Digital Lamang: Mga Young Adult
Mga Katotohanang Nakatulong sa Akin na Magtiwala sa Kapangyarihan ng Tagapagligtas na Baguhin Ako
Ang awtor ay naninirahan sa Samoa.
Ang pagtanggap sa Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan ay makakatulong sa atin na lumago at magbago.
Naramdaman mo na ba na parang napakaraming beses ka nang nagkamali? Na parang wala nang saysay na magsimulang muli at subukang muli, dahil patuloy mo lang magagawa ang mga pagkakamaling iyon?
Naalala ko tuloy ang isang araw na pakiramdam ko ay wala na akong pag-asa at hindi ako makagalaw. Umiyak ako sa matalik kong kaibigan tungkol sa kahinaan ko. Isang kahinaan na pakiramdam ko ay noon ko pa taglay.
Hindi maganda ang epekto nito sa damdamin ko, at sa totoo lang, ni ayaw ko ngang subukang daiging muli ang aking kahinaan. Ilang taon ko nang pinagsisikapang matanggap ang aking endowment at magkapagmisyon, pero pinipigilan ako ng aking kahinaan. Pakiramdam ko ay ni hindi ako karapat-dapat na patuloy na magsikap na maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Noong gabing iyon, gusto ko na lang sumuko. Pero ang pagmamahal at suporta ng kaibigan ko ay nagpaalala sa akin ng ilang karanasan na nagpapanatiling matibay sa aking patotoo at tumutulong sa akin na magtiwala sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na baguhin ako.
Baka sakaling makatulong din ang mga ito sa inyo.
Pagsisisi—ang Susi sa Pag-unlad
Inaamin ko—hindi ako palaging naniniwala sa pangako ni Jesucristo na kaya Niyang “[gawin] … ang mahihinang bagay na maging malalakas” (Eter 12:27). Pakiramdam ko ay napakaraming beses na akong nagkamali at na hindi para sa akin ang Kanyang pangako ng kapatawaran.
Ngunit ang pag-aaral ng higit pa tungkol sa kaloob ng pagsisisi ay nagpabago sa aking pamamaraan sa pagdaig sa kahinaan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “pagsisisi ang susi sa pag-unlad.” Ang pagsisisi ay hindi isang bagay na ginagawa natin kapag naayos na natin ang ating sarili at handa na tayong magpatuloy mula sa ating mga paghihirap; ito ay kung paano natin inaanyayahan ang kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay.
Madalas kong madama na alam na alam ni Satanas kung paano pahinain ang loob ko. Pero tulad din ng itinuro ni Pangulong Nelson: “Sana huwag matakot sa o ipagpaliban ang pagsisisi. Natutuwa si Satanas sa inyong kasawian. Putulin ito agad. … Mahal tayo ng Tagapagligtas sa tuwina ngunit lalo na kapag nagsisisi tayo.”
Natagalan, pero natututo na akong magtiwala sa huli na nais ng Tagapagligtas na magsisi ako. Nais Niyang bumalik ako upang mamuhay sa piling Niya at ng Ama sa Langit.
Pag-unawa sa Dalisay na Pag-ibig ni Cristo
Ang walang-katapusang mga paanyaya ng Tagapagligtas na magsisi ay nakatulong sa akin na tingnan ang iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo sa isang bagong pananaw—gaya ng pag-ibig sa kapwa-tao. Sa Simbahan, binibigyang-kahulugan natin ang pag-ibig sa kapwa-tao bilang “pinakadakila, pinakamarangal, pinakamasidhing uri ng pag-ibig, hindi lamang pagkagiliw; ang dalisay na pag ibig ni Cristo.” Noon pa man ay naniniwala na ako sa kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa-tao, pero sa palagay ko ay hindi ko naunawaan kung paano magsisimulang magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao hanggang sa unti-unti kong naunawaan kung paanong ang alok ng Tagapagligtas na patawarin ang aking mga kasalanan tuwing magsisisi ako ay isang pagpapahayag ng Kanyang sakdal na pagmamahal sa akin.
At nang unti-unti akong maniwala na talagang bibigyan ako ng Tagapagligtas ng walang-katapusang mga oportunidad na magsisi at lumapit sa Kanya, unti-unting nag-iba ang pagtingin ko sa mga tao sa paligid ko. Natanto ko na puwede kong tularan ang Kanyang halimbawa sa pamamagitan ng pagsasanay na ibigin ang mga taong nagpapasama ng loob ko. Puwede kong patawarin at unawain ang mga taong humusga nang hindi matwid sa aking mga pagkakamali.
Pundasyon para sa Pagbabago
Ang dalawang alituntuning ito—pagsisisi at pag-ibig sa kapwa—ang naging pundasyon ng aking pagsisikap na hayaan si Jesucristo na baguhin ako. Nagsimula kong makita ang dalawang ito bilang magkasama at magkaugnay na mga alituntunin.
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na “ang pasasalamat sa kapatawaran ng mga kasalanan ang binhi ng pag-ibig sa kapwa-tao.” Nagkatotoo ito sa akin nang magbago ako sa pamamagitan ng pagsisisi at magpasalamat sa pagmamahal at pagpapatawad ng Diyos. At ngayo’y gusto kong maranasan ng iba ang pagmamahal ng Diyos tulad ng naranasan ko.
Kaya sa mga araw na nawawalan ako ng gana at natutukso akong huwag magsimba o palampasin ang mahahalagang bagay, naaalala ko na baka sakaling mapalakas ko ang iba. Baka sakaling maaari akong maging halimbawa sa mga tao sa aking paligid na nahihirapan din.
Ang pagmamahal na nadarama ko para sa aking Tagapagligtas at ang pag-ibig sa kapwa-tao na nadarama ko para sa mga tao sa aking paligid ay pinananatili akong matatag. Ipinapaalala nito sa akin ang pag-ibig Niya para sa akin. Sinisikap ko pa ring madaig ang aking mga kahinaan, pero alam ko na ang pagtitiwala sa Kanyang kapangyarihang magpagaling ay tutulungan ako na patuloy na lumago at maging higit na katulad Niya.