2017
Mahahalagang Katotohanan—Ang Pangangailangan Nating Kumilos
November 2017


Mahahalagang Katotohanan—Ang Pangangailangan Nating Kumilos

Nagdala ang Unang Pangitain at si Propetang Joseph Smith ng karagdagang kaalaman at katotohanan na kinakailangan para sa ating kaligayahan sa buhay na ito at sa ating kadakilaan sa piling ng Diyos.

Noong mga pitong taong gulang ako, tinanong ko ang aking ina, “Kapag namatay na po tayo at pumunta sa langit, ikaw pa rin ba ang magiging nanay ko?” Hindi niya inaasahan ang ganoong tanong. Ngunit sumagot siya sa abot ng lahat ng nalalaman niya, sinabi niya, “Hindi, dahil magiging magkakapatid tayo sa langit. Hindi mo ako magiging nanay.” Hindi iyon ang sagot na inaasahan ko.

Ilang panahon pagkatapos ng pag-uusap na iyon, dalawang binatang lalaki ang dumating sa aming tarangkahan. Himala na pinapasok sila ng aking ama. Sinabi nilang sila ay mga missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Nagsimulang turuan ng mga elder na ito, na natutuhan naming tawag sa kanila, ang aming pamilya. Malinaw pa sa aking alaala ang nararamdaman naming kaligayahan at pagkasabik tuwing pumupunta sila sa aming tahanan. Sinabi nila sa amin na isang batang lalaki ang pumunta sa kakahuyan upang magtanong sa Diyos kung aling simbahan ang totoo at nakita niya ang Diyos at si Jesucristo.1 Ipinakita sa amin ng mga elder ang isang paglalarawan ng pangitaing iyon, at nang makita ko ito, nalaman ko na tunay na nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at si Jesucristo. Sinabi sa amin ng mga missionary na dahil sa pangitaing iyon, muling nagkaroon ng totoong Simbahan ni Jesucristo sa mundo.2

Ang Unang Pangitain

Itinuro sa amin ng mga missionary ang plano ng kaligayahan ng Diyos at sinagot ang mga tanong ng aming pamilya tungkol sa relihiyon. Itinuro nila na ang mga pamilya ay talagang magkakasama pagkatapos ng buhay na ito bilang ama, ina, at mga anak na lalaki at babae.

Nabinyagan ang aming pamilya. Ang landas tungo sa pagbabago ng mga lumang nakagawian, pag-iwan sa mga tradisyon, at pagiging aktibong mga miyembro ng Simbahan ay mahirap kung minsan. Subalit dahil sa biyaya at pagmamahal ng Diyos at sa tulong ng maraming lider at miyembro, nalampasan namin ang mga unang taon na puno ng hamon.

Nagtamo ng patotoo sa Unang Pangitain ang milyun-milyong sumapi na sa Simbahan, kabilang ang maraming nagbabalik-loob at nagpapabinyag bawat linggo. Mauulit nang madalas ng Espiritu Santo ang pagpapatotoong ito sa bawat isa sa atin kung magsisikap tayong ipamuhay ang mga simpleng katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Nagdala ang Unang Pangitain at si Propetang Joseph Smith ng karagdagang kaalaman at katotohanan na kinakailangan para sa ating kaligayahan sa buhay na ito at sa ating kadakilaan sa piling ng Diyos. Babanggitin ko ang tatlong katotohanang natamo natin at dapat na ipamuhay dahil lumuhod ang isang batang lalaki upang taimtim na manalangin.

Tumatawag ang Diyos ng mga Propeta upang Pamunuan at Gabayan Tayo

Ang isang kinakailangang katotohanan na natutuhan natin sa Unang Pangitain at kay Propetang Joseph Smith ay tumatawag ang Diyos ng mga propeta,3 tagakita, at tagapaghayag upang magturo, gumabay, magbabala, at mamuno sa atin.4 Ang mga banal na kalalakihang ito ang mga tagapagsalita ng Diyos sa mundo,5 na may awtoridad na magsalita at kumilos sa pangalan ng Panginoon.6 Sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa kanilang mga payo, mapoprotektahan at makatatanggap tayo ng maiinam na pagpapala sa ating paglalakbay sa mundong ito.

Habang nag-aaral sa Brigham Young University noong ako ay binatang returned missionary, dumalo ako sa isang sesyon ng priesthood ng pangkalahatang kumperensya sa Tabernacle sa Temple Square. Hinikayat ni Pangulong Ezra Taft Benson, na noon ay Pangulo ng Simbahan, ang bawat returned missionary na seryosohin ang pag-aasawa at gawin itong pangunahing prayoridad sa kanilang buhay.7 Pagkatapos ng sesyon, alam kong tinawag akong magsisi at kailangang gawin ang tagubilin ng propeta.

Kaya nagpasiya akong bumalik sa Brazil, ang pinagmulan kong bansa, para maghanap ng magiging asawa. Bago magtungo sa Brazil para mag-intership nang dalawang buwan, tinawagan ko sa telepono ang aking nanay at ilang mga kaibigan at nakagawa ng listahan ng 10 kababaihan—ang bawat isa sa kanila ay maaari kong maging asawa.

Habang nasa Brazil, matapos ang lubos na pagninilay at panalangin, nakilala, idineyt, na-engage, at nagtakda ako ng petsa para pakasalan ang isa sa mga babae na nasa aking listahan. Hindi iyon ang pinakamabilis para sa mga estudyante sa Provo, Utah, para makipagdeyt at ma-engage, pero talagang napakabilis nito para sa mga taga-Brazil.

Makaraan ang ilang buwan, pinakasalan ko si Elaine. Siya ang pag-ibig ng aking buhay at isang napakagandang pagpapala.

Hindi ko iminumungkahing gumawa ang bawat isa ng katulad na listahan, subalit ang iminumungkahi ko—siguro ay higit pa ito sa pagmumungkahi—na palagi tayong kumilos kapag nagsalita ang ating buhay na propeta.

Larawan ni Pangulong ThomasS. Monson

Ang propeta ng Diyos ngayon ay si Pangulong Thomas S. Monson, at pagpapalain tayo sa pamamagitan ng pagsunod nang may kahustuhan sa kanyang mga tagubilin.

Ang Kaalaman tungkol sa Totoong Katangian ng Diyos

Ang isa pang katotohanang natutuhan natin dahil sa Unang Pangitain at kay Propetang Joseph Smith ay ang totoong katangian ng Diyos. Isipin kung gaano tayo pinagpala na nalalaman natin na ang Diyos ay isang nilalang na may katawan na may laman at buto na nahahawakang tulad ng sa atin,8 na maaari nating sambahin ang isang Diyos na tunay, na kaya nating maunawaan, at nagpakita at inihayag ang Kanyang sarili at ang Kanyang Anak sa Kanyang mga propeta—kapwa sa mga propeta noong sinauna at nitong mga huling araw.9 Siya ay isang Diyos na nakikinig at sumasagot sa ating mga panalangin;10 isang Diyos na tumitingin sa atin mula sa langit sa kaitaasan11 at patuloy na nag-aalala sa ating espirituwal at temporal na kalagayan; isang Diyos na nagbigay sa atin ng kalayaang magpasiya para sa ating sarili na sumunod sa Kanya at sundin ang Kanyang mga kautusan nang walang pamimilit;12 isang Diyos na nagbibigay sa atin ng mga pagpapala at nagpapahintulot sa atin na harapin ang mga pagsubok upang lumago tayo at maging katulad Niya.

Siya ay isang mapagmahal na Diyos na naglaan ng isang plano upang sa pamamagitan nito ay matamasa natin ang kaligayahan sa buhay na ito at sa kawalang hanggan.

Si Jesucristo ang Ating Tagapagligtas

Mula sa Unang Pangitain at kay Propetang Joseph Smith, natanggap natin ang kaalaman tungkol sa katotohanan at banal na misyon ng Panginoong Jesucristo, na pangulong bato sa panulok ng ating relihiyon.

Dahil nagkaroon ng kamatayan sa mundo, yamang tayo ay nabubuhay ngayon, tayong lahat ay mamamatay rin balang araw. Ang isa sa mga epekto ng kamatayan ay ang permanenteng pagkawala ng ating pisikal na katawan; wala tayong magagawa para makuha itong muli. Dagdag pa rito, dahil tayong lahat ay nagkakasala sa ating paglalakbay dito sa mundo, hindi na tayo makababalik pa sa piling ng ating Ama sa Langit.

Nahihinuha ba ninyo ang mga resulta ng hindi makapiling ang Diyos at ng hindi na muling magkaroon ng katawan?

Kailangan ang isang Tagapagligtas at Manunubos na magpapalaya sa atin mula sa kamatayan at kasalanan. Sa ilalim ng patnubay ng Ama sa Langit, si Jesucristo ay dumating sa mundo, nagdusa, namatay sa krus, at nabuhay na muli upang tayo rin ay mabuhay na muli at, sa pamamagitan ng taimtim na pagsisisi at paggawa at pagtupad ng mga banal na tipan, ay muling makababalik sa piling ng Diyos.

Ipinaliwanag ni Jacob, “O kaydakila ng kabutihan ng ating Diyos, na naghanda ng daan upang tayo ay makawala mula sa mahigpit na pagkakahawak ng kakila-kilabot na halimaw na ito; oo, yaong halimaw, na kamatayan at impiyerno, na tinatawag kong kamatayan ng katawan, at kamatayan din ng espiritu.”13

Si Jesus at si Maria sa Libingan

Si Jesus ang ipinangakong Mesiyas, ang Tagapagbigay ng Kautusan, ang Banal ng Israel, ang ating Panginoon, ang ating Tagapagligtas, ang ating Manunubos, ang ating Hari, ang ating Lahat.

Nawa ay patuloy nating isabuhay ang mahahalagang katotohanan at kaalamang ito, iniaalay ang ating pagsunod sa Diyos at sa Kanyang Bugtong na Anak. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.