“Pag-unawa sa Wakas Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Mahalin ng Diyos,” Liahona, Set. 2023.
Mga Young Adult
Pag-unawa sa Wakas Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Mahalin ng Diyos
Nawala sa isip ko ang tungkol sa kapangyarihan na malaman ang aking banal na pagkatao.
Noong bata pa ako, lumipat ang pamilya ko sa Germany mula sa Hungary. Sabik akong lumipat doon noon, pero iyon ang pinakamahirap na siyam na taon ng buhay ko.
Nahirapan akong matuto ng German, at noon pa man ay medyo sensitibo na ako, at ang dalawang ito ang naging dahilan para maging target ako sa pambu-bully. Talagang bumaba ang pagpapahalaga ko sa aking sarili. Sa paglipas ng panahon nadama ko na parang walang nagmamahal sa akin at wala akong gaanong pag-asa sa hinaharap. Inisip ko kung magiging mas mabuti ang mundo kung wala ako at kung minsan ay naiisip ko pa ngang magpakamatay.
Pero kahit paano, sa kabila ng lahat ng pagdurusa, alam kong binigyan ako ng dahilan para mabuhay, kahit hindi ko lubos na nauunawaan kung bakit. Alam ko na matatagpuan ko ang liwanag ng Tagapagligtas kahit sa pinakamadidilim na panahon (tingnan sa Eter 12:4). Nang tila tinatalikuran ako ng mundo, alam ko kung saan Siya matatagpuan at ano ang magagawa Niya para sa akin kung hahanapin ko Siya sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, panalangin, at paggawa ng lahat ng makakaya ko para maging Kanyang disipulo. Ang pamumuhay ko ng Kanyang ebanghelyo ang nagbigay talaga sa akin ng kung anong uri ng kapayapaan at nakatulong sa akin na magpatuloy sa kakila-kilabot na panahong ito.
Isang Katotohanang Nawala na sa Aking Isipan
Kalaunan, bumalik kami ng pamilya ko sa Hungary. Nakatapos ako ng hayskul, at bagama’t tapos na ang mga araw ng pambu-bully sa akin, wala pa rin akong pagpapahalaga sa aking sarili. Talagang naapektuhan ako ng hindi magandang pagtrato sa akin, at kung minsan ay pinagdududahan ko pa rin ang kahalagahan ng sarili ko.
At bilang young adult, gusto ko talagang magkaroon ng kumpiyansa sa paggawa ng malalaking desisyon sa buhay at sa pagpapasiya kung ano ang gusto kong magawa sa buhay.
Habang nahihirapan ako sa bagay na ito, nadama ko na dapat akong dumalo sa isang kumperensya para sa mga young single adult sa silangang Europa. Kailangan ko ng espirituwal na patnubay sa buhay ko noon para matulungan akong palalimin ang pagpapahalaga sa sarili ko at nagdasal ako na mahanap ang mga sagot doon.
Isang gabi sa kumperensya, kinilabutan ako nang simulang banggitin ng fireside speaker kung paano siya inapi noong bata pa siya. Nagsalita siya tungkol sa kung paano niya minsang nadama na wala siyang halaga at hindi nakikita. Nagsimula na akong umiyak.
Inilarawan niya ang naranasan ko.
Nagpatuloy ang tagapagsalita at ibinahagi ang katotohanang pinanghawakan niya sa kanyang mga pagsubok—isang katotohanang nawala na sa isip ko:
“Ako ay anak ng Diyos.”
Pagtanggap sa Aking Banal na Pagkatao
Nang tapos na ang fireside, may luha pa ring dumadaloy sa mukha ko. Napansin ito ng tagapagsalita at niyakap niya ako. Sinabi niya sa akin na hindi siya karaniwang dumadalo upang magsalita sa mga fireside ngunit nadama niya na may isang taong kailangang direktang marinig ang kanyang mensahe.
Ako ang taong iyon.
Ipinakita sa akin ng karanasang ito kung gaano lubos na nalalaman ng Ama sa Langit ang tungkol sa Kanyang mga anak at na alam Niya kung paano tayo tutulungan upang madama natin kahit kaunti lang ang kanyang perpektong pagmamahal bilang magulang. Alam Niya na kailangan kong marinig ang mensahe ng tagapagsalitang ito at iniutos sa akin na pumunta sa tamang lugar sa tamang panahon.
Buong buhay ko ay alam ko ang pariralang, “Ako ay anak ng Diyos,” pero ang katotohanan nito ay noon lamang lubos na naunawaan ng aking kaluluwa. Talagang natanto ko ang ibig sabihin ng maging anak ng isang perpektong Diyos na lubos na nagmamahal sa atin kaya handa Siyang isakripisyo ang Kanyang sariling Anak upang tayo ay mabuhay na muli at matubos mula sa ating mga kasalanan. Na nagmamahal sa akin nang labis kaya bagama’t hindi Niya ako palaging mapoprotektahan laban sa sakit, kasama ko Siya at matutulungan Niya akong madaig ito, umunlad mula rito, at bumalik sa Kanya.
Mahal Niya ako ngayon, at talagang minahal Niya ako sa mga taon na binu-bully ako noong nadama ko na walang ibang nagmamahal sa akin. Alam ko na ngayon na iyon ay dahil sa kaibuturan ko ay alam ko ang katotohanang ito kaya pinili kong magpatuloy sa buhay.
Itinuro kamakailan ni Pangulong Russell M. Nelson ang tungkol sa kapangyarihang malaman ang ating banal na pagkatao. Sabi niya: “Mahal kong mga kaibigan, kayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. … Ngunit nakatatak ba sa puso ninyo ang walang-hanggang katotohanang iyan? …
“Huwag kayong magkakamali tungkol dito: Banal ang inyong potensyal. Sa inyong masigasig na paghahanap, ipababanaag sa inyo ng Diyos kung sino ang maaari ninyong kahinatnan.”1
Ngayon kapag nagdududa ako sa aking kahalagahan, palagi kong ipinapaalala sa sarili ko ang katotohanan na ako ay anak ng Diyos at na ang buhay ko ay isang kaloob mula sa Kanya.
Tandaan na ikaw ay anak ng Diyos. At huwag kalimutan kailanman ang nagtataguyod, nagpapabago ng buhay, at pambihirang espirituwal na lakas na nagmumula sa pagtanggap sa katotohanang iyon.
Ang awtor ay naninirahan sa Szeged, Hungary.