2023
Nagpapasalamat na “Pakinggan Siya”
Setyembre 2023


“Nagpapasalamat na ‘Pakinggan Siya,’” Liahona, Set. 2023.

Nagpapasalamat na “Pakinggan Siya”

Nahihirapan akong makinig sa simbahan, pero ang kuwentong ito mula sa Bagong Tipan ay nakatulong sa akin na makita ang aking sitwasyon sa ibang paraan.

lalaking nagsasalita sa pulpito

Halos buong buhay ko ay wala akong pandinig at mga 20 porsiyento lamang ang nauunawaan ko sa sinasabi sa pulpito sa halos lahat ng miting sa Simbahan. Paminsan-minsan, dahil sa kabingihan ko pakiramdam ko ay nag-iisa ako at nakahiwalay sa iba, tulad ng kapag tumatawa ang kongregasyon sa nakakatawang mensahe ng tagapagsalita pero hindi ako makatawa dahil hindi ko ito narinig. At hindi ako nag-iisa. Ipinagtapat sa akin ng mga mas matandang miyembro ng ward na nahihirapan din silang makarinig.

Kung minsan, matapos mahirapang unawain ang mahinang boses ng isang tagapagsalita sa sacrament meeting o kapag sinabi ng isang guro sa Sunday School na hindi na kailangang gamitin ang mikropono dahil naririnig naman ng lahat, iniisip ko kung bakit pa ako pumupunta sa simbahan samantalang kaunti lang ang naririnig ko. Hindi ba’t mas mainam na gugulin ko ang oras ko sa bahay na nagbabasa ng mga lesson sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin o sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

Gayunpaman, gusto kong maging masunurin at patuloy na dumalo kasama ng aking pamilya upang panibaguhin ang aking mga tipan sa binyag at alalahanin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento. Palaging isang pagpapala ang madama ang Espiritu, at palagi kong nadarama na napapasigla ako ng mga bagay na naririnig ko.

si Jesus at ang babaing inaagasan

Isang araw ng Linggo, ang high councilor na nagsalita sa sacrament meeting ay isa sa mga may malinaw at dinig na dinig na boses kaya mas madali siyang marinig. Tinalakay niya ang kuwento sa Bagong Tipan tungkol sa babaeng inaagasan ng dugo sa loob ng 12 taon at nanampalataya na maaari siyang mapagaling kung maaabot at mahahawakan niya ang bata ni Jesus habang naglalakad Siya (tingnan sa Lucas 8:43–48).

Pagkatapos ay nagbigay ang tagapagsalita ng matinding ideya na labis kong naunawaan, ipinapaliwanag na dahil sa kanyang kalagayan, ang babaeng ito ay maituturing sana na marumi at malamang na hindi payagang magsimba. Sa loob ng 12 taon!

Nagulat ako sa mga ibinunga nito. Bagama’t maysakit, siguro ay hindi naman malubha ang babaeng ito para hindi siya makapagsimba, kahit paminsan-minsan lang. Pero dahil sa mga kaugaliang panlipunan noong panahong iyon, hindi siya pinayagang dumalo. Napakalaking pagsubok para sa isang taong may pananampalataya!

Habang pinagninilayan ko ang sakit-ng-kalooban na maaaring nadama niya sa pagbabawal sa kanya na sambahin ang Diyos kasama ang kanyang mga kapwa mananampalataya dahil sa kanyang pisikal na kalagayan—isang bagay na hindi niya kayang kontrolin—binuksan ng Espiritu ang aking mga mata sa kung paanong ang kanyang sitwasyon ay katulad ng sa akin. Ibinigay sa akin na maunawaan na bagama’t hindi ako lubusang makalahok, kahit paano ay nagkaroon ako ng pribilehiyong magsimba at marinig kung ano ang kaya kong marinig. Ang babaeng ito ay walang gayong pagpipilian. Nahiya ako sa mga panahong saglit kong inisip na manatili sa bahay.

Biglang nangusap ang Diyos sa puso ko, at ipinaalam sa akin na ayaw Niyang makonsiyensya ako. Nais Niyang maging mapagpasalamat ako—magpapasalamat sa pribilehiyong makapagsimba at mapalakas sa pakikihalubilo sa matatapat na disipulo ni Cristo. Bagama’t hindi ko marinig ang lahat, nauunawaan ko ang ilang bagay—at napagpala ng bawat isa sa mga ito ang buhay ko. Mayroon ding mga espesyal na sandali na tinulungan ako ng Espiritu na maunawaan ang mga bagay na hindi ko marinig.

Nagpapasalamat ako sa kalayaan na sambahin ang Diyos at matamasa ang mga pagpapala ng pagpunta sa Kanyang bahay. Pinatotohanan sa akin ng Espiritu na mas mabuting makadalo ako sa mga miting ng Simbahan, makibahagi ng sakramento, at matutuhan kung ano ang maaari kong matutuhan kaysa hindi ako makadalo.

Nang araw na iyon nagbago ang saloobin ko. Sa halip na malungkot dahil sa aking mga limitasyon, napuspos ng kapayapaan ang puso ko, at nagpasiya akong magpokus sa mga pagpapala ng pagsisimba. Nagpasiya akong magsikap nang taos-puso na magpasalamat sa naririnig ko sa halip na panghinaan-ng-loob dahil sa hindi ko marinig.

Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagpapasalamat sa panahon ng kapighatian ay hindi nangangahulugan na nalulugod tayo sa ating mga kalagayan. Ang ibig talagang sabihin nito ay sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya ay natatanaw natin ang hinaharap sa kabila ng mga pagsubok sa kasalukuyan.”1 Ang babaeng humipo sa bata ni Jesus ay magandang paalala sa akin na magkaroon ng sapat na pananampalataya sa Panginoon upang makita ang higit pa sa aking mga limitasyon at magtiwala nang sapat sa Diyos para malaman na pagpapalain Niya ako para madaig ang aking mga pisikal na limitasyon.

Dumarating sa buhay ang lahat ng uri ng hamon na nagpapahirap sa atin sa espirituwal, emosyonal, o pisikal, pero kahit sa panahon ng kapighatian, hinihikayat tayong magpasalamat para sa mga pagpapalang tinatamasa natin. Sabi ng Panginoon:

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo aking mga kaibigan, huwag matakot, maaliw sa inyong mga puso; oo, magsaya kailanpaman, at sa lahat ng bagay ay magbigay-pasasalamat. …

“… At lahat ng bagay na kung saan kayo pinahirapan ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti, at para sa kaluwalhatian ng aking pangalan” (Doktrina at mga Tipan 98:1, 3).

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.