“Paglilingkod nang May Pagtitiyaga,” Liahona, Set. 2023.
Mga Alituntunin ng Ministering
Paglilingkod nang May Tiyaga
Magkakaroon tayo ng kakayahang maging mas matiyaga, sa buhay at sa paglilingkod sa kapwa.
Sa II Mga Taga Corinto 12:7–8, nagkuwento si Pablo tungkol sa pagdarasal nang tatlong beses para maalis ang “isang tinik sa laman.” Pero ang kanyang panalangin ay hindi nasagot sa pagwawalang-bahala sa hamon. Sa halip, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo.” Nagpakita si Pablo ng tiyaga at pananampalataya sa paraan ng kanyang pagtugon: “Ako’y lalong magmamalaki na may galak sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manatili sa akin” (talata 9).
Itinuro rin ng Panginoon kay Moroni na sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, matututo at lalakas tayo: “Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).
Paglilingkod nang May Tiyaga
Tulad ni Pablo, maraming beses nang nanalangin ang karamihan sa atin sa ating buhay—kung minsa’y mahigit tatlong beses. Kung minsan ito ang tamang panahon para ibigay ang pagpapalang iyon, at sa ibang pagkakataon, tulad ni Pablo, tayo ay tinuturuan at pinalalakas. Sa mga pagkakataong ito, maaari tayong matutong magtiyaga at maghintay sa itinakdang panahon ng Panginoon.
Kailangan natin ang katangian ni Cristo na magtiyaga kapag naglilingkod rin tayo. Maaari tayong mag-minister sa mga taong may iba’t ibang hamon at antas ng pag-unawa sa ebanghelyo, at kailangan ng tiyaga at pagmamahal upang maglingkod sa mga taong maaaring hindi madaling tumanggap.
Pagkakaroon ng Pagtitiyaga
Habang nakikilala natin ang Tagapagligtas, mas malalaman natin kung ano ang gagawin Niya para maglingkod kung Siya ang nasa ating lugar. Paano tayo maaaring magkaroon ng katangian ng pagtitiyaga na tulad ng kay Cristo?
-
Dapat mong tanggapin na ang mortal na buhay ay puno ng mga sitwasyon na sumusubok sa ating pagtitiyaga at normal lang na madismaya kung minsan. Tandaan na sa pagsasanay at pananampalataya sa Panginoon, mapagbubuti natin ang ating reaksyon sa mahihirap na sitwasyon. Maging matiyaga sa iyong mga pagsisikap na maging mas matiyaga!
-
Humingi ng tulong sa Diyos kapag nadarama mo na nahihirapan kang magtiyaga. Ang malalim na paghinga at panalangin ay makakatulong na maghatid ng kapanatagan at kapayapaan.
-
Ang pakikinig sa nakasisiglang espirituwal na musika na nagdudulot ng payapang kalooban ay makakatulong sa iyo na malampasan ang nadaramang kawalan ng pasensya.
-
Kilalanin ang takdang-panahon ng Panginoon sa iyong buhay. Ang ating kalooban at mga hangarin ay dapat iayon sa Kanyang takdang-panahon.
-
Ang pagkakaroon ng tiyaga ay isang mindset o takbo ng pag-iisip. Alalahanin na ang galit na pakiramdam o palaging nagmamadali ay bihirang magpabuti sa ating buhay.
Mga Ideya sa Ministering o Paglilingkod nang may Pagtitiyaga
Kung minsan ang tungkulin natin sa ministering ay tulungan ang iba na magtiyaga sa pagharap sa mga pagsubok. Narito ang ilang mga paraan na maaari tayong makatulong:
-
Ipakita sa tao o pamilya na mahal natin sila at may malasakit tayo sa kanila sa kabila ng anumang hamon na kinakaharap nila, kahit iniisip nila, sa anumang dahilan, na hindi sila kaibig-ibig.
-
Magbahagi ng mga karanasan sa kanila kung kailan kinailangan mong matutong magtiyaga at na alam mo kung gaano kahirap ito. Tulungan silang madama na hindi sila nag-iisa kung nakadarama sila ng pagkainis o pagkadismaya.
-
Ipagdasal na magkaroon sila ng tiyaga sa mahihirap na pagsubok at ipaalam sa kanila na diringgin ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin para madama nila ang lakas na iyon.
-
Pakinggan sila kapag kailangan nila ng taong makakausap. Ang pagkakaroon ng maunawaing kaibigan ay isa sa pinakamaiinam na paraan para makayanan ang isang mahirap na pagsubok o sitwasyon.