2023
Binyag sa Biyernes ng Gabi
Setyembre 2023


“Binyag sa Biyernes ng Gabi,” Liahona, Set. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Binyag sa Biyernes ng Gabi

Ang hangarin kong magsisi ay nakatulong sa akin na mahanap ang Tagapagligtas at ang Kanyang Simbahan.

babaeng nakatayo sa harapan ng templo

Larawang-guhit ni Katy Dockrill

Matapos maranasan ang unang kasabikan sa pagpunta sa Estados Unidos mula sa China upang matanggap ang aking PhD, na-overwhelm ako sa dami ng papel sa akademya na kailangan kong basahin at isulat. Hindi ko rin tiyak kung paano makikipag-ugnayan sa academic adviser ko, na nakaragdag sa stress ko. Dama kong naliligaw ako at nalulungkot, at hindi ko alam kung ano ang gagawin.

Naisip ko na ang mga nagawa kong kasalanan ang naging dahilan ng aking pagdurusa at kailangan kong magsisi. Gabi iyon, kaya naghanap ako ng “simbahan” online. Nalaman ko na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging simbahan na nakabukas nang hanggang alas-9:00 nang gabi. Habang iniisip kong magsisi sa simbahan, isang oras akong naglakad.

Pagdating ko sa simbahan nang mga alas-6:00 nang gabi, nakakita ako ng mga ilaw at nakarinig ako ng halakhak at musika na nagmumula sa loob. Naghanap ako sa paligid ng gusali pero hindi ko makita ang pinto. Sa bintana, nakita ko ang isang ama na nakikipaglaro sa kanyang anak sa isa sa mga silid. Kumatok ako sa bintana para makuha ang kanyang pansin. Itinuro niya sa akin kung saan naroon ang pintuan, malugod akong pinapasok, at sinabi sa akin na may binibinyagan.

Sumunod ako sa kanya at pumasok sa isang silid kung saan binabasbasan ng isang lalaki ang isang batang kabibinyag pa lang. Habang nakatayo malapit sa pintuan, na nakikinig sa basbas, nadama ko na bumubulong din sa akin ang Diyos ng mga pagpapala. Napanatag ang puso ko, at nalaman ko kalaunan na ang nadama ko ay ang Espiritu Santo. Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabing napatawad na ako.

Pagkatapos ng binyag, nakipagtipon ako sa iba at nakilala ko ang maraming mabubuting tao. Hindi na ako malungkot. Isang lalaki na nagsabing siya ang dating “branch president” ang nag-alok na ihatid ako pauwi. Makalipas ang ilang buwan, matapos akong maturuan ng mga missionary, nabinyagan ako.

Sa araw ng binyag ko noong 2018 sa Cambridge, Massachusetts, nagsalita ang isang lalaki tungkol sa kung paano isinaayos ng ating pinakamamahal na Ama sa Langit ang binyag na iyon noong Biyernes na iyon. Ipinaliwanag niya na dapat ay sa kasunod na Linggo ang binyag, pero dahil may nakasabay na gagawin sa oras na iyon, kinailangan itong ilipat sa Biyernes ng gabi. Kung hindi nangyari ang pagbabagong iyon, maaaring hindi ko nakilala ang Simbahan, ang ating Tagapagligtas at ang ating Ama sa Langit, at ang aking mga kapatid sa ebanghelyo.