Tatlong Magkakapatid na Babae
Responsibilidad natin ang sarili nating pagkadisipulo, at maliit—kung mayroon man—ang kinalaman niyan sa pagtrato sa atin ng iba.
Mahal na mga kapatid, mahal na mga kaibigan, ang simulan ang pangkalahatang kumperensya sa isang pandaigdigang sesyon ng kababaihan ay mahalaga at kagila-gilalas. Isipin lang ninyo: ang kababaihang iba’t iba ang edad, pinagmulan, nasyonalidad, at wika ay nagkaisa sa pananampalataya at pagmamahal sa Panginoong Jesucristo.
Nang makapulong namin kamakailan ang ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Thomas S. Monson, ipinahayag niya sa amin kung gaano niya kamahal ang Panginoon. At alam ko na labis na nagpapasalamat si Pangulong Monson sa inyong pagmamahal, mga dalangin, at katapatan sa Panginoon.
Noong araw sa isang malayong lupain nakatira ang pamilya ng tatlong magkakapatid na babae.
Ang panganay ay malungkot. Hindi siya nasisiyahan sa anumang bahagi ng kanyang katawan mula sa kanyang ilong hanggang sa baba niya at mula sa balat niya hanggang sa mga daliri niya sa paa. Kapag nagsasalita siya, kung minsan ay kakatwa ang labas ng mga salita niya, at nagtatawanan ang mga tao. Kapag may namintas sa kanya o “nakalimot” na imbitahan siya sa kung saan, namumula siya, lumalayo, at naghahanap ng lihim na lugar kung saan siya malungkot na magbubuntong-hininga at mag-iisip kung bakit napakalungkot at napakawalang-sigla ng buhay.
Ang pangalawa ay galit. Inisip niya na napakatalino niya, pero laging may ibang mas mataas sa kanya ang marka sa mga test sa eskuwela. Itinuring niya ang kanyang sarili na nakakatuwa, maganda, pusturyosa, at kaakit-akit. Pero parang lagi na lang may ibang mas nakakatuwa, mas maganda, mas pusturyosa, o mas kaakit-akit.
Hindi siya manguna sa anumang bagay, at hindi niya ito matanggap. Hindi dapat magkaganito ang buhay!
Kung minsa’y pinagagalitan niya ang iba, at parang palagi siyang handang magalit sa anumang bagay.
Mangyari pa, hindi siya nagustuhan o naging popular dahil dito. Kung minsa’y nakatiim ang kanyang mga bagang, nakakuyom ang kanyang mga palad, at iniisip niya, “Hindi makatarungan ang buhay!”
At nariyan naman ang pangatlong kapatid. Di tulad ng kanyang malungkot at galit na mga kapatid, siya’y—ah, masaya. At hindi ito dahil sa siya’y mas matalino o mas maganda o mas may kakayahan kaysa mga ate niya. Hindi, iniwasan o binalewala rin siya ng mga tao paminsan-minsan. Pinagtawanan nila ang kanyang pananamit o ang kanyang sinasabi paminsan-minsan. May sinasabi silang masasakit tungkol sa kanya paminsan-minsan. Pero hindi niya hinahayaang maapektuhan siyang masyado ng mga ito.
Mahilig kumanta ang kapatid na ito. Hindi siya mahusay kumanta, at pinagtatawanan ito ng mga tao, pero hindi siya napipigilan niyon. Ang sinasabi niya, “Hindi ko hahayaan ang ibang mga tao at ang opinyon nila na pigilan akong kumanta!”
Dahil patuloy siyang kumakanta, nalungkot ang panganay niyang kapatid at nagalit ang pangalawa.
Maraming taon ang lumipas, at kalauna’y pumanaw na ang magkakapatid na ito.
Ang panganay, na paulit-ulit na natuklasan na maraming kabiguan sa buhay, ay pumanaw kalaunan na malungkot.
Ang pangalawa, na araw-araw ay nakakikita ng bagong ikakagalit, ay pumanaw na galit.
At ang pangatlo, na ginugol ang kanyang buhay na buong lakas na kinakanta ang kanyang awitin at may tiwalang ngiti sa kanyang mukha, ay pumanaw na masaya.
Mangyari pa, kailanma’y hindi simple ang buhay, at kailanma’y hindi isang dimensyonal lang ang mga tao na tulad ng tatlong magkakapatid sa kuwentong ito. Pero kahit ang matitinding halimbawang tulad ng mga ito ay may maituturo sa atin tungkol sa ating sarili. Kung katulad kayo ng karamihan sa atin, maaari ninyong makilala ang bahagi ng inyong sarili sa isa, sa dalawa, o marahil ay sa tatlong magkakapatid na ito. Isa-isahin natin ang mga ito.
Ang Biktima
Ang tingin ng unang kapatid sa kanyang sarili ay biktima—tulad ng isang taong pinakikilos ng iba.1 Parang sunud-sunod ang mga nangyayari sa kanya kaya siya miserable. Sa ganitong pananaw sa buhay, hinahayaan niyang kontrolin ng iba ang kanyang damdamin at pag-uugali. Kapag ginawa natin ito, matatangay tayo ng lahat ng opinyon—at sa panahong ito ng social media sa buong paligid, napaka-popular at maraming tumatanggap sa mga opinyong iyon.
Mahal na mga kapatid, bakit ninyo isusuko ang inyong kaligayahan sa isang tao, o grupo ng mga tao, na walang malasakit sa inyo o sa inyong kaligayahan?
Kung nag-aalala kayo sa sinasabi ng ibang tao tungkol sa inyo, imumungkahi ko ang remedyong ito: tandaan kung sino kayo. Tandaan na kayo ay nagmula sa maharlikang tahanan sa kaharian ng Diyos, mga anak ng mga Magulang sa Langit, na naghahari sa buong sansinukob.
Nasa inyo ang espirituwal na DNA ng Diyos. Kayo ay may kakaibang mga kaloob na nagmula sa espirituwal na paglikha sa inyo at lumago ang mga iyon bago kayo isinilang. Kayo ay anak ng ating maawain at walang-hanggang Ama sa Langit, ang Panginoon ng mga Hukbo, ang Lumikha ng sansinukob, nagpakalat ng umiinog na mga bituin sa buong kalawakan, at naglagay ng mga planeta sa kanilang nakatalagang mga orbit.
Kayo ay nasa Kanyang mga kamay.
Napakabuting mga kamay.
Mapagmahal na mga kamay.
Mapagmalasakit na mga kamay.
At hindi iyan mababago ng anumang sinasabi ng sinuman tungkol sa inyo. Ang kanilang mga salita ay walang kabuluhan kumpara sa sinabi ng Diyos tungkol sa inyo.
Kayo ay pinakamamahal Niyang anak.
Mahal Niya kayo.
Magkamali man kayo, tumalikod man kayo sa Kanya, mahal kayo ng Diyos. Kung pakiramdam ninyo ay nawawala kayo, napabayaan, o nakaligtaan—huwag matakot. Hahanapin kayo ng Mabuting Pastol. Papasanin Niya kayo sa Kanyang mga balikat. At iuuwi Niya kayo.2
Mahal kong mga kapatid, itanim sana ninyo nang malalim sa inyong puso ang mga banal na katotohanang ito. At malalaman ninyo na maraming dahilan para hindi malungkot, dahil may walang-hanggang tadhana kayong makakamtan.
Ibinuwis ng pinakamamahal na Tagapagligtas ng mundo ang Kanyang buhay para ipasiya ninyong magkatotoo sa inyo ang tadhanang iyon. Taglay ninyo ang Kanyang pangalan; kayo ay Kanyang mga disipulo. At dahil sa Kanya, maaari kayong magtamo ng walang-hanggang kaluwalhatian.
Ang Namumuhi
Ang pangalawang kapatid ay galit sa mundo. Gaya ng kanyang malungkot na kapatid, nadama niya na ang sanhi ng lahat ng problema niya sa buhay ay ang ibang tao. Sinisi niya ang kanyang pamilya, mga kaibigan, kanyang boss at mga katrabaho, ang pulisya, mga kapitbahay, lider ng Simbahan, usong damit, init ng araw, at simpleng kamalasan. At pinagsalitaan niya silang lahat ng masakit.
Hindi niya inisip na isa siyang masamang tao. Bagkus, nadama niya na ipinagtatanggol lang niya ang kanyang sarili. Lahat, sa kanyang paniwala, ay sakim, makitid, at pagkamuhi ang motibo. Samantalang siya ay may mabuting layunin—katarungan, integridad, at pagmamahal.
Sa kasamaang-palad, lubhang karaniwan ang pag-iisip ng galit na kapatid. Napansin ito sa isang pag-aaral kamakailan nang siyasatin ang alitan ng magkakaribal na grupo. Bilang bahagi ng pag-aaral, ininterbyu ng mga researcher ang mga Palestino at Israelita sa Middle East, at ang mga Republican at Democrat sa Estados Unidos. Natuklasan nila na “iniisip ng bawat panig na ang higit na motibo ng sarili nilang grupo [ay] pagmamahal kaysa pagkamuhi, ngunit nang tanungin kung bakit ang karibal na grupo nila [ay] kasali sa alitan, sinabi [nila] na pagkamuhi ang motibo [ng kabilang] grupo.”3
Sa madaling salita, akala ng bawat grupo ay sila ang “mga bida”—makatarungan, mabait, at tapat. Sa kabilang dako, ang tingin nila sa karibal nila ay “mga kontrabida”—walang alam, manloloko, at masasama pa.
Noong taon na isinilang ako, may kahila-hilakbot na digmaan sa mundo na nagdulot ng malaking pighati at kalungkutan sa mga tao. Ang digmaang ito ay idinulot ng sarili kong bansa—ng isang grupo ng mga tao na itinuring na masama ang iba pang mga grupo at naghikayat na kamuhian ang mga ito.
Pinatahimik nila ang mga hindi nila gusto. Hiniya nila at pinalitaw na masama ang mga ito. Itinuring nila ang mga ito na mas mababa kaysa kanila—at hindi pa makatao. Kapag hinamak ninyo ang isang grupo ng mga tao, mas malamang na pangatwiranan ninyo ang mga sinabi at ginawang karahasan laban sa kanila.
Nangangatog ako kapag naiisip ko ang nangyari sa Germany noong ika-20 siglo.
Kapag may tumutol o hindi sumang-ayon sa atin, nakakatuksong ipalagay na baka may diperensya sila. At mula roon napakadali nang kabitan ng masasamang motibo ang kanilang sinasabi at ginagawa.
Mangyari pa, kailangan nating ipagtanggol palagi ang tama, at may mga pagkakataon na kailangan nating lakasan ang ating boses para doon. Gayunman, kapag ginawa natin iyon nang may galit o pagkamuhi sa ating puso—kapag kinagalitan natin ang iba para saktan, pahiyain, o patahimikin sila—malamang ay hindi matwid ang ginagawa natin.
Ano ang itinuro ng Tagapagligtas?
“Sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain ang sa inyo’y sumusumpa, gawan ng mabuti ang napopoot sa inyo,] at idalangin ninyo ang sa inyo’y nanlalait at nagsisiusig;
“Upang kayo’y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit.”4
Ito ang paraan ng Tagapagligtas. Ito ang unang hakbang sa pagsira sa mga hadlang na lumilikha ng labis na galit, poot, pagkakahati, at karahasan sa mundo.
“Oo,” sasabihin ninyo siguro, “handa akong mahalin ang aking mga kaaway—kung handa silang gawin din iyon.”
Pero hindi talaga mahalaga iyan, hindi ba? Responsibilidad natin ang sarili nating pagkadisipulo, at maliit—kung mayroon man—ang kinalaman niyan sa pagtrato sa atin ng iba. Malinaw na umaasa tayo na magiging maunawain sila at mahabagin bilang kapalit, ngunit ang ating pagmamahal sa kanila ay walang kinalaman sa kanilang saloobin sa atin.
Marahil palalambutin ng pagsisikap nating mahalin ang ating mga kaaway ang kanilang puso at iimpluwensiyahan sila sa kabutihan. Marahil ay hindi. Ngunit hindi niyan binabago ang ating pangakong sundin si Jesucristo.
Kaya, bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, mamahalin natin ang ating mga kaaway.
Daraigin natin ang galit o poot.
Pupuspusin natin ng pagmamahal ang ating puso para sa lahat ng anak ng Diyos.
Tutulungan nating mapagpala ang iba at paglilingkuran sila—maging yaong mga maaaring “sa [ati’y] nanlalait at nagsisiusig.”5
Ang Tunay na Disipulo
Ang pangatlong kapatid ay kumakatawan sa tunay na disipulo ni Jesucristo. May ginawa siyang isang bagay na maaaring lubhang mahirap gawin: nagtiwala siya sa Diyos maging sa oras ng pangungutya at paghihirap. Kahit paano, nanatili siyang sumasampalataya at umaasa, sa kabila ng panlilibak at pangungutya sa kanyang paligid. Masaya siyang namuhay, hindi dahil masaya ang kanyang sitwasyon kundi dahil masaya siya.
Walang sinuman sa atin ang nagdaraan sa buhay nang walang kumakalaban. Sa napakaraming puwersang nagtatangkang ilihis tayo ng landas, paano tayo mananatiling nakatuon sa maluwalhating kaligayahang ipinangako sa matatapat?
Naniniwala ako na ang sagot ay matatagpuan sa panaginip ng isang propeta, libu-libong taon na ang nakararaan. Ang pangalan ng propeta ay Lehi, at ang kanyang panaginip ay nakatala sa katangi-tangi at kamangha-manghang Aklat ni Mormon.
Sa kanyang panaginip, nakita ni Lehi ang isang malawak na parang, at doo’y may napakagandang puno, na di-kayang ilarawan. Nakita rin niya ang malalaking grupo ng mga taong papunta sa puno. Gusto nilang tikman ang masarap na bunga nito. Nadama nila at nagtiwala sila na bibigyan sila niyon ng malaking kaligayahan at kapayapaan.
May makitid na landas papunta sa puno, at sa tabi ay may gabay na bakal na tumulong sa kanila na manatili sa landas. Ngunit may abu-abo rin ng kadiliman na nagpalabo sa tingin nila sa landas at sa puno. At ang mas mapanganib pa siguro ay ang malakas na tawanan at pangungutyang nagmumula sa malaki at maluwang na gusali sa malapit. Ang nakagugulat, nakumbinsi pa ng pangungutya ang ilang taong nakarating na sa puno at nakatikim ng masarap na bunga na mahiya at lumayo.6
Siguro’y nag-alinlangan na sila na ang puno ay talagang singganda ng inakala nilang minsan. Siguro nagduda na sila sa katotohanan ng kanilang naranasan.
Siguro naisip nila na kung tatalikuran nila ang puno, magiging mas madali ang buhay. Siguro hindi na sila kukutyain o pagtatawanan.
At ang totoo, ang mga taong humahamak sa kanila ay mukhang mga tao na masaya at nagkakasiyahan. Kaya siguro kung tatalikuran nila ang puno, tatanggapin sila ng kongregasyon sa malaki at maluwang na gusali at papalakpakan sa kanilang pasiya, katalinuhan, at kamunduhan.
Manatili sa Landas
Mahal na mga kapatid, mahal na mga kaibigan, kung nahihirapan kayong kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal at lumakad nang matatag patungo sa kaligtasan; kung nag-aatubili kayo dahil sa halakhakan at pangungutya ng iba na tila tiwalang-tiwala; kung nababagabag kayo sa mga tanong na hindi pa nasasagot o mga doktrinang hindi pa ninyo nauunawaan; kung nalulungkot kayo dahil sa mga kabiguan, hinihimok ko kayong tandaan ang panaginip ni Lehi.
Manatili sa landas!
Huwag bumitaw sa gabay na bakal—ang salita ng Diyos!
At kapag tinangka ninuman na pahiyain kayo sa pagtanggap sa pagmamahal ng Diyos, huwag silang pansinin.
Huwag kalimutan, kayo ay anak ng Diyos; naghihintay ang saganang mga pagpapala; kung matututo kayong sumunod sa Kanyang kalooban, makakapiling ninyo Siyang muli!7
Ang mga pangakong papuri at pagtanggap ng mundo ay hindi maaasahan, hindi totoo, at hindi kasiya-siya. Ang mga pangako ng Diyos ay tiyak, tapat, at masaya—ngayon at magpakailanman.
Inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang relihiyon at pananampalataya sa mas mataas na pananaw. Walang inihahandog sa malaki at maluwang na gusali na maihahambing sa bunga ng pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Talagang “hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, [ang] mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.”8
Natutuhan ko sa sarili ko na ang landas ng pagkadisipulo sa ebanghelyo ni Jesucristo ang landas tungo sa kagalakan. Ito ang landas tungo sa kaligtasan at kapayapaan. Ito ang landas tungo sa katotohanan.
Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ito sa inyong sarili.
Samantala, kung maging mahirap ang landas para sa inyo, sana’y makakita kayo ng kanlungan at lakas sa ating kamangha-manghang mga organisasyon ng Simbahan: ang Primary, Young Women, at Relief Society. Sila ay parang mga pahingahan sa landas, kung saan ninyo mapapanibago ang inyong tiwala at pananampalataya para sa paglalakbay sa hinaharap. Ligtas na tahanan ang mga ito, kung saan madarama ninyo na kayo ay kabilang at tatanggap ng panghihikayat mula sa inyong mga kapatid at kapwa disipulo.
Ang mga bagay na natutuhan ninyo sa Primary ay inihahanda kayo para sa iba pang mga katotohanang natututuhan ninyo bilang mga kabataang babae. Ang landas ng pagkadisipulo na tinatahak ninyo sa inyong mga klase sa Young Women ay humahantong sa pakikisama at kapatiran ng Relief Society. Sa bawat hakbang sa kahabaan ng daan, binibigyan kayo ng dagdag na pagkakataong magpakita ng pagmamahal sa iba sa pamamagitan ng pagpapakita ng pananampalataya, habag, pag-ibig sa kapwa, kabanalan, at paglilingkod.
Ang pagpili sa landas na ito ng pagkadisipulo ay hahantong sa di-masayod na kaligayahan at katuparan ng inyong banal na katangian.
Hindi ito magiging madali. Mangangailangan ito ng pinakamainam sa inyo—buong talino, pagkamalikhain, pananampalataya, integridad, lakas, determinasyon, at pagmamahal. Ngunit balang araw ay lilingunin ninyo ang inyong mga pagsisikap, at ah, lubos kayong magpapasalamat na nanatili kayong matatag, na nanalig kayo, at hindi kayo lumihis ng landas.
Magpatuloy
Maaaring maraming bagay tungkol sa buhay na hindi ninyo mapipigilan. Ngunit sa huli, may kakayahan kayong piliin kapwa ang inyong patutunguhan at ang marami sa inyong mga karanasan habang daan. Ang inyong mga pasiya, hindi ang inyong mga kakayahan, ang gumagawa ng kaibhan sa buhay.9
Huwag ninyong tulutang palungkutin kayo ng inyong sitwasyon.
Huwag ninyo itong tulutang pagalitin kayo.
Maaari kayong magsaya na kayo ay anak ng Diyos. Maaari kayong makasumpong ng kagalakan at kaligayahan sa biyaya ng Diyos at sa pag-ibig ni Jesucristo.
Maaari kayong sumaya.
Hinihimok ko kayo na puspusin ng pasasalamat ang inyong puso sa sagana at walang-hanggang kabutihan ng Diyos. Mahal kong mga kapatid, magagawa ninyo ito! Idinadalangin ko nang buong pagmamahal ng kaluluwa na gumawa kayo ng pasiya na magpatuloy patungo sa punungkahoy ng buhay. Nawa’y piliin ninyong lakasan ang inyong boses at gawing maluwalhating awitin ng papuri ang inyong buhay, na nagagalak sa maihahatid ng pag-ibig ng Diyos, ang mga himalang nagagawa ng Kanyang Simbahan, at ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo.
Ang awit ng tunay na pagkadisipulo ay maaaring sintunado o masyadong malakas para sa ilan. Noon pa mang unang panahon, ganito na talaga.
Ngunit para sa ating Ama sa Langit at sa mga nagmamahal at gumagalang sa Kanya, ito’y isang katangi-tangi at magandang awitin—ang napakaganda at nagpapabanal na awit ng mapagtubos na pagmamahal at paglilingkod sa Diyos at sa kapwa-tao.10
Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas bilang Apostol ng Panginoon na makasumpong kayo ng lakas at tapang na mabuhay nang masaya bilang anak ng Diyos habang masigla kayong naglalakad bawat araw sa maluwalhating landas ng pagkadisipulo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.