2017
Mga Tampok sa Ika-187 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya
November 2017


Mga Tampok sa Ika-187 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya

Ang aming propeta

Ay basbasan nawa,

O Diyos Ama.

Sa aming kalul’wa,

Ang bawat N’yang wika,

Manatili’t maging

Gabay t’wina.

(“Ang Aming Propeta’y Basbasan Nawa,” Mga Himno, blg. 18, kinanta sa sesyon sa Sabado ng umaga)

Mahigit 50 taon nang naging bahagi ng pangkalahatang kumperensya ang mga personal na salaysay at malalakas na patotoo ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol kay Jesucristo. Ngunit dahil sa paghina ng katawan, napansin na kapwa wala sa kumperensya sina Pangulong Monson at Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Wala man sila, hindi sila kinalimutan.

Bagama’t nanood si Pangulong Monson mula sa bahay at payapang pumanaw si Elder Hales sa ospital bago nagsimula ang huling sesyon, hindi lamang sila kapwa nasa ating isipan nang ipagdasal natin sila, kundi nadama rin ang kanilang impluwensya sa lahat ng mensahe.

Sumipi mula kay Pangulong Monson ang mahigit isang dosenang tagapagsalita, kabilang na si Pangulong Russell M. Nelson (tingnan sa pahina 60), na partikular na tinukoy ang paanyaya ni Pangulong Monson noong nakaraang kumperensya na “pag-aralan at pagnilayan nang may panalangin ang Aklat ni Mormon araw-araw.”1

Sinabi ni Elder Neil L. Andersen, ang huling tagapagsalita (tingnan sa pahina 122), na matagal nang naghahanda si Elder Hales para sa kumperensya ngunit hindi na niya kayang magsalita: “Kapag pinili nating manampalataya, handa tayong tumayo sa harapan ng Diyos,” pagsulat ni Elder Hales. Siyempre pa, pinili ni Elder Hales ang pananampalataya.

Wala man, ngunit hindi talaga nawawala, wala man sina Pangulong Monson at Elder Hales sa pulpito, ngunit mahalaga ang bahaging ginampanan nila sa pagiging makabuluhan ng kumperensya sa maraming tao.

Para sa ’nyo kami’y nagdarasal,

O propeta naming minamahal,

Na mabigyang ligaya at ginhawa,

Habang mga tao’y lumilipas,

Liwanag n’yo sana’y ’di kukupas.

(“Para sa Inyo Kami’y Nagdarasal,” Mga Himno, blg. 17, kinanta sa pangkalahatang sesyon ng priesthood)