang miyembro sa kanilang pintuan nang ala-1:00 n.u. Naglakbay sila nang halos 500 milya (800 km) sa paghahanap ng ligtas na lugar. Malugod na tinanggap ng mga Jarvis sina Maryna at Serhii Bovt at ang kanilang tatlong anak sa bahay nila. Sa paglipas ng panahon nagkaroon sila ng tunay na pagmamahal at malasakit para sa pamilya Bovt. “Kapag nagbabahagi ka ng pagmamahal, lumalago iyon,” sabi ni Maryna tungkol sa halimbawa ng paglilingkod ng mga Jarvis. “Mas napapalapit tayo sa isa’t isa at sa Panginoon dahil dito.”
Bilang mga miyembro ng Simbahan, sinisikap nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglilingkod sa mga nasa paligid natin. Hindi kailangang tumakas ang mga tao mula sa digmaan o pag-uusig para mangailangan ng tulong. Bawat pagpapakita natin ng kabaitan—gaano man kaliit—ay magkakaroon ng mabuting epekto sa buhay ng isang tao.
Komunidad ng Pagbabahagi
Sa Laie Hawaii Crops Farm na pag-aari ng Simbahan, mahigit 310 pamilya ang nagtatanim ng mga pananim para suportahan ang kanilang buong pamilya. Sa kanilang 0.5 ektaryang mga taniman, ang mga pamilyang ito ay nagtatanim ng taro, tapioca, kamote, rimas, bayabas, at iba pang mga pananim sa isla.
Ang bukirin ay pinamamahalaan ng isang mag-asawang missionary at tumatanggap ng suporta mula sa iba pang mga missionary at miyembro. Tumulong ang mga boluntaryong ito na mahawan ang lupa, ihanda ang lupa para sa pagtatanim, at magturo ng mga pangunahing kasanayan sa pagtatanim.
Dahil sa mga missionary, miyembro, at boluntaryong ito, maraming taong nangangailangan ng pagkain sa Hawaii ang mas nasuportahan ang kanilang sarili noong mahirap makahanap ng trabaho. Mas malakas ang komunidad kapag nagtutulungan ang mga tao na pangalagaan ang bukirin at ibahagi sa iba ang kanilang pananim.
Ang mga humanitarian project ng Simbahan ay tumutulong na magbigay ng seguridad sa pagkain, edukasyon, malinis na tubig, at mga serbisyo sa pangangalaga sa kalusugan sa milyun-milyong tao sa buong mundo. Nag-aalok din ang Simbahan ng maraming resources para mapaganda ang self-reliance, pati na ang mga bishops’ storehouse, employment center, mga Deseret Industries store, Family Services counseling, mga kurso sa self-reliance, at mga bukirin at halamanang pag-aari ng Simbahan tulad ng Laie Hawaii Crops Farm. Kadalasa’y naisasagawa ang mga proyektong ito sa tulong ng mga miyembro at missionary, na ang mga di-makasariling donasyong oras, mga talento, at iba pang resources ay gumagawa ng malaking kaibhan sa mga nangangailangan.
Isang Pagpapakita ng Pagkakaibigan
Noong 2021, mga 200 miyembro ng Simbahan ang tumugon sa panawagan na tumulong. Nagpunta sila sa mga center sa Germany, sa Estados Unidos, at sa iba pang mga lugar para tumulong sa pagpoproseso ng mga 55,000 refugee mula sa Afghanistan.
Maraming boluntaryo ang naglingkod sa mga center na ito nang dalawa o tatlong linggo, at ang ilan ay nanatili pa nang mas matagal. Natugunan ng mga miyembro ng Simbahan ang mga agarang pangangailangan ng mga taong naghahanap ng kanlungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain, damit, at iba pang mga suplay.
Napansin ng mga Relief Society sister na ginagamit ng ilang kababaihang Afghan ang kamiseta ng kanilang asawa para italukbong sa kanilang ulo sa halip na gamitin ang tradisyonal na mga talukbong nila sa ulo, na nawala o nasira sa kaguluhan sa airport. Nagtipon ang kababaihang ito ng Relief Society para manahi ng tradisyonal na pananamit ng Muslim para sa mga kababaihang ito na nangangailangan—na nagpapakita ng kabaitan at paggalang sa iba, na isinasantabi ang mga pagkakaiba sa kanilang mga paniniwala.
Sabi ni Sister Sharon Eubank, direktor ng Latter-day Saint Charities, “Ang pagsisikap ng bawat isa sa atin ay hindi nangangahulugang kailangan tayong magbigay ng pera o sa malalayong lugar; ang kinakailangan dito ay patnubay ng [Banal na Espiritu] at nakahandang puso na magsasabi sa Panginoon ng, ‘Narito ako, suguin mo ako.’ [Isaias 6:8].”1
Ang hangaring maglingkod kapag may mga kalamidad ang dahilan kaya ang Simbahan ay kadalasang isa sa mga unang grupong tumutugon—kapwa sa pansamantalang kaginhawahan at pangmatagalang tulong. Ang gawain ng mga miyembro at missionary ng Simbahan ay tumutulong sa mga nangangailangan na madamang ligtas sila, makatanggap ng pangangalagang pisikal at mental, at madama ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng kabaitan ng iba.
Tinawag sa Gawain
Sabi sa Doktrina at mga Tipan 4:3, “Kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain.” Sa lahat ng ginagawa ng Simbahan, maraming paraan para makapaglingkod.
Marami sa mga organisadong pagsisikap ng Simbahan na tulungan ang mga nangangailangan ay posible lamang sa paglilingkod ng mga missionary at miyembro. Hindi lahat ay nagagawang tumanggap ng isang pamilyang refugee, maglaan para sa mga pisikal na pangangailangan ng iba, o iwanan ang ginagawa para tumulong kapag may kalamidad. Ngunit bawat tao ay may bahaging gagampanan, at ang kontribusyon ng bawat tao ay nadarama at pinahahalagahan.
Isa sa pinakamahahalagang paraan na nagbibigay ang mga miyembro sa gawaing ito ay sa pamamagitan ng mga handog-ayuno at mga donasyong pangkawanggawa. Ang mga sagradong donasyong ito ay ginagamit para tulungan ang mga higit na nangangailangan at makagawa ng malaking epekto sa buhay ng mga natutulungan. Ang mga miyembro ng Simbahan ay maaaring maglingkod sa mga humanitarian mission, mag-facilitate ng mga kurso sa self-reliance, at magboluntaryo sa bishops’ storehouse at sa mga Deseret Industries store. Maaari mo ring pangalagaan ang mga nangangailangan sa pamamagitan ng lokal na paglilingkod, mga donasyong dugo, mga ministering assignment, pagdarasal, at iba pa.
Lahat tayo ay tinatawag sa gawain. Tinatawag tayong tularan ang halimbawa ni Jesucristo at mahalin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa. Ang kailangan lang natin ay isang pusong may pagkukusa.