“Umasa sa Diyos para sa Layunin at Patnubay,” Liahona, Set. 2023.
Para sa mga Magulang
Umasa sa Diyos para sa Layunin at Patnubay
Minamahal na mga Magulang,
Hindi tayo ipinadala ng ating Ama sa Langit sa lupa nang walang patnubay. Sa pamamagitan ng mga banal na kaloob ng banal na kasulatan, panalangin, mga buhay na propeta, isa’t isa, at marami pang iba, makakaasa tayo sa Diyos para sa layunin at patnubay. Habang binabasa mo ang isyung ito ng Liahona, pagnilayan ang resources na ibinigay Niya sa atin para tulungan tayong magkaroon ng kahulugan sa buhay na ito at makabalik sa Kanya sa kabilang-buhay.
Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo
Ang Ating Nagkakaisang Papel sa Plano ng Diyos
Bilang pamilya, maaari ninyong basahin ang I Mga Taga Corinto 11:11 at talakayin ang ibig sabihin nito. Magbahagi ng mga pahayag mula sa artikulo ni Elder Gerrit W. Gong (pahina 4), na nagpapaliwanag sa pinagsamang tungkulin ng kalalakihan at kababaihan sa plano ng kaligtasan. Paano tayo mapagkakaisa ng ating mga pagkakaiba sa halip na paghiwa-hiwalayin tayo?
Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pananampalataya
Sama-samang basahin ang Mateo 15:21–28 na bumabanggit tungkol sa babaeng taga-Canaan. Sa iyong palagay, bakit humantong ang kanyang pananampalataya sa paggaling ng kanyang anak? Basahin ang mga talata mula sa artikulo ni Pangulong Camille N. Johnson sa pahina 8 para mas maunawaan ang papel na ginagampanan ng kaamuan at pananampalataya sa pag-access sa kapangyarihan ng Panginoon.
Araw-araw na mga Paalala tungkol kay Jesucristo
Itanong sa inyong pamilya, Paano ninyo naaalala ang Tagapagligtas sa inyong buhay? Basahin ang mahahalagang bahagi mula sa artikulo sa pahina 38 tungkol sa kahalagahan ng pag-alaala. Maaari kang magdispley sa iyong tahanan ng isang larawan o sipi na nagpapaalala sa iyo tungkol kay Cristo.
Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Alalahanin ang mga Pagpapala ni Cristo Bawat Araw
Itinuro noon ni Pablo sa mga Banal na nasa Corinto “na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan … at siya’y inilibing; at muling binuhay nang ikatlong araw” (1 Corinto 15:3–4). Hinikayat niya sila na “panatilihin sa alaala” (I Mga Taga Corinto 15:2) ang ebanghelyo na ipinangaral niya sa kanila. Anyayahan ang inyong pamilya na laruin ang memory game na ito:
-
Bigyan ng oras ang lahat para magsulat ng maikling sagot sa sumusunod na tanong: Ano ang pagpapala ng ebanghelyo na tinatamasa mo dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? (Para sa ilang ideya, tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:19–29.)
-
Magsalitan sa pagbabahagi ng isinulat ninyo at pag-uulit sa pamamagitan ng pag-alaala sa isinulat ng taong nauna sa iyo.
Talakayan: Paano natin mas maaalala ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ni Cristo? Isiping gumawa ng plano ng pamilya na mag-isip ng isang paraan bawat araw na napagpala ni Cristo ang inyong buhay.