“Pamimigay ng 72 mga Kopya ng Aklat ni Mormon,” Liahona, Set. 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pagmimigay ng 72 mga Kopya ng Aklat ni Mormon
Sa tuwing bubuksan ko ang bibig ko para magsalita tungkol sa Aklat ni Mormon, kasama ko ang Espiritu Santo.
Noong pandemyang COVID-19, mapalad kaming magkaroon ng hospice care para sa asawa kong si Claude sa aming tahanan. Doon, ako at ang aming mga anak ay buong pagmamahal siyang inalagaan hanggang sa tahimik siyang pumanaw at nagtungo sa ating tahanan sa langit.
Bago iyon, ipinagdasal namin ni Claude kung gagawin ba naming hospice room ang aming screened-in patio, kung saan mailalagay namin ang lahat ng kailangan niya para maging komportable siya. Nakatanggap kami ng kumpirmasyon na dapat naming gawin ito.
Para ma-remodel ang patyo, kailangang pumasok sa aming tahanan ang ilang manggagawa. Sa kabutihang-palad, may pinto sa likod ang patio, para makalabas-pasok ang mga manggagawa nang hindi na kailangang dumaan sa aming sala. Malaking pagpapala iyon noong marami pang bawal dahil sa COVID-19.
Nang matapos at makumpleto ang silid ni Claude, araw-araw na dumating ang mga nars. Sila ay mabait, mapagmahal, at maalam tungkol sa kailangan naming gawin para maging komportable si Claude.
Nang sumapi ako sa Simbahan, itinuro sa akin na bawat miyembro ng Simbahan ay missionary.1 Dahil gustung-gusto kong ibahagi ang ebanghelyo, bumili ako ng tatlong kahon ng Aklat ni Mormon, na may 24 na aklat sa bawat kahon. Sumumpa ako na magbibigay ng aklat sa bawat taong papasok sa aming tahanan.
Minarkahan ko ang mahahalagang bahagi ng bawat aklat gamit ang business card na dinisenyo ko na may retrato ng Salt Lake Temple na kinunan ko. Nagdikit din ako ng aking patotoo sa blangkong pahina sa harapan ng bawat aklat. Pagkatapos, bago magbigay ng aklat sa isang manggagawa o nars, ipinaliwanag ko sa kanila kung ano ang Aklat ni Mormon.
Masaya ako at nagulat sa kanilang mga reaksyon. Isang tao lang ang hindi tumanggap ng aklat. Lahat ay interesadong marinig ang tungkol dito. Lubos akong pinasalamatan ng ilan, at sinabing alam nila ang tungkol sa Aklat ni Mormon at gusto nilang magkaroon ng kopya nito. Napakasaya ng ilang tao kaya niyakap pa nila ako.
Naniniwala ako na nangyari ito dahil sa tuwing bubuksan ko ang aking bibig para magsalita tungkol sa Aklat ni Mormon, kasama ko ang Espiritu Santo. Tiwala ako na nadarama ng mga manggagawa at mga nars ang Espiritu. Ipinamigay ko lahat ng 72 aklat, at kamakailan ay umorder ako ng 24 pang aklat.