Pagliwanagin ang Inyong Ilaw
Nananawagan sa atin ang mga propeta, mga kapatid. Magiging matwid ba kayo? Malinaw ba ninyong maipaliliwanag ang inyong pananampalataya? Pagliliwanagin ba ninyo ang inyong ilaw?
Maaaring hindi ninyo alam ito, pero kambal kami ni Pangulong Monson. Sa mismong araw na isinilang ako—sa mismong oras na iyon—sa Hilagang California, ang 36-anyos na si Thomas S. Monson ay sinang-ayunan bilang pinakabagong Apostol. Gustung-gusto ko ang espesyal at personal na ugnayan ko sa propeta ng Diyos na si Pangulong Monson.
Nagsasalita ang mga propeta tungkol sa kababaihan.1 Maririnig ninyo sa pulong na ito ang ilan sa mga sinabi nila. Sa aking mensahe gugunitain ko ang napakagandang propesiya na isinulat ni Pangulong Spencer W. Kimball halos 40 na ang nakararaan. Noong Setyembre 1979 ikalawang pagkakataon pa lamang nagkaroon ng sariling pangkalahatang pulong ang kababaihan ng Simbahan. Naihanda na ni Pangulong Kimball ang kanyang mensahe, pero nang sumapit ang araw ng kumperensya, nasa ospital siya. Kaya’t hiniling niya sa kanyang asawang si Camilla Eyring Kimball na basahin nito ang kanyang mensahe.2
Binasa ni Sister Kimball ang mensahe ng propeta, na nagbigay-diin sa impluwensya ng kababaihang LDS sa mabubuting babae sa mundo bago dumating ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Bago natapos ang mensahe, nakadama ng matinding kagalakan ang kababaihan ng Simbahan na pinag-uusapan na natin noon pa man.
Babanggitin ko ang ilan sa sinabi ni Pangulong Kimball:
“Sa huli, mahal kong mga kapatid, may imumungkahi akong isang bagay sa inyo na hindi pa nasabi noon o sa ganitong paraan. Mabilis na darami ang mga miyembro ng Simbahan sa mga huling araw dahil marami sa mabubuting babae sa mundo … ang magiging miyembro ng Simbahan. Mangyayari ito kapag ipinamuhay ng kababaihan ng Simbahan ang kabutihan at kahusayan sa kanilang buhay at kapag nakitang sila ay natatangi at naiiba—sa masasayang paraan—mula sa kababaihan ng mundo.
“Makakabilang sa mga tunay na bayaning babae sa mundo na darating sa Simbahan ang kababaihang higit na inaalala ang pagiging matwid kaysa sa pagiging makasarili. Ang mga tunay na bayaning ito ay may tunay na pagpapakumbaba, na higit na pinahahalagahan ang integridad kaysa pagpapakitang-tao. …
“… Ang mga ulirang babae ng Simbahan [ang] magiging malaking puwersa sa pagdami at sa espirituwal na pag-unlad ng Simbahan sa mga huling araw.”3
Napakaganda ng propesiyang iyan. Ibubuod ko ito:
-
Ang mabubuting ugnayan ng kababaihan ang magiging dahilan ng malaking pag-unlad sa Simbahan sa darating na mga taon.
-
Ang mga pagkakaibigang binubuo ng kababaihan ng Relief Society, mga kabataang babae, at mga batang Primary sa matatapat at makadiyos na kababaihan at mga bata ng ibang relihiyon ay magiging malaking puwersa sa pag-unlad ng Simbahan sa mga huling araw.
-
Tinawag ni Pangulong Kimball ang kababaihang ito mula sa ibang relihiyon na “mga bayani” na mas inaalala ang pagiging matwid kaysa sa pagiging makasarili, na magpapakita sa atin na ang integridad ay higit na mahalaga kaysa pagpapakitang-tao.
Nakilala ko ang napakarami sa mabubuting babaeng ito habang tinutupad ko ang aking gawain sa iba’t ibang dako ng mundo. Mahalaga sa akin ang kanilang pakikipagkaibigan. Makikilala rin ninyo sila sa inyong mga kaibigan at kapitbahay. Maaaring miyembro o hindi pa sila miyembro ngayon ng Simbahan, pero napakahalagang kaibiganin natin sila. Paano natin gagampanan ang ating tungkulin? Ano ang dapat nating gawin? Limang bagay ang tinukoy ni Pangulong Kimball:
Ang una ay maging matwid. Ang maging matwid ay hindi nangangahulugang perpekto o hindi nagkakamali. Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng matibay na ugnayan sa Diyos, pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagkakamali, at lubos na pagtulong sa iba.
Binabago ng kababaihang nakapagsisi ang takbo ng kasaysayan. May kaibigan ako na naaksidente sa sasakyan noong bata pa siya, at simula noon ay nalulong siya sa gamot para sa kirot. Kalaunan, nagdiborsyo ang kanyang mga magulang. Nagdalantao siya bunga ng isang panandaliang relasyon, at patuloy na nalulong. Pero isang gabi, napagtanto niya ang gulo at gusot sa kanyang buhay at naisip, “Tama na.” At humingi siya ng tulong sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Sinabi niya na nalaman niya na kaya ng kapangyarihan ni Jesucristo kahit ang pinakamasamang nangyari sa buhay niya at makakaasa siya sa Kanyang lakas habang tinatahak niya ang landas ng pagsisisi.
Sa pagbalik sa Panginoon at sa Kanyang mga paraan, nabago niya ang takbo ng kanyang buhay at ng buhay ng kanyang anak at ng kanyang bagong asawa. Siya ay matwid; at napakamaawain sa mga taong nagkamali at gustong magbago. At tulad nating lahat, hindi siya perpekto, pero alam niya kung paano magsisi at patuloy na magpakabuti.
Ang pangalawa ay maging malinaw sa pagsasalita. Ang ibig sabihin ng pagiging malinaw sa pagsasalita ay malinaw ninyong naipahahayag ang inyong damdamin tungkol sa isang bagay at kung bakit. Sa mga unang buwan ng taong ito, may post sa Facebook news feed ko na kumukutya sa Kristiyanismo. Binasa ko ito at medyo nainis ako pero hindi ko ito pinansin. Gayunman, isang kakilala na hindi miyembro ng ating Simbahan ang nag-post ng sarili niyang comment dito. Isinulat niya: “[Ito ay] lubos na kabaligtaran ng pinaninindigan ni Jesus—siya ay … radikal [noong] panahon niya dahil … binalanse niya ang mundo. … [Kinausap] niya ang [mga] patutot, [kumain siya] kasama ang [mga] maniningil ng buwis … , kinaibigan ang mahihinang kababaihan at mga bata … , [at] ikinuwento sa atin ang tungkol sa Mabuting Samaritano. … Dahil dito … sisikapin ng mga tunay na Kristiyano na maging PINAKA-mapagmahal na mga tao sa buong mundo.” Nang mabasa ko iyon, naisip ko, “Bakit hindi ko isinulat iyon?”
Kailangang maging mas malinaw ang pagpapaliwanag ng bawat isa sa atin tungkol sa ating pananampalataya. Ano ang pakiramdam ninyo tungkol kay Jesucristo? Bakit kayo nananatili sa Simbahan? Bakit kayo naniniwala na banal na kasulatan ang Aklat ni Mormon? Saan kayo nagtatamo ng kapayapaan? Bakit mahalaga na may sabihin ang propeta sa taong 2017? Paano ninyo nalaman na siya ay totoong propeta? Gamitin ang inyong tinig at lakas para ipaliwanag nang malinaw ang nadarama at nalalaman ninyo—sa social media, sa pakikipag-usap sa inyong mga kaibigan, sa pakikipag-chat sa inyong mga apo. Sabihin sa kanila kung bakit kayo naniniwala, ano ang pakiramdam ninyo dito, kung nagduda man kayo, paano ninyo nalagpasan iyon, ano ang kahalagahan ni Jesucristo sa inyo. Tulad ng sabi ni Apostol Pedro, “Huwag kayong mangatakot … ; kundi inyong ariing banal si Cristo na Panginoon sa inyong mga puso: na lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo.”4
Ang pangatlo ay maging naiiba. Ikukuwento ko sa inyo ang nangyari nitong Hulyo sa Panama City Beach sa Florida.5 Noong hapong iyon, nakita ni Roberta Ursrey ang dalawang anak niyang lalaki na humihingi ng tulong mula sa karagatan na 100 yarda (90 m) ang layo mula sa pampang. Natangay sila ng malakas na alon at nadala sa laot. Sinikap ng isang mag-asawang malapit doon na sagipin ang mga bata, at natangay rin sila ng malakas na alon. Tumalon din sa dagat ang mga miyembro ng pamilya Ursrey para sagipin ang nahihirapang mga manlalangoy, at siyam na katao kaagad ang natangay ng malakas na alon.
Walang mga lubid. Walang lifeguard. Nagpadala na ng rescue boat ang mga pulis, pero 20 minuto nang hirap sa paglangoy ang mga taong nasa dagat at pagod na sila at lumulubog na sa ilalim ng tubig. Isa sa mga naroon sa beach si Jessica Mae Simmons. Naisip nila ng kanyang asawa na gumawa ng human chain. Humingi sila ng tulong sa mga tao sa beach, at maraming tao ang nagkapit-bisig at lumusong sa dagat. Isinulat ni Jessica sa pahayagan: “Ang makitang nagsisikilos ang mga tao mula sa iba’t ibang lahi at kasarian para tumulong sa mga taong LUBOS nilang hindi kilala [ay] talagang kahanga-hanga!!”6 Naabot ng 80-taong nagkapit-bisig ang mga manlalangoy. Tingnan ninyo ang larawang ito ng kahanga-hangang sandaling iyon.
Karaniwang solusyon lamang ang naisip ng lahat ng nasa beach at hindi sila makakilos. Pero sa isang iglap, isang mag-asawa ang nakaisip ng ibang solusyon. Ang inobasyon at pagkamalikhain ay mga espirituwal na kaloob. Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, maaari tayong maiba sa mga tao sa ating kultura at lipunan, pero nabibigyan tayo niyan ng inspirasyon para makaisip ng naiibang mga solusyon, naiibang mga paraan, naiibang mga pagsasagawa. Hindi tayo palaging aakma sa mundo, ngunit ang pagiging naiiba sa mga positibong paraan ay maaaring makatulong sa ibang taong nahihirapan.
Ang pang-apat ay maging natatangi. Ang ibig sabihin ng natatangi ay ibang-iba ka sa lahat. Balikan natin ang kuwento tungkol kay Jessica Mae Simmons sa beach. Nang maaabot na ng mga taong nagkapit-bisig ang mga manlalangoy, alam niyang makakatulong siya. Sabi ni Jessica Mae, “Kaya kong magpigil ng hininga … at madali kong malalangoy ang isang Olympic pool! [Alam ko kung paano makaalpas sa malakas na alon.] Alam ko na madadala ko [ang bawat manlalangoy] sa nagkapit-bisig na mga tao.”7 Kumuha silang mag-asawa ng mga boogie board at nilangoy nila ang dulo ng nagkapit-bisig na mga tao hanggang sa marating nila at ng isa pang sumasagip ang mga manlalangoy, at isa-isa silang dinala pabalik sa nagkapit-bisig na mga tao, na nagdala naman sa kanila nang ligtas sa pampang. Si Jessica ay may natatanging kakayahan: marunong siyang lumangoy nang pasalungat sa malakas na alon.
Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay ibang-iba sa lahat. Pero kailangan nating maging natatangi sa paraan ng pagsunod dito. Tulad ni Jessica na nagpraktis sa paglangoy, kailangan nating ipamuhay ang ebanghelyo bago may mangyaring masama para sapat ang lakas nating tumulong, nang walang takot, kapag tinangay ng malakas na alon ang iba.
At ang huli, at panlima ay gawin ang una hanggang pang-apat sa masasayang paraan. Ang maging masaya ay hindi nangangahulugan na pakunwari kayong ngumiti anuman ang nangyayari. Pero nangangahulugan ito ng pagsunod sa mga batas ng Diyos at pagpapalakas at pagtulong sa iba.8 Kapag pinalalakas natin ang iba, kapag pinagagaan natin ang pasanin ng iba, pinagpapala nito ang ating buhay sa mga paraang hindi kayang alisin ng ating mga pagsubok. May kopya ako ng sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley na nakalagay kung saan ko ito nakikita araw-araw. Sabi niya: “Hindi ninyo magagawa[ng] … sumalig sa negatibong pananaw [o pag-aalinlangan]. Magkaroon ng magandang pananaw, gumawa nang may pananampalataya, at mangyayari ang mga bagay-bagay.”9
Bilang halimbawa ng masaya at magandang pananaw na iyan, may kilala akong 13-anyos na bata na nagngangalang Elsa na ang pamilya ay lumipat sa Baton Rouge, Louisiana, 1,800 milya (2,900 km) ang layo mula sa kanyang mga kaibigan. Hindi madaling lumipat sa isang bagong lugar kapag 13 anyos ka. Nag-alangan si Elsa sa paglipat, kaya binasbasan siya ng kanyang ama. Sa sandali mismo ng pagbabasbas, may nag-text sa kanyang ina. Ipinadala ng mga dalagita sa ward sa Louisiana ang larawang ito na may nakasaad na “Sana lumipat kayo sa ward namin!”10
Maganda ang pananaw ng mga dalagitang ito na magugustuhan nila si Elsa kahit hindi pa nila siya nakikita. Ang kasiglahan nila ay nagbigay ng magandang pananaw kay Elsa sa paglipat nila at sagot sa kanyang dalangin kung magiging maayos ba ang lahat.
Ang kasiglahang ito na nagmumula sa kaligayahan at magandang pananaw ay hindi lamang nagpapala sa atin—nagpapalakas ito sa lahat ng nasa paligid natin. Anumang maliit na bagay na ginagawa ninyo para tunay na pasayahin ang iba ay nagpapakita na sinusunod ninyo ang bilin ni Pangulong Kimball.
Ako ay 15 anyos nang ibigay ni Pangulong Kimball ang mensaheng ito. Tayo na lampas na sa 40 anyos ay sinusunod ang utos na ito ni Pangulong Kimball simula noon. Ngayo’y nakatingin ako sa mga 8 anyos, 15 anyos, at 20 anyos, at 35 anyos, at ipapasa ko sa inyo ang responsibilidad na ito. Kayo ang magiging mga lider sa Simbahang ito, at kayo ang maghahatid ng liwanag na ito at magiging katuparan ng propesiyang ito. Ikakapit naming mga mahigit nang 40 anyos ang aming bisig sa inyo at daramhin namin ang inyong lakas at sigla. Kailangan namin kayo.
Pakinggan ang banal na kasulatang ito na matatagpuan sa D at T 49:26–28. Marahil ay isinulat ito sa iba’t ibang sitwasyon, pero ngayong gabi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sana’y ituring ninyo itong personal na tawag sa inyo sa sagradong gawaing ito.
“Masdan, sinasabi ko sa inyo, humayo kayo gaya ng aking ipinag-uutos sa inyo; magsisi sa lahat ng inyong kasalanan; humingi at kayo ay makatatanggap; kumatok at kayo ay pagbubuksan.
“Masdan, ako ay magpapatiuna sa inyo at mapapasainyong likuran; at ako ay mapapasagitna ninyo, at kayo ay hindi malilito.
“Masdan, ako si Jesucristo, at ako ay madaling paparito.”11
Nakikiusap ako sa bawat isa sa inyo na lumugar kung saan ninyo madarama ang saganang pagmamahal ng Diyos para sa inyo. Hindi ninyo maaaring ilugar ang inyong sarili sa hindi maaabot ng pagmamahal na iyon. Kapag nadarama ninyo ang Kanyang pagmamahal, kapag minamahal ninyo Siya, kayo ay magsisisi at susunod sa Kanyang mga kautusan. Kapag sumusunod kayo sa Kanyang mga kautusan, magagamit Niya kayo sa Kanyang gawain. Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay ang kadakilaan at buhay na walang hanggan ng kababaihan at kalalakihan.
Nananawagan sa atin ang mga propeta, mga kapatid. Magiging matwid ba kayo? Malinaw ba ninyong maipaliliwanag ang inyong pananampalataya? Makakaya ba ninyong maging natatangi at naiiba? Ang inyo bang kaligayahan sa kabila ng inyong mga pagsubok ay mag-aanyaya sa ibang mabubuti at mararangal at nangangailangan ng inyong pakikipagkaibigan? Pagliliwanagin ba ninyo ang inyong ilaw? Pinatototohanan ko na ang Panginoong Jesucristo ay mangunguna sa atin at makakasama natin.
Magtatapos ako sa mga salita ng ating mahal na propetang si Thomas S. Monson: “Mahal kong mga kapatid, ito ang araw ninyo, ito ang panahon ninyo.”12 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.