Panginoon, Itulot Ninyo Nawang Mabuksan ang Aking mga Mata
Dapat nating tingnan ang iba sa paningin ng ating Tagapagligtas.
Ang Lion King ay isang klasikong animated film tungkol sa sabana ng Africa. Nang mamatay ang hari ng mga leon sa pagliligtas sa kanyang anak, napilitang umalis ang batang prinsipeng leon at sinira naman ng isang malupit na pinuno ang balanse ng buhay sa sabana. Nabawi ng prinsipeng leon ang kaharian sa tulong ng isang mahusay na tagapayo. Nabuksan ang kanyang mga mata sa pangangailangan ng balanse sa ikot ng buhay sa sabana. Ngayong nabawi na niya ang karapatan bilang hari, ang batang leon ay sumunod sa payong “tumingin nang lampas pa sa iyong nakikita”1
Habang natututuhan natin kung paano maging tagapagmana ng lahat ng mayroon ang Ama, itinuturo ng ebanghelyo na tumingin tayo nang lampas sa ating nakikita. Upang makatingin nang lampas sa ating nakikita, dapat nating tingnan ang iba sa paningin ng ating Tagapagligtas. Ang lambat ng ebanghelyo ay puno ng iba’t ibang uri ng tao. Hindi natin lubusang mauunawaan ang mga pagpapasiya at sikolohikal na pinagmulan ng mga tao sa ating kapaligiran, sa mga kongregasyon ng Simbahan, at maging sa ating pamilya, dahil karaniwang hindi natin nakikilala nang lubos ang kanilang pagkatao. Dapat nating iwasan ang mga pag-aakala at karaniwang paniniwala at lawakan ang pagtingin sa ating mga karanasan.
Binuksan ko ang aking mga mata upang “tumingin nang lampas sa aking nakikita” noong naglilingkod pa ako bilang mission president. Isang elder ang dumating na may pangamba na makikita sa kanyang mga mata. Noong magkausap kami sa interbyu, malungkot niyang sinabi na, “Gusto ko nang umuwi.” Naisip ko, “Maaayos namin ito.” Pinayuhan ko siyang magtrabahong mabuti at ipagdasal ang problemang ito sa loob ng isang linggo at tumawag sa akin pagkatapos. Pagkalipas ng isang linggo, tumawag siya. Gusto pa rin niyang umuwi. Muli ko siyang pinayuhan na magdasal, magtrabahong mabuti, at tawagan ako pagkatapos ng isang linggo. Sa sumunod na interbyu, wala pa ring nagbago. Nagpupumilit siyang umuwi.
Hindi ko basta hahayaang mangyari iyon. Sinimulan kong ituro sa kanya ang kahalagahan ng kanyang tungkulin. Hinikayat ko siyang “kalimutan ang [sarili] at magtrabaho.”2 Pero kahit ano pang payo ang ibigay ko, hindi pa rin nagbago ang isip niya. Sa huli naisip ko na baka hindi ko talagang nauunawaan ang sitwasyon. Noon ko nadamang itanong ito sa kanya: “Elder, saan ka ba nahihirapan?” Naantig ang puso ko sa sinabi niya: “President, hindi po ako marunong magbasa.”
Ang mahusay na payo na akala ko ay napakahalaga para sa kanya ay hindi pala akma sa pangangailangan niya. Ang pinakakailangan niya ay huwag akong magpadalus-dalos at tulutan ang Espiritu na tulungan akong maunawaan ang talagang nasa isip ng elder na ito. Kailangan niyang makita ko ang talagang nadarama niya at bigyan siya ng pag-asa. Sa halip ay umasta ako na parang isang higanteng bolang pang-demolisyon. Ang magiting na elder na ito ay natutong magbasa at naging napakabuting disipulo ni Jesucristo. Binuksan niya ang aking mga mata sa mga salita ng Panginoon: “Sapagka’t ang tao ay tumitingin sa panlabas, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (I Samuel 16:7).
Kaylaking pagpapala kapag pinalalawak ng Espiritu ng Panginoon ang ating pananaw. Naaalala ba ninyo ang propetang si Eliseo, na nagising at nakita ang hukbo ng Siria na nakapalibot sa kanyang lungsod kasama ang kanilang mga kabayo at karo? Natakot ang kanyang tagapaglingkod at itinanong kay Eliseo kung ano ang gagawin nila sa gayong sitwasyon. Sinabi sa kanya ni Eliseo na huwag mag-alala, sa di-malilimutang mga salitang ito: “Huwag kang matakot: sapagka’t ang sumasaatin ay higit kay sa sumasa kanila” (II Mga Hari 6:16). Hindi maunawaan ng tagapaglingkod kung ano ang sinasabi ng propeta. Hindi niya makita ang nakikita ni Eliseo. Gayunman, nakita ni Eliseo ang napakaraming anghel na handang makidigma para sa mga tao ng propeta. Kaya idinalangin ni Eliseo sa Panginoon na idilat ang mga mata ng binata, “at siya’y nakakita, at narito, ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karo ng apoy sa palibot ni Eliseo” (II Mga Hari 6:17).
Madalas nating inihihiwalay ang ating sarili sa iba ayon sa mga pagkakaibang nakikita natin. Komportable tayong makasama ang mga taong pareho nating mag-isip, magsalita, manamit, at kumilos at naaasiwa kapag kasama ang mga taong iba ang mga kalagayan o pinagmulan. Ang totoo, hindi ba’t lahat tayo ay nagmula sa iba’t ibang bansa at nagsasalita ng iba’t ibang wika? Hindi ba’t tinitingnan natin ang mundo batay lamang sa sarili nating karanasan sa buhay? Ang ilan ay nakakakita at nagsasalita gamit ang mga espirituwal na mata, tulad ng propetang si Eliseo, at ang ilan ay tumitingin at nakikipag-ugnayan gamit ang literal na paningin, tulad nang naranasan ko sa aking missionary na hindi marunong magbasa.
Nabubuhay tayo sa mundong mahilig magkumpara, magbansag, at mamintas. Sa halip na tumingin sa pananaw ng social media, kailangan nating tingnan ang mabubuting katangian na taglay ng bawat isa sa atin. Ang mabubuting katangian at hangaring ito ay hindi maipo-post sa Pinterest o sa Instagram.
Ang tanggapin at mahalin ang iba ay hindi nangangahulugang kailangan nating tanggapin ang kanilang mga ideya. Malinaw na hinihingi ng katotohanan ang lubos na katapatan natin, bagama’t hindi ito dapat na maging hadlang sa kabaitan. Ang tunay na pagmamahal sa kapwa ay nangangailangan ng patuloy na pagtanggap sa pinakamatinding pagsisikap ng mga taong hindi natin lubusang nalalaman ang mga karanasan at limitasyon sa buhay. Ang tumingin nang lampas sa nakikita natin ay nangangailangan ng kusang pagtutuon sa Tagapagligtas.
Noong Mayo 28, 2016, ang 16-taong-gulang na si Beau Richey at kanyang kaibigang si Austin ay nasa isang rantso ng pamilya sa Colorado. Sabik na sumakay sa kanilang all-terrain vehicle sina Beau at Austin para sa isang masayang araw. Hindi pa sila nakakalayo nang nalagay sila sa panganib na nauwi sa trahedya. Ang sasakyang minamaneho ni Beau ay biglang bumaligtad at nadaganan siya ng bakal na may bigat na 400 libra (180 kg). Nang makalapit si Austin sa kaibigang si Beau, nakita niya na nag-aagaw buhay na ito. Ubos lakas na pinilit niyang buhatin ang sasakyan na nakadagan kay Beau. Hindi man lang ito gumalaw. Ipinagdasal niya si Beau at pagkatapos ay nagmamadaling humingi ng tulong. Sa wakas ay dumating ang emergency personnel, ngunit makalipas ang ilang oras ay namatay si Beau. Lumisan na siya sa buhay na ito.
Dumating ang kanyang nagdadalamhating mga magulang. Habang naroon sila sa maliit na ospital kasama ang matalik na kaibigan ni Beau at mga miyembro ng pamilya, pumasok sa silid ang isang pulis at ibinigay ang cell phone ni Beau sa kanyang ina. Nang kunin ng ina ang telepono, may tumunog na alarma. Binuksan niya ang telepono at nakita ang naka-alarma kay Beau sa araw-araw. Binasa niya ang mensaheng inihandang basahin araw-araw ng kanyang mapagmahal at napakahilig makipagsapalaran na binatilyong anak. Sabi rito, “Alalahaning ilagay si Jesucristo sa sentro ng buhay mo ngayon.”
Ang pagtutuon ni Beau sa kanyang Manunubos ay hindi nagpagaan sa pagdadalamhati ng mga mahal niya sa buhay sa kanyang pagkawala. Gayunman, nagbigay ito ng malaking pag-asa at kahulugan sa buhay ni Beau at sa mga naging desisyon niya sa buhay. Ipinadama nito sa kanyang pamilya at mga kaibigan na tingnan hindi lamang ang lungkot sa kanyang maagang pagkamatay kundi ang tunay na kagalakan sa kabilang-buhay. Isang magiliw na biyaya para sa mga magulang ni Beau na makita sa paningin ng kanilang anak ang bagay na pinakamahalaga sa kanya.
Bilang mga miyembro ng Simbahan, pinagkalooban tayo ng sariling espirituwal na mga alarma upang balaan tayo kapag tumitingin lamang tayo gamit ang mortal na mga mata na naglalayo sa atin sa kaligtasan. Ang sakramento ang nagpapaalala sa atin linggu-linggo na patuloy na magtuon kay Jesucristo upang alalahanin natin Siya sa tuwina at laging mapasaatin ang Kanyang Espiritu (tingnan sa D at T 20:77). Gayunman hindi natin pinapansin kung minsan ang mga paalala at alarmang ito. Kapag inilagay natin si Jesucristo sa sentro ng ating buhay, bubuksan Niya ang ating mga mata sa mas malalaking posibilidad kaysa sa kaya nating unawaing mag-isa.
Natanggap ko ang napakagandang liham na ito tungkol sa isang nagpoprotektang alarma na naranasan ng isang matapat na babaeng miyembro. Sinabi niya sa akin na sa kagustuhang maipaalam sa kanyang asawa ang naramdaman niya, gumawa siya ng listahan sa kanyang telepono ng mga bagay na ginawa o sinabi nito na ikinainis niya. Ipinaliwanag niya na sa tamang pagkakataon, may natipon na siyang nakasulat na katibayang maipapakita sa kanyang asawa na sa palagay niya ay magpapabago ng kanyang ugali. Gayunman, isang araw ng Linggo habang tumatanggap ng sakramento at nakatuon sa Pagbabayad-sala ng Tagpagligtas, natanto niya na ang pagtatala ng di-magagandang nararamdaman niya sa kanyang asawa ay naglalayo sa kanya sa Espiritu at hindi kailanman magpapabago sa kanyang asawa.
Isang espirituwal na alarma ang tumunog sa kanyang puso na nagsabing: “Alisin mo iyan; alisin mong lahat iyan. Tanggalin mo ang lahat ng inilista mo. Hindi iyan makakatulong.” Pagkatapos ay ito ang isinulat niya: “Ang tagal bago ko pindutin ang ‘select all’ at mas matagal bago ko pindutin ang ‘delete.’ Pero nang magawa ko na iyon, nawalang lahat ang di-magandang nadarama ko. Napuno ang aking puso ng pagmamahal—pagmamahal sa aking asawa at pagmamahal sa Panginoon.” Tulad ni Saulo sa daan patungong Damasco, nabago ang kanyang pananaw. Ang mga kaliskis na nagpapalabo sa kanyang mga mata ay nalaglag mula rito.
Ang ating Tagapagligtas ay madalas na nagbubukas ng mga mata ng mga pisikal at espirituwal na bulag. Ang pagbubukas ng ating mga mata sa banal na katotohanan, literal at sa simbolo man, ay naghahanda sa atin upang mapagaling tayo mula sa kakitiran ng ating pananaw. Kapag pinagtuunan natin ng pansin ang espirituwal na “alarma” na nagsasabing kailangang ituwid ang landas o palawakin ang walang-hanggang pananaw, natatanggap natin ang pangako sa sakramento na mapapasaatin ang Kanyang Espiritu. Nangyari ito kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple noong ituro ni Jesucristo ang nakapupukaw na mga katotohanan, at nangakong “ang tabing” ng mga limitasyon ng tao ay “[aalisin] mula sa [kanilang] mga isipan, at ang mata ng [kanilang] pang-unawa ay [bubuksan] (D at T 110:1).
Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo, makikita natin nang espirituwal ang higit pa sa nakikita natin nang literal. Kapag aalalahanin natin Siya at sisikaping mapasaatin ang Kanyang Espiritu, ang mga mata ng ating pang-unawa ay mabubuksan. Sa gayon ang dakilang katotohanan ng kabanalang taglay ng bawat isa sa atin ay higit na makikintal sa ating mga puso. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.