2017
Patuloy ang Paglalakbay!
November 2017


Patuloy ang Paglalakbay!

Ang paglalakbay pabalik sa ating Ama sa Langit ang pinakamahalagang paglalakbay sa ating buhay.

Isandaan at pitumpung taon na ang nakalipas, si Brigham Young ay tumingin sa ibayo ng Salt Lake Valley sa unang pagkakataon at nagsabing, “Ito ang lugar!”1 Alam niya ang lugar dahil inihayag ito ng Panginoon sa kanya.

Pagsapit ng 1869, mahigit 70,000 Banal ang gumawa ng katulad na paglalakbay. Sa kabila ng maraming pagkakaiba nila sa wika, kultura, at nasyonalidad, mayroon silang patotoo tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo, sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, at sa hangaring itayo ang Sion—na lugar ng kapayapaan, kaligayahan, at kagandahan bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Jane Manning James

Kasama si Jane Manning James sa mga Banal na unang dumating sa Utah—ang anak ng isang pinalayang alipin, na nagbalik-loob sa ipinanumbalik na Simbahan, at isang pinakapambihirang disipulo na humarap sa mahihirap na hamon. Si Sister James ay nanatiling matapat na Banal sa Huling Araw hanggang sa pagpanaw niya noong 1908.

Isinulat niya: “Gusto kong sabihin ngayon, na ang pananalig ko sa ebanghelyo ni Jesucristo na itinuturo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay kasinglakas ngayon, kung hindi man, mas malakas kaysa noong araw na ako ay bininyagan. Nagbabayad ako ng aking ikapu at mga handog, sinusunod ang word of wisdom, natutulog ako nang maaga at bumabangon nang maaga, kahit nanghihina ay sinisikap kong maging mabuting halimbawa sa lahat.”2

Si Sister James, gaya ng marami pang mga Banal sa mga Huling Araw, ay hindi lang itinayo ang Sion sa pamamagitan ng dugo, pawis, at luha kundi hinangad rin ang mga pagpapala ng Panginoon sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo hanggang sa abot ng kanyang makakaya habang sumasampalataya kay Jesucristo—ang dakilang manggagamot ng lahat ng mga taong matapat na naghahanap sa Kanya.

Hindi perpekto ang mga naunang Banal, subalit nagtayo sila ng isang saligan kung saan ay naitatatag natin ang mga pamilya at isang lipunan na nagmamahal at tumutupad sa mga tipan, na naitampok sa iba’t ibang balita sa buong mundo dahil sa katapatan natin kay Jesucristo at sa boluntaryo nating paggawa para tulungan ang mga nasa malapit at malayo.3

Pangulong Eyring, maaari ko bang idagdag sa iyong papuri ang aking pasasalamat sa libu-libong anghel na nakasuot ng dilaw na kamiseta na naglingkod sa Texas, Mexico, at sa iba pang mga lugar.

Lubos ang paniniwala ko na kung mapuputol ang ating bigkis sa mga nauna sa atin, pati na sa mga ninuno nating pioneer, mawawalan tayo ng napakahalagang kayamanan. Nagsalita na ako noon tungkol sa “Pananampalataya sa Bawat Hakbang” at patuloy na gagawin ito sa hinaharap dahil alam kong kailangan ng mga bagong henerasyon na magkaroon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo tulad ng sa naunang mga Banal.4

Ang aking mga ninunong pioneer ay kabilang sa matatapat na pioneer na humila ng mga kariton, sumakay sa mga bagon, at lumakad patungong Utah. Sila, tulad ni Sister Jane Manning James, ay may malalim na pananampalataya sa bawat paghakbang nila sa kanilang paglalakbay.

Ang kanilang mga journal ay puno ng paglalarawan ng kanilang mga paghihirap, pagkagutom, at pagkakasakit at maging ng kanilang mga patotoo tungkol sa pananampalataya nila sa Diyos at sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Kakaunti lang ang kanilang pag-aari sa mundo ngunit tinamasa nila ang saganang mga pagpapala mula sa pagkakapatiran na natagpuan nila sa Simbahan ni Jesucristo. Kapag kaya nila, pinasisigla nila ang mga naaapi at tinutulungan ang mga maysakit sa pamamagitan ng paglilingkod sa isa’t isa at sa pamamagitan ng priesthood ng Diyos.

Ang mga kapatid na babae sa Cache Valley, Utah, ay naglingkod sa mga Banal sa diwa ng Relief Society na “nagkakaisang gumawa para tumulong sa mga nangangailangan.”5 Ang aking lola-sa-tuhod na si Margaret McNeil Ballard ay naglingkod na kasama ng kanyang asawang si Henry, nang pamunuan niya bilang bishop ang Logan Second Ward sa loob ng 40 taon. Si Margaret ang pangulo ng Relief Society ng ward sa loob ng 30 taon noon. Pinatuloy niya sa kanilang tahanan ang mga maralita, maysakit, at mga balo at ulila, at binihisan din niya ang mga patay ng kanilang malilinis na kasuotan sa templo.

Bagama’t angkop at mahalagang alalahanin ang makasaysayang paglalakbay ng mga Mormon pioneer noong ika-19 na siglo, dapat nating alalahanin na “ang paglalakbay sa buhay ay nagpapatuloy!” para sa bawat isa sa atin habang pinatutunayan natin ang ating “pananampalataya sa bawat hakbang.”

Nagtitipon ang mga miyembro sa kanilang mga lokal na kongregasyon

Ang mga bagong binyag ay hindi na nagtitipon sa mga pamayanan ng mga pioneer sa kanlurang Estados Unidos. Sa halip, ang mga bagong binyag ay nagtitipon sa kanilang lokal na mga kongregasyon, kung saan sinasamba ng mga Banal ang ating Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo. Sa mahigit 30,000 kongregasyong itinatag sa buong mundo, ang lahat ay nagtitipon sa kanilang sariling Sion. Gaya ng nakatala sa mga banal na kasulatan, “Dahil ito ang Sion—ang dalisay na puso.”6

Sa paglakad natin sa landas ng buhay, sinusubok tayo upang makita kung “tutuparin [natin] ang lahat ng bagay anuman ang iniutos [ng Panginoon].”7

Marami sa atin ay nasa kahanga-hangang paglalakbay ng pagtuklas—tungo sa personal na kaganapan at espirituwal na kaliwanagan. Gayunman, ang ilan sa atin ay nasa paglalakbay na patungo sa kalungkutan, kasalanan, dalamhati, at kawalan ng pag-asa.

Sa kontekstong ito, itanong ninyo sa inyong sarili: Ano ang iyong huling destinasyon? Saan ka dinadala ng iyong mga paghakbang? At ang iyong paglalakbay ba ay patungo sa “pagkarami-raming pagpapala” na ipinangako ng Tagapagligtas?8

Ang paglalakbay pabalik sa ating Ama sa Langit ang pinakamahalagang paglalakbay sa ating buhay, at patuloy ito bawat araw, bawat linggo, bawat buwan, at bawat taon habang pinag-iibayo natin ang ating pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo.

Dapat tayong maging maingat kung saan tayo dinadala ng mga paghakbang natin sa buhay. Kailangan nating magbantay at dinggin ang payo ni Jesus sa Kanyang mga disipulo nang sagutin Niya ang mga tanong na ito: “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?

“At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Mangagingat kayo na huwag kayong malinlang ninuman [ng lalaki at pati ng babae].”9

Uulitin ko ngayon ang mga payo noon mula sa mga lider ng Simbahan.

  • Mga kapatid, panatilihing dalisay ang doktrina ni Cristo at huwag magpalinlang kailanman sa mga taong nagbabago ng doktrina. Ang ebanghelyo ng Ama at ng Anak ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang propeta para sa huling dispensasyong ito.

  • Huwag makinig sa mga hindi inorden at/o itinalaga sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan at kinilala sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon ng mga miyembro ng Simbahan.10

  • Mag-ingat sa mga organisasyon, grupo, o indibiduwal na nagsasabing mayroon silang mga lihim na sagot sa mga tanong sa doktrina na sinasabi nilang wala sa o hindi nauunawaan ng mga apostol at mga propeta ngayon.

  • Huwag makinig sa mga modus na nagsasabing yayaman kayo agad. Ang ating mga miyembro ay nawalan na ng napakaraming pera, kaya mag-ingat.

Sa ilang lugar, napakarami sa ating mga tao ang tumitingin ng lampas sa tanda at naghahangad ng mga lihim na kaalaman sa magastos at kahina-hinalang mga gawain upang mapagaling at matulungan.

Ayon sa isang opisyal na pahayag ng Simbahan na inilabas noong isang taon: “Hinihikayat namin ang mga miyembro ng Simbahan na mag-ingat sa pagsali sa mga grupong nangangako—kapalit ng pera—ng mga mahimalang paggaling o nagsasabing may mga espesyal na paraan para magkaroon ng kapangyarihang magpagaling na labas sa mga maytaglay ng priesthood na inorden nang may wastong awtoridad.”11

Ipinapayo sa Hanbuk ng Simbahan: “Hindi dapat gumamit ang mga miyembro ng mga pamamaraang medikal o pangkalusugan na kahina-hinala ayon sa etika o sa batas. Dapat payuhan ng mga lokal na lider ang mga miyembro na may mga problemang medikal na kumonsulta sa mapagkakatiwalaang propesyonal na may lisensya sa bansa kung saan sila nagtatrabaho.”12

Mga kapatid, maging matalino at isipin na maaaring sa una ang ganitong mga paraan ay maganda sa pakiramdam ngunit sa huli ay mapatutunayang nakasisira sa espiritu at katawan.

Para sa ating mga ninunong pioneer, mahalaga ang pagsasarili at pag-asa sa sariling kakayahan, ngunit mahalaga rin na madama nila na kabilang sila sa komunidad. Magkakasama silang gumawa at nagtulungan upang malampasan ang mga pisikal at emosyonal na hamon sa kanilang panahon. Para sa mga kalalakihan, naroon ang korum ng priesthood, at ang kababaihan ay pinaglilingkuran ng Relief Society. Ang mga resultang ito ay hindi nagbago sa ating panahon.

Ang Relief Society at ang mga korum ng priesthood ay tumutulong sa espirituwal at temporal na kapakanan ng ating mga miyembro.

Manatili sa landas ng ebanghelyo sa pagkakaroon ng “pananampalataya sa bawat paghakbang” upang makabalik kayo nang ligtas sa piling ng Ama sa Langit at ng Panginoong Jesucristo. Ang Panginoon ang ating pinakamamahal na Tagapagligtas. Siya ang Manunubos ng sanlibutan. Kailangan nating igalang ang Kanyang sagradong pangalan at huwag itong gamitin sa anumang maling paraan, palaging nagsisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan. Kung gagawin natin ito, pagpapalain Niya tayo at ligtas tayong aakayin pabalik.

Inaanyayahan ko ang lahat ng nakakarinig ng aking tinig na salubungin at yakapin ang sinumang nasa kanilang paglalakbay ngayon, saan man silang yugto ng kanilang paglalakbay.

Tandaan na wala nang pagpapala na maibabahagi nang higit pa sa mensahe ng Pagpapanumbalik, na kung tatanggapin at ipapamuhay ay nangangako ng walang-hanggang kaligayahan at kapayaan—maging buhay na walang-hanggan. Gamitin natin ang ating sigla, lakas, at patotoo sa pagtulong sa ating mga missionary na maghanap, magturo, at magbinyag ng mga anak ng Diyos upang magkaroon sila ng kapangyarihan ng doktrina ng ebanghelyo na gagabay sa kanilang araw-araw na buhay.

Kailangan nating yakapin ang mga anak ng Diyos nang may habag at alisin ang anumang panghuhusga, pati na ang pagkapoot sa lahi, diskriminasyon sa kasarian, at nasyonalismo. Hayaang masabi na tunay tayong naniniwala na ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay para sa bawat anak ng Diyos.

Pinatototohanan kong “patuloy ang paglalakbay,” at inaanyayahan ko kayong manatili sa landas ng ebanghelyo habang patuloy kayo sa pagsulong sa pagtulong sa lahat ng anak ng Diyos nang may pagmamahal at habag upang nagkakaisa nating dalisayin ang ating mga puso at linisin ang ating mga kamay upang matanggap ang “napakaraming pagpapalang” naghihintay sa lahat ng mga tunay na nagmamahal sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang mapagpakumbabang dalangin ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Brigham Young, ayon sa pagsipi ni Wilford Woodruff, sa The Utah Pioneers (1880), 23.

  2. Jane Manning James autobiography, ca. 1902, Church History Library, Salt Lake City; tingnan din sa James Goldberg, “The Autobiography of Jane Manning James,” Dis. 11, 2013, history.lds.org.

  3. Tingnan, halimbawa, sa Jill DiSanto, “Penn Research Shows That Mormons Are Generous and Active in Helping Others,” Penn News, Abr. 17, 2012.

  4. Tingnan sa M. Russell Ballard, “Faith in Every Footstep,Ensign, Nob. 1996, 23–25.

  5. “The Purpose of Relief Society,” lds.org/callings/relief-society/purposes; tingnan din sa Handbook 2: Administering the Church (2010), 9.1.1.

  6. Doktrina at mga Tipan 97:21.

  7. Doktrina at mga Tipan 97:25.

  8. Doktrina at mga Tipan 97:28.

  9. Mateo 24:3–4.

  10. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 26:2; 28:13; 43:6–7.

  11. Spokesman ng Simbahan na si Eric Hawkins, Set. 2016.

  12. Handbook 2, 21.3.6.