Paano Ninyo Pinag-uusapan ang Templo?
Mahalaga ang paraan ng pag-uusap natin tungkol sa mga bagay patungkol sa templo.
Naaalala ko na nasabik akong matanggap ang endowment ko noong naghahanda akong umalis para magmisyon. Naaalala ko rin na nauwi ang pananabik na iyon sa pag-aalala at pagkalito matapos akong bigyan ng malalabong babala ng ilang kapamilya tungkol sa pagdalo sa unang pagkakataon.
Alam ko na tapat ang mga layunin nila nang sikapin nila na tulungan akong magkaroon ng magandang karanasan. Pero sa halip na magtuon ang mga tao sa pagbibigay ng babala sa akin na hindi pamilyar ang templo, tinulungan sana nila akong maghanda para sa templo sa positibo at tamang paraan.
Nasasaisip iyan, narito ang apat na bagay na isasaalang-alang kapag kinausap ninyo ang mga naghahandang pumunta sa templo sa unang pagkakataon:
1. Magtuon sa mga Katotohanan kaysa sa mga Opinyon
Kapag dumalo sa templo sa unang pagkakataon ang isang taong mahal natin, natural lang na gusto nating ibahagi sa kanya ang sarili nating mga karanasan. Pero kailangan nating tiyakin na ang ibinabahagi natin ay nakatuon sa mga katotohanan ng ebanghelyo sa halip na sa sarili nating mga opinyon.
Ang tamang impormasyon ay nagtutulot sa ating mga mahal sa buhay na magtuon sa Tagapagligtas at hindi mahikayat na magkaroon ng isang partikular na damdamin tungkol sa kanilang mga karanasan sa templo. Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Nakabatay ang mabuting inspirasyon sa mahusay na impormasyon.”1
Maaari kang magbahagi ng tamang impormasyon (at maging ng mga larawan!) tungkol sa templo mula sa kurso sa paghahanda para sa templo, sa mga banal na kasulatan, at sa temples.ChurchofJesusChrist.org. Kung minsa’y maaari tayong kabahan kung ano ang ibabahagi, pero sa pagbaling sa resources sa halip na sa ating mga opinyon, hindi tayo kailangang mag-alala na baka labis-labis ang ibinabahagi natin.
Sa pagbibigay ng tamang impormasyon tungkol sa templo, nag-aalok tayo ng mas maliwanag na pananaw tungkol sa templo. Ang mga opinyon ay kadalasang nakatuon sa ating mga damdamin at karanasan, samantalang ang impormasyon tungkol sa ebanghelyo ay nakatuon sa pagtutulot sa inyong mahal sa buhay na magkaroon ng sarili niyang karanasan sa templo.
2. Isaalang-alang ang mga Salitang Ginagamit Mo
Anong mga paglalarawan tungkol sa templo ang natanim sa iyong isipan? Halimbawa, sabi ni Pangulong Nelson, “Bawat templo ay isang tanglaw ng liwanag at pag-asa.”2
Maaari nating piliin ang mga salitang magbibigay ng pag-asa at kaliwanagan sa mga mahal natin sa buhay na naghahanda para sa kanilang karanasan sa templo. Maaari nating iwasan ang mga negatibong paglalarawan tungkol sa templo (tulad ng “kakatwa” o “kakaiba”), at maaari nating piliing gamitin ang mga paglalarawang positibo at nakasentro kay Cristo (tulad ng “kapayapaan” at “pag-asa”).
Nakakatulong sa akin ang isipin ang maraming magagandang larawang nakita ko sa loob ng templo, at madalas kong ibahagi ang mga larawang iyon sa mga kaibigan o kapamilyang naghahandang pumunta.3 Anong mga damdamin at emosyon at salita ang naiisip mo kapag nakikita mo ang mga larawang iyon? Sikaping gawing nakasisigla ang pagsasalita mo tungkol sa templo.
3. Maghanap ng mga Sagot mula sa Resources ng Ebanghelyo
Dahil sa ating pagmamahal at matinding paggalang sa templo, maaaring madaling makadama ng takot na pag-usapan ito. Maaari tayong maguluhan at mag-isip kung ano ang OK na sabihin. Alam ko na natuon ako nang hindi sinasadya sa kultura ng pagsasabi sa mga mausisang kaibigan at kapamilya na hindi natin maaaring pag-usapan ang nangyayari sa loob ng templo.
Gayunman, nang maglingkod ako sa loob ng templo at mas nalaman ko ang tungkol dito, natanto ko na mas marami pala tayong maibabahagi kaysa inakala ko!4
Halimbawa, maibabahagi natin na “ang isang endowment ay literal na isang ‘kaloob.’”5 Ang endowment sa templo ay isang kaloob ng mga sagradong pagpapala mula sa Diyos sa bawat isa sa atin, at kabilang sa ilan sa mga pagpapalang iyon ang:
-
“Higit na kaalaman tungkol sa mga layunin at turo ng Panginoon.
-
Kakayahang gawin ang lahat ng nais ng Diyos na gawin natin.
-
Banal na patnubay at proteksyon habang naglilingkod tayo sa Panginoon, sa ating mga pamilya, at sa iba.
-
Dagdag na pag-asa, kapanatagan, at kapayapaan.
-
Ipinangakong mga pagpapala ngayon at magpakailanman.”6
Maaari din nating pag-usapan ang mga tipang ginagawa natin sa loob ng templo. Ang maganda tungkol sa templo ay na tinutulutan tayo nitong mas mapalapit sa Diyos at mapatatag ang ating kaugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng paggawa ng mga karagdagang pangako sa Kanya. Ang mga tipang ito ay ang:
-
“Batas ng Pagsunod, na kinabibilangan ng pagsisikap na sundin ang mga utos ng Diyos.
-
Batas ng Sakripisyo, na ibig sabihin ay gawin natin ang lahat ng makakaya natin para suportahan ang gawain ng Panginoon at magsisi nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu.
-
Batas ng Ebanghelyo, na siyang mas mataas na batas na itinuro Niya noong narito Siya sa lupa.
-
Batas ng Kalinisang-puri, na ibig sabihin ay magkaroon tayo ng seksuwal na relasyon sa tao lamang kung kanino tayo ikinasal nang legal at naaayon sa batas ng Diyos.
-
Batas ng Paglalaan, na ibig sabihin ay ilaan ang ating oras, mga talento, at lahat ng naipagkaloob sa atin ng Panginoon sa pagtatayo ng Simbahan ni Jesucristo sa lupa.”7
Kapag nagbabahagi tayo ng mga positibong mensahe tungkol sa templo, mas ipinadarama natin sa ating mga mahal sa buhay na sila ay malugod na tinatanggap at handang dumalo sa unang pagkakataon. Maaari natin silang tulungang asamin na mapalalim ang kanilang kaugnayan kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga tipan sa templo.
4: Magbahagi ng mga Positibong Karanasan
Ang pinaka-natutuhan ko tungkol sa templo ay na sa tamang impormasyon, hindi ito talaga kakaiba. Sa katunayan, karamihan—kung hindi man lahat—ng impormasyon at mga pagpapalang natatanggap natin sa templo ay pamilyar sa itinuturo sa atin araw-araw sa ebanghelyo.
Sa pamamagitan ng aking mga karanasan, natutuhan ko na ang takot ay hindi nagmumula sa Panginoon. Kapag iniiwasan nating pag-usapan ang templo o sinusubukang pag-usapan ito gamit ang malalabong babala o pag-aalala, binibigyan nito ang kaaway ng higit na kapangyarihang pawiin ang ganda ng templo. Sa halip na paikliin ang ating mga pag-uusap sa pagsasabing, “Kapag patuloy kang bumalik, mas gaganda ang karanasan mo kalaunan,” maaari nating ibahagi ang ating mga positibong karanasan sa pagdalo sa templo.
Kapag natatakot tayong sagutin ang mga tanong tungkol sa templo, maaaring isang paanyaya iyan mula sa Panginoon na lalo pa tayong mag-aral tungkol sa templo. Hindi lamang tayo pagpapalain nito kundi pagpapalain din nito ang mga nasa paligid natin. Nilayon ng Panginoon na mapagpala tayo ng templo, hindi para takutin tayo.
Tandaan ang sinabi ni Pangulong Nelson: “Ang paggawa ng mga tipan at pagtanggap ng kinakailangang mga ordenansa sa templo, gayundin ang paghahangad na mas mapalapit sa Kanya roon, ay magpapala sa inyong buhay sa mga paraang hindi magagawa ng ibang uri ng pagsamba.”8 At habang nagsasalita tayo nang mas positibo tungkol sa bahay ng Panginoon, mas patuloy nating magagabayan ang isa’t isa na bumalik at anyayahan ang mga pagpapalang iyon sa ating buhay.