2023
Pagbuo ng mga Walang Hanggang Pamilya
Setyembre 2023


Mensahe Ng Area

Pagbuo ng mga Walang Hanggang Pamilya

Sinabi sa Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo: “Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inordena ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.”

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, naniniwala tayo na ang pamilya ay inorden nang may kabanalan at na ito ay napakahalaga sa plano ng kaligayahan ng Diyos. Ang pinakamalaking kaligayahan natin sa buhay na ito at sa susunod ay nagmumula sa paglaki natin sa mapagmahal na mga pamilya.

Pero ang pagbuo ng walang hanggang mga pamilya ay hindi madali; nangangailangan ito ng malaking pagsisikap. Ang kalaban ay patuloy na kumikilos para wasakin ang ating mga pamilya. Alam niya ang kawalang-hanggan ng mga ugnayan ng pamilya at ang papel nito sa lipunan. Nagsisikap siya nang husto dahil alam niya na kung mawawasak niya ang pamilya, mawawasak niya ang lipunan.

Ito rin ang dahilan kung bakit dapat nating ituon ang mga pagsisikap natin na ilagak ang ating mga pamilya sa matibay na pundasyon at walang humpay na hadlangan ang mga pag-atake ng kalaban.

Isa sa mga paraan na magkakaroon tayo ng matatag na pamilya ay sa pag-aaral ng ebanghelyo ni Jesucristo sa tahanan. Nang magsalita siya sa umpisa ng ika-188 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya, inanunsiyo ni Pangulong Russell M. Nelson ang isang bagong programa bilang bahagi ng isang pagsisikap “na palakasin ang mga pamilya at mga indibiduwal sa pamamagitan ng isang nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan na plano na matutuhan ang doktrina, palakasin ang pananampalataya at pag-ibayuhin ang personal na pagsamba.” Ibinahagi ni Pangulong Nelson kung paano tayo nasanay na ang Simbahan ang lugar kung saan tayo natututo sa espirituwal, na sinusuportahan ng nangyayari sa tahanan, at hinamon niya tayo na baguhin ang huwarang ito sa pagkatuto na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan.

Sa tulong ng mga programa at sangguniang tulad ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa Tahanan, programang Mga Bata at Kabataan, at ang bagong Para sa Lakas ng mga Kabataan na gabay, maaari tayong matuto at ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo nang magkakasama.

Natutuhan ko mula kay Pangulong Nelson na ang mga alituntunin, itinatangi, at turo ng ebanghelyo ay hindi lamang dapat ituro sa mga miting sa simbahan kundi dapat ay aktibong gamitin sa ating pang-araw-araw na buhay, lalo na sa pribado at magiliw na kapaligiran ng ating mga tahanan. Ang ibig sabihin nito ay pag-aaral ng mga sangguniang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pagkakaroon ng mga aktibidad ng pamilya nang magkakasama. Matutulungan din natin ang ating mga anak sa pakikilahok sa programang Mga Bata at Kabataan at pagtulong sa kanilang pag-aralan ang bagong gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sa paggawa nito, ang mga indibiduwal at pamilya ay mas handang maunawaan at maipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa totoong buhay. Sa pamamagitan ng pagsisikap na ito, nagiging mas malapit sa isa‘t isa ang mga pamilya habang pinalalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Sinabi ni Bonnie H. Cordon, dating YW general president, kailangan tayong “lumapit kay Cristo, ngunit nang hindi nag-iisa.” Ang pamilya ay naglalaan ng nagpapasiglang kapaligiran kung saan mahihikayat at mabibigyang-inspirasyon ng mga indibiduwal ang isa‘t isa. Kapag magkakasamang nagsisikap ang mga pamilya na lumapit kay Cristo, sama-sama nilang mapalalakas ang kanilang pananampalataya at pag-unawa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga kabatiran at karanasan na pinagaganda ang relasyon ng lahat sa Kanya.

Para sa mga nadaramang hindi sila bahagi ng tradisyunal na pamilya, huwag sana ninyong madama na hindi para sa inyo ang payong ito. Maaari kayong makasumpong ng ugnayan ng “pamilya” sa mga taong malapit sa inyo, sa mga kaibigan at lider na sumusuporta sa inyo, at sa mga taong kaparehas ninyong mag-isip. Talagang naniniwala ako na ang payo ng Propeta ay nakakatulong sa lahat ng tao, anuman ang kalagayan nila.

Napag-alaman ko na kapag nag-aaral tayo kasama ng isa pang tao, tulad ng ating mga roommate, mas natututo tayo nang husto at nang mas mabilis. Pinalalawak ng pag-aaral nang magkakasama ang epekto ng ating pagkatuto. Para itong magic sa pag-aaral! Ang susi sa pinakamalaking paglago natin ay pag-aaral kasama ang ibang tao at, kasabay nito, pag-aaral nang mag-isa. Kung gagawin natin ito, mas mabibiyayaan tayo nang higit na progreso at pagkaunawa, at magiging mas malapit tayo kay Cristo. “Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila,” pangako ng Panginoon. (Mateo 18:20).

Alam ko na ang oras na magkakasama ang pamilya ay mahalaga. Gusto nating lahat na magkaroon ng matagumpay na buhay may-asawa at pamilya, pero madalas ay napakarami nating ginagawa kung kaya‘t nababalewala natin ang mga bagay na pinakamahalaga. Minsan ay masyado tayong nagtutuon sa pagtatrabaho nang husto para sa mga pangangailangan ng ating pamilya na nakakalimutan nating maglaan ng oras para sa kanila. Magpapayo ako laban sa pagkakamit ng tagumpay o anumang mga pangarap ninyo sa paraang hindi na kayo nagkakaroon ng oras para sa pamilya ninyo. Huwag kayong yumukod sa susunod na 3, 5, o 15 taon at itaas ang inyong ulo kalaunan at sabihing, “Ngayon ay may oras na akong mailalaan para sa aking asawa, mga anak, o pamilya,” para malaman na huli na ang lahat. Sinabi minsan ni Stephen R. Covey, “Napakadaling mahuli sa patibong ng aktibidad, ng kaabalahan ng buhay, na magtrabaho nang magtrabaho para akyatin ang hagdan ng tagumpay, para lamang matuklasan na ang hagdan ay nakasalig sa maling dingding.”

Alam ko na ang kalaban ay tunay at nagsisikap siyang wasakin ang mga pamilya. Pero alam ko rin na tunay ang Panginoon at na nagsisikap Siyang palakasin ang mga pamilya. Magagawa nating tumulong upang lumago ang mga pamilya.

Nagpapasalamat ako sa biyaya ng pamilya. Nagpapasalamat ako sa mga pagkakataong mayroon ako upang palakasin ang mga ugnayan ng pamilya sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, paglilingkod, at magkakatulad na karanasan. Alam ko na habang sama-sama tayong nagsisikap na suportahan at pasiglahin ang isa‘t isa, ang ating pamilya ay maaaring maging isang makapangyarihang puwersa ng kabutihan sa mundo.

Sa magaganda at hindi magagandang karanasan sa buhay, nalaman ko na walang mas mahalaga pa sa pamilya. Sila ang palagi nating kasama at kasangga, at naghahatid sila ng kaligayahan, kahulugan, at layunin sa ating buhay. Nagpapasalamat ako sa mga biyayang nagmumula sa pagkakaroon ng pamilya, at dalangin ko na itangi at pahalagahan natin ang napakagandang regalong ito mula sa Diyos. Alam ko na maaaring maging walang hanggan ang pamilya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.