“Gusto Mo Bang Malaman pa ang Iba?,” Liahona, Setyembre 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Gusto Mo bang Malaman pa ang Iba?
Naiiba ang isa sa mga tentmate ko kumpara sa iba pang mga sundalo, kaya tinanong ko siya kung bakit.
Sumali ako sa United States Army na may tatlong taong termino at nakarating ako sa Timog ng Vietnam noong ika-20 kaarawan ko. Pagkaraan ng walong buwan, nadestino ako sa isang unit sa hilagang-kanluran ng Saigon. Habang naroon, mabilis kong napansin na ang isa sa mga kasama ko sa tolda, si Thomas Salisbury, ay naiiba sa lahat.
Kitang-kita ang kaibahan niya kaya kalaunan ay tinanong ko siya, “Tom, bakit napakaiba mo sa lahat?”
“Dahil isa akong Banal sa mga Huling Araw,” sagot niya.
“Ano ang isang Banal sa mga Huling Araw?” tanong ko.
Sinabihan niya ako na makipagkita sa kanya at kay Harold Lewis, na isang returned missionary na naglilingkod bilang assistant sa unit chaplain. Sa unang pagkikita namin sa isang tolda na nagsilbing munting chapel, sumang-ayon ako na kung talagang naniniwala ako sa sinasabi nila sa akin, magpapabinyag ako. Nakatanggap din ako ng kopya ng Aklat ni Mormon, na inilagay ko sa bulsa sa ibaba ng cargo pants ko at nagbabasa tuwing may bakanteng oras ako.
Sumunod ang ilang talakayan, at nalaman ko na bawat lesson ay sumagot sa mga tanong ko sa paghahanap ko ng katotohanan. Pero nang tanungin ako nina Tom at Harold kung gusto kong magpabinyag, tumanggi ako. Hindi ko alam kung paano ko masusunod ang lahat ng kautusang itinuro nila sa akin.
Matapos dumalo sa isang district conference sa Saigon, nagpunta ako sa Australia para sa isang linggo ng pahinga at pagrerelaks. Habang naroon, natanto ko kung gaano kahalaga sa akin ang mga turo ng ebanghelyo. Pagbalik ko sa Vietnam, kaagad kong ibinalita kay Tom na gusto kong magpabinyag.
Hindi nagtagal, bininyagan ako ni Tom sa Sông Bé Lake, kinumpirma ako ni Harold na miyembro ng Simbahan, at si Timothy Hill, ang aming group leader sa Simbahan, ang nag-orden sa akin na deacon.
Nang makauwi ako sa Estados Unidos pagkaraan ng anim na linggo, ipinakilala ko ang ebanghelyo sa aking kasintahan, na naging asawa ko. Tinanggap din niya ang mensahe ng ebanghelyo na puno ng pag-asa.
Habampanahon akong magpapasalamat na tinanong ako ni Tom kung gusto kong malaman pa ang iba. Sinagot ng kanyang halimbawa at paanyaya ang pananabik kong mahanap ang katotohanan at matamasa ang mga pagpapala ng ebanghelyo.