“Pinagaling sa Templo,” Liahona, Set. 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pinagaling sa Templo
Sa loob ng templo, nakadama ako ng matinding katiyakan na mahal ako ng Panginoon at batid Niya ang mga paghihirap ko.
Ang panganay naming anak na lalaki ay patay nang isinilang noong 2017. Siyam na buwan bago inilaan ang Durban South Africa Temple noong 2020, patay nang isinilang ang pangalawa naming anak na lalaki.
Noong panahong iyon, nadama ko na parang ako si Ana ng Lumang Tipan. Ako “[ay nasa kapaitan ng kaluluwa,] at nanalangin sa Panginoon, [at umiyak nang matindi]” (I Samuel 1:10).
Wala akong magawa at galit, at matindi ang hirap na nadarama ko. Nahirapan ako sa emosyonal, pisikal, at espirituwal. Ang paghawak sa gabay na bakal ay parang paghawak nang mahigpit sa isang sinulid na unti-unti kong nabibitawan. Talagang sinubok ako sa “hurno ng kapighatian” (Isaias 48:10).
Labis ang pasasalamat ko na nakatanggap ako ng tulong at paggaling mula sa aking pamilya, sa mga banal na kasulatan, at sa panalangin. Tumanggap din ako ng tulong mula sa mga counselor. Gayunman, ang sukdulan ng aking paggaling ay dumating sa templo.
Nang magsimula akong maglingkod sa templo, nagsimula akong mapuspos ng dagdag na liwanag. Naging komportable ako doon. Nakadama rin ako ng matinding katiyakan na mahal ako ng Panginoon at alam Niya ang mga paghihirap ko.
Habang patuloy akong naglilingkod sa bahay ng Panginoon, nagsimula kong makita ang mga pangalan ng aking mga ninuno sa ibang paraan. Hindi lang mga pangalan ang mga ito. Natanto ko, halimbawa, na ang isang ninuno ay isang anak na babae, ina, lola, tita, kapatid, pamangkin. Ang pagpanaw niya ay malamang na masakit para sa mga natirang kamag-anak. Pero ang mga pagpapalang alay sa ninunong ito sa templo sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa para sa mga patay ay bumubuo ng dakila at magiliw na kagalakan na higit pa sa anumang sakit na naramdaman ng kanyang buhay na mga kamag-anak sa kanyang pagpanaw.
Ang pagkaunawang ito ay nagpala sa akin nang maisip ko ang aming minamahal na mga anak na lalaki, ang kawalang-hanggan ng ating mga espiritu, at ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Ang pagkawala ng aming mga anak ang nagtutulak sa akin na gawin ang lahat ng makakaya ko para ipamuhay ang ebanghelyo.
May mga araw na mas mahirap pa rin kaysa sa iba. Pero ang pagtupad sa aking mga pangako sa tipan ay nagpapadali sa mga araw na iyon.
Sa paghiram sa mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson, “Labis kaming nangungulila sa aming [mga] anak. Gayunman, dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, hindi kami nag-aalala para sa [kanila]. Habang patuloy naming tinutupad ang aming mga tipan sa Diyos, namumuhay kami nang may pananabik na makasama [silang] muli.”1