2017
“Ako ay May Gawain Para sa Iyo”
November 2017


“Ako ay May Gawain Para sa Iyo”

Bawat isa sa atin ay may makabuluhang gawaing gagampanan sa pagsusulong ng gawain ng Diyos.

Kay Moises, sinabi ng Diyos, “Ako ay may gawain para sa iyo” (Moises 1:6). Naisip na ba ninyo kung may gawain para sa inyo ang Ama sa Langit? May inihanda ba Siyang mahahalagang bagay sa inyo—at sa bawat isa sa inyo—na gagawin? Pinatototohanan ko na ang sagot ay oo!

Girish Ghimire

Isipin si Girish Ghimire, na ipinanganak at lumaki sa bansang Nepal. Noong tinedyer siya, nag-aral siya sa China, at doon ay ibinahagi sa kanya ng isang kaklase ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kalaunan, pumunta si Girish sa Brigham Young University para sa karagdagang pag-aaral at doon ay nakilala niya ang kanyang magiging asawa. Nanirahan sila sa Salt Lake Valley at nag-ampon ng dalawang bata mula sa Nepal.

Makalipas ang ilang taon, noong ililipat sa Utah ang mahigit 1,500 refugee mula sa mga kampo sa Nepal,1 nainspirasyunan si Girish na tumulong. Gamit ang katutubong wika at kaalaman sa kultura, nagsilbing interpreter, titser, at mentor si Girish. Matapos mailipat sa komunidad, ilan sa mga Nepali refugee ay naging interesado sa ebanghelyo. Isang Nepali-speaking branch ang naorganisa, at kalaunan ay naglingkod si Girish bilang branch president nito. Siya ay nakibahagi rin sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa wikang Nepali.

Si Girish Ghimire hawak ang isang Nepali Book of Mormon

Nakita ba ninyo kung paano inihanda at ginagamit ng Ama sa Langit si Girish?

Ang Diyos ay May Gawain Para sa Bawat Isa sa Atin

Mga kapatid, ang Diyos ay may mahalagang gawain para sa bawat isa sa atin. Nagsasalita sa mga kababaihan ngunit nagtuturo ng mga katotohanang angkop para sa ating lahat, itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Bago tayo naparito sa lupa, [tayo ay] binigyan ng mga partikular na gawain. … Bagama’t hindi natin naaalala ngayon ang mga detalye, hindi nito nababago ang maluwalhating katotohanan ng pinagkasunduan natin noon.”2 Napakagandang katotohanan nito! Ang ating Ama sa Langit ay may mga partikular at mahahalagang bagay na ipagagawa para sa inyo at sa akin (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:10).

Ang mga banal na gawaing ito ay hindi nakalaan para sa iilan lamang kundi para sa ating lahat—anuman ang kasarian, edad, lahi, nasyonalidad, trabaho, katayuan sa lipunan, o tungkulin sa Simbahan. Bawat isa sa atin ay may makabuluhang gawaing gagampanan sa pagsusulong ng gawain ng Diyos (tingnan sa Moises 1:39).

Ilan sa atin ay nagtatanong kung magagamit tayo ng Ama sa Langit para makagawa ng mahahalagang bagay. Ngunit tandaan, Siya ay palaging gumagamit ng mga karaniwang tao upang maisakatuparan ang mga pambihirang bagay (tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 1:27–28; D at T 35:13; 124:1). “[Tayo ay] kinatawan” at “ang kapangyarihan ay nasa [atin]” upang “isakatuparan ang maraming kabutihan” (D at T 58:27–28).3

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang Panginoon ay may plano para sa inyo na higit pa sa plano ninyo para sa inyong mga sarili! Kayo ay inilaan para sa panahon at lugar na ito. …

Kailangan kayo ng Panginoon upang mabago ang mundo. Kapag tinanggap at sinunod ninyo ang Kanyang kalooban para sa inyo, magagawa ninyo ang imposible!”4

Kaya paano natin mauunawaan at magagawa ang gawain ng Diyos para sa atin? Magbabahagi ako ng apat na alituntunin na makatutulong.

Pagtuunan ng Pansin ang Iba

Una, pagtuunan ng pansin ang iba. Matutularan natin si Cristo, “na naglilibot na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38; tingnan din sa 2 Nephi 26:24).

Matapos bumalik mula sa full-time mission, naalala ko ang araw-araw na layunin ko roon. Alam ko na kailangan kong tuparin ang aking mga tipan, mag-aral, magpamilya, at magtrabaho. Ngunit inisip ko kung may mas mahalaga o espesyal na bagay pa na ipagagawa sa akin ang Panginoon. Matapos magnilay nang ilang buwan, nabasa ko ang talatang ito: “Kung iyong nanaisin, ikaw ang magiging daan upang magawa ang maraming kabutihan sa salinlahing ito” (D at T 11:8). Tinulungan ako ng Espiritu na maunawaan na ang pangunahing layunin ng mga banal na gawain ay pagpalain ang iba at gumawa ng “maraming kabutihan.”

Makagagawa tayo ng mahahalagang pasiya sa ating buhay—tulad ng kung ano ang pag-aaralan, ano ang gagawin sa trabaho o kung saan titira—sa konteksto ng pagtulong sa iba.

Isang pamilya ang lumipat sa isang bagong lunsod. Sa halip na maghanap ng matitirhan sa isang marangyang komunidad, nadama nila na manirahan sa lugar na maraming pangangailangan sa aspetong ukol sa lipunan at sa ekonomiya. Sa pagdaan ng mga taon, ginamit sila ng Panginoon para matulungan ang maraming tao at mapalakas ang kanilang ward at stake.

Isang doktor ang binabayaran sa kanyang serbisyo ngunit nadama niyang maglaan ng isang araw kada linggo para magbigay ng libreng panggagamot sa mga taong walang health insurance. Dahil handang tulungan ng lalaking ito at ng kanyang asawa ang iba, ang Panginoon ay naglaan ng paraan para matulungan nila ang maraming pasyenteng nangangailangan habang inaaruga rin nila ang kanilang malaking pamilya.

Tuklasin at Pagbutihin ang mga Espirituwal na Kaloob

Pangalawa, tuklasin at pagbutihin ang mga espirituwal na kaloob. Ibinigay ng Ama sa Langit ang mga kaloob na ito upang tulungan tayo na matukoy, maisakatuparan, at tamasahin ang ipinagagawa Niya sa atin.

Iniisip ng ilan sa atin, “Mayroon ba akong anumang kaloob?” Ang sagot pa rin ay oo! “Sa bawat [lalaki at babae] ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos … upang ang lahat ay makinabang sa gayong paraan” (D at T 46:11–12; idinagdag ang pagbibigay-diin).5 Ang maraming espirituwal na kaloob ay nakatala sa banal na kasulatan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:1–11, 31; Moroni 10:8–18; D at T 46:8–26), ngunit marami pang iba.6 Maaaring kabilang ang pagiging maawain, pagpapakita ng pag-asa, kahusayan sa pakikipag-ugnayan sa mga tao, pagiging epektibo sa pag-oorganisa, nakahihikayat ang pagsasalita o pagsusulat, pagtuturo nang malinaw, at kasipagan sa pagtatrabaho.

Paano natin malalaman kung ano ang ating mga kaloob? Basahin natin ang ating patriarchal blessing, magtanong sa mga taong nakakikilala sa atin nang lubos, at alamin kung saan tayo mahusay at ano ang gustung-gusto nating gawin. Pinakamahalaga, maaari tayong magtanong sa Diyos (tingnan sa Santiago 1:5; D at T 112:10). Alam Niya ang mga kaloob natin, dahil Siya ang nagbigay ng mga ito sa atin (tingnan sa D at T 46:26).

Kapag natuklasan natin ang ating mga kaloob o talento, responsibilidad nating pagyamanin ang mga ito (tingnan sa Mateo 25:14–30). Maging si Jesucristo ay “hindi tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit nagpatuloy nang biyaya sa biyaya” (D at T 93:13).

Pintang-larawan ng Tagapagligtas ni Ben Simonsen

Isang binatilyo ang gumuguhit upang mailarawan ang mga espirituwal na pinahahalagahan. Ang paborito ko ay ang larawan ng Tagapagligtas, na nakadispley sa aming tahanan. Pinagbuti at ginamit ng binatilyong ito ang kanyang mga kaloob o talento sa pagguhit. Sa pamamagitan niya, nabigyang-inspirasyon ng Ama sa Langit ang iba na pagbutihin ang kanilang pagkadisipulo.

Kung minsan nadarama natin na wala tayong anumang partikular na mahahalagang kaloob o talento. Isang araw, isang malungkot na babae ang nagsumamo, “Panginoon, ano po ang ipagagawa ninyo sa akin?” Sumagot Siya, “Pansinin mo ang iba.” Iyan ay espirituwal na kaloob! Mula noon, nakadama siya ng kagalakan sa pagpansin sa iba na madalas makaligtaan, at sa pamamagitan niya ay napagpala ng Diyos ang maraming tao. Bagama’t ang ilan sa mga espirituwal na kaloob ay hindi mahalaga ayon sa mga pamantayan ng mundo, ang mga ito ay mahalaga sa Diyos at sa Kanyang gawain.7

Gamitin ang Natutuhan mula sa Paghihirap

Pangatlo, gamitin ang natutuhan mula sa paghihirap. Ang mga pagsubok ay tumutulong sa atin na matuklasan at mapaghandaan ang ipagagawa sa atin ng Ama sa Langit. Ipinaliwanag ni Alma, “Matapos ang labis na pagdurusa, … ginawa akong kasangkapan [ng Panginoon] sa kanyang mga kamay” (Mosias 23:10).8 Tulad ng Tagapagligtas, na natutulungan tayo dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo (tingnan sa Alma 7:11–12), magagamit natin ang natutuhan mula sa mahihirap na karanasan natin upang bigyang-inspirasyon, palakasin, at pagpalain ang iba.

Matapos mawalan ng trabaho ang isang matagumpay na human resources executive, binasa niya ang kanyang patriarchal blessing at nabigyang-inspirasyon na magtayo ng kompanya upang matulungan ang iba pang mga propesyonal na makahanap ng trabaho. (Tinulungan niya rin ako na makahanap ng trabaho nang bumalik ang aming pamilya mula sa paglilingkod sa misyon.) Ginamit ng Panginoon ang pagsubok niya bilang paraan para mapagpala ang iba, habang binibigyan siya ng mas makabuluhang trabaho.

Isang bata pang mag-asawa ang nagkaroon ng anak na patay na nang isilang ito. Sa kanilang pagdadalamhati, nagpasiya sila na bilang pag-alaala sa kanilang anak ay magbibigay sila ng payo at suportang materyal sa mga magulang na dumaranas din ng gayong sitwasyon. Ginamit ng Panginoon ang mag-asawang ito dahil sa pagiging mahabagin nila, na natamo nila dahil sa mga paghihirap na naranasan nila.

Umasa sa Diyos

At pang-apat, umasa sa Diyos. Kapag humihingi tayo sa Kanya nang may pananampalataya at may tunay na layunin, ipahahayag Niya ang mga banal na gawain natin.9 Kapag natuklasan natin ang mga ito, tutulungan Niya tayo na magawa ang mga ito. “Lahat ng bagay ay nakikita ng [Kanyang] mga mata” (D at T 38:2; tingnan din sa Abraham 2:8), at sa tamang mga panahon, bubuksan Niya ang mga pinto ng oportunidad na mahalaga para sa atin (tingnan sa Apocalipsis 3:8). Isinugo Niya ang Kanyang Anak, na si Jesucristo, upang makaasa tayo sa Kanyang lakas na nakahihigit sa ating taglay na lakas (tingnan sa Mga Taga Filipos 4:13; Alma 26:12).

Isang lalaking miyembro ng Simbahan, na nabahala sa mga ginagawa ng lokal na pamahalaan, ang nagpasiyang tumakbo sa eleksyon. Kahit mahirap mangampanya, nanampalataya siya at nagtipon ng resources para makatakbo sa eleksyon. Sa huli, hindi siya nanalo ngunit nadama niyang pinatnubayan siya at pinalakas ng Panginoon upang maiparating ang mga isyung mahalaga sa komunidad.

Isang ina na mag-isang nagpapalaki ng mga anak na may mga kapansanan ang nag-alala kung sapat niyang matutugunan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Bagama’t mahirap, nadama niyang pinalakas siya ng Panginoon upang magampanan nang mabuti ang kanyang pinakamahalagang misyon.

Isang Babala

Kasabay ng pagtulong sa atin ng Diyos upang magawa ang mga banal na gawain natin, ginagambala at inilalayo tayo ng kaaway mula sa makabuluhang buhay.

Ang kasalanan marahil ang pinakamalaking bato na kinatitisuran natin, pinahihina ang kamalayan natin sa Espiritu Santo at nililimitahan tayo sa pagtanggap ng espirituwal na lakas. Upang maisagawa ang gawain ng Ama sa Langit para sa atin, kailangan nating sikaping maging malinis (tingnan sa 3 Nephi 8:1). Namumuhay ba tayo sa paraang magagamit tayo ng Diyos?

Ginagambala rin tayo ni Satanas gamit ang mga bagay na hindi gaanong mahalaga. Binalaan ng Panginoon ang isang lider ng Simbahan noon, “Subalit ang iyong isip ay nakatuon sa mga bagay ng mundo kaysa sa mga bagay na para sa akin … at sa paglilingkod kung saan ka tinawag” (D at T 30:2). Abala ba tayo sa mga bagay ng mundo kaya’t hindi natin nagagawa ang ating mga banal na gawain?

Bukod pa rito, pinahihina ni Satanas ang ating loob sa pamamagitan ng pagpapadama sa atin ng ating mga kakulangan. Ipinapadama niya sa atin na napakahirap o nakatatakot ang ating gawain. Gayunman, maaari tayong magtiwala sa Diyos! Mahal Niya tayo. Gusto Niyang magtagumpay tayo. Siya ay “magpapauna sa [atin]; siya’y sasa[atin], hindi niya [tayo] iiwan” (Deuteronomio 31:8; tingnan din sa Mga Awit 32:8; Mga Kawikaan 3:5–6; Mateo 19:26; D at T 78:18).

Maaari rin tayong udyukan ni Satanas na isipin na mas mahalaga ang gawaing ibinigay sa iba kaysa sa atin. Ngunit lahat ng gawaing mula sa Diyos ay mahalaga, at makadarama tayo ng kagalakan kapag “ipinagkakapuri [natin] yaong ipinag-utos sa [atin] ng Panginoon” (Alma 29:9).

Kapag kumikilos ang Diyos sa pamamagitan natin, uudyukan tayo ng kaaway na magmalaki sa anumang nagawa natin. Gayunman, maaari nating tularan ang pagpapakumbaba ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagbibigay ng papuri at pagluwalhati sa Ama (tingnan sa Mateo 5:16; Moises 4:2). Nang tangkaing purihin ng isang mamamahayag si Mother Teresa para sa kanyang misyon sa buhay na pagtulong sa mga maralita, sinabi niya: “Ito ay gawain [ng Diyos]. Ako ay parang isang … lapis sa kanyang kamay. … Siya ang nag-iisip. Siya ang nagsusulat. Walang kinalaman ang lapis doon. Ang lapis ay ginagamit lang.”10

Katapusan

Mahal kong mga kapatid, inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na “ihandog [natin] ang [ating] sarili sa Dios … na pinaka-kasangkapan ng katuwiran” (Mga Taga Roma 6:13). Ang paghahandog ng sarili ay kinapapalooban ng pagpapabatid sa Kanya na gusto nating tumulong, hinahangad ang Kanyang patnubay, at humihingi ng Kanyang lakas.

Tulad ng dati, makakaasa tayo kay Jesucristo, ang ating perpektong huwaran. Sa buhay bago tayo isinilang, itinanong ng Ama sa Langit, “Sino ang isusugo ko?”

At sumagot si Jesus, “Narito ako, isugo ako” (Abraham 3:27; tingnan din sa Isaias 6:8).

Tinanggap, pinaghandaan, at isinagawa ni Jesucristo ang Kanyang gawain na inorden noon pa man bilang ating Tagapagligtas at Manunubos. Ginawa Niya ang kalooban ng Ama (tingnan sa Juan 5:30; 6:38; 3 Nephi 27:13) at tinapos ang Kanyang mga banal na gawain.

Kapag tinularan natin ang halimbawa ni Cristo at inihandog ang ating sarili sa Diyos, pinatototohanan ko na gagamitin din Niya tayo upang maisulong ang Kanyang gawain at mapagpala ang iba. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Refugee Processing Center, “Admissions and Arrivals,” ireports.wrapsnet.org/Interactive-Reporting.

  2. Spencer W. Kimball, “The Role of Righteous Women,” Ensign, Nob. 1979, 102.

  3. Hinikayat tayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Maniwala sa iyong sarili. Maniwala sa kakayahan ninyong gawin ang malalaki[ng] … bagay. … Kayo ay anak ng Diyos, na walang hanggan ang kakayahan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley [2016], 87).

  4. Russell M. Nelson, Accomplishing the Impossible: What God Does, What We Can Do (2015), 147.

  5. Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:

    “Nakikita ng ating Ama sa Langit ang ating tunay na potensyal. Ang mga bagay na hindi natin alam tungkol sa ating sarili ay alam Niya. Hinihikayat Niya tayo sa buhay na ito na abutin ang hangganan ng paglikha sa atin. …

    “Magpasiya tayong tularan ang Tagapagligtas at magsumikap na maging uri ng tao na dapat nating kahinatnan. Pakinggan natin at sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu. Sa paggawa nito, ihahayag sa atin ng Ama sa Langit ang mga bagay na hindi natin alam tungkol sa ating sarili. Ipakikita Niya sa atin ang daan at tutulungan tayong makita ang mga talento na hindi natin alam at marahil hindi natin sukat-akalain na taglay natin” (“Mga Panghihinayang at Pagpapasiya,” Liahona, Nob. 2012, 22,3).

  6. Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie: “Ang mga espirituwal na kaloob ay walang katapusan sa bilang at walang hanggan sa iba’t ibang kaparaanan. Ang mga nakasulat na ito sa inihayag na salita ay paglalarawan lamang ng walang katapusang pagbuhos ng biyaya ng langit na ibinibigay ng isang mapagmahal na Diyos sa mga nagmamahal at naglilingkod sa kanya” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 371).

  7. Itinuro ni Elder Marvin J. Ashton:

    “Hayaan ninyong banggitin ko ang ilang kaloob na hindi laging nakikita o napapansin ngunit napakahalaga. Ilan sa mga ito ay maaaring ang inyong mga kaloob—mga kaloob na hindi kitang-kita ngunit gayunpaman ay tunay at kapaki-pakinabang.

    “Isa-isahin natin ang ilan sa di-gaanong napapansing mga kaloob na ito: kaloob na humiling; kaloob na makinig; kaloob na makarinig at gumamit ng marahan at bayanad na tinig; kaloob na manangis; kaloob na umiwas na makipagtalo; kaloob na maging kalugud-lugod; kaloob na umiwas sa walang kabuluhang paulit-ulit; kaloob na hangarin ang yaong matwid; kaloob na huwag manghusga; kaloob na umasa sa patnubay ng Diyos; kaloob na maging disipulo; kaloob na pangalagaan ang iba; kaloob na makapagnilay-nilay; kaloob na mag-alay ng panalangin; kaloob na magbigay ng malakas na patotoo; at kaloob na tumanggap ng Espiritu Santo” (“There Are Many Gifts,” Ensign, Nob. 1987, 20).

  8. Itinuro rin ni Pablo, “[Ang Diyos ang] umaaliw sa atin sa lahat ng kapighatian, upang ating maaliw ang nangasa anomang kapighatian, sa pamamagitan ng pagaliw na inialiw din sa atin ng Dios” (II Mga Taga Corinto 1:4).

  9. Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott: “May natatanging plano ang Diyos sa inyong buhay. Ihahayag Niya ang mga bahagi ng planong iyon sa inyo habang hinahanap ninyo ito nang may pananampalataya at patuloy na tatalima” (“Paano Mamuhay nang Maayos sa Gitna ng Tumitinding Kasamaan,” Liahona, Mayo 2004, 102).

  10. Mother Theresa, sa Edward W. Desmond, “Interview with Mother Teresa: A Pencil in the Hand of God,” Time, Dis. 4, 1989, time.com.