Lingguhang YA
Sa Mundong Puno ng Ingay, Nag-uukol ba Kayo ng Oras na Damhin ang Katahimikang Nagmumula sa Diyos?
Hunyo 2024


“Sa Mundong Puno ng Ingay, Nag-uukol ba Kayo ng Oras na Damhin ang Katahimikang Nagmumula sa Diyos?,” Liahona, Hunyo 2024.

Mga Young Adult

Sa Mundong Puno ng Ingay, Nag-uukol ba Kayo ng Oras na Damhin ang Katahimikang Nagmumula sa Diyos?

Nang mag-ukol ako ng oras na tumahimik, mas napalapit ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at nadama ko ang Kanilang kapayapaan.

si Jesus na inaakay ang ilang tupa

Ang Panginoon ay Aking Pastol, ni Yongsung Kim, sa kagandahang-loob ng LDSart

Noong nasa elementarya ako, sinusundo ako ng nanay ko mula sa paaralan tuwing Miyerkules para makapag-ehersisyo kami nang kaunti sa paglangoy sa pool nang magkasama. Noong una, hindi ako nasiyahan dito. Halos wala talaga akong gaanong talento sa isports, at nagpunta lang ako para hindi ko na kailanganing sumakay ng bus pauwi mula sa paaralan.

Pero hindi nagtagal ay natanto ko ang mga pakinabang ng lingguhang appointment na ito. Itinuro sa akin ng nanay ko kung paano lakasan ang pagkampay ng mga paa’t kamay ko sa paglangoy, paano iayon ang katawan ko sa tubig, at kailan ako hihinga. Natuklasan ko ang isang mabagal na paraan ng paglangoy ko sa tubig.

Kampay, kampay, kampay, hinga.

Pero ang pinahalagahan ko nang husto ay ang oras na kasama ko ang nanay ko nang walang abala. Hindi ko kinailangang mag-alala kailanman tungkol sa paghabol sa mas matatalino kong kabarkada o sa pagsubaybay sa dami ng paglangoy ko. Kami lang ng nanay ko ang palaging lumalangoy.

Kailan lang, nagsimula akong lumangoy ulit. Naging madali ang muling pag-aaral ng paglangoy. Kampay, kampay, kampay, hinga. Parang pamilyar na ang katahimikang hatid ng karanasan at naging gamot iyon sa aking madalas na natutulirong isipan. Natuklasan ko na sa paghahanap ng lugar kung saan hindi ko naririnig ang karamihan ng ingay sa paligid ko, di-gaanong naaapektuhan ng mga impluwensya sa labas ang mga iniisip ko.

Sa nakalaang oras na ito para sa sarili ko, kapag hindi ko inaabot ang cell phone ko o tinitingnan ang listahan ng mga dapat kong gawin, nakita ko na kung gaano kahalaga ang isang tahimik na kapaligiran. Dahil sa pagwawaksi sa ilan sa labis na mga ingay sa araw-araw kong buhay, nagiging mas madali para sa akin na ibaling ang aking isipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

At sa regular na paghahangad sa katahimikang ito, mas madalas akong nagkaroon ng mga espirituwal na karanasan sa buhay ko. Ang pagpatay sa cell phone ko o paglayo sandali sa araw-araw kong mga gawain ay isang paraan para masabi kong, “Ama sa Langit, inihanda ko na ang sarili ko na mas mapalapit sa Inyo. Handa na akong makinig.”

Maraming beses, habang naghihintay at nakikinig ako, wala akong naririnig na tinig o kahit isang partikular na naiisip, kundi sa halip ay nakadarama ako ng katahimikan. Sa katahimikang ito dumarating ang sigla, kapayapaan, at pagiging malapit sa Diyos at kay Jesucristo (tingnan sa Mga Awit 46:10). Nadarama ko na nag-iibayo ang mga pagsisikap kong umayon sa Kanila. Sa huli, ang paghahangad ng mga sandali ng katahimikan na walang abala na tulad nito ang nagtulot sa akin na madama na malapit ako sa aking Ama sa Langit at sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo, makilala Sila, at marinig Sila.

Pakikinig sa Mabuting Pastol

Sa paglipas ng mga taon natutuhan kong hanapin ang katahimikang nagmumula sa Diyos sa iba pang mga paraan. Halos buong pagtanda ko, napag-aralan ko ang mga painting, na may espesyal na tuon sa mga sagradong bagay. Nakakita ako ng maraming painting na maaaring hindi mukhang relihiyoso sa isang taong patingin-tingin lang pero sagrado pa rin para sa akin.

Ganoon ang isang simpleng painting ng isang pastol na umaakay sa isang maliit na kawan ng mga tupa sa isang tanawing natatakpan ng hamog. Ang pamilyar na simbolo ng pastol sa painting na ito ay nagpapaalala sa Juan 10:27: “Pinapakinggan ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking kilala, at sila’y sumusunod sa akin.”

Tulad ng itinuro nang maraming beses sa buong banal na kasulatan, inanyayahan na tayo ng Ama sa Langit na pakinggan ang tinig ng Kanyang Anak na si Jesucristo (tingnan sa Mateo 17:5; 3 Nephi 11:7; Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). Mula nang makita ko ang painting na ito sa unang pagkakataon, naging paalala na ito sa akin kung ano ang ibig sabihin ng pakinggan ang tinig ni Jesucristo, ang Mabuting Pastol, sa ating pang-araw-araw na buhay.

Naging bingi ang pintor ng painting na ito na si Granville Redmond sa murang edad at, dahil dito, nagkaroon siya ng partikular na kakayahang magpinta ng mga larawan na kahit paano ay mararamdaman ang katahimikan.

Tulad noong makalikha ang pintor na ito ng sagrado at makabuluhang pakiramdam sa pamamagitan ng madamdaming painting na ito nang walang mga salita, madalas ding mangusap ang Mabuting Pastol sa Kanyang kawan sa isang tinig na hindi binibigkas kundi nadarama—para lamang sa mga may “pandinig [para] makinig” (Mateo 13:9). Ang larawang ito, na ipininta ng isang pintor na malinaw na naunawaan ang kahalagahan ng kawalan ng salita, ay naituro sa akin ang kapangyarihan ng ibang uri ng pakikinig—hindi sa pisikal na mundo, kundi sa espirituwal. Hindi pakikinig sa salita, kundi nang kaluluwa sa kaluluwa.

Sinabi minsan ng isang malapit na kaibigan ni Granville Redmond tungkol sa kanya: “Kung minsa’y iniisip ko na ang katahimikan kung saan siya nakatira ay nagbigay sa kanya ng kaunting kahulugan, ng malaking kakayahang lumigaya na wala sa atin. Nagpipinta siya ng pag-iisa na walang ibang makagawa, gayunpaman, isang kabalintunaang mahirap maunawaan, ang kanyang pag-iisa ay hindi kailanman kapanglawan.”1

Nang pag-isipan ko ang painting na ito sa paglipas ng mga taon, naghatid ito ng pamilyar na damdaming naranasan ko sa kalmadong swimming pool, na naghahangad na mapalapit sa Diyos at marinig ang tinig ng Mabuting Pastol. Sa paghahangad na iyon, nalaman ko na ang aking mga personal na ideya at kilos ay iniimpluwensyahan ng pakiramdam na malapit ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at hindi ko kailangang marinig ang Kanilang tinig para magkaroon ng espirituwal na karanasan sa Kanila.2

Paghahanap ng Katahimikan

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang pakikinig ay mahalagang bahagi ng panalangin. Ang mga sagot mula sa Panginoon ay napakatahimik kung dumating. Kaya pinayuhan Niya tayo na ‘mapanatag at malaman na ako ang Diyos’ (D&T 101:16).”3

Ang mga paraan na natatagpuan natin na tumahimik at makinig sa tinig ng Panginoon ay magiging iba para sa lahat. At natuklasan ko na, depende sa mga sitwasyon ko sa buhay, ang ilang pamamaraan sa paghahanap ng katahimikan ay mas madali kaysa sa iba.

May mga pagkakataon na nakadama ako ng katahimikan sa pag-aliw sa isang kaibigang nag-aalala, pakikinig sa patotoo ng isang mahal sa buhay, o pag-upo kasama ang aking mga sister sa Relief Society class. Sa ibang mga pagkakataon nakatagpo ako ng katahimikan sa pamamagitan ng pagpapasimple ng aking napakabigat na iskedyul, paggugol ng oras sa labas, o pagbubuklat ng aking mga banal na kasulatan.

Kapag nakaupo ako sa sacrament meeting at naririnig ko ang kaluskos ng mga trey at cup at pag-ingit ng mga sanggol, napapanatag ako sa katotohanan na kahit sa gitna ng mga taong nakapaligid sa akin, maaari akong magtuon [sa sakramento] at makipag-ugnayan sa Diyos. Tulad ng naipahayag ni Pangulong Nelson, maaari akong “[makahanap] ng kapahingahan mula sa kasidhian, kawalang-katiyakan, at kahirapan ng mundong ito sa pagdaig sa mundo sa pamamagitan ng [aking] mga tipan sa Diyos.”4

Kapag nakaupo ako sa silid-selestiyal ng templo—marami man ang mga tao roon o kaunti—maaari ako makipag-ugnayang muli sa Diyos. Sa mga sagradong lugar na iyon ko higit na naaalala na huwag magmadali, tumahimik, at pumayapa. At sa mga sagradong lugar na iyon ko higit na nadarama na handa akong ibuhos ang nilalaman ng puso ko sa aking Ama at tanggapin ang sagradong katahimikang naihanda Niya para sa akin. (Tingnan sa Galacia 5:22–23.)

Paglapit sa Diyos

Sa Kanyang buong ministeryo, inihiwalay ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa dumarami Niyang mga disipulo. Sa pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo, mababasa natin na “inakay ng Espiritu si Jesus[, patungo] sa ilang, upang makasama ang Diyos” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:1 [sa Mateo 4:1, footnote b]). Nabalanse ng Tagapagligtas ang mga prayoridad sa Kanyang buhay, at nagpapasalamat akong malaman na sa Kanyang mga himala at turo, nag-ukol Siya ng panahon na mapag-isa sa piling ng Kanyang Ama.

Hindi ko malalaman kung ano ang maaaring naibahagi sa pagitan ng Banal na Ama at ng Anak sa mga sandaling iyon, pero sinikap ko nang hangarin mismo ang mga karanasang iyon. Kahit may mabubuting bagay sa abala kong buhay, wala nang iba pang nakapag-anyaya ng mas espirituwal na mga karanasan kaysa sa pag-uukol ng oras na tumahimik at makipag-ugnayan sa aking Ama sa Langit.

Hindi ko alam noong nasa elementarya ako na nang anyayahan ako ng nanay ko na lumangoy kami linggu-linggo, tinuturuan din pala niya ako kung paano maghangad ng katahimikan at makinig sa tinig ng Mabuting Pastol. Nang lumaki na ako at magsanay sa paghahanap ng mga panahon at lugar para makipag-ugnayan sa Diyos, lalo kong natanto na ang Diyos ay laging nariyan at sabik na naghihintay na mas mapalapit ako sa Kanya.

Ang pag-uukol ng oras na palagiang makipag-ugnayan sa Diyos ay isang oportunidad na mapakinggan natin ang tinig ng Kanyang Pinakamamahal na Anak. At kapag hinahanap natin ang ating Ama sa Langit at si Jesucristo, tumatanggap tayo ng kapayapaan, kapanatagan, at patnubay mula sa Kanila. May matatamis na karanasang nakalaan sa atin kapag inihiwalay natin ang ating sarili sa mundo. At natuklasan ko na kapag higit ko itong ginagawa, higit kong nadarama ang katahimikang nagmumula sa Diyos.

Mga Tala

  1. A.V. Ballin, “Granville Redmond, Artist,” The Silent Worker, tomo. 38, blg. 2 (1925), 89.

  2. Sabi ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Nangungusap ang Espiritu Santo sa isang tinig na mas nadarama ninyo kaysa naririnig”(“Personal Revelation: The Gift, the Test, and the Promise,” Ensign, Nob. 1994, 60).

  3. Russell M. Nelson, “Listen to Learn,” Ensign, Mayo 1991, 24.

  4. Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 97; binigyang-diin sa orihinal.