Lingguhang YA
Kapag Nag-aalinlangan, Panatilihing Bukas ang Pinto sa Pananampalataya
Hulyo 2024


Mga Young Adult

Kapag Nag-aalinlangan, Panatilihing Bukas ang Pinto sa Pananampalataya

Bagama’t kung minsan ay nag-aalinlangan tayo sa mga espirituwal na karanasan natin, ang katiyakang nadama natin ay maaaring bumulusok pabalik.

woman standing before open door

Lumaki man tayo sa Simbahan o naging miyembro kalaunan sa ating buhay, marahil marami sa atin ang nakaranas ng mga sandaling nagtanong o nag-alinlangan tayo. Maaaring nagkaroon na tayo ng mga kamangha-manghang espirituwal na karanasan ngunit ngayon ay nasusumpungan natin ang ating sarili na nagtatanong: Totoo ba ang mga espirituwal na karanasang iyon, o imahinasyon ko lang na naramdaman ko ang Espiritu? Paano kung walang totoo sa mga ito? At paano ang mga tanong ko na hindi pa nasasagot? Paano ako mananatili sa Simbahan kung hindi ko tiyak kung totoo nga ito?

Para sa akin, nagulat ako na dumating ang mga tanong na ito matapos akong magmisyon! Noon pa man ay alam ko na ang katotohanan at matibay ang paniniwala ko rito kaya ninais kong ipangaral ito sa iba sa loob ng isa at kalahating taon—at ngayon ay pinag-aalinlanganan ko ang lahat ng nalaman at itinuro ko. Sayang talaga ang panahong nagmisyon ako kung walang totoo rito. Kaya ito ba ay totoo, ang lahat ng itinuro ko? O gusto ko lamang ba na maging totoo ito? Matapos kong masaksihan ang pag-alis sa Simbahan ng mga kaibigan ko at habang nahihirapan akong palakasin ang aking sariling pananampalataya, naisip ko kung niloko ko lang ba ang aking sarili.

Sa panahong ito, hindi ako tumigil sa pagsisimba o pagsunod sa mga kautusan dahil may mabibigat akong tanong. Sa halip, dahil may mga tanong ako, sinikap kong sundin ang payo ni Pangulong Russell M. Nelson na “dagdagan pa ang espirituwal na kakayahan [ko na] makatanggap ng personal na paghahayag.”1

Alam ko na “walang makapagbubukas ng kalangitan nang higit sa magagawa ng pinagsama-samang kadalisayan, lubos na pagsunod, masigasig na paghahanap, araw-araw na pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa Aklat ni Mormon, at pag-uukol palagi ng oras para sa templo at gawain sa family history.”2 Naramdaman ko na mahalagang manatiling malapit sa Diyos. Talagang Siya lamang ang may mga kasagutan sa mga tanong ko.

Ang Kuwento ni Eunice

Isang araw habang binabasa ko ang Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, nabasa ko ang isang kahanga-hangang kuwento tungkol sa isang babae sa mga unang taon ng Pagpapanumbalik. Tila pareho kami ng mga tanong at pangamba ni Eunice Franklin.

Nabinyagan si Eunice sa New York ng isang missionary na nagngangalang Elijah Able. Talagang naniwala siya sa ebanghelyo kaya siya nagpabinyag. Ngunit nang umalis si Elijah para mangaral sa Canada, nagsimulang mag-alinlangan si Eunice sa ebanghelyo at sa alam niyang totoo noon. Nagsimula siyang isipin kung talagang propeta si Joseph Smith at kung totoong banal na kasulatan ang Aklat ni Mormon. Ilang gabi siyang hindi makatulog, iniisip na baka nalinlang siya.

Ipinakita ng Panginoon kay Elijah sa isang panaginip ang pag-aalinlangan ni Eunice, at kaagad na bumalik si Elijah sa New York. Nang kumatok si Elijah sa kanyang pintuan, nagulat si Eunice—balak na ni Eunice na sabihin sa kanya kapag muli silang nagkita na hindi na siya naniniwala. Sa halip, pinapasok niya si Elijah. Nang anyayahan siya ni Elijah sa kanyang sermon nang gabing iyon, nag-atubili siya at ayaw niyang pumunta. Ngunit sa huli ay pumayag siya at nagpunta roon para makinig sa sasabihin nito.

Sa kanyang sermon, binanggit ni Elijah ang 1 Pedro 4:12, na nagsasabing “huwag kayong magtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok na dumarating sa inyo upang kayo’y subukin.” Ang mahigpit na pagsubok na nagtangkang wasakin ang pananampalataya ni Eunice ay hindi nagtagumpay—habang nakikinig si Eunice sa pagsasalita ni Elijah, unti-unting napawi ang kanyang mga pag-aalinlangan. Ganito ang pagkakasabi sa Mga Banal : “Ang katiyakan na minsan niyang nadama ay bumalik sa kanya.”3

Bumalik ang Katiyakan

Tumimo sa akin ang karanasan ni Eunice, at inisip ko ito nang paulit-ulit. Tulad ni Eunice, may natutuhan ako mula sa simple at makapangyarihang mga salita ni Elijah. Dapat ay “huwag [tayong] magtaka” na may mga tanong tayo tungkol sa ating pananampalataya. Talagang OK lang iyan. Bagama’t kung minsan ay tila ibinubuhos nang sagana ng langit ang katotohanan, kalaunan ay maaaring may mga sandali na makadarama tayo ng tagtuyot sa espirituwal. Maaaring isipin natin kung talagang nakadama ba tayo ng espirituwal na pagpapatibay. Kapag wala pang ibinibigay na sagot o pagpapatibay, maaari tayong patuloy na manalangin para sa pagbuhos ng paghahayag. Makahahanap tayo ng patunay para malaman na ang totoo kahapon ay totoo pa rin ngayon. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung ito ay tama nang ipinagdasal ninyo ito at nagtiwala rito at ipinamuhay ito, ito ay tama ngayon. … Harapin ang inyong mga pag-aalinlangan. Daigin ang inyong mga takot.”4

Sa pagbubukas muli ng pinto sa kanyang kaibigang missionary, kahit nagtaka siya kung bakit dapat niyang gawin iyon, muling binuksan ni Eunice ang kanyang puso. Muling maiimpluwensyahan ng Panginoon si Eunice at matutulungan siyang makadama ng pagpapatibay sa lahat ng alam niyang tama noon. Sa gayunding paraan, bawat isa sa atin ay maaaring iwang nakabukas ang pinto sa pananampalataya kahit nag-aalinlangan tayo. Maipagpapatuloy natin ang paggawa ng tama at paghahanap ng paghahayag—kahit hindi tayo nakatitiyak kung bakit talaga natin ginagawa ito.

Pinananatili nating bukas ang ating pinto sa pamamagitan ng patuloy na paggawa ng maliliit na bagay na sinabi sa atin ng Diyos na makabubuti sa ating mga kaluluwa. Pinananatili nating banal ang araw ng Sabbath at dumadalo sa ating mga miting. Nagbabasa tayo ng mga banal na kasulatan, kahit isang talata lang kung minsan. Nakikinig tayo ng himno o mensahe sa kumperensya. Kinakausap natin ang Ama sa Langit tungkol sa ating mga alalahanin at inaasam at hinihiling sa Kanya na tulungan tayong malaman ang katotohanan. Sinusunod natin ang mga kautusan, nagsisisi, at hinahangad ang patnubay ng Espiritu Santo.

Kung wala tayong higit na naisin kundi ang maniwala, maipagpapatuloy pa rin nating gawin ang maliliit na bagay at hayaang ang pagnanais na ito ay umiral sa atin. Maaari tayong mag-iwan ng puwang sa ating puso para higit na lumaki ang paniniwala. (Tingnan sa Alma 32:27.)

Ano ang Alam Ko

man standing before open door

Bagama’t paminsan-minsan ay nag-iisip, nagtataka, at nag-aalinlangan ako, nalaman ko at muli kong nalaman sa aking sarili na ito ay Simbahan ni Cristo. Bagama’t maaaring hindi perpekto si Joseph Smith, alam ko na siya ay isang propeta na binigyang-inspirasyon ng Diyos na nagsakripisyo ng lahat ng bagay at ginawa ang lahat ng kanyang makakaya. Alam ko rin na ang Aklat ni Mormon ay totoong sinaunang talaan at banal na kasulatan na iningatan para lamang sa ating panahon. Patuloy na pinagtitibay ng Ama sa Langit ang mga katotohanang ito sa akin araw-araw. At masaya ako na pinagtibay din Niya ang mga katotohanang ito kay Eunice Franklin.

Alam ko na kapag pinanatili nating bukas ang ating mga pinto at puso sa katotohahan, tutulungan tayo ng Diyos na malaman ang totoo at hindi totoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang ating mga espirituwal na karanasan ay hindi mapag-aalinlanganan, At bawat sandali pagkatapos niyan, kapag nadama nating muli na unti-unting nagkakaroon ng pag-aalinlangan, maipapaalala natin sa ating sarili ang naramdaman natin. Tulad ng nangyari kay Eunice, ang katiyakang nadama natin tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo ay maaaring bumalik.

Hindi natin kailangang mamuhay nang may pag-aalinlangan nang napakatagal kung mananangan lamang tayo sa ating mga espirituwal na karanasan. Sinabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol na upang “[maalala] ang inyong mga sagradong alaala. … Magtiwala na dumarating ang mga ito sa inyo mula sa inyong Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Hayaan silang maghatid ng pagtitiis sa inyong mga pagdududa at pag-unawa sa inyong mga paghihirap. Ipinapangako ko sa inyo na kapag malugod ninyong kinilala at maingat na pinahalagahan ang mga pangyayari na espirituwal na nagpapatibay sa inyong buhay, mas marami pang darating sa inyo.”5

Alam ko na para sa mga yaong nagsisikap na magkaroon ng bagong mga espirituwal na karanasan at manampalataya kay Jesucristo, ang pangakong ito ay totoo: “ang sumasampalataya [kay Cristo] ay hindi kailanman mauuhaw” (Juan 6:35). Ang mga sagot na kailangan natin ay darating. Mapaglalabanan natin ang matitinding tukso na inihahagis ni Satanas sa ating daraanan. At magagawa nating manatiling tapat sa ating mapagmahal na Diyos sa lahat ng ating mga araw.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96.

  2. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” 95.

  3. Tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), 360–63.

  4. Jeffrey R. Holland, “Cast Not Away Therefore Your Confidence” (Brigham Young University devotional, Mar. 2, 1999), 4, speeches.byu.edu.

  5. Neil L. Andersen, “Mga Alaala na Espirituwal na Nagpapatibay,” Liahona, Mayo 2020, 21–22.