2023
Paano Naghatid sa Akin ng Kapayapaan si Jesucristo Pagkamatay ng Aking Ina
Nobyembre 2023


Paano Naghatid sa Akin ng Kapayapaan si Jesucristo Pagkamatay ng Aking Ina

Wala akong ideya kung saan hahanapin ang mga sagot.

isang pigurang nakaupo sa ibabaw ng burol

Noong huling taon ko sa hayskul, maysakit ang nanay ko. Nang pumanaw siya, iyon ang pinakamahirap na panahon sa buhay ko. Masyado kong dinamdam ang pagkamatay niya, at nawalan ako ng pag-asa. Labis din akong nagdalamhati tungkol sa aking kinabukasan. Wala nang magpapaaral sa akin dahil retirado na ang tatay ko dahil sa kanyang kalusugan. Nahirapan akong tapusin ang school year na iyon, pero sinuportahan ako ng tita ko at ng ate ko hanggang sa huli.

Makalipas ang ilang taon, nagsimula akong mag-isip tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng nanay ko—saan siya napunta? Buhay pa rin ba siya sa kung saan? Siya pa ba ang nanay ko, o para lang sa buhay na ito ang relasyon namin? Kumplikado ang mga tanong ko, at sinimulan kong pagdudahan na makakahanap pa ako ng mga sagot. Ni hindi ko alam kung saan magsisimula para mahanap ang mga iyon.

Isang araw nakipagkita ako sa isang kaibigan, at habang nag-uusap kami, ipinaalam niya sa akin na miyembro siya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw pero hindi na siya nagsisimba dahil gusto niyang gumawa ng musika. Sinabi ko sa kanya na madalas akong makakita ng mga missionary na dumaraan sa bahay ko, pero wala akong gaanong alam tungkol sa kanyang relihiyon. Sinabi ko na sana ay may magandang bagay roon dahil kailangan ko ng mga sagot.

Pinakiusapan ko siya na magkasama kaming magsimba sa Linggo. Pumayag siya. Sa simbahan, agad akong naantig sa pagmamahal ng mga miyembro para sa akin—malugod nila akong tinanggap na para bang magkakakilala na kami. Pakiramdam ko, matatagpuan ko roon ang hinahanap ko.

Isang Pagbabago ng Puso

Sinimulan akong bisitahin ng mga missionary. Hindi madali sa simula na malaman ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo dahil iba ang naituro sa akin. Kaya sa loob ng ilang panahon, madalas mauwi ang aming mga lesson sa mga talakayan tungkol sa magkakaibang paniniwala. Pero isang araw sinabi ko sa sarili ko na ako ang may mga tanong na kailangang malutas—hindi ang mga missionary—kaya kinailangan ko silang bigyan ng oras at puwang sa puso ko para turuan ako.

Pagkatapos ng araw na iyon, nagsimula akong makaranas ng malaking pagbabago ng puso (tingnan sa Mosias 5:2; Alma 5:14). Nalaman ko na ang nanay ko ay palaging mananatiling nanay ko, maging sa kabilang-buhay. Nalaman ko na maaari kaming mabuklod kung tatanggapin ko ang ebanghelyo at isasagawa ang mga ordenansa sa templo para sa nanay ko at sa lahat ng kapamilya kong pumanaw na.

Tumimo sa puso ko ang mga katotohanang ito. Nang simulan kong pag-aralan ang ebanghelyo, lalo na ang Aklat ni Mormon, pinuspos ako ng maningning na liwanag ng mga katotohanang natutuhan ko. Ang liwanag na iyon ay nagsimulang pumalit sa kalungkutan ko na sanhi ng mga tanong na hindi nasagot nang may matibay na katiyakan kay Jesucristo.

Makalipas ang pitong buwan ay nabinyagan ako. Gusto kong gawin ang lahat para makasama kong muli ang nanay ko balang-araw. Pero nag-alala ang pamilya ko. Ako ang pangsiyam sa isang pamilyang may 10 anak. At nang sikapin kong ibahagi ang ebanghelyo sa kanila, hindi pa handa ang puso nila na tanggapin ang mensahe. Pero umaasa ako na balang-araw ay magtatamo rin sila ng patotoo sa ebanghelyo at kung paano magiging walang hanggan ang aming pamilya.

Pag-asa kay Jesucristo

Naibalik sa akin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang pag-asang nawala sa akin sa loob ng maraming taon. Nakikita ko na ngayon na may kabuluhan ang buhay dahil alam ko ang aking pagkatao bilang anak ng Diyos, anak ng tipan, at disipulo ni Jesucristo.1

Ang ebanghelyo ay naghatid din sa akin ng kapayapaan ng kalooban at ng katiyakang kinailangan ko nang pumanaw ang mahal kong tatay noong Nobyembre 2020. Hindi ako nabagabag na tulad noong pumanaw ang nanay ko dahil alam ko na ang plano ng pagtubos. Naghahanda na rin akong maglingkod sa full-time mission. Dumating ang tawag sa akin [sa misyon] isang araw matapos ilibing ang tatay ko.

Sa kabila ng mga nakapanlulumong epektong dumurog sa puso ko nang mawala ang mga mahal ko sa buhay, payapa at nagagalak na ngayon ang puso ko dahil kay Jesucristo, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli dahil alam ko na maaari tayong mapatawad sa ating mga kasalanan. Maaari nating makasamang muli ang mga taong nag-iwan sa atin sa buhay na ito, at magkakaroon sila ng maluwalhati at nabuhay na mag-uling katawan. Makikita kong muli ang nanay at tatay ko, at dahil sa mga ordenansa sa templo, magkakasama kami hanggang sa kawalang-hanggan.

Tulad ng itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Pinatototohanan ko na ang hinaharap ay magiging punung-puno ng himala at pagpapalain nang sagana katulad ng nakaraan. Nasa sa atin ang lahat ng dahilan para umasa sa mga pagpapalang mas dakila kaysa sa mga yaong natanggap na natin, dahil ito ang gawain ng Pinaka-makapangyarihang Diyos, ito ang Simbahan ng patuloy na paghahayag, ito ang ebanghelyo ni Cristo na walang katapusan ang biyaya at kabutihan.”2

Alam ko na may katiyakan na ang kinabukasan para sa akin dahil sa bato kung saan ako nakatayo, na si Jesucristo (tingnan sa Helaman 5:12). Alam ko na ang Kanyang mga daan ay humahantong sa kaligayahan sa buhay na ito at sa buhay na walang-hanggan sa daigdig na darating.