2017
Mga Bagong Pagsasalin ng Banal na Kasulatan
November 2017


Mga Bagong Pagsasalin ng Banal na Kasulatan

Kabilang sa mga bagong proyekto sa pagsasalin ng banal na kasulatan na inaprubahan nitong huling ilang taon ang Book of Mormon sa Burmese, Efik, Georgian, Navajo, Pohnpeian, Sesotho, at Tshiluba at ang triple combination ng mga banal na kasulatan sa American Sign Language, Afrikaans, Amharic, Arabic, Bislama, Greek, Hiligaynon, Hindi, Hmong, Lao, Lingala, Malay, Persian, Polish, Serbian, Setswana, Sinhala, Slovak, Slovenian, Tahitian, Tamil, Telugu, Tok Pisin, Turkish, Twi, Urdu, at Yoruba.

Sa isang liham noong Oktubre 9, 2017, inilista ng Unang Panguluhan ang mga proyektong ito at pinasimulan ang isang bagong proseso na magtutulot sa mga tao na pag-aralan ang draft ng mga bahagi ng pagsasalin bago ilathala ang kahuli-hulihang mga pagsasalin.

“Habang patuloy ang pagsasalin, maaari nang i-release nang sunud-sunod ang nakumpletong mga bahagi paminsan-minsan,” sabi sa sulat. “Ang sunud-sunod na mga bahaging ito, bagama’t hindi itinuturing na kahuli-hulihan hanggang sa makumpleto ang buong pagsasalin, ay makukuha sa LDS.org at sa Gospel Library mobile application.” Ang unang release para sa ilang piling wika ay magsisimula sa Nobyembre 30, 2017. Kapag nakumpleto na ang mga pagsasalin, pati na ang kailangang mga pagrerepaso at pag-apruba, papalitan ng kahuli-hulihang mga bersyon ang naunang sunud-sunod na mga release, na susundan ng nakalimbag na mga edisyon.

Ang mga proyekto sa pagsasalin ay umaabot nang ilang taon habang maingat na isinasalin ang mga teksto ng banal na kasulatan. Samakatwid, ang mga proyekto ay kasalukuyang nasa iba’t ibang yugto. Kasama sa unang release ng mga aprubadong draft na pagsasalin ang content na naisalin at narepaso ng mga lokal na lider. Ang iba pang mga bahagi ng pagsasalin ay patuloy na ire-release nang paunti-unti. Ang mga pagsasalin na kasalukuyang malapit nang matapos ay hindi na ilalathala ang mga draft.

Hinihiling ng Unang Panguluhan na habang ginagawa o naka-pending pa ang mga proyekto sa pagsasalin, ang mga miyembro at lider ay “patuloy na gagamitin ang kasalukuyang mga salin ng mga Saligan ng Pananampalataya, panalangin sa sakramento, at panalangin sa binyag hanggang makumpleto ang mga bagong pagsasalin.”

Ang mga LDS edition ng mga banal na kasulatan ay isinalin at makukuha sa sumusunod na dami ng mga wika: ang Banal na Biblia, 3; mas gustong Banal na Biblia na hindi LDS edition, 95; ang Aklat ni Mormon, 90; Mga Pinili mula sa Aklat ni Mormon, 21; at ang Doktrina at mga Tipan at ang Mahalagang Perlas, 58.