Digital Lamang: Mga Young Adult
Ang 3 C ng Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Ang awtor ay naninirahan sa Brazil.
Alisin ang stress sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsasapuso ng iyong papel at pinanggagalingan ng iyong tagumpay.
Sampung taon na mula nang mabinyagan ako bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa nakaraang dekada, nagkaroon ako ng pagkakataong ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa maraming tao—na karamihan ay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga kopya ng Aklat ni Mormon. Ang mithiin ko bawat taon ay mamigay ng 20 kopya. Sa ilang taon, tulad noong 2020, napagpala akong malampasan ang aking mithiin.
Madalas kong anyayahan ang mga kaibigan ko sa simbahan na samahan ako sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Pero halos tuwing aanyayahan ko ang isang tao na mamahagi ng isang kopya ng Aklat ni Mormon sa kanilang mga kaibigan at pamilya, ganito ang sagot nila sa akin: “Paano kung hindi tanggapin ng tao ang mensahe?”
Matapos marinig nang madalas ang ganitong alalahanin, naisip ko na kung minsa’y hindi sigurado ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang tungkulin sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Pero ang kawalang-katiyakan ay madaling malulutas kung naaalala natin ang gusto kong tawagin na “3 C” ko sa pagbabahagi ng ebanghelyo.
1. Magbahagi (Compartilhar sa Portuguese)
Ang una kong “C” ay naglalarawan sa ating layunin, ang magbahagi. Ang tungkulin natin ay ibahagi ang kagalakang nadarama natin dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo! Maraming tao ang matutuwang katulad natin na malaman ang mga katotohanang naipanumbalik sa Simbahan ni Jesucristo. Maibabahagi natin ang kagalakang hatid sa atin ng ebanghelyo sa pamamagitan ng kaswal na pakikipag-usap at maging sa mga halimbawa lang natin sa araw-araw bilang mga disipulo ni Cristo.
Napansin ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang isang napakahalagang katibayan ng ating pagbabalik-loob at ng kung ano ang pakiramdam natin sa ebanghelyo sa sarili nating buhay ay ang kahandaan nating ibahagi ito sa iba.”1 Ang tunay na pagbabalik-loob ay maghihikayat sa atin na magbahagi. Maaari nating hilingin sa Ama sa Langit na tulungan tayong magkaroon ng tapang at kahandaang ibahagi ang ebanghelyo sa mga nasa paligid natin. At kapag hinangad nating mapanatili ang Espiritu sa atin, maaakay tayo sa tamang direksyon.
2. Mag-anyaya (Convidar sa Portuguese)
Ang pangalawa kong “C” ay tungkol sa pag-anyaya sa mga tao. Kapag mayroon tayong mahalagang kaganapan—isang birthday party, isang kasal, isang graduation—inaanyayahan nating dumalo ang mga tao dahil gusto nating magsaya na kasama sila. Hindi natin mapipilit na magpunta ang isang tao (inaasam nating magpunta sila!), pero kung hindi, magkakaibigan pa rin tayo. At may darating pang ibang mga kaganapan na maaari natin silang maisama. Ang pag-anyaya sa mga tao na matutuhan ang ebanghelyo ay hindi gaanong naiiba.
Ang mga tao na inaanyayahan nating magbasa ng Aklat ni Mormon, magsimba, o tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo sa anumang paraan ay may kalayaang magpasiya kung tatanggapin nila o hindi ang ating paanyaya. Pero ang ating tagumpay ay hindi nasusukat sa kanilang reaksyon; nasusukat ito sa kahandaan nating mag-anyaya.
Sa manwal na Mangaral ng Aking Ebanghelyo, mababasa natin na ang layunin ng mga full-time missionary ay “ang anyayahan ang [iba] na lumapit kay Cristo.”2 Sa pagsisikap nating ibahagi ang ebanghelyo, mas makatutulong na magtuon sa magagawa natin para mag-anyaya sa halip na kung paano tutugon ang mga tao sa ating paanyaya.
3. Maghikayat (Convencer sa Portuguese)
Ang pangatlo kong “C” sa pagbabahagi ng ebanghelyo ay maghikayat. At hindi tulad ng unang dalawang C, ang pangatlong ito ay hindi natin responsibilidad. Ang paghihikayat ay responsibilidad ng Espiritu Santo (tingnan sa Juan 15:26; 2 Nephi 32:5; Moroni 10:5; Doktrina at mga Tipan 42:17; Moises 1:24). Sa pamamagitan lamang ng impluwensya ng Espiritu Santo tunay na mahihikayat ang mga taong binabahaginan natin ng ebanghelyo sa katotohanan—basta’t tinatanggap nila ang katotohanan sa puso nila (tingnan sa Jacob 3:2).
Sa pagsisikap nating mapanatili palagi ang patnubay ng Espiritu Santo sa ating buhay, sasamahan Niya tayo kapag ibinahagi natin ang ebanghelyo sa ating mga kaibigan at pamilya at patototohanan ang katotohanan ng ating mensahe.
Isang Pribilehiyo ang Ibahagi ang Ebanghelyo
Maraming paraan para maibahagi natin ang ebanghelyo sa mundo sa ating paligid, at kahit maaaring nakakatakot, hindi tayo kailangang mag-alala kapag nasa tabi natin ang Ama sa Langit.
Ibinuod ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ipinag-aalala ng marami sa atin:
“Paano kung ginawa ko ang lahat ng ito at hindi maganda ang tugon ng mga tao? Paano kung pinipintasan nila ang Simbahan? Paano kung hindi na nila ako kaibiganin?
“Oo, maaaring mangyari iyan,” sabi niya. “Simula noong unang panahon, ang mga disipulo ni Jesucristo ay palaging inuusig [tingnan sa Juan 15:18].
“Alalahanin, ang Panginoon ay gumagawa sa mahiwagang paraan. Maaaring ang inyong pagtugon na tulad ng kay Cristo sa pagtanggi ay magpalambot sa matigas na puso. …
“Kilala kayo ng Ama sa Langit. Mahal kayo ng Panginoon. Pagpapalain kayo ng Diyos. Ang gawaing ito ay inorden Niya. Magagawa ninyo ito. Magagawa nating lahat ito nang sama-sama.”3
Maaari tayong humingi palagi ng tulong mula sa Ama sa Langit sa ating mga pagsisikap na tipunin ang Israel. At dahil sa Tagapagligtas, maaari nating palaging panghawakan ang pag-asa na balang araw ay tatanggapin ang ating mga paanyaya.