Lingguhang YA
7 Simpleng Paraan ng Paggamit ng Teknolohiya para sa Gawain ng Diyos ukol sa Kaligtasan at Kadakilaan
Hunyo 2024


Digital Lamang

7 Simpleng Paraan ng Paggamit ng Teknolohiya para sa Gawain ng Diyos ukol sa Kaligtasan at Kadakilaan

Sa loob ng pitong araw, makakatulong kayong baguhin ang inyong sarili at baguhin ang mundo.1

dalagitang nakatingin sa kanyang cell phone habang nakatayo sa harap ng isang painting

“Gusto ba ninyong maging malaking bahagi ng pinakamalaking hamon, pinakadakilang layunin, at pinakadakilang gawain sa lupa ngayon?”2

Noong Hunyo 3, 2018, itinanong ito ni Pangulong Russell M. Nelson sa isang debosyonal na nag-aanyaya sa mga indibiduwal na sumali sa batalyon ng Panginoon, o sa madaling salita, na tipunin ang Israel.

“Ipinadala kayo sa mundo sa panahong ito, sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng mundo, upang tumulong na tipunin ang Israel,” sabi ni Pangulong Nelson. “Wala nang ibang nangyayari sa daigdig na ito ngayon mismo na mas mahalaga pa kaysa riyan. … Ito ang misyon ninyo dito sa lupa.”3

Naisip na ba ninyo kung paano tayo nabiyayaan ng Diyos ng teknolohiya para tulungan tayo sa gawaing ito?4 Bagama’t maraming paraan para magawa ito, narito ang pitong ideya na maaari ninyong subukan sa linggong ito para makapagsimula kayo sa habambuhay na pakikilahok sa gawain ng Diyos ukol sa kaligtasan at kadakilaan. Tandaan na mga ideya lamang ito para tulungan kayong magpraktis. Mapanalanging isipin kung alin sa sumusunod na mga ideya at mithiin—at mga bagong ideyang dumarating sa inyo sa pamamagitan ng paghahayag—ang pinakamainam para sa inyo.

Araw 1: Maghanap ng mga Oportunidad na Maglingkod

Tulad ni Jesucristo, nagsisikap tayong maglingkod sa iba.

Sa mga usap-usapan, maririnig natin ang iba’t ibang oportunidad na maglingkod para tulungan ang mga kaibigan, pamilya, at kapitbahay. Sa tulong ng teknolohiya, makakahanap tayo ng mas marami pang oportunidad na tumulong sa ating lokal na komunidad o sa mga tao sa buong mundo.

Ngayon, sikaping maghanap ng mga paraan para maibahagi ang pagmamahal na tulad ng kay Cristo sa pamamagitan ng paglilingkod. Kung maaari, maghanap ng aktibidad sa paglilingkod na gagawin ngayon o mag-sign up para sa isang paparating na proyekto. Anyayahan ang mga kaibigan, kapamilya, at inyong ward o branch na sumali!

Kung hindi kayo sigurado kung saan magsisimula, ang JustServe.org ay maaaring may ilang oportunidad para magboluntaryo sa inyong lugar.

Tandaan ang itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Saan man naninirahan, ang mga miyembro ng Simbahan ay may masidhing damdamin sa pagiging Ama ng Diyos at pagkakapatiran ng mga tao. Kaya, ang ating [pinakamalaking] kagalakan ay nagmumula sa pagtulong sa ating mga kapatid, saan man tayo nakatira sa kamangha-manghang mundong ito.

“Ang pagbibigay ng tulong sa iba—ang matapat na pagsisikap na pangalagaan ang iba tulad ng o higit pa sa pangangalaga natin sa ating sarili—ang ating kagalakan. Lalo na, kung maaari kong idagdag, kapag ito ay hindi maginhawa at kapag kailangan nating gawin ang isang bagay na hindi natin karaniwang ginagawa. Ang pamumuhay ng ikalawang dakilang kautusang iyon ang susi para maging tunay na disipulo ni Jesucristo.”5

Araw 2: Pangalagaan ang Kasaysayan ng Pamilya

Gamit ang makabagong teknolohiya, maaari nating pangalagaan ang kasaysayan natin mismo at ng ating mga ninuno!

Ngayon, isiping gawin ang isa sa mga sumusunod: mag-digitize ng naka-print na mga larawan, magtala at mag-digitize ng mga kuwento ng pamilya, magsimula ng isang digital journal, o kumuha ng mga retrato at video ng mahahalagang alaala.

Ang FamilySearch.org ay napakagandang tool na maaari nating gamitin para makumpleto ang aktibidad na ito. Inilarawan ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang FamilySearch website na may taglay ng “koleksyon ng mga talaan, sanggunian, at serbisyong madaling makuha gamit ang [mga personal] computer at iba’t ibang nahahawakang device, na nilayong tulungan ang mga tao na matuklasan at maidokumento ang kanilang family history.”6

Sa FamilySearch.org, matatagpuan natin ang gawain sa templo na kailangang gawin para sa ating pamilya o ang index data para matulungan ang iba na maghanap ng mga talaan tungkol sa kanilang mga ninuno.

Ang FamilySearch Memory at FamilySearch Tree apps ay maaari ding makatulong sa atin sa mga pagsisikap na ito!

Araw 3: Makipag-usap sa mga Kaibigan at Pamilya

Ang pakikipag-ugnayan sa mga mahal natin sa buhay ay maaaring magpasaya at magpadama sa kanila na sila ay pinahahalagahan. Gamit ang teknolohiya, maaari tayong tumawag, mag-text, o direktang magpadala ng mensahe sa mga kaibigan at kapamilya, gaano man sila kalapit o kalayo.

Ngayon, mag-ukol ng sandali para tumawag o magpadala ng mensahe sa isang taong nangangailangan ng inyong kabaitan, inyong pasasalamat, o kaya’y hingan ng paumanhin.

Sabi ni Pangulong Nelson: “Ngayon, hinihiling ko sa atin na makipag-ugnayan sa iba sa mas dakila at mas banal na paraan. … ‘Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita o maipagkakapuri’ [Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13] na masasabi natin tungkol sa ibang tao … iyan dapat ang ating maging pamantayan sa pakikipag-usap.”7

Araw 4: Magbahagi at Mag-anyaya

Ang social media ay maaaring isang magandang kasangkapan para makipag-usap at magbahagi ng nakasisiglang mga mensahe at ng ebanghelyo sa lahat ng mga anak ng Diyos.

Sabi ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga miyembro ng Simbahan ay tumatayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon, sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar. Ang mga pagkakataong gawin ito sa internet gamit ang nagbibigay-inspirasyong nilalaman na sariling gawa natin o pagbabahagi ng nakasisiglang nilalaman na ginawa ng iba ay walang katapusan. Nagpapatotoo tayo kapag nagmamahal, nagbabahagi, at nag-aanyaya tayo kahit sa online. Ang inyong mga tweet, direct message, at post ay magkakaroon ng mas mataas at mas banal na layunin kapag ginagamit din ninyo ang social media upang ipakita kung paano hinuhubog ng ebanghelyo ni Jesucristo ang buhay ninyo.”8

Ngayon, maaari nating subukang magbahagi ng ating patotoo tungkol kay Jesucristo, ng isang nakasisiglang sipi, o ng isang mensahe kamakailan mula sa pangkalahatang kumperensya na nagbibigay-inspirasyon. Ang nagpapasiglang mga awitin o painting ay maganda ring mga opsyon para i-share o ibahagi.

Ibinahagi ni Elder Bednar, “Pinapayuhan ko kayo na ipalaganap sa mundo ang mga mensaheng puno ng kabutihan at katotohanan—mga mensaheng tunay, nagpapasigla, at maipagkakapuri—at literal na paabutin sa buong mundo gaya nang isang baha.”9

Araw 5: Magkaroon ng Self-Reliance o Umasa sa Sariling Kakayahan

Para maging self-reliant o makaasa sa sariling kakayahan, kung minsa’y kailangan natin ng tulong mula sa iba.

Ngayon, may isang bagay tayong magagawa para matuto tayo ng self-reliance o umasa sa sariling kakayahan. Halimbawa, maaari nating isaalang-alang na palakasin ang ating patotoo tungkol sa isang partikular na paksa o pag-aralan kung paano ayusin ang isang maliit na butas sa gulong. Maaari nating piliing alamin kung paano magluto ng pagkain para sa isang grupo o sikaping magkaroon ng mga kasanayang kailangan para sa pinapangarap na trabaho. Anuman ang piliin ninyo, planuhing simulang gawin iyon, at pag-isipan kung paano kayo matutulungan ng teknolohiya.

Maaaring magandang pagtanungan ang mga kaibigan at kapamilya para matutuhan ang isang bagong bagay. Gayunman, kung minsa’y wala tayong malapitang sinuman na makakatulong. Bagama’t mahalagang tingnan kung mapagkakatiwalaan ang isang website, makakakita tayo ng mga how-to-video o step-by-step na mga tagubilin na may quick search.

Sa pagsisikap nating magkaroon ng self-reliance o pag-asa sa sarili patungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, maaari nating basahin ang mga banal na kasulatan; mga mensahe at debosyonal; mga manwal sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin; mga magasin ng Simbahan; at iba pa. Makukuha ang lahat ng ito sa ChurchofJesusChrist.org at sa Gospel Library app. Mayroon ding mga feature para magtala, mag-highlight, o mag-bookmark ng mga sipi at page para tulungan tayo. Pagkatapos, maaari nating taimtim na ipagdasal na patotohanan ng Espiritu ang katotohanan ng ating nabasa at para sa personal na paghahayag mula sa Diyos.

Sabi ni Elder Hugo E. Martinez ng Pitumpu: “Ang pagsisikap na maging serl-reliant o umasa sa ating sariling kakayahan ay bahagi ng ating gawain sa landas ng tipan na aakay sa atin pabalik sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Palalakasin nito ang pananampalataya natin kay Jesucristo at masaya tayong ibubuklod sa Kanya sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan. Ang self-reliance o pag-asa sa sariling kakayahan ay doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo, hindi isang programa. Ito ay proseso na nagpapatuloy sa buong buhay natin, hindi isang pangyayari lamang.”10 Kapag ginamit nang matalino, maaari tayong tulungan ng teknolohiya sa habambuhay na pagsisikap na iyan na lalo pang maging self-reliant.

Araw 6: Dagdagan ang Ating Pinag-aralan

Ngayon, maaari nating sikaping matuto ng isang bagong bagay. Pumili ng paksang nakawiwili at magbasa ng isang artikulo, manood ng video, o makinig sa isang podcast. Tingnan kung may mga mensahe kamakailan mula sa mga propeta at apostol tungkol sa partikular na paksang iyon. Isiping ibahagi ang bagong impormasyong ito sa iba!

Maaaring isama sa mga ideya ang pag-aaral ng bagong wika o pagpapalalim ng pang-unawa sa isang espirituwal o akademikong paksa.

Sabi ni Pangulong Nelson, “Mahalaga ang inyong edukasyon—sa amin, sa inyo, at sa Diyos.”11

Ang iba pang mga posibilidad para maragdagan ang ating pinag-aralan ay maaaring mangailangan ng pag-eenrol sa mas mataas na edukasyon. Maraming kolehiyo at unibersidad ang nag-aalok ng mga online course para sa mga degree. (Ang BYU–Pathway Worldwide ay magandang resource para magtamo ng online degree sa abot-kayang halaga!) Maaari pa ngang mag-alok ng mga libreng kurso ang ilang website. Tulad ng pagpapaibayo ng ating self-reliance o pag-asa sa sariling kakayahan, maaari tayong bumaling sa mapagkakatiwalaang mga website para tulungan tayong matuto ng isang bagong bagay para sa habambuhay na pagkatuto.

Araw 7: Magbulay-bulay

Sa huling araw ng pitong-araw na planong ito, huminto at magbulay-bulay. Gaano na kayo lumago at nagbago nang magtuon kayo sa paggamit ng teknolohiya bilang bahagi ng gawain ng Diyos ukol sa kaligtasan at kadakilaan? Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa teknolohiya? Sa mga oras na gumagamit kayo ng teknolohiya, paano kayo nito matutulungang tipunin ang Israel?

Isulat sa papel o online ang inyong mga naiisip at ideya para maalala ninyo ang inyong natutuhan.

Habang pinayayabong natin ang ating kakayahang gumamit ng media para isulong ang gawain ng Diyos, maaari tayong maging halimbawa na susundan ng iba.

Sabi sa Mateo 5:14–16:

“Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago.

“Hindi nila sinisindihan ang isang ilawan at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang patungan at nagbibigay ng liwanag sa lahat ng nasa bahay.

“Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.”

Ang pagbabahagi ng liwanag ni Jesucristo ay isang bagay na magagawa natin habambuhay. Bakit hindi natin gamitin ang resources na naibigay sa atin ng Diyos para isulong ang Kanyang gawain?

Mga Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), Gospel Library.

  2. Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel,” Gospel Library.

  3. Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel,” Gospel Library.

  4. Halimbawa, itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

    “Mapalad tayong mabuhay, matuto, at maglingkod sa lubos na kagila-gilalas na dispensasyong ito. Ang isang mahalagang aspeto ng kaganapan na makukuha natin sa espesyal na panahong ito ay ang mahimalang pag-unlad ng mga inobasyon at imbensyon na nagbigay-kakayahan at nagpabilis sa gawain ng kaligtasan: mula sa tren, telegraph, radyo, kotse, eroplano, telepono, transistor, telebisyon, computer, satellite transmission at internet—at sa halos walang-katapusang listahan ng teknolohiya at kasangkapan na nagpapala sa ating buhay. Lahat ng pag-unlad na ito ay bahagi ng pagpapabilis ng Panginoon sa Kanyang gawain sa mga huling araw. …

    “Pinabibilisan ng Panginoon ang Kanyang gawain, at hindi nagkataon lamang na ang kapaki-pakinabang na mga inobasyon at imbensyong ito sa komunikasyon ay nangyari sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon. Ang mga social media channel ay kasangkapang magagamit ng buong mundo na personal at positibong makakaapekto sa maraming tao at pamilya. At naniniwala ako na dumating na ang panahon para sa atin bilang mga disipulo ni Cristo na gamitin ang mga inspiradong kasangkapang ito nang tama at mas epektibo upang patotohanan ang tungkol sa Diyos Amang Walang Hanggan, ang Kanyang plano ng kaligayahan para sa Kanyang mga anak, at Kanyang Anak na si Jesucristo, bilang Tagapagligtas ng mundo; upang maipahayag ang katotohanan ng [Pagpapanumbalik] ng ebanghelyo sa mga huling araw; at magawa ang gawain ng Panginoon. …

    “[Mahal kong mga kapatid,] ang nagawa na sa dispensasyong ito sa pagbabahagi ng mga mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng social media ay isang magandang simula—ngunit isang maliit na patak pa lamang. Ngayon [ay] inaanyayahan ko kayo na tumulong na gawing malaking baha ang isang patak. Simula [sa lugar na ito] sa araw na ito, pinapayuhan ko kayo na ipalaganap sa mundo ang mga mensaheng puno ng kabutihan at katotohanan—mga mensaheng tunay, nagpapasigla, at maipagkakapuri—at literal na paabutin sa buong mundo gaya ng isang baha” (“Punuin ang Mundo sa Pamamagitan ng Social Media, Liahona, Ago. 2015, 48).

  5. Russell M. Nelson, “Ang Ikalawang Dakilang Kautusan,” Liahona, Nob. 2019, 99–100.

  6. David A. Bednar, “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Liahona, Nob. 2011, 26.

  7. Russell M. Nelson, “Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 99–100.

  8. Gary E. Stevenson, “Pangalagaan at Ibahagi ang Inyong Patotoo,” Liahona, Nob. 2022, 112.

  9. David A. Bednar, “Punuin ang Mundo sa Pamamagitan ng Social Media,” Liahona, Ago. 2015, 49.

  10. Hugo E. Martinez, “Pagtuturo ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan sa mga Bata at Kabataan,” Liahona, Mayo 2022, 95.

  11. Russell M. Nelson, “Makibahagi sa Kasiglahan ng Gawain,” Liahona, Mayo 2013, 45.