Digital Lamang
Pagiging “Mahusay na Tagatanggap” ng Paglilingkod
Nasanay ako na ako ang naglilingkod sa iba. Pero nang matuklasan ng isang doktor ang mga tumor sa dibdib ko, natuklasan ko ang halaga na ako ang paglingkuran.
Sa kolehiyo, dalawang beses akong naglingkod bilang Relief Society president at gumanap sa iba pang mga calling sa iba-iba kong ward na binigyan-daan akong madalas na tulungan ang iba. Ako ay isang psychology major at gumugol din ako ng maraming oras sa pagtulong sa mga taong may iba’t ibang sakit sa pag-iisip at kapansanan.
Sanay akong maglingkod, hindi mapaglingkuran.
Pagkatapos isang gabi ay nakakita ako ng bukol sa dibdib ko na sinlaki ng holen. Binalewala ko iyon nang ilang linggo hanggang sa umuwi isang gabi ang roommate kong si Rachel, na naging kompanyon ko rin sa misyon. Nakaupo siya sa kama niyang nasa tabi ko, at naalala ko na pumanaw ang lola niya dahil sa kanser sa suso.
Simula nang makita ko ang bukol, ikinaila kong may problema ako; walang sinuman sa pamilya ko ang nagkaroon ng mga problema sa kalusugan, lalo pa sa kanser. Kahit ginusto kong patingnan ang bukol, wala akong ideya kung paano magpatingin sa ospital at mga doktor. Pero sa partikular na gabing ito, nadama ko na dapat kong sabihin iyon kay Raquel.
Agad niya akong niyakap at umiyak kasama ko. Pagkatapos ay tinulungan niya akong makahanap ng doktor na maaaring sumuri sa bukol para sa akin. Pero hindi siya tumigil doon—sumama pa siya sa akin sa appointment ko para hindi ako mag-isa. Tinutupad niya noon ang kanyang mga tipan sa pagpapakita ng halimbawa ng pagsunod sa payo sa Mosias 18:9 na “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw.”
Sa mga sumunod na pagbisita sa doktor, nalaman ko na ang bukol na nasalat ko ay isa sa apat na tumor sa dibdib ko. At iyon ang pinakamaliit. Isa ito sa mga pinaka-nakakagulat na karanasan ko sa buhay, at napakahirap nito dahil sinisikap ko ring balansehin ang pag-aaral ko at mga calling ko sa Simbahan.
Ginagabayan ng Diyos ang mga Tao para Pagpalain Tayo
Bagama’t nalaman ko kalaunan na benign ang mga tumor, inisip ko nang husto ang karanasang iyon at kung gaano ako napagpala ng kaibigan ko. Iminulat niya ang aking mga mata sa kahalagahan ng pagpayag sa iba na paglingkuran ako.
Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Alam nating lahat na ‘higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap’ [Mga Gawa 20:35], ngunit iniisip ko kung binabalewala o minamata pa nga natin kung minsan ang kahalagahan ng maging mahusay tumanggap. …
“… Kung minsa’y umaabot pa nga ang mga tao sa punto na hindi nila matanggap ang isang regalo o, ang mas masahol pa nga, ni hindi nila ito mapuri nang hindi nahihiya o nakakaramdam ng utang na loob. Mali ang iniisip nila na ang tanging katanggap-tanggap na paraan ng pagtugon sa pagtanggap ng isang regalo ay sa pagbibigay ng isang bagay na mas mahalaga pa kaysa rito.”1
Sa mga calling ko sa Simbahan at sa mga pag-aaral ko sa psychology, lumago ako nang husto dahil pinayagan ako ng ibang mga tao na paglingkuran sila. Kung ipinagkait sa akin ng sinuman sa mga tao na inutusan akong paglingkuran ang pagkakataong iyon, hindi ako natulungan ng mga karanasang iyon na maging higit na katulad ng aking Tagapagligtas sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanyang pangalan.
Ang karanasan ko sa mga tumor ay nakatulong sa akin na makita na totoo rin ang kabaligtaran nito: sa pagkakait sa ibang mga tao na paglingkuran ako, hindi ko sila natutulungang lumago sa mga paraan na hinayaan ako ng iba na paglingkuran sila. Napapalampas ko rin ang mga sagradong oportunidad na mas mapalapit sa kanila at kay Cristo. Tulad ng sabi ni Elder Uchtdorf: “Kapag tayo ay mahuhusay at mapagpasalamat na tumanggap, sinisimulan nating palalimin ang ating relasyon sa nagbigay ng regalo. Ngunit kapag hindi natin pinahahalagahan o tinatanggihan pa nga natin ang isang regalo, hindi lang natin sinasaktan ang mga taong nagbibigay ng kanilang sarili sa atin, kundi kahit paano ay sinasaktan din natin ang ating sarili.”2
Ang Buhay ay Hindi Isang Indibiduwal na Pagsusumikap
Hindi nilayon ng Diyos na tahakin nating mag-isa ang landas ng tipan, tulad ng hindi Niya nilayong matuklasan kong mag-isa ang aking mga tumor. Kung minsa’y tayo ang nagbibigay, ngunit nilayon din ng Diyos na tayo ay tumanggap ng pagmamahal at paglilingkod. Ang Tagapagligtas mismo ang nagpakita ng halimbawa nito sa atin (tingnan, halimbawa, sa Marcos 14:3–9).
Hindi na ako tumatanggi sa mga tao kapag gusto nila akong ipagluto ng cookies sa oras ng napakahirap na pagsusuri o kapag nag-alok silang bilhan ako ng pananghalian kung masama ang araw ko. Hindi ko na sinasabihan ang mga ministering sister at brother ko na wala akong kailangang anuman mula sa kanila; pinapayagan ko silang isama ako sa kanilang mga dalangin kung wala na akong iba pang kailangan sa oras na iyon.
Hindi ko na tinatanggihan ang mga tao kapag nag-alok silang tumulong. At bilang kapalit, natutuhan ko na sa pagpayag sa iba na tulungan ako, mas handa akong payagan si Jesucristo na tulungan ako. At ang higit na pagpayag sa Kanya na makialam sa buhay ko ay nagdulot sa akin ng labis na lakas.
Tulad ng itinuro ni Elder Uchtdorf, “Bawat regalong ialok sa atin—lalo na ang isang regalong nagmumula sa puso—ay isang pagkakataong patatagin o patibayin ang bigkis ng pagmamahal.”3 Totoo iyan sa ating mga mahal sa buhay (at maging sa mga hindi natin gaanong kilala), at totoo iyan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Labis akong napagpala dahil sa pagbabagong ito sa pananaw tungkol sa pagpayag sa iba na paglingkuran ako. Sa halip na tanggihan ang mga pagsisikap ng iba na alagaan ako, nakapag-anyaya ako ng mga bagong kaibigan sa buhay ko—kabilang na ang mas malalim na relasyon sa aking Tagapagligtas—dahil hinayaan kong ako ang paglingkuran at hindi lamang ako ang maglingkod.