2017
Isang Bagong Direksyon para sa Melchizedek Priesthood at Relief Society Meetings
November 2017


Isang Bagong Direksyon para sa Melchizedek Priesthood at Relief Society Meetings

“Ano ang gagawin ko kung walang manwal?” naisip ni Nancy Feragen, isang Relief Society teacher, nang una niyang rebyuhin ang isang kopya ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Melchizedek Priesthood at Relief Society. “Noong una, natakot ako,” pag-amin niya. “Pagkatapos naisip ko: Gusto ng Panginoon na maging mas responsable tayo sa sarili nating pagkatuto at palakasin ang ating espirituwalidad bilang magkakapatid sa ebanghelyo.”

“Medyo nakakatakot magtiwala sa Panginoon at pumasok na handang mamuno sa talakayan nang walang gaanong materyal,” sabi ni Linda Harmon, isang Relief Society president, “pero kapag ginawa mo ito—kung naihanda mo ang sarili mo sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral, pagpunta sa templo, at iba pa na nagkaroon ka ng inspirasyong gawin—nakakamangha ito.”

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

“Isang hamon sa bagong kurikulum ang paghihikayat sa mga tao na huwag magturo ‘sa dating paraan,’” sabi ni Bishop Boyd Roberts. “Kailangan tayong tumigil na magpalaganap lang ng impormasyon, huwag humarang sa daan, at hayaang ang Espiritu ang magturo.”

“Isang bagong paraan ito ng pagtuturo na maaaring mahirap para sa ilang tao,” sabi ni Lisa Smith, isang Relief Society president, patungkol sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas. “Kaya mahalagang ipakita ang mabubuting pamamaraan ng pagtuturo at hikayatin ang mga lider na palaging dumalo sa mga teacher council meeting na kasama ng mga guro,” sabi niya.

Paghahanda at Pagtuturo

Sinabi ni David Mickelson, isang high priest group teacher, na ang pariralang “masigasig kayong magturo” sa Doktrina at mga Tipan 88:78 “ay may kinalaman sa paghahanda natin sa simula pa lang at sa kakayahan nating masigasig na sundin ang Espiritu habang nagtuturo tayo. Kung masigasig tayong magtuturo, tutulungan tayo ng biyaya ng Tagapagligtas at tuturuan tayo nang mas perpekto. Palagay ko iyan ang perpektong paraan ng pagtuturo ng Panginoon. Ang guro—ang taong namumuno sa talakayan—ay kailangang maging handang maturuan ng Espiritu.”

Naghanda si Adan Bushman, isang elders quorum teacher, para sa mga lesson sa pamamagitan ng pagrerebyu ng napiling mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at pagkatapos ay isipin nang may panalangin kung aling mga konsepto ang pinakamahalaga para sa korum. “Para matulungan ang mga tao na magkaroon ng mas maraming oras na magnilay-nilay,” paliwanag niya, “may ipinapadalang isang email sa linggong iyon na nagsasabing, ‘Ito ang mensaheng tatalakayin natin at gusto naming pag-isipan ninyong lahat ang sumusunod na mga tanong.’”

Pakikipagsanggunian at Pag-aaral nang Sama-sama

“Ang mga Linggo sa Relief Society ay hindi na responsibilidad lang ng mga lider,” sabi ni Brooke Jensen, isang tagapayo sa isang Relief Society presidency. “Bawat miyembro ay may aktibong tungkulin.”

Nadama ni Brother Bushman na ang pag-upo nila nang pabilog ay nakagawa ng kaibhan. “Gustung-gusto ko iyon,” sabi niya. “Binabago nito ang takbo ng pag-uusap. Binabago nito ang mga inaasahan ng mga tao. Ngayo’y mas marami nang nakikilahok. Sa halip na dalawa o tatlong kalalakihan na karaniwang sumasagot sa tanong, may mga iba nang nagkokomento.”

Nang unang marinig ni Rebecca Siebach, isang Relief Society sister, ang bagong pokus sa mga council, agad niyang naisip ang mga kaibigang naging di-gaanong aktibo. “Alam ko ang mga problema nila,” sabi niya. “Ipinagtapat nila sa akin ang kawalan nila ng tiwala sa sarili at pagsusumikap nilang magsimba, at naisip ko, tamang-tama ang oportunidad na ito para sabihin sa kanila na, ‘Kailangan namin kayo sa council! Pumunta kayo at magbahagi!’”

“Nang sa wakas ay nagsalita ako sa isang council meeting,” sabi ni LonaMarie Cook, isang tagapayo sa Relief Society presidency, “nakakatuwa na may mga taong nagpatunay sa naiisip ko at maging bahagi ng komunidad na iyon.”

Pagtanggap ng at Pagkilos ayon sa Inspirasyon

“Lumilikha tayo ng isang kapaligiran para makapagturo ang Espiritu at para marinig at makinig tayo,” sabi ni Bishop Roberts. “Ang Espiritu kung gayon ang nagiging guro, na nagpapakita sa atin kung ano ang kailangan nating gawin sa ating personal na buhay, sa pamilya, at sa mga calling. Ang ginagawa natin dahil sa mga pahiwatig na iyon ay humahantong sa tunay na pagbabalik-loob at paglilingkod.”

Sinabi ni Susan Farr, isang Relief Society president, “Ang pamamaraang ito ang nagtutulak sa atin na tumindig at magtrabaho, hindi basta iwan ang lesson na iniisip ‘na nakasisigla iyon,’ ngunit pagkatapos ay agad itong kalimutan. Ang pagsasanggunian ay tumutulong sa atin na makita na ang pagkatuto at pagkilos ay nakasalalay sa ating lahat—hindi lamang sa guro.”

“Habang itinatala natin ang ating mga impresyon at pagkatapos ay kumikilos tayo ayon dito, nagbabago ang ating puso at nagiging mas mabubuting lingkod tayo ng Panginoon,” sabi ni Susan Mitchell, isang tagapayo sa Relief Society presidency.

“Dahil alam ninyo na pananagutin kayo sa isang bagay at may magtatanong sa inyo kung ano ang inyong nadama,” sabi ni Sister Smith, “nagiging aktibong kalahok kayo sa pagpapatatag ng inyong patotoo.”

Sinabi ni Landen Roundy, isang high priests group leader, na ang pag-email ng mga tala tungkol sa tinalakay at ipinlano ay “tumutulong sa mga miyembro na mapansin ang mga nararanasan nila sa buong linggo na maaari nilang ibahagi sa kasunod na Linggo.”

“Mula sa mga talang iyon,” dagdag pa ni Bishop Roberts, “nakita ko ang patuloy na diwa ng pagbabahagi at pagkatuto sa buong linggo habang tinatalakay ng kalalakihan sa pamamagitan ng email ang dagdag na mga kaisipan at damdamin, na nagpapalakas sa kanilang korum.”

“Nais ng Panginoon na ibaling natin ang ating puso sa isa’t isa at magagawa iyon kapag nagpulong tayo nang may layunin,” pagtatapos ni Sister Siebach. “Ang bagong kurikulum na ito ay tumutulong sa atin na tukuyin ang mga paksang naaayon sa ating interes, magtakda ng mga mithiin, hanapin ang tamang pagkukunan ng mga sagot, tumanggap ng personal na paghahayag, at mapasigla ng isa’t isa sa pamamagitan ng pagbaling natin sa mga buhay na propeta para sa mga sagot na kailangan natin sa ating panahon.”