2017
Ang Tinapay na Buhay na Bumabang Galing sa Langit
November 2017


Ang Tinapay na Buhay na Bumabang Galing sa Langit

Kung hinahangad nating manahan kay Cristo at tinutulutan Siyang manahan sa atin, sinisikap natin kung gayon na matamo ang kabanalan.

Isang araw matapos mahimalang mapakain ni Jesus ang 5,000 tao sa Galilea sa pamamagitan lamang ng “limang tinapay na sebada, at dalawang [maliliit na] isda,”1 nagsalita Siyang muli sa mga tao sa Capernaum. Nahiwatigan ng Tagapagligtas na mas interesado ang maraming tao na mapakain muli kaysa sa Kanyang mga turo.2 Kaya, sinikap Niyang hikayatin sila tungkol sa napakatindi at napakalaking kahalagahan ng “pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao.”3 Ipinahayag ni Jesus:

“Ako ang tinapay ng kabuhayan.

“Nagsikain ang inyong mga magulang ng mana sa ilang, at sila’y nangamatay.

“Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang taong makakain, ay huwag mamatay.

“Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit: kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya’y mabubuhay magpakailan man: oo at ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, sa ikabubuhay ng sanglibutan.”4

Ang kahulugang nais iparating ng Tagapagligtas ay hindi naunawaan ng mga nakikinig na literal lamang ang pagkaunawa sa ipinahayag Niya. Nangilabot sa pahayag na ito, sinabi nila, “Paanong maipapakain sa atin ng taong ito ang kaniyang laman?”5 Ipinaliwanag pa ni Jesus ang bagay na ito:

“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili.

“Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan; at siya’y aking ibabangon sa huling araw.

“Sapagka’t ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.”6

Pagkatapos ay inihayag Niya ang malalim na kahulugan ng Kanyang metapora:

“Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako’y sa kaniya.

“Kung paanong sinugo ako ng Amang buhay, at ako’y nabubuhay dahil sa Ama; gayon din naman ang kumakain sa akin, siya nama’y mabubuhay dahil sa akin.”7

Hindi pa rin naunawaan ng mga nakikinig ang sinabi ni Jesus, at “marami … , nang kanilang marinig ito, ay nangagsabi, Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon? … [At] marami sa kaniyang mga alagad ay nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa kaniya.”8

Ang pagkain ng Kanyang laman at pag-inom ng Kanyang dugo ay isang di-karaniwang paraan para maipakita kung paano magiging lubos na bahagi ng ating buhay ang Tagapagligtas—sa ating pagkatao–upang tayo ay maging isa. Paano ito nangyayari?

Una, nauunawaan natin na sa pag-aalay ng Kanyang laman at dugo, si Jesucristo ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan at nadaig ang kamatayan, kapwa pisikal at espirituwal.9 Malinaw kung gayon na kinakain natin ang Kanyang laman at iniinom ang Kanyang dugo kapag tinatanggap natin mula sa Kanya ang kapangyarihan at mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Nakasaad sa doktrina ni Cristo kung ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang nagbabayad-salang biyaya. Iyon ay ang maniwala at manampalataya kay Cristo, magsisi at magpabinyag, at tanggapin ang Espiritu Santo, “at pagkatapos darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo.”10 Ito ang pasukan, ang daan para makamtan natin ang biyaya ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ang daan tungo sa makipot at makitid na landas patungo sa Kanyang kaharian.

“Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy [sa landas na iyon], nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

“… Masdan, ito ang doktrina ni Cristo, at ang tangi at tunay na doktrina ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, na isang Diyos, na walang katapusan.”11

Ang simbolismo ng sakramento ng Hapunan ng Panginoon ay magandang pagnilayan. Ang tinapay at tubig ay sumasagisag sa laman at dugo Niya na siyang Tinapay na Buhay at Tubig na Buhay,12 ipinapaalala sa atin nang lubos ang ibinayad Niya upang matubos tayo. Habang pinagpuputol-putol ang tinapay, naaalaala natin ang napunit na laman ng Tagapagligtas. Minsan ay sinabi ni Elder Dallin H. Oaks “dahil pinagputul-putol at pinira-piraso ito, ang bawat piraso ng tinapay ay naiiba, tulad ng pagiging naiiba ng mga taong kumakain nito. Lahat tayo ay may iba-ibang kasalanan na dapat pagsisihan. Lahat tayo ay may iba-ibang pangangailangan na dapat palakasin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, na inaalaala natin sa ordenansang ito.”13 Kapag iniinom natin ang tubig, iniisip natin ang dugong itinigis niya sa Getsemani at sa krus at ang nakapagpapabanal na kapangyarihan nito.14 Dahil alam natin na “walang maruming bagay ang makapapasok sa kanyang kaharian,” ipinasya nating mapabilang “sa mga yaong nahugasan ang kanilang mga kasuotan ng dugo [ng Tagapagligtas], dahil sa kanilang pananampalataya, at sa pagsisisi ng lahat ng kanilang mga kasalanan, at sa kanilang katapatan hanggang sa wakas.”15

Binanggit ko ang tungkol sa pagtanggap ng nagbabayad-salang biyaya ng Tagapagligtas na mag-aalis ng ating mga kasalanan at ng mga batik ng mga kasalanang iyon sa atin. Ngunit ang matalinghagang pagkain ng Kanyang laman at pag-inom ng Kanyang dugo ay may mas malalim na kahulugan, at iyan ay ang taglayin ang mga katangian at pagkatao ni Cristo sa ating buhay, hubarin ang likas na tao at maging mga Banal “sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon.”16 Kapag tumatanggap tayo ng tinapay at tubig sa sacrament tuwing linggo, makabubuting isipin kung gaano natin kalubos na gagawing bahagi ng ating sariling buhay at pagkatao ang Kanyang katangian at ang halimbawa ng Kanyang buhay na walang kasalanan. Hindi makapagbabayad-sala si Jesus para sa mga kasalanan ng iba kung Siya ay nagkasala. Dahil ang katarungan ay walang pag-angkin sa Kanya, maiaalay Niya ang Kanyang sarili para sa atin para matugunan ang katarungan at maibigay ang awa. Kapag inalala natin at iginalang ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, dapat din nating isipin ang Kanyang buhay na walang kasalanan.

Ipinahihiwatig nito na kailangan nating magsumigasig upang magawa natin ang ating bahagi. Hindi tayo maaaring makuntento na manatili kung saan tayo naroon kundi kailangan nating patuloy na kumilos hanggang sa “sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo.”17 Tulad ng ama ni Haring Lamoni sa Aklat ni Mormon, dapat handa tayong talikuran ang lahat ng ating mga kasalanan18 at magtuon sa inaasahan sa atin ng Panginoon, sa bawat isa at nang magkakasama.

Kamakailan, ikinuwento sa akin ng isang kaibigan ang isang karanasan habang naglilingkod siya bilang mission president. Naoperahan siya at nangangailangan ng ilang linggo ng pagpapagaling. Sa kanyang pagpapagaling, nag-ukol siya ng oras sa pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan. Isang hapon habang pinagninilayan niya ang mga salita ng Tagapagligtas sa ika-27 kabanata ng 3 Nephi, nakatulog siya. Pagkatapos ay ikinuwento niya:

“Nanaginip ako at ipinakita sa akin nang malinaw ang kabuuan ng aking buhay. Ipinakita sa akin ang mga kasalanan ko, ang mga maling pasiya ko, ang mga pagkakataong … hindi ako naging mapagpasensya sa mga tao, pati na ang mabubuting bagay na hindi ko nasabi o nagawa. … [Isang] kumpletong … [pagbabalik-tanaw ng] aking buhay ang ipinakita sa akin nang ilang minuto, ngunit tila mas matagal ito. Nagising ako, natigilan at … kaagad na lumuhod sa gilid ng aking kama at nagsimulang manalangin, upang magsumamo na patawarin ako, ibinuhos ang nilalaman ng aking puso na hindi ko pa ginawa noon.

“Bago ang panaginip na iyon, hindi ko alam na [mayroon] akong malaking pangangailangan na magsisi. Ang mga kasalanan at kahinaan ko ay biglang naging napakalinaw sa akin na ang pagitan ng pagkatao ko at ng kabanalan at kabutihan ng Diyos ay [tila] milyun-milyon ang layo. Sa aking panalangin nang hapong iyon, nagpasalamat ako nang lubos at buong puso sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas para sa ginawa Nila para sa akin at para sa mahal kong asawa at mga anak. Habang nakaluhod nadama ko rin ang labis na pagmamahal at awa ng Diyos, sa kabila ng pagiging hindi ko karapat-dapat. …

“Masasabi kong hindi na ako tulad ng dati mula noong araw na iyon. … Nagbago ang puso ko. … Kasunod nito ay mas naging mahabagin ako sa iba, nag-ibayo ang kakayahan kong magmahal, lakip ang pagsusumigasig na ipangaral ang ebanghelyo. … Mas naunawaan ko ang mga mensahe ng pananampalataya, pag-asa, at kaloob na pagsisisi na matatagpuan sa Aklat ni Mormon nang higit pa kaysa dati.”19

Mahalagang maunawaan na ang malinaw na paghahayag na ito tungkol sa mga kasalanan at pagkukulang ng mabuting taong ito ay hindi nagpahina ng kanyang loob o naging dahilan para mawalan siya ng pag-asa. Oo, nakadama siya ng pagkabigla at pagsisisi. Lubos niyang nadama na kailangan niyang magsisi. Siya ay pinagpakumbaba, subalit nakadama siya ng pasasalamat, kapayapaan, at pag-asa—tunay na pag-asa—dahil kay Jesucristo, “ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit.”20

Binanggit ng kaibigan ko ang tungkol sa nadama niyang layo ng pagitan ng kanyang buhay sa kabanalan ng Diyos. Kabanalan ang tamang salita. Ang ibig sabihin ng kainin ang laman at inumin ang dugo ni Cristo ay magsikap na matamo ang kabanalan. Iniutos ng Diyos, “Kayo’y mangagpakabanal; sapagka’t ako’y banal.”21

Ipinayo ni Enoc sa atin, “Ituro ito sa iyong mga anak, na ang lahat ng tao, sa lahat ng dako, ay kinakailangang magsisi, o sila sa anumang paraan ay hindi makamamana ng kaharian ng Diyos, sapagkat walang maruming bagay ang makatatahan doon, o makatatahan sa kanyang kinaroroonan; sapagkat, sa wika ni Adan, Tao ng Kabanalan ang kanyang pangalan, at ang pangalan ng kanyang Bugtong na Anak ay Anak ng Tao, maging si Jesucristo.”22 Noong bata pa ako, inisip ko kung bakit madalas tukuyin si Jesus (at madalas Niya ring tukuyin ang Kanyang sarili) sa Bagong Tipan bilang ang Anak ng Tao gayong Siya ay literal na Anak ng Diyos, ngunit nilinaw sa pahayag ni Enoc na ang mga pagtukoy na ito ay talagang pagkilala sa Kanyang pagka-Diyos at kabanalan—Siya ay Anak ng Tao ng Kabanalan, ang Diyos Ama.

Kung hinahangad nating manahan kay Cristo at tinutulutan Siyang manahan sa atin,23 sinisikap natin kung gayon na matamo ang kabanalan, kapwa sa katawan at espiritu.24 Sinisikap nating matamo ito sa templo, kung saan nakasulat doon ang “Kabanalan sa Panginoon.” Sinisikap nating matamo ito sa ating kasal, pamilya, at tahanan. Sinisikap nating matamo ito kada linggo kapag nagagalak tayo sa banal na araw ng Panginoon.25 Sinisikap nating matamo ito maging sa lahat ng aspeto ng araw-araw nating buhay: sa ating pananalita, sa ating pananamit, sa ating mga iniisip. Tulad ng sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Tayo ang kinalabasan ng lahat ng binabasa natin, lahat ng pinanonood natin, lahat ng naririnig natin at lahat ng iniisip natin.”26 Sinisikap nating matamo ang kabanalan kapag pinapasan natin ang ating krus araw-araw.27

Sinabi ni Sister Carol F. McConkie: “Alam natin na maraming pagsubok, tukso, at paghihirap na maaaring maglayo sa atin sa lahat ng marangal at kapuri-puri sa harapan ng Diyos. Ngunit ang ating mga karanasan sa mundo ay binibigyan tayo ng pagkakataong piliin ang kabanalan. Kadalasan, ang mga sakripisyong ginagawa natin sa pagtupad ng mga tipan ang nagpapabanal sa atin.”28 At idaragdag ko sa mga “sakripisyong ginagawa natin” ang paglilingkod na ibinibigay natin.

Alam natin na “kung [tayo] ay nasa paglilingkod ng [ating] kapwa-tao, [tayo] ay nasa paglilingkod lamang ng [ating] Diyos.”29 At ipinapaalala sa atin ng Panginoon na ang gayong paglilingkod ay mahalagang bahagi ng Kanyang buhay at pagkatao: “Sapagka’t ang Anak ng tao rin naman ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.”30 Mahusay na ipinaliwanag ni Pangulong Marion G. Romney: “Ang paglilingkod ay hindi isang bagay na tinitiis natin dito sa lupa para makamtan ang karapatang manirahan sa kahariang selestiyal. Ang paglilingkod ay pinakadiwa ng buhay na pinadakila sa kahariang selestiyal.”31

Iprinopesiya ni Zacarias na sa panahon ng paghahari ng Panginoon sa milenyo, maging sa mga kampanilya ng mga kabayo ay masusulat doon ang pahayag na, “Kabanalan sa Panginoon.”32 Sa diwang iyan, iniuugnay ng mga Banal na pioneer sa mga lambak na ito ang paalalang iyan, “Kabanalan sa Panginoon,” sa tila karaniwan o mga bagay ng mundo pati na rin sa mga yaong mas direktang nauugnay sa mga gawaing pangrelihiyon. Ito ay nakasulat sa mga lalagyan ng tinapay at tubig sa sakramento at nakalimbag sa mga sertipiko ng ordinasyon ng mga Pitumpu at sa banner ng Relief Society. Ang “Kabanalan sa Panginoon” ay makikita rin sa mga bintana ng Zion’s Cooperative Mercantile Institution, ang ZCMI department store. Ito ay makikita sa ulo ng martilyo at sa isang tambol. Nakaukit ang “Kabanalan sa Panginoon” sa mga metal na doorknob ng tahanan ni Pangulong Brigham Young. Ang mga bagay na ito na iniugnay sa kabanalan sa tila kakaiba o hindi inaasahang lugar ay tila hindi angkop sa paningin ng ilang tao, ngunit ang mga ito ay nagpapahiwatig na kinakailangang lubos at patuloy ang ating pagtuon sa kabanalan.

Sacrament cup
Sacrament plate
display window ng ZCMI
Martilyo
Tambol
Doorknob

Ang ibig sabihin ng kainin ang laman at inumin ang dugo ng Tagapagligtas ay alisin ang anumang bagay sa ating buhay na hindi naaayon sa pagkatao na katulad ng kay Cristo at taglayin natin ang mga katangian Niya. Ito ang mas malawak na kahulugan ng pagsisisi: hindi lamang pagtalikod sa nagawang kasalanan noon kundi “[pag]tuon [ng] puso at kalooban sa Diyos”33 tungo sa pag-unlad. Tulad ng nangyari sa aking kaibigan sa kanyang panaginip na isang paghahayag, ipakikita ng Diyos sa atin ang ating mga kahinaan at pagkakamali, ngunit tutulungan din Niya tayo na madaig ang ating mga kahinaan.34 Kung taos-puso tayong magtatanong, “Ano pa ang kulang sa akin?”35 Hindi Niya tayo pahuhulain, kundi sa pagmamahal Niya sa atin ay sasagot Siya para sa ating kaligayahan. At bibigyan Niya tayo ng pag-asa.

Ito ay isang matinding pagsisikap, at manghihina ang loob natin kung sa ating pagsisikap na matamo ang kabanalan ay nag-iisa tayo. Ang maluwalhating katotohanan ay hindi tayo nag-iisa. Nasa atin ang pagmamahal ng Diyos, ang biyaya ni Cristo, ang pag-aliw at patnubay ng Banal na Espiritu, at ang kapatiran at panghihikayat ng mga kapwa natin Banal sa katawan ni Cristo. Huwag tayong makuntento sa kung nasaan na tayo, at huwag din tayong panghinaan ng loob. Tulad ng isang simple ngunit nakaaantig na himno na naghihikayat sa atin:

Sikaping magpakabanal, habang mundo’y abala;

manalangin at makipag-ugnayan kay Jesus sa tuwina.

Sa pagsunod kay Jesus, ikaw ay magiging tulad niya;

mga kaibiga’y mapapansin na kilos mo’y katulad na niya.36

Pinatototohanan ko na si Jesucristo, ay “ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit,”37 at “ang kumakain ng [Kanyang] laman at umiinom ng [Kanyang] dugo ay may buhay na walang hanggan,”38 sa pangalan ni Jesucristo, amen.