Konteksto ng Bagong Tipan
Mga Kristiyano sa Corinto
Ipinauunawa sa atin ng kultura sa Corinto ang ilan sa mga payo ni Pablo na tila nahihirapang sundin ng mga mambabasa ngayon.1
Ang Corinto, noong unang siglo, ang maunlad na kabisera ng ekonomiya at pulitika ng lalawigang Romano ng Achaea. Bukod pa sa mga mamamayang Romano, naakit nito ang mga Griyego, taga-Siria, at Judio. Ang mga pilosopiyang Griyego ng mga paaralang Platonic, Stoic, at Cynic ay tila nakaimpluwensya sa ilang edukadong taga-Corinto—kabilang na ang ilang Kristiyano—tungkol sa mga bagay na espirituwal, pisikal, at panlipunan.
Ang pangangaral ni Pablo ay umakit sa ilang taga-Corinto na mayaman at maimpluwensya gayundin sa maraming nagpabinyag na di-gaanong nakapag-aral o walang gaanong partisipasyon sa kultura. Ang mga pagkakaibang ito ay bahagi ng paghantong sa pagkakahati-hati at sigalutan sa loob ng Simbahan sa Corinto.
Espesyal na Karunungan?
Ang mga edukadong tao sa Corinto ay sumandig sa maraming pilosopikal na tradisyon para ipahayag na mayroon silang espesyal na karunungan o kaalaman. Naniwala sila na ang kanilang espesyal na kaalaman ay naghahatid ng bagong espirituwal na pag-iral sa buhay na ito. Ang ideyang ito ang nagtulak sa kanila na ikaila ang kahalagahan ng katawan at ikatwiran na hindi nila kailangang sundin ang batas at malaya silang kumilos ayon sa gusto nila. Ginamit ng ilang Kristiyano ang mga ideyang ito sa pagbabalik-loob nila sa Kristiyanismo, na naghikayat ng sadyang pagsuway at maling pag-uugaling moral.
Sinalungat ni Pablo ang kanilang maling paninindigan na “lahat ng mga bagay … ay matuwid” (1 Corinto 6:12) at ikinatwiran na ang mga Kristiyano ay dapat maging disiplinado at dalisay: “luwalhatiin ninyo ng inyong katawan [at espiritu] ang Diyos” (tingnan sa 1 Corinto 6:12–20).
Pag-aayos sa Sarili
Ang mga Judio, Griyego, at Romano sa Corinto ay may iba’t ibang kagawian para sa haba ng buhok at pagtatakip ng ulo ng kalalakihan at kababaihan, lalo na sa oras ng pagsamba. Ang pangkalahatang gawi sa lahat ng kultura ay na tatakpan ng kababaihan na kasal na ang kanilang ulo. Sa kabilang dako, iba naman ang mga gawi ng kalalakihang Judio, Griyego, at Romano tungkol sa pagtatakip ng kanilang ulo, lalo na habang nagdarasal.
Ang mga gawi sa kulturang ito ay malinaw na isang dahilan sa payo ni Pablo sa 1 Corinto 11. Ngunit maaaring may isa pang isyu: ang pag-uugali ng mayayamang Kristiyano na isinawalang-bahala ang mga kaugalian ng lipunan, kapwa pagano at Kristiyano. Sa isang kapaligiran kung saan ang ilang Kristiyano sa Corinto ay tila sumasalungat sa mga pamantayan sa kaugalian dahil sa kayabangan, ipinayo ni Pablo na maging mapagpakumbaba at maganda ang asal para makaayon sa mga gawi sa kultura ng mga taga-Corinto.
Pag-aasawa at Hindi Pag-aasawa
Kasama sa payo ni Pablo tungkol sa pag-aasawa at hindi pag-aasawa ang ilang talatang tila mahirap nating sundin ngayon. Ngunit mas malinaw ang mga iyon sa konteksto ng isang pananaw na nagpababa sa kahalagahan ng katawan.
Sa Corinto, naniwala ang ilan na matinding pagtatatwa lamang sa sarili ang makalulugod sa Diyos. Ang negatibong pananaw nila tungkol sa kasal, bukod pa sa ibang mga bagay, ang nag-akay kay Pablo na talakayin ang pag-aasawa (tingnan sa 1 Corinto 7:1–7) at magbigay ng payo sa mga walang asawa, balo, nag-iisip na makipagdiborsyo, at kasal sa mga hindi nananampalataya (tingnan sa 1 Corinto 7:8–9, 39–40, 10–16). Ang payong iyan ay maaaring ibuod bilang: “Panatilihing malinis ang puri kapag hindi pa kasal at maging tapat sa asawa kapag kasal na.”
Pinayuhan ni Pablo ang mga mag-asawa na huwag maghiwalay, kahit may kahirapan. Pinayuhan niya ang mga Kristiyanong kasal sa mga hindi nananampalataya na manatiling kasal, “sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa” (1 Corinto 7:14).
Ang payo ni Pablo sa mga taong hindi pa nag-aasawa ay ibinibigay bilang kanyang opinyon, hindi doktrina (tingnan sa 1 Corinto 7:7–9, 39–40). Nais niya na lahat ng tao ay katulad niya at pinayuhan ang “mga walang asawa at … balo” na “[manatiling] gaya ko.” Bagama’t ang ibig sabihin nito palagay ko ay maging tapat sa asawa kapag kasal at maging malinis ang puri kapag hindi,2 ang payong ito ay maaaring angkop lamang sa mga namatayan ng asawa, lalaki man o babae.3
Ano’t anuman, iisa ang payo niya: “Ngunit kung sila’y hindi nakakapagpigil, ay dapat silang magsipag-asawa, sapagkat mas mabuti pang mag-asawa kaysa mag-alab ang pagnanasa.” Ganito ang pagkasabi rito ni Joseph Smith, “Datapuwa’t kung hindi sila makapagpigil, magpakasal sila; sapagkat mas mabuti pang magpakasal kaysa magkasala” (Joseph Smith Translation, 1 Corinthians 7:9).
Pagkakaisa kay Jesucristo
Ang kultural at makasaysayang tagpo sa Corinto ay mas ipinauunawa sa atin ang payo ni Pablo tungkol sa pananamit, pag-aayos, pag-aasawa, at hindi pag-aasawa. Naghikayat siya ng pagtitimpi, na iniiwasan ang pagiging labis-labis sa pag-uugali o anyo. Nang sabihin ng mga miyembro ng kongregasyon na ang kanilang espesyal na karunungan ay pinapayagan ang mga masuwaying gawain, malinaw na itinuro ni Pablo na “ang inyong pananampalataya ay huwag maging batay sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos” (1 Corinto 2:5). Ngayon ang ating pananampalataya ay kailangan ding nakasentro kay Jesucristo, hindi sa mga espesyal na pahayag ng kaalaman o karunungan sa kasalukuyan nating mga kultura. Sa gayon ay maaari tayong maging isa.