2017
Naglingkod ang mga Propeta at Apostol sa Buong Mundo
November 2017


Naglingkod ang mga Propeta at Apostol sa Buong Mundo

Ang mga propeta at apostol ay tinatawag bilang “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (D at T 107:23). Narito ang ilan sa kanilang mga aktibidad simula noong pangkalahatang kumperensya ng Abril.

Tahimik na ipinagdiwang ni Pangulong Thomas S. Monson ang kanyang ika-90 kaarawan sa Utah, USA, noong Agosto 21. Inulit niya ang kanyang nais para sa kanyang kaarawan na ipinahayag na niya dati, na ang pinakamagandang regalong maaari niyang matanggap ay ang “maghanap [ang mga tao] ng taong nahihirapan o may karamdaman o nalulungkot at gumawa ng isang bagay para sa kanya.”

Sa Hamilton, New Zealand, inilaan ni Pangulong Henry B. Eyring ang mga pasilidad sa Temple View, dating kampus ng Church College of New Zealand. Pagkatapos ng Bagyong Irma, bumisita siya sa Puerto Rico, sa Saint Thomas, at sa mga boluntaryo ng Simbahan na tumutulong sa paglilinis sa Florida, USA.

Bumisita si Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa Texas, USA, at nasaksihan niya ang mga pangkat ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Houston na tumutulong sa kanilang mga kapitbahay kasunod ng Bagyong Harvey, at sinabi na ang ugaling “tumulong-kahit-paano” ay karaniwan sa mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako ng mundo.

Binigyan ni Pangulong Russell M. Nelson ang gobernador ng Nebraska, USA, ng isang aklat ng kasaysayan ng pamilya, binisita ang mga lider at missionary sa New York, USA, at sinabi sa mga estudyante ng institute sa Utah na ang Biblia ay “puno ng mga propesiya tungkol sa … Panunumbalik.”

Matapos bisitahin ang mga miyembro sa Japan at Korea, sinabi ni Elder Dallin H. Oaks, “Inaalala ng Panginoon ang Kanyang mga anak. Alam Niya ang kanilang sitwasyon at mga problema at sagana Siyang magmahal.” Sa isang Face to Face event sa Korea, sinagot niya ang mga tanong ng mga kabataan. Kinausap niya ang ministrong namamahala sa 2020 Tokyo Olympics. At sa kahilingan ng pangulo ng Peru, nakipagkita si Elder Oaks para tanggapin ang pasasalamat ng pangulo para sa tulong ng Simbahan nang magkaroon ng mga pagbaha.

Sa Utah, hinikayat ni Elder Ballard ang mga young single adult na igalang ang Sabbath bilang “isang napakaganda at maluwalhating panahon” at pag-aralan ang mga pangunahing alituntunin at doktrina ng Simbahan. Sinabi niya sa mga temple worker na ang mga templong itinayo ngayon ay gagamitin din sa panahon ng Milenyo. Kasama si Elder Ronald A. Rasband, binisita niya ang Texas para hikayatin ang mga boluntaryong naglilinis ng pinsalang sanhi ng bagyo at baha.

Natanggap ni Elder Robert D. Hales ang 2017 Pioneers of Progress President’s Award mula sa isang organisasyon ng komunidad sa Utah. “Matulungan ang isa’t isa, mapasigla ang isa’t isa, mapalakas ang isa’t isa ang pinakadakilang katangian, palagay ko, ng pagiging isang pioneer,” wika niya.

Sa Russia at Ukraine, itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland na ang buhay ay sadyang may mga pagsubok, ngunit ang ebanghelyo ay naglalaan ng pananaw, pag-asa, at paghihikayat. Sa Second Windsor Conference on Religious Persecution sa England, sinabi niya na ang pananampalataya ay tumutulong sa marami na makabangon mula sa pagiging refugee at makapag-ambag sa lipunan. Kasunod ng kumperensya, nagbigay siya ng payo sa mga miyembro ng Simbahan, mission president, at missionary sa Portugal at Spain.

Bumisita si Elder David A. Bednar sa tatlong bansa sa West Africa na hindi pa nabisita ng isang Apostol: Senegal, kung saan siya nag-alay ng panalangin ng paglalaan; Guinea; at Mali. Kinausap din niya ang mga miyembro sa Nigeria at Ghana. Sa isang pandaigdigang debosyonal mula sa North Carolina, USA, hinikayat niya ang mga young adult na maging “isang tagaugnay” sa kanilang walang-hanggang pamilya.

Kinausap ni Elder Quentin L. Cook ang mga miyembro at missionary sa Taiwan, Hong Kong, India, at Thailand, at binanggit na “ang mga miyembro ay tuwang-tuwa sa Simbahan, na nakatuon sa templo at gawaing misyonero.” Sa New Jersey, USA, nagsalita siya sa Seymour Institute Seminar on Religious Freedom. “Dapat nating ituloy ang ating ginagawa at mahalagang mga pagsisikap na dagdagan ang moralidad at protektahan ang pamilya,” wika niya. Sa California, USA, hinikayat niya ang mga miyembro ng batas-lipunan na panatilihin ang pananampalataya at balanse sa kanilang buhay at ipagtanggol ang kalayaang pangrelihiyon.

Sa Ecuador at Colombia, itinuro ni Elder D. Todd Christofferson na ang paniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo ay papanatagin at palalakasin tayo. Sa India, tinanggap niya ang World Peace Prize sa ngalan ng Simbahan at nagbigay siya ng mga kopya ng Aklat ni Mormon sa Nepali sa pangulo at pangalawang pangulo ng Nepal at sa Kathmandu Branch.

Ilang buwan bago tumama ang mga bagyo at baha, bumisita si Elder Neil L. Andersen sa Puerto Rico, Haiti, at Dominican Republic, at nagsalita tungkol sa pagtataguyod ng sarili, edukasyon, at paghahandang tumanggap ng mga pagpapala ng templo. Sa LDS Family Education Night sa Arizona State University sa Arizona, USA, hinikayat niya ang mga Banal sa mga Huling Araw na “buksan ang ating pintuan, pahalagahan ang mga paniniwala ng iba, [at] alamin pa ang iba tungkol sa kanila.” Binuo ni Elder Andersen ang ika-100 stake sa Pilipinas at inilaan ang pinalawak na missionary training center sa Manila.

Sa South Africa at sa Democratic Republic of Congo, napansin ni Elder Ronald A. Rasband na sa tatlong templong gumagana sa Africa at lima pa ang itinatayo o ibinalitang itatayo, “inihahanda ng Panginoon ang mga African na matanggap ang lahat ng Kanyang pagpapala.”

Bumisita si Elder Gary E. Stevenson sa Vanuatu, Australia, New Zealand, French Polynesia, at Brigham Young University–Hawaii sa Hawaii, USA. “Kapag … tiningnan natin ang ating mga hamon sa pananaw ng ebanghelyo, matatagpuan natin ang mga sagot na maghahatid sa atin ng kaligayahan at kagalakan,” wika niya. Kinausap niya ang pangulo at prime minister ng Vanuatu at ang arsobispo ng Papeete, Tahiti.

Bumisita si Elder Dale G. Renlund sa limang bansa noong Hunyo: Guatemala, Costa Rica, El Salvador, Nicaragua, at Honduras, at inorganisa ang unang stake sa Guatemala na ang mga miyembro ay nagsasalita ng Q’eqchi’ at lumahok sa isang kumperensya sa kalayaang pangrelihiyon at sa isang youth conference. Noong Agosto, lumahok siya at ang kanyang asawang si Sister Ruth L. Renlund sa unang Face to Face event na nagmumula sa Accra, Ghana, at noong Setyembre ay hinikayat niya ang mga estudyante sa Brigham Young University–Idaho sa Idaho, USA, na umasa sa doktrina ni Cristo.