2017
Halagang Hindi Masusukat
November 2017


Halagang Hindi Masusukat

Maaari nating namnamin nang madalas ang magiliw na mga bulong ng Espiritu Santo, na nagpapatunay sa katotohanan ng ating espirituwal na halaga.

Habang bumibisita sa bansang Sierra Leone sa West Africa, nakilahok ako sa isang pulong na isinagawa ng isang stake Primary leader. Namuno si Mariama nang may pagmamahal, dignidad, at tiwala sa sarili kaya iisipin mong matagal na siyang miyembro ng Simbahan. Gayunman, kailan lang nabinyagan si Mariama.

Si Mariama at ang kanyang anak na babae

Sumapi sa Simbahan ang nakababata niyang kapatid at isinama nito si Mariama sa isang klase sa Simbahan. Hangang-hanga si Mariama sa mensahe. Ang lesson ay tungkol sa batas ng kalinisang-puri. Nagpaturo siya sa mga missionary at agad siyang nakatanggap ng patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith. Nabinyagan siya noong 2014, at nabinyagan ang kanyang anak na babae noong isang buwan. Isipin ninyo, ang dalawang pangunahing turo na humantong sa pagpapabinyag ni Mariama ay tungkol sa batas ng kalinisang-puri at kay Propetang Joseph Smith, dalawang paksang madalas ituring ng mundo na walang halaga, makaluma, o hindi madaling gawin. Ngunit nagpatotoo si Mariama na para siyang isang gamu-gamo na naakit sa liwanag. Sabi niya, “Nang matagpuan ko ang ebanghelyo, natagpuan ko ang aking sarili.” Natuklasan niya ang kanyang halaga sa pamamagitan ng mga banal na alituntunin. Ang kanyang halaga bilang anak ng Diyos ay inihayag sa kanya sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ngayon ay kilalanin natin ang magkakapatid na Singh mula sa India. Si Renu, sa dulong kanan, ang una sa limang magkakapatid na sumapi sa Simbahan, ang nagbahagi ng mga ideyang ito:

magkakapatid na Singh

“Bago ako maging investigator ng Simbahan, hindi ko talaga nadama na napakaespesyal ko. Isa lang ako sa maraming tao, at hindi talaga itinuro sa akin ng aking lipunan at kultura na may halaga ako bilang isang indibiduwal. Nang matutuhan ko ang ebanghelyo at malaman ko na ako ay anak ng ating Ama sa Langit, binago ako nito. Bigla kong nadama na napakaespesyal ko—talagang nilikha ako ng Diyos at nilikha ang aking kaluluwa at buhay na may halaga at layunin.

“Bago ako nagkaroon ng ebanghelyo sa aking buhay, sinikap ko palagi na patunayan sa iba na espesyal ako. Pero nang malaman ko ang katotohanan, na ako ay anak ng Diyos, wala na akong kailangang patunayan kaninuman. Alam kong espesyal ako. … Huwag isipin kailanman na wala kayong halaga.”

Perpekto ang pagkasabi rito ni Pangulong Thomas S. Monson nang sabihin niyang: “Ang kahalagahan ng isang kaluluwa ay ang kakayahan nitong maging katulad ng Diyos.”1

Taiana

Kamakailan ay pinagpala akong makilala ang isa pang dalagitang nakauunawa sa katotohanan ding ito. Siya’y si Taiana. Nakilala ko siya sa Primary Children’s Hospital sa Salt Lake City. Si Taiana ay junior high school nang masuri siyang may kanser. Matapang siyang nakibaka nang 18 buwan bago siya pumanaw ilang linggo pa lang ang nakararaan. Si Taiana ay puspos ng liwanag at pagmamahal. Kilala siya sa kanyang nakahahawang ngiti at sa trademark niyang “double thumbs-up.” Kapag tinatanong ng iba na, “Bakit ikaw pa, Taiana?” ang sagot niya ay, “Bakit hindi ako?” Hinangad ni Taiana na maging katulad ng kanyang Tagapagligtas, na minahal niya nang husto. Sa mga pagbisita namin, nalaman ko na nauunawaan ni Taiana ang kanyang banal na kahalagahan. Ang pagkabatid na siya ay anak ng Diyos ay nagbigay sa kanya ng kapayapaan at tapang na harapin ang napakabigat niyang pagsubok sa positibong paraan.

Itinuturo sa atin nina Mariama, Renu, at Taiana na pagtitibayin ng Espiritu sa bawat isa sa atin ang ating banal na kahalagahan. Ang tunay na pagkaalam na kayo ay anak ng Diyos ay makaaapekto sa lahat ng aspeto ng inyong buhay at gagabay sa inyong paglilingkod bawat araw. Nagpaliwanag si Pangulong Spencer W. Kimball sa napakagandang mga salitang ito:

“Siya ang inyong Ama. Mahal Niya kayo. Ang pagpapahalaga Niya at ng inyong ina sa langit sa inyo ay hindi masusukat. … Kayo ay kakaiba. Wala kayong katulad, ginawang may walang-hanggang katalinuhan para magkaroon kayo ng buhay na walang hanggan.

“Huwag hayaang magkaroon ng pagdududa sa inyong isipan tungkol sa inyong kahalagahan bilang indibiduwal. Ang buong layunin ng plano ng ebanghelyo ay bigyan ng oportunidad ang bawat isa sa inyo na maabot ang inyong buong potensyal, ang walang-hanggang pag-unlad at ang posibilidad na maging diyos.”2

Ipaliliwanag ko sa inyo ang pangangailangang masabi ang pagkakaiba ng dalawang mahalagang salita: halaga at pagkamarapat. Hindi sila magkapareho. Ang ibig sabihin ng espirituwal na halaga ay pahalagahan ang ating sarili ayon sa pagpapahalaga sa atin ng Ama sa Langit, hindi ayon sa pagpapahalaga sa atin ng mundo. Tukoy na ang ating halaga bago pa tayo pumarito sa mundong ito. “Ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at mananatili magpakailanman.”3

Sa kabilang dako, ang pagkamarapat ay nakakamtan sa pamamagitan ng pagsunod. Kung nagkasala tayo, hindi tayo gaanong karapat-dapat, ngunit hindi kailanman nababawasan ang ating halaga! Patuloy tayong nagsisisi at nagsisikap na maging katulad ni Jesus nang hindi tayo nawawalan ng halaga. Tulad ng itinuro ni Pangulong Brigham Young: “Ang pinakamaliit at pinakaabang espiritu ngayon sa lupa … ay singhalaga ng mga daigdig.”4 Anuman ang mangyari, palagi tayong may halaga sa paningin ng ating Ama sa Langit.

Sa kabila ng kagila-gilalas na katotohanang ito, ilan kaya sa atin ang nahihirapan, paminsan-minsan, sa mga negatibong palagay o damdamin tungkol sa ating sarili? Isa ako riyan. Madaling mabitag nito. Si Satanas ang ama ng lahat ng kasinungalingan, lalo na pagdating sa mga maling paglalarawan sa ating sariling banal na katangian at layunin. Ang paghamak sa ating sarili ay hindi makatutulong sa atin. Sa halip ay pinipigilan tayo nito. Tulad ng madalas ituro sa atin, “Walang sinumang makapagpapadama sa inyo na hamak kayo nang wala kayong pahintulot.”5 Maaari tayong tumigil sa pagkukumpara ng mga bagay na napakapangit sa atin sa napakaganda sa iba. “Ang pagkukumpara ay magnanakaw ng kagalakan.”6

Sa kabilang dako, tinitiyak sa atin ng Panginoon na kapag malinis ang ating isipan, bibiyayaan Niya tayo ng tiwala, maging ng tiwalang malaman kung sino talaga tayo. Wala nang mas mahalagang panahon para sundin ang Kanyang mga salita. “Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay,” sabi Niya. “Sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at … ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina.”7

Inihayag ng Panginoon ang dagdag na katotohanang ito kay Propetang Joseph Smith: “Siya na tumatanggap mula sa Diyos, siya ay magsaalang-alang sa Diyos; at magsaya siya na siya ay isinaalang-alang ng Diyos na karapat-dapat tumanggap.”8 Kapag nadarama natin ang Espiritu, tulad ng paliwanag sa talatang ito, napapansin natin na ang ating nadarama ay nagmumula sa ating Ama sa Langit. Kinikilala at pinupuri natin Siya sa pagpapala Niya sa atin. Sa gayo’y nagagalak tayong maituring na karapat-dapat tumanggap.

Kunwari’y nagbabasa kayo ng mga banal na kasulatan isang umaga at mahinang bumulong sa inyo ang Espiritu na ang binabasa ninyo ay totoo. Makikilala ba ninyo ang Espiritu at magiging masaya ba kayo na nadama ninyo ang Kanyang pagmamahal at karapat-dapat kayong tumanggap?

Mga ina, maaaring nakaluhod kayo sa tabi ng inyong apat-na-taong-gulang na anak habang nagdarasal siya bago matulog. May nadama kayo habang nakikinig. Nadarama ninyo ang sigla at kapayapaan. Saglit lang ang damdamin, ngunit napansin ninyo na kayo, sa sandaling iyon, ay itinuring na karapat-dapat tumanggap. Maaaring bihira tayong makatanggap, kung sakali man, ng malalaking espirituwal na paramdam sa ating buhay; ngunit maaari nating namnamin nang madalas ang magiliw na mga bulong ng Espiritu Santo, na nagpapatunay sa katotohanan ng ating espirituwal na halaga.

Ipinaliwanag ng Panginoon ang kaugnayan ng ating halaga sa Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo nang sabihin Niyang:

“Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos;

“Sapagkat, masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya.”9

Mga kapatid, dahil sa ginawa Niya para sa atin, tayo ay nakabuklod sa Kanya “hanggang tayo’y naro’n sa piling N’ya.”10 Sabi Niya, “Isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin.”11

Ipinaliwanag din ni Haring Benjamin ang nagpapatibay na kaugnayang ito sa ating Tagapagligtas: “At masdan, siya ay magdaranas ng mga tukso, at sakit ng katawan, gutom, uhaw, at pagod, nang higit sa matitiis ng tao, maliban na yaon ay sa kamatayan; sapagkat masdan, ang dugo ay lumalabas sa bawat butas ng kanyang balat, napakasidhi ng kanyang magiging pagdurusa dahil sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ng kanyang mga tao.”12 Ang pagdurusang iyon at ang mga resulta ng pagdurusang iyon ay pinupuspos ng pagmamahal at pasasalamat ang ating puso. Itinuro ni Elder Paul E. Koelliker, “Kapag inalis natin ang mga gambalang humihila sa atin na maging makamundo at ginamit natin ang ating kalayaang hanapin Siya, binubuksan natin ang ating puso sa isang selestiyal na puwersang humahatak sa atin palapit sa Kanya.”13 Kung ang pagmamahal na nadarama natin para sa Tagapagligtas at sa ginawa Niya para sa atin ay higit pa sa lakas na ibinibigay natin sa mga kahinaan, pagdududa sa sarili, o masasamang gawi, tutulungan Niya tayong madaig ang mga bagay na nagsasanhi ng pagdurusa sa ating buhay. Inililigtas Niya tayo mula sa ating sarili.

Muli kong binibigyang-diin: kung ang hatak ng mundo ay mas malakas kaysa sa pananampalataya at tiwala natin sa Tagapagligtas, mananaig ang hatak ng mundo sa tuwina. Kung pipiliin nating magtuon sa ating mga negatibong ideya at magdududa tayo sa ating halaga, sa halip na kumapit sa Tagapagligtas, nagiging mas mahirap madama ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo.

Mga kapatid, huwag tayong malito kung sino tayo! Bagama’t madalas ay mas madaling walang gawin sa espirituwal kaysa sikaping alalahanin at yakapin ang ating banal na pagkatao, hindi natin kakayaning magpalayaw nang gayon sa mga huling araw na ito. Tayo nawa, bilang magkakapatid, ay “maging matapat kay Cristo; … nawa ay dakilain [tayo] ni Cristo, at nawa ang kanyang pagdurusa at kamatayan, … at ang kanyang awa at mahabang pagtitiis, at ang pag-asa ng kanyang kaluwalhatian at ng buhay na walang hanggan, ay mamalagi sa [ating] isipan magpakailanman.”14 Habang inaangat tayo ng Tagapagligtas sa mas mataas na lugar, mas malinaw nating makikita hindi lamang kung sino tayo kundi na tayo ay mas malapit sa Kanya kaysa inakala natin. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.