2017
Ang Priesthood at ang Nagbabayad-salang Kapangyarihan ng Tagapagligtas
November 2017


Ang Priesthood at ang Nagbabayad-salang Kapangyarihan ng Tagapagligtas

Upang maisakatuparan ang mga layunin ng Ama sa Langit, ang pagpapala ng nagbabayad-salang kapangyarihan ni Cristo ay kailangang matanggap ng mga anak ng Diyos. Ang priesthood ang naghahatid ng ganitong mga pagkakataon.

Isipin natin na may isang rocket na maingat na dinadala papunta sa isang launchpad upang maihanda ito para sa paglipad. Ngayon, isipin ang ignition. Ang gasolina, sa isang kontroladong pagsunog, ay naging mainit na gas na bumubuga, nagbibigay ng kinakailangang lakas upang mapalipad ang rocket patungo sa kalawakan. Sa huli, isipin ang payload, o kargamento, na nasa ibabaw ng rocket. Ang halaga ng payload ay lubos lamang makikita kapag nakarating ito sa dapat nitong kalagyan at gumana ayon sa gamit nito. Hindi ninyo kailangang maging rocket scientist para malaman na ang mamahaling global communications satellite ay di-gaanong mahalaga kapag nakatambak lang sa bodega. Ang misyon lang ng isang rocket ay maihatid ang payload.

Ngayong gabi ay nais kong ihambing ang priesthood na taglay natin sa isang rocket at ang pagkakataong makinabang mula sa nagbabayad-salang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa payload na inihahatid ng isang rocket.

Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, si Jesucristo ay may kapangyarihan at awtoridad na tubusin ang buong sangkatauhan. Upang magamit ang Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan, ipinagkaloob Niya ang isang bahagi ng Kanyang kapangyarihan at awtoridad sa kalalakihan sa daigdig. Ang ipinagkaloob na kapangyarihan at awtoridad ay tinatawag na priesthood. Nagtutulot ito sa mga maytaglay ng priesthood na tulungan ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa Kanilang gawain—upang maisakatuparan ang kaligtasan at kadakilaan ng mga anak ng Diyos. Nangyayari ito dahil nagbibigay ito sa Kanyang mga anak ng pagkakataong matanggap ang mga pagpapala ng nagbabayad-salang kapangyarihan ng Tagapagligtas.

Ang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo ay mahalaga sapagkat walang sinuman sa atin ang makababalik sa ating tahanan sa langit nang walang tulong. Sa buhay, lagi tayong nagkakamali at lumalabag sa mga batas ng Diyos. Nababahiran tayo ng kasalanan at hindi tayo maaaring tulutang makabalik sa piling ng Diyos. Kailangan natin ang nagbabayad-salang kapangyarihan ng Tagapagligtas upang magawa nating makipagkasundo sa Ama sa Langit. Kinalag ni Jesucristo ang mga gapos ng pisikal na kamatayan, na nagtutulot ng pagkabuhay na mag-uli para sa lahat. Nagpapatawad Siya ng mga kasalanan, na nakabatay sa pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Kanyang ebanghelyo. Sa pamamagitan Niya, maibibigay ang kadakilaan. Ang pagkakataong makinabang mula sa nagbabayad-salang kapangyarihan ng Tagapagligtas ang pinakamahalagang payload o bahagi ng paglikha.

Upang maisakatuparan ang mga layunin ng Ama sa Langit, ang pagpapala ng nagbabayad-salang kapangyarihan ni Cristo ay kailangang matanggap ng mga anak ng Diyos.1 Ang priesthood ang naghahatid ng ganitong mga pagkakataon. Ito ang rocket. Mahalaga ang priesthood dahil ang mga kinakailangang ordenansa at tipan sa daigdig ay naisasagawa lamang sa pamamagitan ng awtoridad nito. Kung nabigo ang priesthood na maihatid ang pagkakataong makinabang mula sa nagbabayad-salang kapangyarihan ng Tagapagligtas, ano ang magiging layunin nito? Magiging isa lang ba itong komplikado at agaw-pansing paputok? Nilayon ng Diyos na magamit ang priesthood nang higit pa sa isang klase sa Linggo o bilang pagkakataong maglingkod. Nilayon Niya na maihatid nito ang payload.

Ang maliliit na depekto sa mga rocket ay maaaring magdulot ng pagkabigo ng misyon. Ang malulutong na seal at material fatigue ay maaaring maging dahilan para magloko ang isang rocket. Sa matalinghagang pahayag, upang mapangalagaan ang priesthood mula sa malulutong na seal at material fatigue, pinoprotektahan ng Diyos ang pagkakaloob at paggamit nito.2 Ang pagkakaloob ng priesthood ay pinangangalagaan ng mga susi ng priesthood, na siyang karapatan ng panguluhan na ibinigay sa tao.3 Ang paggamit sa priesthood ay pinangangalagaan din sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood pati na rin ng mga tipan na ginawa ng isang maytaglay ng priesthood. Dahil dito, ang paggamit ng priesthood ay pinamamahalaan sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood at ng mga tipan. Ang atas ng priesthood ng isang lalaki ay ibinibigay nang indibiduwal at hindi umiiral nang hiwalay sa kanya;4 ang priesthood ay hindi isang walang hugis na pinagmulan ng nakapagsasariling kapangyarihan.

Ang Aaronic at Melchizedek Priesthood ay parehong tinatanggap sa pamamagitan ng tipan.5 Diyos ang nagtatakda ng mga tuntunin at tinatanggap ito ng tao. Sa pangkalahatan, nakikipagtipan ang mga maytaglay ng priesthood na tutulungan ang Diyos sa Kanyang gawain. Sa simula ng dispensasyong ito, ipinaliwanag ni Jesucristo na ang tipan ng priesthood ay “pinagtibay sa inyo para sa inyong kapakanan, at hindi lamang para sa inyong kapakanan, kundi para sa kapakanan ng buong sanlibutan … sapagkat sila ay hindi lumalapit sa akin.”6

Itinuturo nito na ang layunin ng priesthood ay ang anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na matanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Nasa atin ang priesthood para matulungan natin ang mga anak ng Ama sa Langit na maalis sa kanila ang bigat ng kasalanan at maging katulad Niya. Sa pamamagitan ng priesthood, nakikita ang kapangyarihan ng kabanalan sa mga buhay ng lahat nila na gumagawa at tumutupad sa mga tipan ng ebanghelyo at tumatanggap sa kaakibat na mga ordenansa.7 Ito ang paraan para makalapit kay Cristo ang bawat isa sa atin, madalisay, at makipagkasundo sa Diyos. Ang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Cristo ay magagamit sa pamamagitan ng priesthood, na siyang naghahatid ng payload.

Ang pakikipagtipan sa Diyos ay dapat tapat at taos-puso. Ang isang lalaki ay dapat maghanda, matuto, at pumasok sa mga ganitong tipan nang may layuning igalang ang mga ito. Ang tipan ay nagiging isang panata sa sarili. Katulad ng pagkakasabi ng taga-England na manunulat ng mga dula na si Robert Bolt, ang isang tao ay gagawa lamang ng tipan kapag nakatitiyak siyang tutuparin niya nang lubos ang isang pangako. Iniuugnay niya ang katapatan niya sa pangako sa kanyang sariling kabutihan. Kapag ang isang tao ay nakikipagtipan, hawak niya mismo ang kanyang sarili, tulad ng tubig, sa kanyang nakasalok na mga kamay. At kapag binuksan niya ang kanyang mga daliri, hindi na niya maaasahang matagpuan muli ang kanyang sarili. Ang lumalabag sa tipan ay wala nang maipapangako o garantiyang maibibigay.8

Ang isang maytaglay ng Aaronic Priesthood ay nakikipagtipan na iiwas sa kasamaan, tutulungan ang iba na makipagkasundo sa Diyos, at maghahandang tumanggap ng Melchizedek Priesthood.9 Ang mga sagradong responsibilidad na ito ay nagagawa kapag siya ay nagtuturo, nagbibinyag, nagpapalakas sa mga miyembro ng Simbahan, at nag-aanyaya sa iba na tanggapin ang ebanghelyo. Ito ang mga gamit ng kanyang “rocket.” Bilang kapalit, nangako ang Diyos na magkakaloob ng pag-asa, kapatawaran, paglilingkod ng mga anghel, at mga susi ng ebanghelyo ng pagsisisi at binyag.10

Ang isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay nakikipagtipan na tutuparin ang mga responsibilidad na kaakibat ng Aaronic Priesthood at gagampanan ang kanyang tungkulin sa Melchizedek Priesthood.11 Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusang kaakibat ng tipan. Kabilang sa mga kautusang ito ang “[paki]kinig [nang] mabuti sa mga salita ng buhay na walang hanggan” sa pamamagitan ng pamumuhay nang ayon sa “bawat salita na [nagmumula] sa bibig ng Diyos,”12 pagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang gawain sa mga huling araw,13 hindi pagyayabang sa sarili,14 at pagiging kaibigan ng Tagapagligtas, nagtitiwala sa Kanya tulad ng gagawin ng isang kaibigan.15

Bilang kapalit, nangako ang Diyos na tatanggap ang isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ng mga susi upang maunawaan ang mga hiwaga ng Diyos. Siya ay magiging perpekto upang makatayo siya sa harapan ng Diyos. Magagawa niya ang kanyang tungkulin sa gawain ng kaligtasan. Ihahanda ni Jesucristo ang daan para sa maytaglay ng priesthood at sasamahan siya. Ang Espiritu Santo ay mapapasapuso ng maytaglay ng priesthood, at dadalhin siya ng mga anghel. Ang kanyang katawan ay mapalalakas at mapasisigla. Siya ay magiging tagapagmana sa mga pagpapala ni Abraham at, kasama ang kanyang asawa, kasamang-tagapagmana ni Jesucristo sa kaharian ng Ama sa Langit.16 Ang mga ito ay “mahahalaga at napakadakilang pangako.”17 Wala nang maiisip pang mas dakilang mga pagpapala.

Para sa bawat lalaking tumatanggap ng Melchizedek Priesthood, pinagtitibay ng Diyos ang Kanyang mga pangako sa tipan gamit ang isang sumpa.18 Ang sumpang ito ay nauukol lamang sa Melchizedek Priesthood,19 at ang Diyos ang sumusumpa, hindi ang maytaglay ng priesthood.20 Dahil ang kakaibang sitwasyong ito ay kinapapalooban ng Kanyang banal na kapangyarihan at awtoridad, gumagamit ang Diyos ng isang sumpa, ginagamit ang pinakamatinding salita na magagamit Niya, upang matiyak sa atin ang nagbubuklod at hindi mapapawalang-bisang katangian ng Kanyang mga pangako.

Matinding kaparusahan ang ibubunga ng paglabag sa mga tipan ng priesthood at sa lubusang pagtalikod mula sa mga ito.21 Ang pagiging kaswal o walang pakialam sa tungkulin sa priesthood ay katulad ng pagdaragdag ng material fatigue sa isang bahagi ng rocket. Inilalagay nito sa alanganin ang tipan ng priesthood sapagkat maaari itong humantong sa kabiguan ng misyon. Ang hindi pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay pagsira sa tipan. Para sa isang taong patuloy na lumalabag sa tipan at hindi nagsisisi, binabawi ang ipinangakong mga pagpapala.

Mas lubos kong naunawaan ang kaugnayan ng “priesthood” bilang rocket at ng “pagkakataong makinabang mula sa nagbabayad-salang kapangyarihan ni Cristo” bilang payload ilang taon na ang nakararaan. Isang katapusan ng linggo, nagkaroon ako ng dalawang responsibilidad. Ang isa ay iorganisa ang unang stake sa isang bansa, at ang isa pa ay interbyuhin ang isang binata at, kung magiging maayos ang lahat, ipanunumbalik ang kanyang priesthood at ang mga pagpapala sa templo. Ang 30-taong gulang na lalaking ito ay sumapi sa Simbahan noong halos magbibinata na siya. Marangal siyang naglingkod sa kanyang misyon. Subalit nang umuwi siya, naligaw siya ng landas, at nawala sa kanya ang pagiging miyembro ng Simbahan. Matapos ang ilang taon, “nang siya’y makapagisip,”22 at sa tulong ng mapagmahal na mga lider ng priesthood at mababait na miyembro, siya ay nagsisi at tinanggap muli sa pamamagitan ng binyag sa Simbahan.

Kalaunan, hiniling niyang maipanumbalik ang kanyang priesthood at mga pagpapala sa templo. Nagtakda kami ng appointment para sa Sabado ng alas-10 n.u. sa meetinghouse. Nang dumating ako para sa mas maagang mga interbyu, naroon na siya. Sabik na sabik siya na magkaroon muli ng priesthood, hindi siya makapaghintay.

Sa aming interbyu, ipinakita ko sa kanya ang liham na nagpapaliwanag na personal na nirebyu ni Pangulong Thomas S. Monson ang kanyang aplikasyon at binigyang-awtorisasyon ang interbyu. Umiyak ang mahinahong binatang ito. Pagkatapos ay sinabi ko sa kanya na ang petsa ng aming interbyu ay walang opisyal na kahulugan sa buhay niya. Tila nagtaka siya. Ipinaalam ko sa kanya na matapos kong maipanumbalik ang kanyang mga pagpapala, ang ipakikita lang ng kanyang membership record ay ang kanyang orihinal na binyag, kumpirmasyon, ordinasyon sa priesthood, at petsa ng endowment. Humikbi siyang muli.

Hiniling ko sa kanya na magbasa mula sa Doktrina at mga Tipan:

“Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.

“Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon.”23

Napuno ng luha ang kanyang mga mata sa ikatlong pagkakataon. Pagkatapos ay inilagay ko ang aking mga kamay sa kanyang ulo, at sa pangalan ni Jesucristo, sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood, at nang may pahintulot mula sa Pangulo ng Simbahan, ipinanumbalik ko ang kanyang priesthood at mga pagpapala ng templo.

Napakalaki ng kagalakang nadama namin. Alam niya na muli siyang binigyan ng karapatan na taglayin at gamitin ang priesthood ng Diyos. Alam niya na ang kanyang mga pagpapala sa templo ay makakamtan niyang muli. Masaya siyang naglakad at nabanaag ang liwanag sa kanya. Talagang ipinagmamalaki ko siya, at nadama kong ipinagmamalaki rin siya ng Ama sa Langit.

Pagkatapos niyon, naorganisa na ang stake. Ang mga miting ay lubos na dinaluhan ng masisigasig at matatapat na Banal, at sinang-ayunan ang isang kahanga-hangang stake presidency. Gayunman, para sa akin, ang makasaysayang okasyon ng pag-organisa ng unang stake na ito sa bansang iyon ay napangibabawan ng kagalakang nadama ko sa pagpapanumbalik ng mga pagpapala sa binatang ito.

Natanto ko na ang layunin ng pag-oorganisa ng stake, o paggamit ng priesthood ng Diyos sa anumang paraan, ay upang tulungan ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa Kanilang gawain—magbigay ng pagkakataon para sa pagtubos at kadakilaan ng bawat isa sa mga anak ng Diyos. Tulad ng rocket na ang layunin ay ihatid ang isang payload, ang priesthood ang naghahatid ng ebanghelyo ni Jesucristo, nagtutulot sa lahat na gumawa ng mga tipan at tumanggap ng kaakibat na mga ordenansa. “Ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo”24 ay magagamit kung gayon sa ating buhay kapag naranasan natin ang nagpapabanal na impluwensya ng Espiritu Santo at natanggap ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos.

Dagdag pa sa pagsunod ninyo sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo, inaanyayahan ko kayo na gumawa ng mga tipan ng priesthood at tuparin ito. Tanggapin ang sumpa ng Diyos at ang Kanyang pangako. Gampanan ang inyong mga responsibilidad sa priesthood upang matulungan ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Gamitin ang priesthood upang makatulong na maihatid sa iba ang pagkakataong makinabang mula sa nagbabayad-salang kapangyarihan ng Tagapagligtas! Kapag ginawa ninyo ito, darating ang malalaking pagpapala sa inyo at sa inyong pamilya. Pinatototohanan ko na ang Manunubos ay buhay at pinamamahalaan ang gawaing ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.