2023
Pagtanggap at Pagpapaabot ng Pagdamay
Setyembre 2023


“Pagtanggap at Pagpapakita ng Pagdamay,” Liahona, Set. 2023.

Mga Young Adult

Pagtanggap at Pagpapakita ng Pagdamay

Itinuturo sa atin ng perpektong halimbawa ng Tagapagligtas ang kapangyarihan ng pagpapakita ng pagdamay upang pagpalain ang kapwa.

batang umiiyak sa eroplano

Ano ang magiging resulta kapag pinagsama mo ang isang maliit na eroplano na may sakay na natutulirong ina at isang batang lalaki na hindi mapakali? Isang sitwasyon na nakaka-stress. Mula sa ilang hanay sa likuran, pinanood ko ang pangyayari. Parang ganito ang nangyari:

Bata: Gutom na po ako!

Inay: Sige, tingnan natin kung magkano ang pera sa pitaka ko.

Bata: Ayokoooo!

Inay: Pero hindi ba nagugutom ka?

Bata: Akin na iyan!

Ina: Ang ano?

Bata: Iyan!

Inay: Anak, hindi ko puwedeng ibigay sa iyo ang kuwintas ko.

Bata: Gusto ko iyan!

Nakuha ninyo ang ideya. Nang sumunod na 20 minuto, gumamit ang ina ng iba-ibang taktika para pakalmahin ang bata: pagsuhol, pagtutuon sa ibang bagay, pagpapatawa, at isa o dalawang kaunting pananakot. Walang umubra. “Maikling biyahe lang naman ito,” paalala ko sa sarili ko. “Magiging maayos din siya.”

Pero hindi siya OK. Tumitindi na ang stress niya, at nagsimula siyang magpahid ng luha sa sulok ng kanyang mga mata. Kahit hindi ko siya kilala, parang gusto ko siyang tulungan. Habang nag-iisip, nagsimula akong manalangin para sa kanila.

Hindi lang ako ang pasaherong naapektuhan ng tagpo. Nang tumindi ang kanyang emosyon, isa pang pasahero ang lumapit para tulungan siya. Isang mas matandang babae, na nakaupo sa tapat niya. Nagpapakita ng kabaitan, bumaling siya sa bata pang ina, tahimik na bumigkas ng ilang nakapapanatag na mga salita, at hinawakan ang kanyang kamay. Iyon lang ang ginawa niya. At sapat na iyon.

Ang dalawang babaeng ito ay naghawak-kamay sa magkabilang panig ng pasilyo sa natitirang oras ng paglipad. Bagama’t patuloy na nagwala ang batang lalaki, tila ba mukhang mapayapa ang kanyang ina. Isang himala iyon.

Pagdamay at Pagkahabag: Dalawang Katangian ng Pagkadisipulo

Sa ating makabagong bokabularyo, ang himalang ito ay may pangalan: pagdamay. Ang pagdamay, batay sa kahulugan, ay sensitibong pagdama sa mga iniisip, damdamin, o nararanasan ng ibang tao. Ang pagdamay ay makabagong kataga; hindi ninyo ito matatagpuan saan man sa mga banal na kasulatan. Pero napansin ng mga linguist na ang pagdamay ay malapit na nauugnay sa pagkahabag. At bilang salita sa banal na kasulatan, napakaraming pagkahabag dito.

Ang pagdamay ay kakayahang makaugnay sa sakit na nadarama ng ibang tao, at ang pagkahabag ay pagkakawanggawa na nagmumula sa kakayahang iyon. Ipinakita ni Jesucristo kapwa ang pagdamay at pagkahabag nang Siya ay maglingkod, magbasbas, magpagaling, at magbayad-sala. Bilang mga disipulo ni Cristo, dapat tayong matutong makaranas ng pagdamay at magpakita ng habag. Kabilang ito sa mga katangian ng pagiging disipulo.

Kapag ang pagdamay ay gumagawa ng pinakamalaking hiwaga nito, tinutulungan tayo nitong maunawaan at pagkatapos ay tumugon sa sakit, pangangailangan, takot, o kalungkutan ng ibang tao. Sa sitwasyon ng bata pang ina, ang isang matandang babae na maaaring mga dekada na ang karanasan sa pag-aalaga sa mga anak at apo ay makapagbibigay ng kapanatagan dahil tiniis niya mismo ang gayon ding mga paghihirap. Dahil sa kanyang sariling karanasan, siya ay karapat-dapat na kumilos bilang tagaalo.

Ano ang naging dahilan kung bakit karapat-dapat si Jesucristo na aluin o panatagin tayo? Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Alam ni Jesus kung paano tayo tutulungan sa gitna ng ating mga dalamhati at karamdaman dahil pinasan na ni Jesus ang ating mga pighati at karamdaman [tingnan sa Alma 7:11–12]. Alam Niya mismo kung ano ang mga ito; sa gayon ang Kanyang pagdamay ay nakakamit.”1

si Jesus na binibisita ang mga Nephita

Christ in the Land Bountiful [Si Cristo sa Lupaing Masagana], ni Simon Dewey

Pagtanggap ng Pagdamay at Pagtulong sa Kapwa

Anong mga paghihirap ang napagtiisan mo kung saan “nakamtan” mo ang kakayahang makiramay sa iba at magpakita ng habag sa kanila? Naranasan mo na ba ang mga epekto ng kahirapan, pang-aabuso, kamangmangan, karamdaman, kapabayaan, kasalanan, o anumang uri ng mga paghihirap? Kung oo, marahil mula sa iyong mga pagdurusa ikaw ay naging mas matalino, mas malakas, at mas sensitibong tao.

Sa madaling salita, nagtataglay ka na ng pagdamay. Handa ka nang gumawa ng kaibahan sa buhay ng mga nagdurusa. Saan magsisimula? May dalawa akong mungkahi.

Una, sikaping mas maunawaan ang mga pagdurusa ng ibang tao. Nakalulungkot na posibleng makasama ang isang taong nasasaktan at hindi pa rin mapansin ang kanilang pagdurusa. Paano tayo magiging mas sensitibo? Matuturuan tayo ng halimbawa ni Jesucristo.

Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Muli, nang dalawin ni Jesus ang mga Nephita, ipinaliwanag Niya ang Kanyang doktrina at itinuro sa kanila ang Kanyang ebanghelyo. Nang tumigil Siya sandali, tumingin Siya sa mga tao at sinabing, “Nahihiwatigan ko na kayo ay mahihina, na hindi ninyo nauunawaan ang lahat ng [aking] salita” (3 Nephi 17:2). Pagkatapos ay inanyayahan sila ni Jesus na umuwi, magpahinga, pagnilayan ang Kanyang mga turo, at bumalik kinabukasan na mas masigla at handa sa marami pang bagay (tingnan sa 3 Nephi 17:3).

Tapos na ang kuwento, tama ba? Hindi pa rin. Pagkatapos ay lalong naging sensitibo si Jesus nang suriin Niya ang mukha ng kanyang mga alagad:

“At ito ay nangyari na, nang makapagsalita nang gayon si Jesus, muli niyang iginala ang kanyang mga paningin sa maraming tao, at namasdan na sila ay luhaan, at nakatitig sa kanya na waring kanilang hinihiling sa kanya na magtagal pa nang kaunti sa kanila.

“At kanyang sinabi sa kanila: Masdan, ang aking sisidlan ay puspos ng pagkahabag sa inyo” (3 Nephi 17:5–6). Nang mas tingnan pa Niya sila, mas lubusan Niya silang nakita. At doon nagsimula ang Kanyang mahabaging pagtugon.

Sa mundong puno ng mga taong makasalanan, hindi tayo kailangang tumingin nang husto bago natin makita ang mga luha sa mga mata ng mga anak ng ating Ama sa Langit. Pero kailangan nating tumingin. Tulad ng Tagapagligtas, maaari nating piliing makita ang mga tao gamit ang lente ng kanilang mga pangangailangan. At kapag nakita na natin ito, makapaglilingkod tayo.

Napansin ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol na “habang sadya nating sinisikap na maging mahabagin sa ating buhay, tulad ng ipinakita ng Tagapagligtas, magiging mas sensitibo tayo sa mga pangangailangan ng iba. Sa pagiging mas sensitibo, mapupuno ng tapat na interes at pagmamahal ang bawat pagkilos natin.”2

Pangalawa, mag-alok ng tulong na ikaw lang ang natatanging kuwalipikadong magbigay. Matapos mahiwatigan ni Jesus ang mga pangangailangan ng mga Nephita sa lupaing Masagana, pinalapit Niya sila. Pinagaling Niya ang kanilang maysakit at binasbasan ang kanilang mga anak. Ginawa niya ang mga bagay na tanging ang Tagapagligtas ng sanlibutan ang makagagawa.

Maiaakma rin natin ang ating mga karanasan at kakayahan para matugunan ang mga pangangailangan ng iba. Hindi natin malulutas ang mga problema ng lahat, pero mapapagaan natin ang pasanin ng mga taong ang pagdurusa ay parang tulad ng sa atin. Maaaring hindi natin mapagaling ang isang ketongin, pero maaari nating maalo ang maysakit. Maaaring hindi natin maiangat ang isang tao mula sa kahirapan, pero maaari tayong magbahagi ng mga alituntunin ng masinop na pamumuhay, magbigay ng pagkain, at magbigay ng mas bukas-palad na handog-ayuno. Maaaring hindi natin kayang magpatawad ng kasalanan, pero maaari nating patawarin ang mga nakasakit sa ating damdamin.

Pagkilos nang May Pagdamay

Ano ang magiging resulta kapag pinagsama mo ang isang maliit na eroplano na may sakay na natutulirong ina at isang batang lalaki na hindi mapakali? Isang pagkakataong magpakita ng pagdamay at pagkahabag.

Lumapag ang eroplano namin at lumabas na ang bata pang ina, bitbit ang bag sa isang kamay, at karga ang batang lalaki sa kabilang kamay. Lumitaw na may isa pa siyang flight at baka hindi na niya ito maabutan. Minasdan ko ang pagkataranta niya sa tarmac habang palabas ang kanyang bagahe. Binilang ko ang dala niyang mga gamit: stroller, car seat, maleta, carry-on, diaper bag. Kinailangan niya ng tulong. Ang pagdamay ko ay kailangang ipakita sa pagkahabag.

Nang hindi tumigil para ipakilala ang sarili ko, kinuha ko ang kanyang mga gamit at sinabing, “Ako na ang magbubuhat nito. Kargahin mo siya. Tumakbo ka na papunta sa iyong gate. Susundan kita.” Buong pasasalamat niya itong tinanggap, at mabilis na kaming naglakad sa airport. Nang palapit na kami sa gate, nakita ko ang isa pang babae na nakikiusap sa airline attendant na paghintayin pa ang eroplano nang ilang minuto. Habol ang hininga, nakarating din kami sa gate. Ang bata pang ina at ang babaeng ito ay nagyakapan nang may luha ng kagalakan at ginhawa bago sumakay.

Ang munting paglilingkod na ito ay hindi nagpabago sa mundo, pero talagang pinagpala nito ang buhay ng isang anak ng Diyos na nangangailangan. Tulad ng nakatulong ito sa bago kong kaibigan papunta sa kanyang pisikal na destinasyon, nakatulong din ito sa akin na umunlad tungo sa aking espirituwal na destinasyon. Ang pagpili ng pagdamay at pagkahabag ay nakatulong sa akin na maging mas katulad ni Jesucristo. At naging masaya ako dahil dito.

Saan man tayo naroon—sa trabaho o sa paaralan, sa simbahan o nasa eroplano—maaari tayong maging madamaying kinatawan ng Tagapagligtas. Sino ang nais ng Tagapagligtas na pakitaan mo ng habag ngayon?