2023
4 na Tanong at Sagot tungkol sa mga Espirituwal na Kaloob
Setyembre 2023


Digital Lamang

4 na Tanong at Sagot tungkol sa mga Espirituwal na Kaloob

Anong mga espirituwal na kaloob ang tutulong sa iyo na mamuhay at maglingkod nang sagana sa landas ng tipan tungo sa buhay na walang hanggan?

isang kamay na may hawak na regalo

May gawain ang Diyos para sa bawat isa sa atin. At lahat tayo ay nabigyan ng natatanging mga kaloob na naghahanda sa atin na itayo ang kaharian ng Panginoon sa paraan na tanging bawat isa sa atin ang makagagawa!1 Maaari din tayong patuloy na lumago at magpaunlad ng mas maraming espirituwal na kaloob para maging higit na katulad ni Jesucristo at makapaglingkod sa Kanya.

Paano makagagawa ng kaibhan ang pagpapaunlad ng ating mga kaloob?

Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Hinihimok ko kayo, nang may buong pag-asa sa puso ko, na ipagdasal na maunawaan ninyo ang inyong mga espirituwal na kaloob—na linangin, gamitin, at palawakin ang mga ito, nang higit pa kaysa rati. Mababago ninyo ang mundo kapag ginawa ninyo ito.”2

Paano nakatutulong sa atin ang pagpapaunlad ng ating mga espirituwal na kaloob na magamit ang kapangyarihan ni Jesucristo para makatulong na baguhin ang mundo? Kapag nauunawaan natin kung ano ang ating mga espirituwal na kaloob, unti-unti nating nauunawaan kung paano nito mapagpapala ang iba at matutulungan din tayo na maging higit na katulad ni Jesucristo.

Ano ang Layunin ng mga Espirituwal na Kaloob?

Ang mga espirituwal na kaloob ay isang paraan na tinutulungan tayo ng Ama sa Langit na maisakatuparan ang ating gawain sa lupa at mas mailapit ang ating sarili at ang iba kay Jesucristo. Ang ating mga pagsisikap ay nauugnay sa banal na gawain ng Ama sa Langit na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Siya ang pinagmumulan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan, habang ginagamit natin ang ating mga espirituwal na kaloob para sundin ang Kanyang mga kautusan at ituon ang ating sarili at ang iba sa Kanya.3

Ayon sa banal na kasulatan, ang pinakalayunin ng ating mga espirituwal na kaloob ay para ilapit tayo kay Jesucristo at gawing medyo mas madali ang buhay na ito para sa ating mga kapatid—“para sa kapakinabangan ng mga anak ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 46:26; tingnan din sa mga talata 8–9) at para sa “ikatitibay ng [simbahan]” (1 Corinto 14:12).

Aling mga Espirituwal na Kaloob ang Dapat Kong Hangarin?

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) na “ang mga espirituwal na kaloob ay walang katapusan ang dami at walang hanggan ang pagkakaiba-iba.”4 Maaaring ilaan ng Diyos ang anumang mga kaloob na kailangan natin para maisakatuparan ang Kanyang mga layunin, kapwa para mapabuti ang ating sarili at matulungan ang iba.

Itinuro ni Pangulong George Q. Cannon ng Unang Panguluhan (1827–1901), “Kung hindi perpekto ang sinuman sa atin, tungkulin nating ipagdasal na mapasaatin ang kaloob na gagawin tayong perpekto.”5 Walang hanggan ang pagkakaiba-iba ng mga kaloob na magpapalakas sa atin para sa iba’t ibang mga hamon o kahinaan na maaari nating maranasan. Itinuro din ni Pangulong Cannon: “Hindi dapat sabihin ng sinuman na, ‘Ah, hindi ko kontrolado ito; likas na sa akin ito.’ Hindi siya mabibigyang-katwiran dito.”6 Sa pamamagitan ni Jesucristo, matatanggap natin ang lahat ng kaloob na kailangan natin para magpakabuti at magbago upang maging higit na katulad Niya.

Kapag nagkaroon tayo ng mga katangiang tulad ng kay Cristo, mapapasigla at mapaglilingkuran din natin ang iba sa mga paraang katulad ng kay Cristo. Ang ating mga pamilya at komunidad ay makikinabang kapag maibibigay natin sa kanila ang lahat ng ating makakaya.

Aling mga espirituwal na kaloob ang kailangan mong mapaunlad nang higit pa sa “likas na tao” (Mosias 3:19) at maging tulad ka ng nais ng Diyos na kahinatnan mo?

Ano ang Ilang Halimbawa ng mga Espirituwal na Kaloob?

Ang mga espirituwal na kaloob ay hindi limitado sa nakalista sa 1 Corinto 12:4–11, 30–31; Moroni 10:8–18; o Doktrina at mga Tipan 46:7–26. Narito ang mga halimbawa ng karagdagang mga espirituwal na kaloob ayon sa ibinigay ng mga pinuno ng Simbahan:

  • “Magtanong; …

  • “Makinig; …

  • “Marinig at magamit ang marahan at banayad na tinig; …

  • “Makatangis; …

  • “Makaiwas sa pakikipagtalo; …

  • “Maging kanais-nais; …

  • “Makaiwas sa walang-kabuluhang pag-uulit-ulit; …

  • “Maghangad ng matwid; …

  • “Hindi manghusga; …

  • “Umasa sa Diyos para sa patnubay; …

  • “Maging isang disipulo; …

  • “Magmalasakit sa iba; …

  • “Makapagnilay-nilay; …

  • “Makapag-alay ng panalangin; …

  • “Makapagbahagi ng malakas na patotoo; …

  • “Matanggap ang Espiritu Santo.”7

  • “Maging mahabagin,

  • “Magpakita ng pag-asa,

  • “Makisama nang maayos sa mga tao,

  • “Makapag-organisa nang epektibo,

  • “Makapagsalita o makapagsulat nang nakahihikayat,

  • “Makapagturo nang malinaw,

  • “Maging masipag sa trabaho,”8 at

  • Napakarami pang iba.

Paano Ako Magtatamo ng mga Espirituwal na Kaloob?

Bukod pa sa mga kaloob na taglay ng isang tao nang siya ay ipanganak, posibleng magpaunlad ng maraming karagdagang espirituwal na kaloob sa buong buhay ng tao. Ang pagtanggap ng mga espirituwal na kaloob ay madalas mangailangan ng pagsisikap. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapagyo sa Unang Panguluhan, na ang mga espirituwal na kaloob ay “hindi dumarating nang nakikita, awtomatiko, at agaran sa lahat ng nakatanggap ng kaloob na Espiritu Santo.” Sa halip, pagpapatuloy niya, “ang pagtanggap ng mga espirituwal na kaloob ay nakasalalay sa pananampalataya, pagsunod, at personal na kabutihan.”9

Bagama’t tinatawag ang mga ito na “mga kaloob,” malamang na hindi natin matatanggap ang mga ito nang wala tayong ginagawa. “Mas malamang na bibigyan [tayo ng Ama sa Langit] ng mga oportunidad na paunlarin ang mga kaloob na iyon sa halip na ipagkaloob lang sa atin ang mga iyon nang walang espirituwal at pisikal na pagsisikap,” pagtuturo ni Elder Juan Pablo Villar ng Pitumpu. “Kung hangad nating magkaroon ng higit na pasensya, maaaring kailanganin nating gamitin iyon habang naghihintay ng isang sagot. Kung nais nating magkaroon ng higit na pagmamahal para sa ating kapwa, maaari natin itong pag-ibayuhin sa pamamagitan ng pagtabi sa isang taong hindi natin kilala sa simbahan.”10

Itinutuon Tayo ng mga Espirituwal na Kaloob sa Pinakadakilang Kaloob

Ang mga espirituwal na kaloob ay tinutulungan tayong sumulong sa landas ng tipan—at tinutulungan tayong anyayahan ang iba na sumama rin sa ating paglakad. Ang landas na ito ay ginagabayan tayo sa “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos”: ang buhay na walang hanggan (Doktrina at mga Tipan 14:7).

Gaya ng sinabi ni Elder Bruce C. Hafen noong miyembro pa siya ng Pitumpu, “Maaari tayong mabuhay nang walang hanggan kung gusto natin, pero ito’y kung wala na tayong iba pang nais.”11

Ano ang pinakagusto mo? Anong mga espirituwal na kaloob ang makatutulong sa iyo na marating iyon? Maaaring hindi mabago ng ating mga espirituwal na kaloob ang mundo para sa lahat, ngunit ang mapaunlad ang mga ito para mapaglingkuran ang iba ay magpapabago sa ating mundo at sa mundo ng mga pinaglilingkuran natin.