Digital Lamang: Mga Young Adult
Paano Ako Tinuturuan ng mga Banal na Kasulatan na Mahalin ang Iba
Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay tumutulong sa atin na makaranas ng mas matinding pag-ibig sa kapwa para sa mga tao sa paligid natin.
Habang lumalaki ako, nalaman ko na ang ebanghelyo ay totoo mula sa pagdalo sa seminary, pagmamasid sa halimbawa ng kuya ko, at pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Pero naharap ako sa maraming oposisyon nang mag-19 anyos ako at magsimulang maghandang maglingkod sa misyon. Kinailangan kong maghintay nang mas matagal kaysa gusto ko, pero kalaunan ay nakapaglingkod ako. Iyon ang karanasan ko sa buhay na hinding-hindi ko malilimutan!
At kahit naharap ako sa maraming oposisyon sa aking misyon, doon ako higit na napalapit kay Jesucristo at natuto tungkol sa Kanyang sakdal na pagmamahal mula sa mga banal na kasulatan at sa sarili kong mga karanasan. Natutuhan kong mahalin ang mga taong pinaglingkuran ko tulad ng pagmamahal sa kanila ng Tagapagligtas.
Ang pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa ay nakatulong sa akin na maglingkod sa pinakamagandang dalawang taon ng buhay ko, at habang ginugunita ko ang panahong iyon, mas lubos kong naintindihan kung paano ako naakay ng mga banal na kasulatan na magkaroon ng dalisay na pag-ibig ni Cristo.
Tinutulungan Tayo ng mga Banal na Kasulatan na Magmahal
Itinuturing mo ba ang sarili mo na isang disipulo ni Jesucristo?
Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Moroni na may ilang katangian ang mga disipulo ni Cristo. Kabilang sa mga katangiang ito ang pag-ibig sa kapwa o, ayon sa kanya, “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). Pero para sa akin at sa marami sa atin, kung minsa’y maaaring mahirap magpakita ng pag-ibig sa kapwa sa lahat, lalo na sa sumasamang mundong ginagalawan natin.
Madalas kong itanong sa sarili ko—at sa Ama sa Langit:
“Paano ko masusunod ang payo na magkaroon ng dalisay na pag-ibig na iyon ni Cristo samantalang hindi ako perpekto?”
Sa pamamagitan ng maraming personal na pagmumuni-muni at pagsasaliksik, natutuhan ko ang isang nakakatulong na gawi na madaling gawin.
Kapag gusto natin ng mga sagot at patnubay, matatagpuan natin ang mga iyon sa mga banal na kasulatan! Alam natin na “ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa [atin] ng lahat ng bagay na dapat nating gawin” (2 Nephi 32:3), ngunit talaga bang ikaw ay “[naniniwala] sa mga banal na kasulatan” (Helaman 15:7) at sa kapangyarihan ng mga ito na tulungan kang magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao?
Sa pamamagitan ng sarili kong pag-aaral ng mga banal na kasulatan, natagpuan ko ang tulong na kailangan ko para magkaroon ng higit na pag-ibig sa kapwa. Nadarama kong nagbabago ang puso ko habang binabasa ko ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas. Sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), “Kapag ibinubuhos [ko] ang sarili ko sa mga banal na kasulatan, … [natatagpuan] ko ang sarili ko na mas lalong nagmamahal sa mga dapat kong mahalin nang buong puso at isipan at lakas.”1
Natanto ko na ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay isa sa mga pinakamabisang kasangkapang makakatulong sa atin na maging katulad ni Jesucristo. Kapag nag-ukol tayo ng oras at lugar para pagnilayan ang mga banal na kasulatan, mas marami tayong matututuhan tungkol sa Kanyang katotohanan, Kanyang pagmamahal, at Kanyang kalooban—lalo na kung paano mahalin ang iba na katulad Niya.
Pagkakaroon ng Dalisay na Pag-ibig ng Tagapagligtas
Itinuro kamakailan ni Sister J. Annette Dennis, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “[Ang] Tagapagligtas … ang pinakadiwa ng pag-ibig sa kapwa, ng dalisay na pag-ibig. Habang unti-unti nating natututuhang gawin ang mga ipinagagawa Niya sa atin … ang Kanyang pagmamahal ay dadaloy sa atin at ang Kanyang mga ipinagagawa ay hindi lamang magiging posible kundi kalaunan ang mga ito ay magiging mas madali at mas magaan [tingnan sa Mosias 24:15] at mas masayang gawin kaysa sa kaya nating isipin. Kailangan nito ng praktis; maaaring kailanganin nito ng ilang taon, tulad ko, ngunit kahit ang pagnanais na magkaroon ng gayong pag-ibig lang ang ating motibasyon, maaari Niyang kunin ang pagnanais na iyon [tingnan sa Alma 32:27], ang binhing iyon, at kalaunan ay gawin iyong isang magandang puno na puno ng matatamis na bunga [tingnan sa Alma 32:41].”2
Ang pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa ay nangangailangan nga ng praktis, ngunit kung handa tayong matuto mula sa mga banal na kasulatan at kumilos ayon doon, maaari tayong maging mas mahusay sa pagpapakita ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Malalaman natin na ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta ay tunay na bumubuo ng isang pagkatao na mas katulad ni Cristo. Matutuklasan natin na posibleng magkaroon ng dalisay na pag-ibig ni Cristo. At dahil bahagi na ngayon ng ating sariling pagkatao ang Kanyang dalisay na pag-ibig, magagawa nating mas mahalin ang iba sa Kanyang paraan at mas madama ang Kanyang dalisay na pag-ibig sa sarili nating buhay.