Digital Lamang: Mga Young Adult
Pagkakaroon ng “Hindi Matitinag na Pananampalataya” kay Jesucristo—at sa Kanyang mga Propeta
Posible bang makasumpong ng kapayapaan sa magulong mga panahon?
Noong Pebrero 2010, naglingkod kaming mag-asawa bilang mga mission leader ng Chile Santiago East Mission. Kasama ang aming mga missionary at ang mga mamamayan ng Chile, naranasan namin ang matinding takot na dulot ng isang 8.8-magnitude na lindol.
Isa iyon sa pinaka-nakakatakot na mga karanasan namin. Niyanig nito ang bahay namin, pero hindi nito nayanig ang aming pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga propeta. Sa katunayan, pinatibay nito ang aming paniniwala na maihahanda tayo ng mga buhay na propeta para sa lahat ng bagay.
Siyam na buwan bago iyon, naihanda kami ng Panginoon sa pamamagitan ng isa sa Kanyang mga piling propeta na si Elder Richard G. Scott. Nang italaga niya kaming maglingkod bilang mga mission leader, binigyan niya kami ng inspiradong payo. Sinabi niya na maraming beses sa aming misyon, gigisingin kami ng Espiritu sa madaling-araw. Inanyayahan Niya kaming isulat ang mga mensaheng itinuturo sa amin ng Espiritu at kumilos ayon doon, at nangako siya sa amin na kung gagawin namin iyon, daranas kami ng mga himala.
Natupad ang mga salitang iyon nang gisingin ako ng Espiritu dalawang linggo lang bago lumindol, na naghayag sa akin na kailangan naming ihanda ang aming mga missionary para sa lindol. Sinunod namin ang pahiwatig na iyon, at nang dumating ang lindol, naranasan namin ang mga himala ng kapayapaan at kaligtasang ipinangako sa amin ni Elder Scott.
Piliing Sundin ang Propeta
Ipinaalala sa atin ng karanasang ito na makasusumpong tayo ng kapayapaan sa magulong mundo kapag pinili nating sundin ang inspiradong payo ng ating mga propeta.
Isipin ang mga sandaling ito nang makasumpong ng kapayapaan si Nephi sa pamamagitan ng pagpiling maniwala sa kanyang ama, ang propetang si Lehi:
-
Nang sabihin ni Lehi na sinabi sa kanya ng Diyos na dalhin ang kanyang pamilya at tumakas sa lalo pang nagiging masamang lungsod ng Jerusalem, pinili ni Nephi na magkaroon ng “hindi matitinag na pananampalataya” (2 Nephi 31:19) at “magsumamo sa Panginoon” (1 Nephi 2:16). Bilang sagot sa panalangin ni Nephi, pinalambot ng Panginoon ang puso ni Nephi. Pero kailangan pa ring piliin ni Nephi na maniwala na kinausap nga ng Diyos si Lehi. Kumilos si Nephi nang may pananampalataya at nagawang sumunod sa kanyang amang propeta patungo sa ilang nang may kapayapaan sa puso niya.
-
Nang ipaliwanag ni Lehi kay Nephi at sa kanyang mga kapatid na nais ng Diyos na bumalik sila sa Jerusalem para kunin ang mga laminang tanso, kusang-loob na pinili ni Nephi na maniwala na kalooban ng Diyos ang sinasabi ng kanyang amang propeta. Naalala ni Nephi ang sagot na natanggap niya noon. Ipinahayag niya ang kanyang hindi matitinag na layon na magtiwala: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon” (1 Nephi 3:7).
Kapag binabasa at pinagninilayan ko ang Nephi, itinatanong ko sa aking sarili: “Mayroon ba akong hindi matitinag na pananampalataya na sapat para piliing sundin ang propeta, kahit inaanyayahan Niya akong gawin ang mahihirap na bagay? Anong espirituwal na gawain ang kailangan kong gawin para magkaroon ng hindi matitinag na pananampalataya?”
Piliing Gawin ang Espirituwal na Gawain
Tatlong espirituwal na gawi ang nakatulong sa akin na mapalakas ang aking pananampalataya sa Diyos at magtiwala na nangungusap Siya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang propeta:
-
Nagdarasal ako. Pumupunta ako sa isang tahimik na lugar, lumuluhod, at nagsusumamo sa Diyos na tulungan akong makaunawa at mas maniwala. Tapat akong nagtatanong at humihingi ng tulong na magpakumbaba ang puso ko at alalahanin na hindi ko nakikita ang larawan ng buhay ko sa kawalang-hanggan, tulad ng ginagawa Niya.
-
Pinag-aaralan ko ang aking mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon, dahil malaki ang kapangyarihan nitong anyayahan ang Espiritu Santo sa buhay ko. Hinahanap ko ang mga salita at pariralang nauukol sa paksang itinatanong ko. Pinag-aaralan ko ang mga salita ng mga buhay na propeta. Binabasa ko ang aking patriarchal blessing. Nagninilay-nilay ako. Nagsasaulo ako. Nagbabasa pa nga ako nang malakas.
-
Nakikinig ako. Hindi ako nakikinig sa mundo sa pamamagitan ng pagpatay ng aking cellphone, internet, at iba pang nakikipagpaligsahang tunog. Nakikinig ako sa aking puso’t isipan dahil doon nangungusap sa akin ang Espiritu Santo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3).
Kapag ginagawa ko ang kinakailangang espirituwal na gawain, lagi akong tumatanggap ng payapang katiyakan na totoo ang sinasabi ng propeta. Kung minsa’y mabilis dumating ang mga kumpirmasyon sa akin. Kung minsa’y matagal itong dumating. Pero pinatototohanan ko na laging dumarating ang mga sagot.
Nang mamatay si Nephi, patuloy tayong inaanyayahan ng kanyang nakababatang kapatid na si Jacob na piliing gawin ang espirituwal na gawain para magkaroon ng hindi matitinag na pananampalataya sa ating mga propeta.
Nangako si Jacob: “Anupa’t aming sinasaliksik ang mga propeta, at marami kaming mga paghahayag at diwa ng propesiya; at taglay ang lahat ng patotoong ito kami ay nagtamo ng pag-asa, at ang aming pananampalataya ay naging matatag, kung kaya nga’t tunay na nakapag-uutos kami sa pangalan ni Jesus at sinusunod kami maging ng mga punungkahoy, o ng mga bundok, o ng mga alon sa dagat” (Jacob 4:6; idinagdag ang diin).
Maaari nating piliing gawin ang espirituwal na gawaing kinakailangan para magkaroon ng hindi matitinag na pananampalataya kay Jesucristo at sa ating mga buhay na propeta. Kapag ginawa natin ito, maaari tayong gantimpalaan ng magiliw at walang-hanggang mga pagpapalang tatanglaw sa landas ng tipan ng pagkadisipulo at magbibigay sa atin ng kapayapaan at tapang na kailangan natin upang mapaglabanan ang anumang matinding gulo sa ating buhay.