Tumigil na ba ang Araw ng mga Himala?
Ang dapat na unang pinagtutuunan natin ng pansin ay ang mga espirituwal na himala na maaaring mangyari sa lahat ng anak ng Diyos.
Noong nakaraang taon, sa isang assignment ko sa California, magkasama naming kinausap ng stake president sina Clark at Holly Fales at kanilang pamilya sa kanilang tahanan. Naikuwento sa akin na nakaranas sila kamakailan ng himala. Pagdating namin doon, hirap na tumayo si Clark para batiin kami dahil nakasuot siya ng brace sa likod, sa leeg, at sa mga braso.
Mahigit dalawang buwan bago iyon, si Clark, ang kanyang anak na si Ty, at mga 30 iba pang binatilyo at mga lider ay nagdaos ng aktibidad sa stake at inakyat ang tuktok ng Mount Shasta na may taas na 14,180-talampakan (4,322 m), isa sa pinakamatataas na bundok sa California. Sa ikalawang araw ng napakahirap na pag-akyat, narating ng karamihan ang tuktok—napakasayang tagumpay iyon na naging posible dahil sa maraming buwan ng paghahanda.
Isa sa mga naunang nakaakyat sa tuktok si Clark. Matapos makapagpahinga sandali sa gilid ng bundok, tumayo siya at nagsimulang maglakad. Habang naglalakad, natapilok siya at nahulog nang patalikod sa bangin, tuluy-tuloy na bumulusok nang mga 40 talampakan (12 m) at nagpagulung-gulong pababa sa mayelong dalisdis nang 300 pang talampakan (91 m). Nakapagtatakang nakaligtas si Clark, ngunit matindi ang pinsala niya at hindi makagalaw.
Ang mga himalang naranasan ni Clark sa kalunus-lunos na pangyayaring ito ay nagsisimula pa lamang. Isa sa mga naunang nakakita sa kanya ay “nagkataong” mga grupo ng hiker na may kasamang mga mountain rescue guide at mga emergency medical professional. Kaagad nilang nilunasan ang pagkasindak ni Clark at sinuotan siya ng panlaban sa lamig. Ang grupong ito ay “nagkataon” ding nagte-test ng bagong communication device at kaagad na nakahingi ng tulong mula sa lugar na walang makuhang signal ang mga cell phone. Isang maliit na helicopter ang kaagad na ipinadala sa Mount Shasta na isang oras ang layo mula sa bundok. Matapos ang dalawang mapanganib at hindi matagumpay na pagtatangka na makalapag sa taas na sumubok sa kakayahan ng helicopter, at nahihirapan dahil malakas ang hagupit ng hangin, tinangkang muli ng piloto na makalapag sa ikatlo at huling pagkakataon. Habang lumalapit ang helicoper mula sa ibang anggulo, “nagkataong” nagbago ang direksyon ng hangin at nakalapag ang helicopter nang sapat na oras para mabilis na maisakay ng grupo ang dumaraing sa sakit na si Clark sa maliit na espasyo sa likod ng upuan ng piloto.
Nang suriin si Clark sa trauma center, lumabas sa pagsusuri na nagkaroon siya ng maraming bali sa leeg, likod, tadyang, at pulso; nabutas na baga; at maraming sugat at galos. Isang kilalang neurotrauma surgeon ang “nagkataong” naka-duty nang araw na iyon; bihira lamang siyang pumunta sa ospital na ito sa loob ng isang taon. Kalaunan sinabi nito na wala pa siyang nakitang sinuman na napinsala nang ganoon kalubha ang spinal cord at carotid arteries na nabuhay. Hindi lamang inaasahang mabubuhay si Clark kundi gagaling pa nang lubusan. Ayon sa doktor na ito, na nagsabing isa siyang agnostiko, naiiba ang naging pinsala ni Clark sa lahat ng napag-aralan niya sa neurolohiya at maituturing lamang ito na isang himala.
Nang matapos ang nakakaantig na kuwento nina Clark at Holly, hindi ako agad makapagsalita. Hindi lamang dahil malinaw na mga himala ito, kundi dahil sa isang bagay na higit pa roon. Nagkaroon ako ng matinding impresyon—isang espirituwal na patotoo—na si Holly at ang kanyang limang mababait na anak na nakaupo sa sala at nakapalibot sa kanilang mga magulang ay napakalakas ng pananampalataya kaya matatanggap nila anuman ang nangyari nang araw na iyon at patuloy pa rin silang espirituwal na uunlad. Sina Clark at Holly at ang dalawang pinakamatanda nilang mga anak, sina Ty at Porter, ay kasama natin ngayon sa Conference Center.
Habang pinagninilayan ko ang karanasan ng pamilya Fales, naisip ko ang mga kalagayan ng maraming iba pa. Paano na ang napakaraming Banal sa mga Huling Araw na puno ng pananampalataya, nakatanggap ng basbas ng priesthood, walang tigil na ipinagdarasal ng iba, tumutupad sa mga tipan, puno ng pag-asa ngunit hindi pa kailanman nakaranas ng himala? Kahit man lang sa paraan ng pagkaunawa nila sa himala. Kahit man lang sa paraan na nakatatanggap ang iba ng mga himala.
Paano na ang mga taong dumaranas ng matitinding paghihirap—sa pisikal, mental, emosyonal—sa maraming taon o sa maraming dekada o sa buong buhay nila sa lupa? Paano na ang mga taong namatay na napakabata pa?
Dalawang buwan pa lang ang nakararaan, dalawang mag-asawa na parehong may temple recommend, na mayroon tatlong full-time missionary na mga anak at limang iba pang mga anak, ang sumakay sa maliit na eroplano para sa isang maikling biyahe. Naniniwala ako na nagdasal sila na maging ligtas bago sila lumipad at nagdasal nang napakataimtim nang magkaroon ng malaking problema sa makina ang eroplano bago ito bumagsak. Walang nakaligtas. Paano na sila?
Ang mabubuting tao ba at ang kanilang mga mahal sa buhay ay may dahilan upang itanong ang itinanong ni Mormon: “Tumigil na ba ang araw ng mga himala?”1
Hindi kayang ipaliwanag ng limitado kong kaalaman kung bakit minsan ay may tulong ng langit at kung minsan ay wala. Marahil hindi pa natin lubos na nauunawaan kung ano talaga ang ibig sabihin ng himala.
Kadalasang inilalarawan natin ang isang himala sa isang paggaling sa paraang hindi maipaliwanag ng medisina o pagkaligtas sa panganib dahil sinunod natin ang isang malinaw na pahiwatig. Gayunman, ang pagpapakahulugan sa himala bilang “kapaki-pakinabang na pangyayaring dulot ng kapangyarihan ng langit na hindi kayang maunawaan ng mga mortal”2 ay nagbibigay ng malawak na pananaw sa mga bagay na higit na walang hanggan ang katangian. Ang kahulugang ito ay naghihikayat din sa atin na pagnilayan ang mahalagang papel na ginagampanan ng pananampalataya sa pagtanggap ng isang himala.
Itinuro ni Moroni, “Hindi kailanman nakagawa ang sinuman ng mga himala hanggang sa sila muna ay nagkaroon ng pananampalataya.”3 Ipinahayag ni Ammon, “Ang Diyos ay nagbigay ng paraan upang ang tao, sa pamamagitan ng pananampalataya, ay makagawa ng mga makapangyarihang himala.”4 Inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith, “Sapagkat ako ang Diyos, … at aking ipakikita ang mga himala … sa lahat ng yaong maniniwala sa aking pangalan.”5
Iniutos ni Haring Nabucodonosor kina Sadrach, Mesach at Abed-nego na sumamba sa ginintuang imaheng ginawa niyang diyos, at nagbanta, “kung kayo’y hindi magsisamba, kayo’y ihahagis … sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.” Pagkatapos ay nanunuyang sinabi sa kanila, “Sinong dios ang magliligtas sa inyo sa aking kamay?”6
Sinabi ng tatlong tapat na disipulong ito: “Narito, ang aming Dios na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin sa mabangis na hurnong nagniningas. … Ngunit kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na hindi kami mangaglilingkod sa iyong mga dios.”7
Lubos silang naniniwala na maililigtas sila ng Diyos, “ngunit kung hindi,” nagtitiwala sila nang lubos sa Kanyang plano.
Tulad niyon, minsan ay tinanong ni Elder David A. Bednar ang isang binatilyo na humingi ng babas ng priesthood, “Kung kalooban ng ating Ama sa Langit na kunin ka sa iyong kabataan at dalhin ka sa daigdig ng mga espiritu para ituloy ang iyong paglilingkod, may pananampalataya ka bang susunod sa Kanyang kalooban at hindi mapagaling?”8 May pananampalataya ba tayo na “hindi mapagaling” sa mga paghihirap sa mundo upang mapagaling tayo magpasawalang-hanggan?
Ang mahalagang tanong na dapat pag-isipan ay “Saan natin itinutuon ang ating pananampalataya?” Ang ating pananampalataya ba ay nakatuon lang sa hangaring mawalan na ng sakit at pagdurusa, o ito ba ay matibay na nakatuon sa Diyos Ama at sa Kanyang banal na plano at kay Jesus ang Cristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala? Ang pananampalataya sa Ama at Anak ay nagtutulot sa atin na maunawaan at tanggapin ang Kanilang kalooban habang naghahanda tayo para sa kawalang-hanggan.
Ngayon ay patototohanan ko ang mga himala. Ang pagiging anak ng Diyos ay isang himala.9 Ang pagtanggap ng katawan sa Kanyang anyo at wangis ay isang himala.10 Ang mapagkalooban ng isang Tagapagligtas ay isang himala.11 Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay isang himala.12 Ang potensyal na magkaroon ng buhay na walang-hanggan ay isang himala.13
Bagama’t mabuting ipagdasal at pagsikapan na pisikal na maproteksyunan at mapagaling sa ating buhay sa mundo, ang dapat na unang pinagtutuunan natin ng pansin ay ang mga espirituwal na himala na maaaring mangyari sa lahat ng anak ng Diyos. Anuman ang ating lahi, anuman ang ating nasyonalidad, anuman ang nagawa natin kung tayo ay magsisisi, anuman ang maaaring ginawa sa atin—lahat tayo ay pantay-pantay na makararanas ng mga himalang ito. Tayo ay nabubuhay sa isang himala, at marami pang himala ang darating. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.