2017
Sa Banal na Plano
November 2017


Sa Banal na Plano

Ang kamay ng Panginoon ay gumagabay sa inyo. Sa “banal na plano,” may impluwensya Siya sa maliliit na detalye ng inyong buhay gayundin sa mahahalagang pangyayari.

Mga kapatid, habang nakatayo ako rito sa nagbibigay-inspirasyong pandaigdigang pangkalahatang kumperensyang ito at nadarama ang inyong lakas at espiritu, naiisip ko ang mga salita ni Apostol Pedro: “[Panginoon], mabuti sa atin ang tayo’y dumito.”1

Hindi ito ang mismong sinabi ni Alma pagkatapos mangaral sa mga tao sa Ammonihas. Nilisan ni Alma ang lungsod dahil sa kasamaan ng mga tao. Hindi nagtagal ay nagpakita ang isang anghel kay Alma at tinawag siya upang “bumalik sa lunsod ng Ammonihas, at muling mangaral sa mga tao ng lunsod.”2

Ginawa ito ni Alma nang “mabilis,” pinasok “ang lunsod sa ibang daan.”3

“At nang pasukin niya ang lunsod siya ay nagugutom, at sinabi niya sa isang lalaki: Maaari ka bang magbigay sa isang hamak na tagapaglingkod ng Diyos ng kahit anong makakain?

“At ang lalaki ay nagsabi sa kanya: Ako ay isang Nephita, at nalalaman kong isa kang banal na propeta ng Diyos, sapagkat ikaw ang lalaking sinabi ng anghel sa isang pangitain: Tanggapin mo.”4

Ang lalaki ay si Amulek.

Nagkataon lang ba na nakilala ni Alma si Amulek? Hindi, hindi nagkataon lang na nagpunta siya sa lunsod sa daan na maghahatid sa kanya sa matapat na lalaking ito na magiging kanyang missionary companion.

Ipinaliwanag minsan ni Elder Neal A. Maxwell: “Hindi lubusang ginagamit ng sinuman sa atin ang mga pagkakataong laan sa atin sa pamamagitan ng ating mga kaibigan. Maaaring tinatawag natin ang mga ugnayang ito na ‘nagkataon.’ Ang salitang ito ay nauunawaang gamitin ng mga tao, ngunit ang nagkataon ay hindi akmang salita para ilarawan ang mga ginagawa ng isang Diyos na nakaaalam sa lahat. Hindi ‘nagkataon’ lang ang paggawa Niya sa mga bagay kundi ayon sa ‘banal na plano.’”5

Ang buhay natin ay parang chessboard at inililipat-lipat tayo ng Panginoon—kung tumutugon tayo sa mga espirituwal na paramdam. Kung ating pagninilayan, makikita natin ang Kanyang impluwensya sa ating buhay.

Nakikita natin ang ganitong tulong ng langit nang magbalik si Nephi para kunin ang mga lamina kay Laban. Siya “ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat [niyang] gawin.”6 Hindi nagtagal ay nasa harapan na niya si Laban na lasing, at pinatay siya ni Nephi, kinuha ang mga lamina, at bumalik sa kanyang mga kapatid. Sinuwerte lang ba siya na nakita niya si Laban? O iyon ay ayon sa “plano ng Diyos”?

Nagaganap ang mahahalagang pangyayari sa ebanghelyo at sa Simbahan na nagsusulong sa kaharian ng Diyos sa lupa. Hindi nagkataon lang ang mga ito kundi ayon sa plano ng Diyos. Siya na lumikha sa mundong ito ay kayang payapain ang karagatan sa Kanyang salita at kayang gabayan kapwa sina Alma at Amulek at sina Nephi at Laban na mapunta sa tamang lugar sa eksaktong oras.

Gayundin, nagaganap ang mga pangyayari at ugnayan sa ating buhay na nagsusulong sa gawain ng Diyos sa lupa.

Binanggit ni Elder Joseph B. Wirthlin ang isang pagkakataon nang sabihin sa kanya ni Pangulong Thomas S. Monson na: “May kamay na gumagabay sa lahat ng bagay. Kadalasan kapag nangyayari ang mga bagay, hindi ito nagkataon lamang. Balang araw, kapag pinag-isipan nating muli ang mga pangyayaring tila nagkataon lang sa ating buhay, matatanto natin na marahil ay talagang hindi lamang nagkataon ang mga ito.”7

Kadalasan, iilan lang ang nakaaalam sa ating mabubuting gawa. Gayunman, ang mga ito ay nakatala sa langit. Balang araw, tayo ay tatayo bilang saksi ng ating ganap na katapatan sa mga gawa ng kabutihan. Walang pagsubok o kalamidad na makasisira sa plano ng kaligayahan ng Diyos. Sa katotohanan, ayon sa “plano ng Diyos,” ang “kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan.”8 “Ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama,”9 ang turo ni Jesus. Mahal na mga kapatid, gayon din tayo.

Sa karanasan ko sa paglalakbay sa buhay, alam kong ililipat tayo ng Panginoon sa tila chessboard na iyon para gawin ang Kanyang gawain. Ang tila nagkataon lang, sa katunayan, ay may patnubay ng mapagmahal na Ama sa Langit, na kayang bilangin ang mga buhok sa bawat ulo.10 Kahit ang maya ay hindi mahuhulog sa lupa kung hindi itutulot ng ating Ama.11 Ang Panginoon ay nakatuon sa maliliit na detalye ng ating buhay, at ang mga pangyayari at oportunidad ay maghahanda sa atin upang iangat ang ating mga pamilya at ang iba habang itinatayo natin ang kaharian ng Diyos sa lupa. Tandaan, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Nalalaman ko ang wakas mula sa simula; samakatwid, ang aking kamay ang gagabay sa iyo.”12

Inilagay ako ng Panginoon sa isang tahanang may mapagmahal na mga magulang. Sa mga pamantayan ng mundo, sila ay mga karaniwang tao; ang matapat kong ama ay drayber ng trak noon; ang butihin kong ina, ay namalagi sa tahanan. Tinulungan ako ng Panginoon na mahanap ang maganda kong asawa, si Melanie; ipinaramdam Niya sa isang negosyante, na naging malapit kong kaibigan, na bigyan ako ng pagkakataong makapagtrabaho. Tinawag ako ng Panginoon na maglingkod sa misyon, kapwa noong binata ako at bilang mission president; tinawag Niya ako sa Korum ng Pitumpu, at ngayon ay tinawag Niya ako bilang Apostol. Sa pagninilay sa nakaraan, natanto ko na hindi ako ang nagtakda sa mga hakbang na iyon; ang Panginoon ang gumawa niyon, tulad ng pagtatakda Niya sa mahahalagang hakbang para sa inyo at sa mga mahal ninyo.

Ano ang dapat ninyong hanapin sa sarili ninyong buhay? Ano ang mga himala ng Diyos na nagpapaalala sa inyo na malapit lang Siya, at nagsasabing, “Narito lang ako”? Isipin ang mga sandaling iyon, ang ilan ay araw-araw, nang kumilos ang Panginoon sa inyong buhay—at muling kumilos. Pahalagahan ito bilang mga sandali na nagpakita ang Panginoon ng tiwala sa inyo at sa mga pagpili ninyo. Ngunit hayaang hubugin Niya kayo at gawing mas mabuting tao kaysa magagawa ninyo nang mag-isa. Pahalagahan ang pakikibahagi Niya. Kung minsan itinuturing natin ang mga pagbabago sa ating mga plano na mga pagkakamali sa ating paglalakbay. Mas isipin na mga unang hakbang ito sa “paglilingkod sa Panginoon.”13

Ilang buwan na ang nakalipas ang aming apong babae ay sumali sa grupo ng kabataan na papasyal sa mga makasaysayang lugar ng Simbahan. Nakasaad sa huling itinerary na daraan siya sa mismong lugar kung saan ang kapatid niyang missionary, na aming apong lalaki, ay naglilingkod. Walang balak ang apo naming babae na makita ang kanyang kapatid na nasa misyon. Gayunman, pagpasok ng bus sa bayan kung saan naglilingkod ang kanyang kapatid, makikita ang dalawang missionary na naglalakad sa kalye. Ang kapatid niya ang isa sa mga missionary.

Napuno ng pag-asam sa bus habang hinihiling ng mga estudyante na itigil ito ng drayber para mabati niya ang kanyang kapatid. Wala pang isang minuto, matapos ang iyakan at matatamis na salita, nagbalik na ang kanyang kapatid para gampanan ang kanyang tungkulin bilang missionary. Nalaman namin kalaunan na wala pang limang minuto sa kalyeng iyon ang kanyang kapatid, naglalakad mula sa isang appointment papunta sa kanyang kotse.

Elder Rasband’s grandchildren reunite

Maaari tayong ilagay ng Ama sa Langit sa mga sitwasyon na may partikular na layon. Ginawa Niya ito sa buhay ko, at ginagawa Niya ito sa buhay ninyo, gaya ng ginawa Niya sa buhay ng aming mga apo.

Bawat isa sa atin ay mahalaga at minamahal ng Panginoon, na nagmamalasakit, bumubulong, at nagmamasid sa atin sa mga paraang kakaiba sa bawat isa. Walang katapusan ang Kanyang pagiging mas matalino at mas makapangyarihan kaysa mga mortal na tao. Alam Niya ang ating mga hamon, ang ating mga tagumpay, at mabubuting hangarin ng ating puso.

Mga isang taon na ang nakalipas, habang naglalakad ako sa Temple Square, isa sa mga sister missionary ang lumapit sa akin at nagtanong, “Natatandaan ba ninyo ako? Taga-Florida po ako.” Sinabi niya sa akin ang pangalan niya, Sister Aida Chilan. Oo, naaalala kong nakilala ko siya at ang pamilya niya. Iminungkahi ng kanyang stake president na bisitahin namin ang kanilang pamilya. Naging malinaw na naroon kami para sa anak nilang si Aida, na hindi pa nabinyagan. Pagkatapos ng aming pagbisita at mahigit isang taon ng pagtuturo at pag-fellowship, nabinyagan si Aida.

Elder Rasband with Aida Chilan and her companion

Pagkatapos ng pag-uusap namin sa Temple Square, sumulat sa akin si Aida. Sabi niya: “Alam ko nang buong puso ko na kilala ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin at patuloy Niya tayong inilalagay sa landas ng bawat isa sa isang dahilan. Salamat sa pagiging isa sa mga missionary ko, sa pagtulong at paghanap sa akin limang taon na ang nakalipas.”14 Ipinadala rin sa akin ni Aida ang kuwento ng kanyang pagbabalik-loob na binabalikan ang “mga banal na pagkakataon” sa buhay niya na humantong sa kanyang binyag at kumpirmasyon, misyon sa Temple Square, at sa kanyang kasal sa templo kamakailan.15

Nagkataon lang ba na pinapunta kami ng stake president sa tahanan ng mga Chilan o na kalaunan ay magkikita kami sa Temple Square? Ang patotoo ni Aida ay patunay na lahat ng ito ay bahagi ng “banal na plano” ng Diyos.

Gustung-gusto ng Panginoon na makasama tayo. Hindi nagkakataon lang na kapag nadarama ninyo ang Kanyang Espiritu at kumikilos sa mga unang pahiwatig ay nadarama ninyo Siya gaya ng ipinangako Niya: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”16

Lahat tayo ay may magkakatulad na pangyayari sa ating buhay. Maaari nating makita ang isang taong tila pamilyar sa atin, muling makatagpo ang isang dating kakilala, o magkasundo sa isang parehas na bagay sa isang dayuhan. Kapag nangyayari ang mga ito, marahil ipinapaalala sa atin ng Panginoon na tayo ay magkakapatid. Talagang kabahagi tayo ng iisang layunin—na tinawag ni Joseph Smith na “layon ni Cristo.”17

Ngayon, saan akma ang ating kalayaan sa pagpili sa “banal na plano”? Maaari nating piliing sundin o hindi sundin ang ating Tagapagligtas at ang Kanyang piniling mga pinuno. Ang huwarang ito ay malinaw sa Aklat ni Mormon nang ang mga Nephita ay tumalikod sa Panginoon. Nanaghoy si Mormon:

“At natanto nila … na hindi na sila pinangangalagaan pa ng Espiritu ng Panginoon; oo, lumisan ito sa kanila sapagkat ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nananahanan sa mga hindi banal na templo—

“Anupa’t ang Panginoon ay tumigil sa pangangalaga sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mapaghimala at walang kapantay na kapangyarihan, sapagkat sila ay nahulog sa kalagayan ng kawalang-paniniwala at kakila-kilabot na kasamaan.”18

Hindi lahat ng hinihingi sa atin ng Panginoon ay bunga ng kung gaano tayo kalakas, gaano tayo katapat, o ano ang alam natin. Isipin si Saulo, na pinigilan ng Panginoon sa daan patungong Damasco. Mali ang tinatahak niyang direksyon sa buhay; wala itong kinalaman sa hilaga o timog. Si Saulo ay itinama ng langit. Nakilala kalaunan bilang si Pablo, nakita sa kanyang ministeryo bilang apostol ang alam na ng Panginoon na kaya niyang gawin at marating, hindi ang binalak niyang gawin bilang si Saulo. Sa gayunding paraan, alam ng Panginoon kung ano ang kayang gawin at marating ng bawat isa sa atin. Ano ang itinuro ni Apostol Pablo? “At nalalaman natin na ang lahat ng bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga’y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa.”19

Kapag tayo’y matwid, handa, at may kakayahan, kapag sinisikap nating maging marapat at kwalipikado, umuunlad tayo sa paraang hindi natin inakala at nagiging bahagi ng “banal na plano” ng Ama sa Langit. Bawat isa ay may kabanalan sa ating kalooban. Kapag nakikita nating kumikilos ang Diyos sa pamamagitan natin at kasama natin, nawa’y mahikayat tayo, at magpasalamat sa paggabay na iyon. Nang sinabi ng ating Ama sa Langit na, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao,”20 tinutukoy Niya ang lahat ng Kanyang anak—lalo na kayo.

Ang kamay ng Panginoon ay gumagabay sa inyo. Sa “banal na plano,” may impluwensya Siya sa maliliit na detalye ng inyong buhay gayundin sa mahahalagang pangyayari. Tulad ng pagkakasabi sa Mga Kawikaan, “Magtiwala sa Panginoon nang iyong buong puso; … at Kanyang ituturo ang iyong mga landas.”21 Pinatototohanan ko na pagpapalain Niya kayo, itataguyod kayo, at bibigyan kayo ng kapayapaan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.