“Pagkatapos ng Trauma: Pagiging Matatag at Pagtanggap sa Paggaling,” Liahona, Set. 2023.
Pagkatapos ng Trauma: Pagiging Matatag at Pagtanggap sa Paggaling
Dumarating ang paggaling kapag humihingi tayo ng tulong sa Tagapagligtas at nagiging matatag ang ating damdamin.
Karamihan sa mga tao ay makararanas ng kahit isang trauma o masaklap na pangyayari sa kanilang buhay. Nakita na natin ito sa ating personal na buhay at propesyon. Ano ang sanhi ng trauma? Isang mahirap na karanasan tulad ng aksidente sa kotse, pagkawala ng trabaho, giyera o digmaan, pisikal na pang-aabuso, seksuwal na pang-aabuso, matinding pambu-bully, pagkawala ng isang mahal sa buhay, at marami pang iba.
Masakit ang trauma, at kung minsan ay parang wala kang madamang kaginhawahan. Pero mahalagang malaman na maaaring mawala ang sakit, at magkakaroon kang muli ng kapayapaan kapag nagtitiwala ka sa iyong Ama sa Langit at sa iyong Tagapagligtas na si Jesucristo.
Hinahayaan ng Ama sa Langit na dumanas tayo ng mga paghihirap. Kahit hindi Niya inorden noon, nililikha, o ineendorso ang mga karanasang ito, makakatulong Siya para ang “lahat ng bagay ay magkakalakip na gumawa para sa [ating] ikabubuti” kung magtitiwala tayo sa Kanya (Doktrina at mga Tipan 90:24; tingnan din sa 2 Nephi 32:9).
Nalaman natin na ang pagbaling sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas bilang suporta ay mahalaga sa proseso ng paggaling. Ang Kanilang kapayapaan ay nagpapagaling sa emosyonal at espirituwal na paraan. Alam natin na sa Kanilang pagmamahal at habag, magkakaroon ka ng lakas na gumaling. Nakakita rin kami ng ilang pamamaraan para mapatatag ang iyong personal na kalakasan at makasulong tungo sa paggaling.
Iba-iba ang karanasan ng bawat tao sa trauma o masaklap na mga pangyayari. Sa katunayan, maaaring ituring na ng ilan ang isang pangyayari na nakaka-trauma, samantalang ang iba naman ay maaaring hindi lang naging komportable. Dahil dito, tandaan na huwag ikumpara ang iyong karanasan sa karanasan ng iba o gamitin ang iyong karanasan bilang pamantayang karanasan.
Iba-iba ang Pagtugon sa mga Pangyayari
Magkasamang nagbiyahe noon sina Sam at Lucy, at ang drayber ng kanilang sasakyan ay nakatulog at nalihis sa daan. Dahil dito, ilang beses na bumaligtad ang kanilang kotse. Hindi masyadong nasaktan si Sam at noong una ay parang wala lang sa kanya ang nangyari. Naroon siya para panatagin si Lucy, dahil kinailangang sementuhan ang braso ni Lucy.
Makalipas ang ilang linggo, nang muling magbibiyahe si Sam, nakadama siya ng pagkataranta kapag naiisip niya ang matagal na biyahe sa daan.
Nakadama si Sam ng matinding panghihina ng kalooban dahil sa naranasan niyang trauma. Nag-alinlangan siyang kausapin ang sinuman tungkol dito. Pero nang kausapin niya si Lucy, nalaman niya na naaksidente na pala noon si Lucy at alam niya ang nadarama ni Sam. Pinag-usapan nila ang natutuhan ni Lucy mula sa kanyang naunang karanasan nang siya ay manampalataya kay Jesucristo, nanalangin para mapatnubayan, at nakinabang sa payo noong nahihirapan siya.
Pag-asa at Paggaling sa pamamagitan ni Jesucristo
Anuman ang ating trauma, ang paggaling ay maaaring dumating sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Dahil sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa Kanyang habag at awa, mapapagaling Niya ang lahat ng sugat na nararanasan sa buhay na ito, dumating man ang paggaling na iyon sa buhay na ito o sa kabilang-buhay. Kung minsan ay mas matagal itong dumating kaysa inaasahan o nais natin—kahit may banal na suporta ng Tagapagligtas. Pero kaya Niya tayong pagalingin (tingnan sa 3 Nephi 17:7).
Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang liwanag ng Diyos ay tunay. Ito ay maaaring mapasalahat! Ito ang nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay. May kapangyarihan itong pawiin ang kirot ng pinakamalalim na sugat.”1
Walang nakaaalam sa ating pagdurusa na tulad ng pagkaalam ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. Ang Panginoon ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay, sa gayon kanyang nauunawaan ang lahat ng bagay, upang siya ay mapasalahat at sumasalahat ng bagay” (Doktrina at mga Tipan 88:6). Itinuro ni Sister Amy A. Wright, Unang Tagapayo sa Primary General Presidency:
“Lahat tayo ay may mga bagay sa ating buhay na nawasak na kailangang buuin, ayusin, o pagalingin. Kapag bumaling tayo sa Tagapagligtas, kapag iniaayon natin ang ating puso’t isipan sa Kanya, kapag nagsisisi tayo, pupunta Siya sa atin ‘na may pagpapagaling sa kanyang mga bagwis’ [2 Nephi 25:13], at mapagmahal na yayakapin tayo, at sasabihing, ‘OK lang ‘yan. … Maaayos natin ito nang magkasama!’
“Pinatototohanan ko na walang anuman sa inyong buhay na nawasak na hindi mapaghihilom ng nakapagpapagaling, tumutubos, at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Jesucristo.”2
Ang mga halimbawa ng pagpapagaling at mga paraan para gumaling ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan—at sa buhay ng ating mga kapamilya, kaibigan, at ninuno. Sa paanong paraan naging matatag noon ang inyong mga ninuno?3
Ang Ating Walang-Hanggang Identidad
Noong 13 taong gulang si Julio, sekswal siyang inabuso ng kanyang tito. Sa paglipas ng panahon, nagsimula siyang lumayo sa kanyang pamilya at inihiwalay ang kanyang sarili. May mga pagkakataon na kumikilos siya na para bang walang nangyari, pero kung minsan halu-halo ang kanyang nararamdaman. Palagi niyang naaayos ang kanyang buhay—at nakadarama pa nga siya ng matinding kaligayahan, tulad noong isilang ang kanyang anak. Nalulungkot din siya. Papalapit na ngayon ang kanyang anak sa edad na iyon nang inabuso si Julio, at habang pinagninilayan ni Julio ang maaaring maranasan ng kanyang anak, nakikipaglaban siya sa mga ideya at damdamin tungkol sa kanyang sariling kahalagahan at walang hanggang identidad.
Bagama’t ang trauma ay bahagi ng ating mortal na karanasan, hindi ito ang ating walang hanggang identidad. Ang ating walang hanggang identidad ay ang pagiging anak ng Diyos. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Sino kayo?
“Una sa lahat, kayo ay anak ng Diyos.
“Pangalawa, bilang miyembro ng Simbahan, kayo ay anak ng tipan. At pangatlo, kayo ay disipulo ni Jesucristo.”4
Bukod pa rito, ang trauma ay hindi kailanman sumasalamin sa ating halaga o pagkamarapat. Nilinaw ni Sister Joy D. Jones, dating Primary General President, ang dalawang konseptong ito nang ituro niya:
“Ang ibig sabihin ng espirituwal na kahalagahan ay pahalagahan ang ating sarili ayon sa pagpapahalaga sa atin ng Ama sa Langit. …
“Ang … pagkamarapat ay natatamo sa pamamagitan ng pagsunod. Kung nagkasala tayo, hindi tayo gaanong karapat-dapat, ngunit hindi kailanman nababawasan ang ating halaga!”5
Ang pang-aabuso na tiniis ni Julio sa mga kamay ng kanyang tiyo ay hindi nagpabago sa kahalagahan at pagkamarapat ni Julio. Hindi siya kailanman nagkasala ngunit may nagkasala sa kanya. Kung minsan mahirap alalahanin ang iyong kahalagahan at pagkamarapat kapag naabuso ka. Tandaan, hindi ka nagkasala, hindi kailanman nabawasan ang iyong halaga, at karapat-dapat kang magpatuloy sa landas ng tipan.
Nang magtiwala si Julio sa Panginoon, tinulungan Niya si Julio na maunawaan na hindi binabago ng mga mortal na karanasan ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit para sa atin. Natututuhan na niya ngayon na makita kung paanong kahit may kakila-kilabot na mga bagay na nangyari, hindi binago ng mga ito ang kanyang kahalagahan, walang hanggang identidad, o pagkamarapat.
Katatagan ng Damdamin
Ang pagkakaroon ng emosyonal na self-reliance o katatagan ng damdamin ay tutulong sa iyo na gamitin ang mabubuting personal na resources para makayanan ang mga hamon at mahihirap na emosyon. Maaari kang magkaroon ng katatagan, ang kakayahang umakma at harapin ang mga pagsubok—kabilang na ang trauma.
Ang katatagan ay kinapapalooban ng paghingi ng suporta at patnubay mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, paglilingkod sa kapwa, at pagtanggap ng paglilingkod ng iba kung kinakailangan at angkop.
Ang mga sumusunod na kilos, na inirerekomenda ng mga propesyonal na tagapayo, ay tutulong sa iyo na magkaroon ng katatagan:
-
Pagbuo ng mga ugnayan sa kapwa
-
Pagpapabuti ng pisikal na kalusugan
-
Paghahanap ng layunin sa buhay
-
Paglinang ng mabubuting kaisipan
-
Paghingi ng tulong kapag kailangan mo ito6
1. Makipag-ugnayan sa Kapwa
Ang mabubuting relasyon ay kadalasang nagpapaibayo ng paggaling. Ang pakikipag-ugnayan sa mga taong nagpapalakas sa iyo at naghihikayat sa iyo na bumaling sa Tagapagligtas at sa ating Ama sa Langit ay maaaring makagawa ng pagbabagong kailangan mo upang lubusang gumaling.
Tinulungan ni Sam si Lucy, at ikinuwento ang kanyang mga pangamba at pag-aalala. Ang ugnayang ito ay nakatulong sa kanya na maging mas maalam at matatag. Tinulungan siya ni Lucy na makakita ng mga paraan upang gumaling siya sa emosyonal at espirituwal na paraan.
Isiping magtakda ng mga mithiin na magkaroon ng mas matibay na kaugnayan sa iba na pinagkakatiwalaan mo. Ang ministering ay isang paraan ng pakikipag-ugnayan natin sa iba sa loob ng Simbahan.
2. Pangalagaan ang Pisikal na Kalusugan
Ang trauma ay nadarama hindi lamang sa damdamin kundi sa pisikal din. Maaari tayong makaranas ng dagdag na pagod, pagbilis ng tibok ng puso, pananakit ng ulo, o pagsakit o pamimilipit ng tiyan. Ang mga pisikal na sintomas na ito ay nariyan para ipaalam sa atin na mali ang isang bagay at kailangan nating asikasuhin ang ating kalusugan. Tulad ng magagawa natin para mas mapangalagaan ang ating emosyonal na kalusugan, maaari din tayong mag-isip ng mga paraan para pisikal na mapangalagaan ang ating sarili pagkatapos ng trauma.
Una, kilalanin ang mga pisikal na sintomas na nararanasan mo. Pagkatapos ay sikaping pakalmahin ang iyong katawan sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa iyong hininga at pagpapabagal ng iyong paghinga. Sikaping maunawaan ang nadarama mo kapag ang iyong paghinga ay mabilis at paputol-putol kumpara sa mabagal at regular mong paghinga.
Kung minsan ang trauma ay maaaring magdulot ng pinsala na naglilimita sa ating pagkilos, kaya gawin kung ano ang tama para sa iyong katawan. Pero ang paggalaw, lalo na ang pisikal na ehersisyo, ay malaking tulong. Ang ilan ay nasisiyahang maglakad-lakad o tumakbo, samantalang mas nakakatulong sa iba ang pagtatrabaho nang husto sa isang proyekto.
Alalahanin ang Word of Wisdom (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89). Ang pagtatangkang pagtakpan ang sakit gamit ang di-nakakatulong na mga pag-uugali o sangkap ay parang “paglalagay ng bandaid sa malalim na sugat.”7 Tulungan ang iyong katawan na pangasiwaan ang stress at sakit sa halip na pagtakpan ito.
3. Alamin ang Iyong Layunin at Kabuluhan
Ang pangunahin nating layunin sa buhay ay maghandang makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit (tingnan sa Alma 12:24). Maaaring palabuin ng trauma ang layuning ito at mahadlangan tayong makita kung sino tayo. Ang paghahanap ng partikular na layunin sa ating mga gawain sa araw-araw ay makakatulong sa atin na sumulong at matandaan pa nga ang ating pangunahing layunin sa buhay. Si Julio ay nagsimulang sumulong at makakita ng layunin sa kanyang araw-araw na mga kilos nang matanto niya na gusto niyang tulungan ang kanyang anak.
Ang paghahanap ng kabuluhan sa pagkakaroon ng trauma ay makakatulong sa atin na makita ang isang landas pasulong, nakikilala na ang ating mga karanasan ay nagbibigay ng mga pagkakataon sa atin na umunlad at maging higit na katulad ni Cristo. Halimbawa, mas madaling mahabag sa paghihirap ng ibang tao kapag dumanas tayo mismo ng mahihirap na karanasan.
Natuklasan sa pananaliksik na matapos ang trauma, madalas maranasan ng mga tao ang tinatawag na “post-traumatic growth.” Ang post-traumatic growth ay ipinapakita ng isang taong nadagdagan ang lakas matapos ang masaklap na karanasan, tulad ng mas magandang ugnayan, higit na pagpapahalaga sa buhay o ilang katangian ng buhay, o ibayong kamalayan sa mga posibleng mangyari sa buhay. Matapos maranasan ang masaklap na pangyayari, kilalanin ang mga paraan na ikaw ay lumago o maaaring lumago dahil sa karanasan sa halip na magtuon mismo sa masaklap na nangyari.
4. Linangin ang Mabubuting Kaisipan
Ang masaklap na karanasan ay maaaring makaapekto sa paraan ng pag-iisip natin tungkol sa ating sarili at sa mundong nakapaligid sa atin. Matapos makaranas ng trauma, maaaring may mga negatibo tayong naiisip. Ang mga naiisip natin na tulad ng “Mahina ako,” “Hindi ako mahal ng Ama sa Langit,” at “Hindi ako marapat” ay nakababawas sa kakayahan nating maging matatag. Ang ganitong mga bagay na naiisip natin ay madalas na makaiimpluwensya sa nadarama natin (tingnan sa Mga Kawikaan 23:7; Doktrina at mga Tipan 6:36).
Matapos mong matukoy ang mga negatibong naiisip mo, isipin ang ilang maipapalit na malulusog at makatotohanang kaisipan at isulat ang mga ito. Ipaalala sa iyong sarili ang mabubuting kaisipang ito kapag may naiisip kang mga bagay na negatibo.
Para malaman pa kung paano gawin ito, rebyuhin ang kabanata 2 ng Paghahanap ng Lakas sa Panginoon: Emosyonal na Katatagan (2021).
Maaari ka ring bumaling sa panalangin, pagsulat sa journal, pagninilay sa mga banal na kasulatan o sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya (tingnan sa Josue 1:8), o iba pang mga gawain sa pagninilay.
5. Humingi ng Suporta
Kung minsan, angkop na pag-isipan ang tulong na higit pa sa sarili mong resources. Humingi ng tulong si Lucy, na naging daan para matulungan niya si Sam. Isipin ang mga tao—tulad ng mga kapamilya, kaibigan, at lider ng ward—na maaaring makatulong. Ang paggaling mula sa trauma ay isa sa mga pagkakataon na maaaring kailanganin mong gamitin ang lahat ng potensyal na resources sa iyong buhay.
Ang Pangkalahatang Hanbuk ay nagbibigay ng patnubay kung kailan angkop na humingi ng suporta mula sa mga propesyonal na tagapayo.8
Mahirap ang hindi magpokus sa masaklap na pangyayari, pero kapag sinusunod natin ang payo ng propeta na ituon ang ating pansin sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo, “ang ating mga pangamba at takot ay naglalaho.”9 Tandaan, ikaw ay anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. Kapag nakapokus ka sa paglapit sa Kanya at sa paggamit ng resources na makakatulong sa iyo, makakatulong ang Panginoon para ang anumang nakalulunos na karanasan ay maging para sa iyong ikabubuti.