2023
Mga Referral sa Loob ng Bilangguan
Setyembre 2023


“Mga Referral sa Bilangguan,” Liahona, Set. 2023.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Mga Referral sa Loob ng Bilangguan

Sa loob ng bilangguan, si Sister Llanos ay hindi kailanman nakalimot sa kanyang layunin bilang kinatawan ni Jesucristo, nagtuturo sa kanyang mga kasama sa selda tungkol sa kanilang banal na pagkatao at kung paano manalangin.

sister missionary kasama ang mission president at kanyang asawa

Mga larawang kuha ni Amelia Lyon

Si Sister Aketzaly Llanos ay isang ulirang missionary na may matatag na patotoo. Siya ay orihinal na inatasang maglingkod sa Costa Rica San José East Mission, pero naglingkod siyang kasama namin ng asawa kong si Janeen sa Mexico Aguascalientes Mission sa loob ng isang taon bago siya nakatanggap ng visa papunta sa Costa Rica.

Noong Abril 2022 nagpaalam kami kay Sister Llanos nang sumakay siya sa eroplanong papunta sa Mexico City, kung saan sasakay siya ng eroplano papunta sa Costa Rica. Gayunman, wala pang 24 na oras matapos kaming magpaalam, tumawag sa amin ang mga pulis sa Mexico City.

“Inaresto namin si Aketzaly Llanos sa airport dahil may dala siyang isang bala na pangmilitar,” sabi nila. “Ito ay federal crime, at siya ay lilitisin.”

Kaagad akong nakipag-ugnayan sa area legal office ng Simbahan, at inupahan nila ang isang abugado para mapalaya si Sister Llanos. Hindi miyembro ng Simbahan ang abugadong ito. Nangako siyang tutulungan kami pero nagpakita ito ng pagdududa. Ipinaliwanag niya na kahit na ang pag-aari lamang ng isang bala na pang-militar ng mga nonmilitary personnel ay isa nang mabigat na krimen, anuman ang layon ng isang tao.

Kalaunan, sinabi sa amin ni Sister Llanos na napulot niya ang bala sa kalye sa kanyang huling area. Inisip niyang souvenir iyon. Tutal, ang bala ay kamukha ng mga souvenir key chain na ibinebenta sa labas ng isang matandang minahan ng pilak sa isa sa kanyang mga naunang area. Gayunman, itinuring siya ng mga imbestigador ng pamahalaan na parang isang terrorista. Sa loob ng ilang araw, inilipat si Sister Llanos mula sa piitan ng airport papunta sa isang high-security na bilangguan kung saan namamalagi ang pinakamalalang mga babaeng kriminal.

Mga Panalangin ng Pananampalataya

Agad na nagsimula ang mga panalangin para sa mabilis na paglaya ni Sister Llanos. Inanyayahan namin ni Janeen ang 115 mga missionary na nasa aming mission na manalig na makakakita kami ng himala, kung iyon ang kalooban ng Panginoon. Kinontak ko ang mga mission president sa Mexico City, ang Costa Rica San José East Mission, at ang Mexico Missionary Training Center, at inanyayahan nila ang kanilang mga missionary na makiisa sa amin sa panalangin.

sister missionary

Sa loob ng mga pader ng bilangguan, hindi kailanman naalis sa isipan ni Sister Aketzaly Llanos ang kanyang layunin bilang kinatawan ni Jesucristo.

Sa loob ng mga pader ng bilangguan, hindi kailanman naalis sa isipan ni Sister Llanos ang kanyang layunin bilang kinatawan ni Jesucristo. Tinuruan niya ang kanyang siyam na kasama sa selda na manalangin sa pamamagitan ng pagdarasal sa umaga at gabi bilang isang grupo araw-araw. Itinuro rin niya sa kanila ang tungkol sa kanilang banal na pagkatao.

Isa sa kanyang mga kasama sa selda ang nagsabing, “Talagang masamang tao ako dahil sa ginawa ko kaya napunta ako dito, at namumuhi sa akin ang Diyos.” Tiningnan siya ni Sister Llanos sa mata at sinabing, “Hindi. Hindi ka masamang tao. Isa kang taong nakagawa ng isang bagay na masama. Pero ikaw ay anak ng Diyos, at mahal ka Niya!”

Isa pang kasama sa selda ang nagkuwento tungkol sa panaginip niya ilang linggo bago dinakip si Sister Llanos. Nanaginip ang kasama sa selda na isang quetzal bird ang lumipad papasok sa bilangguan para tulungan siya. Bago sumapi si Sister Llanos sa Simbahan, mayroon siyang larawan ng isang quetzal bird na nakatato sa kanyang likod. Nang makita ng kasamahan sa selda ang tato, alam niyang dapat siyang makinig sa mensahe ni Sister Llanos bilang missionary.

Itinuro sa kanya ni Sister Llanos ang tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at binigyan siya ng kopya ng Aklat ni Mormon na dala niya sa bilangguan—ang kopyang ibinigay ng mga sister missionary kay Sister Llanos limang taon bago niya siniyasat ang Simbahan.

Isang paunang paglilitis ang mabilis na naiskedyul sa Mexico City. Nagpunta kami ni Janeen para personal na magpatotoo. Nang makipagkita kami sa legal team sa labas ng hukuman, ang abugado ay talagang kinakabahan, pabalik-balik na naglalakad sa bangketa.

Kinausap ko siya nang sarilinan at sinabing: “Ngayon ay magiging mas kalmado at payapa ang pakiramdam mo kaysa sa nadama mo kailanman sa isang hukuman. Sasabihin ko sa iyo kung bakit. Mahigit 500 mga missionary at kanilang mga pamilya ang nagdarasal para sa iyo at sa iyong tagumpay ngayon. Ipinagdarasal din nila na maging malambot ang puso ng hukom at palayain niya si Sister Llanos mula sa bilangguan.”

Napuno ng luha ang mga mata ng abogado, at nagpasalamat siya sa pananampalataya at mga panalangin ng napakaraming tao para sa kanya.

Pagsapit ng alas-10:00 n.u. nagsimula ang paglilitis, pero sinabihan akong maghintay sa labas hanggang sa dumating ang oras para tumestigo ako. Dalawang oras ang lumipas. Pagkatapos ay lumabas ang guwardiya ng korte at sinabing hindi na kailangang marinig ng hukom ang aking patotoo—nakagawa na siya ng desisyon.

Sabik akong pumasok sa korte, at nagsimulang magsalita ang hukom. Nagsalita siya tungkol sa batas na nilabag ni Sister Llanos at tungkol sa mabigat na kasong kinakaharap niya.

“Binabalewala ang lahat ng iyan,” pagpapatuloy niya, “Naniniwala ako sa katibayan na naipakita tungkol sa mabuting pagkatao ni Sister Llanos.” Pagkatapos ay binanggit niya ang isang hindi malinaw na bahagi ng batas na nagpahintulot na magkaloob siya ng awa, at agad niyang pinalaya si Sister Llanos.

sister missionary at asawa ng mission president

Si Sister Llanos kasama si Sister Janeen Redd, na niyakap ni Sister Llanos habang umiiyak nang mapalaya siya mula sa bilangguan.

“Ang Diyos sa Aking Panig”

Ito ang himalang hinangad namin! Sa halip na hatulan ng apat na taon o higit pa sa bilangguan, napalaya si Sister Llanos. Pagkatapos ng pagdinig, sinabi ng kanyang abugado na ang araw na iyon ay isa sa mga pinakamahalagang araw ng kanyang propesyon.

“Talagang nadama ko ang Diyos sa tabi ko,” sabi niya. “Gusto kong malaman pa ang tungkol sa inyong mga paniniwala.”

Inanyayahan ko siyang magpunta sa Mexico City Mexico Temple Visitors’ Center. “Makikita mo ang iba pang mga missionary doon na kasingbuti ni Sister Llanos,” sabi ko sa kanya. “Makikita mo ang kislap sa kanilang mga mata, at itatanong mo sa iyong sarili kung bakit.”

Makalipas ang labindalawang oras, si Sister Llanos ay pinalaya, na nakasuot pa rin ng damit na para sa bilanggo. Humagulgol siya sa mga bisig ni Janeen. Nang tumigil na kaming lahat sa pag-iyak para magsalita, sinabi ni Sister Llanos, “President, mayroon akong mga referral galing sa bilangguan!”

Pinagtibay ng buong karanasang ito na “ang Diyos ay hindi tumitigil na maging Diyos ng mga himala” (Mormon 9:15). Wala akong alinlangan na ang pananampalataya at mga panalangin ng maraming mabubuting tao ay nakatulong sa isang abugado na ipagtanggol ang kanyang kaso at mapalambot ang puso ng hukom.

Dahil dinakip si Sister Llanos, nagkaroon ng pag-asa ang ilang kababaihang nakabilanggo sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, sumibol ang binhi ng pananampalataya sa isang abugado, at napalakas kami sa aming pananalig na magagamit tayo ng Diyos upang isulong ang Kanyang gawain saanman tayo naroon.

sister missionary na nakatayo sa harapan ng templo

Si Sister Llanos sa Tijuana Mexico Temple.