2023
Ano Kayang Mangyayari Kung ang Lahat ng Gagawin Ko ay Dahil sa Pagmamahal sa Diyos?
Setyembre 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ano Kayang Mangyayari Kung ang Lahat ng Gagawin Ko ay Dahil sa Pagmamahal sa Diyos?

Nagtakda ako ng simpleng mithiin: “Gumawa ng isang bagay bawat araw para mahalin ang Diyos, mahalin ang kapwa, at mahalin ang aking sarili.”

isang babaeng sumusulat sa journal

Kung minsan, ang pagiging mabuting tao ay parang isang malaking trabaho.

Inakala ko dati na ang pagiging katulad ni Cristo ay parang isang mabigat na listahan ng mga bagay na kailangan kong gawin at kahinatnan. Nang sinubukan kong magtakda ng mga mithiin, nahirapan ako sa pag-iisip kung gaano pa ako kalayo sa dapat kong kalagyan. Pakiramdam ko bigo ako sa napakaraming paraan at hindi ko alam kung saan magsisimula—tulad ng kapag napakarumi ng kuwarto mo kaya hindi mo alam kung ano ang unang lilinisin.

Noong panahon na pakiramdam ko ay napakalaki ng kakulangan ko, patuloy na pumasok sa aking isipan ang isang talata sa banal na kasulatan:

“At sinabi [ni Jesus] sa kanya, Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at unang utos. “At ang pangalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili’” (Mateo 22:37–39).

Natanto ko na mas nakatuon ako sa “pagsunod” sa ebanghelyo kaysa sa pagiging katulad ng Tagapagligtas. Dahil sa napakaraming gambala, naglaho ang pagmamahal habang tumatagal. Pero hindi ba pagmamahal talaga ang mahalaga? Sa Kanyang ministeryo, itinuro ni Jesucristo sa mga tao ang mas mataas at mas banal na batas na mahalin nila ang Diyos nang buong puso at mahalin ang iba tulad ng pagmamahal nila sa kanilang sarili. Tuwing pinanghihinaan ako ng loob, naaalala ko ang mga salita ni Jesus at iniisip ko, “Basta’t ang pagmamahal sa Diyos at sa iba ang pinanggagalingan ng aking pagpapasiya, nasa tamang landas ako.”

Isang Simpleng Mithiin

Nagpasiya akong magtakda ng simpleng mithiin: “Gumawa ng isang bagay bawat araw para mahalin ang Diyos, mahalin ang kapwa, at mahalin ang aking sarili.”

Isinulat ko ito sa unang pahina ng isang bagong journal. Hindi ako mahusay sa pagsusulat sa mga journal, pero naisip ko na mahalagang itala ang ginagawa ko.

Ang unang araw ay isang Linggo ng ayuno. Bago ako natulog, isinulat ko ang nagawa ko para makamtan ang aking mithiin.

Isinulat ko na nagpakita ako ng pagmamahal sa Diyos sa pagsisimba at pananatili sa Simbahan nang dalawang oras, kahit parang ayaw ko. Nagpatotoo ako sa sacrament meeting. At nang basahin ko ang aking mga banal na kasulatan, isinulat ko ang mga iniisip ko para mas makabuluhan at nakatuon ang aking pag-aaral.

Isinulat ko na minahal ko ang iba sa pamamagitan ng pagsali sa isang tawag sa buong pamilya kasama ang mga magulang ko kahit pagod ako. Nag-ayuno ako para sa isang kaibigan na alam kong nahihirapan at nagpadala sa kanya ng isang mensahe na nagpapalakas ng loob. Nag-ukol ako ng kaunting panahon sa kapatid kong lalaki.

Minahal ko ang sarili ko sa pamamagitan ng pag-idlip at pagpapahinga. At natulog ako nang mas maaga kaysa sa madalas kong oras ng tulog para mas makapahinga ako para sa trabaho kinabukasan.

Hindi malaking bagay ang isa man sa mga bagay na ito, pero nang tingnan ko ang naisulat ko, nakadama ako ng kapayapaan. Naging puno ng pagmamahal ang maghapon ko, at iyon ang nais ng Ama sa Langit para sa akin.

Buong linggo kong naalala ang aking mithiin at isinulat ko kung paano ako nagpakita ng pagmamahal. Nagpunta ako sa templo. Nakinig ako habang nagkukuwento ang iba tungkol sa kanilang mga problema. Nagsabi ako ng mabubuting bagay sa iba. Gumawa ako ng mga bagay na nagpasaya sa akin. Mas inalagaan ko ang sarili ko. Binigyan ko ng mas malaking puwang ang mga tao sa buhay ko. Nag-ukol ako ng oras na magmuni-muni at makipag-ugnayan sa Diyos.

Binago ng Pagmamahal ng Diyos

Makalipas ang ilang araw, namangha ako sa kaibhan. Sa pagpapakita ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo bilang mithiin ko, ang mga bagay na karaniwang parang mahirap gawin ay naging mga pagpapakita ng pagmamahal para sa Diyos, sa iba, at sa sarili ko. Nagsimula akong maghanap ng mga bagong oportunidad na magpahayag ng pagmamahal, pagkuha man ito ng isang basong tubig para sa kapatid kong babae, pagliligpit ng higaan ko, o paghinto para magdasal nang may pasasalamat.

Parang nakikita ko ang mundo na may bagong pananaw, at habang naghahanap ako ng mga paraan para magmahal, napansin ko rin ang pagmamahal na nasa paligid ko araw-araw. Nagdagdag ako ng isang bagong bahagi sa mga journal entry ko: “Paano ko napansin ang pagmamahal ng Diyos ngayon.” Isinulat ko ang mga maalalahaning bagay na ginawa ng mga tao para sa akin at ang mabubuting salitang sinabi nila. Isinulat ko ang mabubuting bagay na nakita kong ginagawa ng mga tao para sa iba. Isinulat ko ang maliliit at magigiliw na biyaya ng Diyos na napansin ko bawat araw. Isinulat ko ang lahat ng paraan na napasigla ako, lahat ng bagay na nagbigay sa akin ng pag-asa.

Itinuro ni Sister Susan H. Porter, Primary General President: “Kapag nalaman at naunawaan ninyo kung gaano kayo ganap na minamahal bilang anak ng Diyos, babaguhin nito ang lahat ng bagay. Babaguhin nito ang nararamdaman ninyo tungkol sa inyong sarili kapag nagkakamali kayo. Babaguhin nito ang nararamdaman ninyo kapag may mahihirap na bagay na nangyayari. Babaguhin nito ang inyong pananaw hinggil sa mga kautusan ng Diyos. Babaguhin nito ang inyong pananaw hinggil sa iba, at sa inyong kakayahang gumawa ng kaibhan.”1

Habang patuloy ako sa aking mithiin, natuklasan ko kung gaano ito katotoo. Nadama ko na nagbabago ang buong puso ko, at naunawaan ko ang kapangyarihan ng pagmamahal ng Diyos nang higit kaysa rati.

Pagkaraan ng isang buwan, isinulat ko ito sa aking journal:

“Nakakaramdam ako ng pag-asa sa halip na stress. Alam ko ang aking mga kahinaan, pero pakiramdam ko basta’t patuloy kong ibinabaling ang puso ko sa Diyos, magiging OK ang mga bagay-bagay, kahit hindi ko maisaayos ang mga kahinaan at kasawian ko. Ang puso ko ang pinakamahalaga, at ang pusong nagmamahal sa Diyos at sa iba at nagsisikap na maglingkod at magpasigla ay isang mabuting puso.”

Isang Mas Mabuting Puso

Gusto ko sanang sabihin na walang araw na lumipas na hindi ako nagsulat sa aking journal. Ang totoo, hindi ko ito palaging nagagawa, ilang buwan pa nga kung minsan. Pero tuwing magsisimula akong muli, ramdam ko ang kaibhan. Muli kong binubuksan ang aking mga mata para makita ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa buong paligid ko—at lahat ng paraan na maidaragdag ko rito.

Mas naunawaan ko na ang katotohanan na “ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang” (Moroni 7:46) dahil nang madama ko na nabibigo ako, ang pagmamahal ni Jesucristo ang muling nagpasigla sa akin. Kapag nadarama ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas, gusto kong ipakita iyon sa mundo, at alam ko na kapag pinagsikapan kong gawin ito, bibiyayaan Niya ako ng mas maganda at mas matibay na puso—na maaaring magmahal na katulad Niya.