2017
Ang Araw-araw na Walang-Hanggan
November 2017


Ang Araw-araw na Walang-Hanggan

Ang kababaang-loob tungkol sa kung sino tayo at sa layunin ng Diyos para sa atin ay mahalaga.

Simula nang maglingkod ako sa British Mission noong binata ako, tuwang-tuwa na ako sa pagpapatawa ng mga Briton. Kung minsan kakikitaan ito ng pagtatakwil sa sarili, disente, at mapagpakumbabang pananaw sa buhay. Ang isang halimbawa nito ay ang paglalarawan sa tag-araw. Ang mga tag-araw sa Britanya ay maiikli at pabagu-bago. Tulad ng sinabi ng isang awtor sa mapagpakumbabang paraan, “Gustung-gusto ko ang tag-araw sa Britanya, ito ang paborito kong araw ng taon.”1 Ang isa kong paboritong British cartoon character ay inilarawan na tinanghali ng gising at sinabi sa kanyang mga aso, “Naku po! Sa tingin ko’y napahaba ang tulog natin at lumampas na ang tag-araw.”2

May analohiya sa pagpapatawa na ito sa buhay natin sa magandang mundong ito. Malinaw sa mga banal na kasulatan na ang ating mahalagang pamumuhay sa mundo ay sandali lamang. Masasabi na mula sa walang-hanggang pananaw, ang panahon natin sa lupa ay kasing-ikli ng tag-araw sa Britanya.3

Minsan, ang layunin at mismong buhay ng tao ay inilalarawan din sa napakaabang kondisyon. Ang propetang si Moises ay pinalaki noon sa masasabi natin ngayon na isang buhay na puno ng pribilehiyo. Ayon sa nakatala sa Mahalagang Perlas, ang Panginoon, sa paghahanda kay Moises sa tungkulin niya bilang propeta, ay ipinakita sa kanya ang maikling kasaysayan ng mundo at ng lahat ng anak ng tao na nilikha noon at ngayon.4 Ang medyo nakagugulat na reaksyon ni Moises ay, “Ngayon … aking nalaman na ang tao ay walang kabuluhan, siyang bagay na hindi ko inakala kailanman.”5

Kasunod nito, ang Diyos, sa tila pagsansala sa nadamang kawalang-halaga ni Moises, ay ipinahayag ang Kanyang tunay na layunin: “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”6

Tayong lahat ay pantay-pantay sa harapan ng Diyos. Malinaw ang Kanyang doktrina. Sa Aklat ni Mormon, mababasa natin na, “Pantay-pantay ang lahat sa Diyos,” pati ang “maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae.”7 Sang-ayon dito, lahat ay inaanyayahang lumapit sa Panginoon.8

Ang sinumang nagsasabi na nakalalamang siya sa ilalim ng plano ng Ama dahil sa mga katangiang tulad ng lahi, kasarian, nasyonalidad, wika, o kabuhayan ay nagkakamali at hindi nauunawaan ang tunay na layon ng Panginoon para sa lahat ng anak ng ating Ama.9

Nakalulungkot na sa ating panahon sa halos bawat yugto ng lipunan, napapansin natin na ipinangangalandakan ang pagpapahalaga sa sarili at pagyayabang samantalang ang kababaang-loob at pananagutan sa Diyos ay minamaliit. Malaking bahagi ng lipunan ang nawalan na ng tamang asal at hindi nauunawaan kung bakit narito tayo sa lupa. Ang tunay na pagpapakumbaba, na kailangan upang makamit ang layon ng Panginoon para sa atin, ay bihirang makita.10

Mahalagang maunawaan ang tindi ng pagpapakumbaba, pagkamatuwid, pag-uugali, at katalinuhan ni Cristo gaya ng makikita sa mga banal na kasulatan. Kahangalan ang maliitin ang kahalagahan ng patuloy na pagsisikap para sa mga katangiang ito ni Cristo sa araw-araw, lalo na ang kababaang-loob.11

Malinaw sa mga banal na kasulatan na bagaman maikli lamang ang buhay, ito ay napakahalaga. Si Amulek na kompanyon ni Alma sa misyon sa Aklat ni Mormon, ay nagsabing, “Ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain.”12 Ayaw natin, tulad ng aking cartoon character, na makatulog nang matagal sa buhay na ito.

Ang halimbawa ng kababaang-loob ng Tagapagligtas at sakripisyo para sa sangkatauhan ang pinakamatinding pangyayari sa kasaysayan. Ang Tagapagligtas, kahit bilang miyembro ng Panguluhang Diyos, ay handa noong pumarito sa lupa bilang munting sanggol at simulan ang pamumuhay na may kasamang pagtuturo at pagpapagaling sa Kanyang mga kapatid at matinding pagdanas ng hindi maipaliwanag na pasakit sa Getsemani at sa krus upang gawing ganap ang Kanyang Pagbabayad-sala. Ang gawaing ito ng pag-ibig at pagpapakumbaba sa panig ni Cristo ay kilala bilang Kanyang pagpapakababa.13 Ginawa Niya ito para sa bawat lalaki at babaing nilikha at lilikhain ng Diyos.

Ayaw ng ating Ama sa Langit na panghinaan ng loob ang Kanyang mga anak o isuko ang kanilang paghahangad sa kaluwalhatiang selestiyal. Kapag talagang inisip natin ang Diyos Ama at si Cristong Anak, kung sino Sila, at ano ang nagawa Nila para sa atin, napupuno tayo ng pagpipitagan, paghanga, pasasalamat, at pagpapakumbaba.

Ang Pagpapakumbaba ay Mahalaga sa Pagtulong sa Panginoon na Itatag ang Kanyang Simbahan

May itinanong si Alma noon na angkop sa atin ngayon: “Kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?”14 Nagpatuloy si Alma, “Masasabi ba ninyo … , kung kayo ay tatawaging mamatay sa mga sandaling ito, na kayo ay naging sapat na mapagpakumbaba?”15

Sa tuwing mababasa ko ang tungkol kay Nakababatang Alma na tinalikuran ang kanyang papel bilang puno ng estado upang ipangaral ang salita ng Diyos,16 humahanga ako. Malinaw na si Alma ay nagkaroon ng malalim na patotoo sa Diyos Ama at kay Jesucristo at nadamang mananagot siya sa Kanila nang lubusan at walang pasubali. Tama ang kanyang mga prayoridad at kababaang-loob na talikuran ang estado at posisyon dahil natanto niya na ang paglilingkod sa Panginoon ay mas mahalaga.

Ang pagkakaroon ng sapat na pagpapakumbaba sa ating buhay upang itatag ang Simbahan ay lalong mahalaga. Isang halimbawa sa kasaysayan ng Simbahan ang makapagsisiwalat. Noong Hunyo ng 1837, ang Propetang si Joseph ay nabigyang-inspirasyon habang nasa Kirtland Temple na tawagan si Apostol Heber C. Kimball na dalhin ang ebanghelyo ni Jesucristo sa “England … at buksan ang pinto ng kaligtasan sa bansang iyon.”17 Si Apostol Orson Hyde at ilang iba pa ay inatasang samahan siya. Pambihira ang isinagot ni Elder Kimball. “Ang ideya na maatasan sa gayon kahalagang misyon ay halos hindi ko makayanan. … Halos lumubog [ako] sa pasaning ibinigay sa akin.”18 Gayunman, nagmisyon siya nang may lubos na pananampalataya, katapatan, at pagpapakumbaba.

Kung minsan ang pagpapakumbaba ay pagtanggap sa mga calling kahit dama nating may kakulangan tayo. Kung minsan ang pagpapakumbaba ay matapat na paglilingkod kapag dama nating kaya natin ang isang mas mahalagang gawain. Ang mga mapagpakumbabang pinuno, sa salita at gawa, ay nagsabing hindi mahalaga kung saan tayo naglilingkod, kundi kung gaano tayo katapat maglingkod.19 Kung minsan ang pagpapakumbaba ay ang mapaglabanang masaktan ang damdamin kapag pakiramdam natin ay mali ang pagtrato sa atin ng mga lider o ng iba pang mga miyembro.

Noong Hulyo 23, 1837, si Propetang Joseph ay nakipagkita kay Elder Thomas B. Marsh, na Pangulo ng Korum ng Labindalawa. Si Elder Marsh ay halatang nadismaya na tinawag ng Propeta ang dalawang miyembro ng kanyang Korum para magpunta sa England nang hindi sumasangguni sa kanya. Nang kausap na ni Joseph si Elder Marsh, ang anumang pagdaramdam ay isinantabi, at ang Propeta ay tumanggap ng pambihirang paghahayag. Ito ngayon ang ika-112 bahagi ng Doktrina at mga Tipan.20 Ito ay nagbibigay ng pambihirang direksyon mula sa langit ukol sa pagpapakumbaba at gawaing misyonero. Sa talata 10 mababasa na, “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin.”21

Ang paghahayag na ito ay nangyari sa mismong araw na sina Elder Kimball, Hyde, at John Goodson, ay puno ng pagpapakumbabang nagpapahayag ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa Vauxhall Chapel sa Preston, England.22 Ito ang unang pagkakataon na ipinangaral ng mga missionary ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa labas ng North America sa dispensasyong ito. Ang kanilang pagsisikap bilang missionary ay nagbunga ng halos agarang pagpapabinyag ng mga nagbalik-loob at ng maraming matatapat na miyembro.23

Ang kasunod na mga bahagi ng paghahayag ang gumagabay sa pagsisikap ng missionary sa ating panahon. Mababasa rito na, “Sinuman ang iyong isusugo sa aking pangalan … ay magkakaroon ng kapangyarihang buksan ang pintuan ng aking kaharian sa alinmang bansa … yayamang sila ay magpapakumbaba sa harapan ko, at mananatili sa aking salita, at makikinig sa tinig ng aking Espiritu.”24

Ang pagpapakumbaba na malakas na sumuporta sa pambihirang gawain ng missionary ang nagtulot na maitatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa kagila-gilalas na paraan.

Salamat na lamang, patuloy natin itong nakikita sa Simbahan ngayon. Ang mga miyembro, at ang mga bagong henerasyon, ay naglalaan ng kanilang oras at ipinagpapaliban ang pag-aaral at trabaho para makapagmisyon. Maraming mga senior na miyembro ang tumitigil sa pagtatrabaho at gumagawa ng iba pang mga sakripisyo upang maglingkod sa Diyos sa anumang tungkulin sila matawag. Hindi natin hinahayaang maabala o iligaw tayo ng mga personal na isyu sa pagsasagawa ng Kanyang mga layunin.25 Ang paglilingkod sa Simbahan ay nangangailangan ng pagpapakumbaba. Buong pagpapakumbaba tayong naglilingkod kapag tinawag, nang ating buong kakayahan, pag-iisip, at lakas. Sa bawat antas ng Simbahan, mahalagang maunawaan ang katangian ng pagpapakumbaba ni Cristo.

Ang Araw-araw na Pagpapakumbaba ay Mahalaga sa Pagtulong sa mga Tao sa Pagharap sa Diyos

Ang mithiin na igalang ang Panginoon at magpasakop sa Kanyang kagustuhan26 ay pinahahalagahan sa lipunan noon kaysa noon. Ang ilang Kristiyanong pinuno ng iba pang mga relihiyon ay naniniwala na tayo ay nabubuhay sa mundong hindi na nangangailangan kay Cristo.27

Sa loob ng maraming henerasyon, ang kagandahang asal na pagpapakumbaba ayon sa relihiyon at ang kagandahang asal na pagiging disente at simple ang nananaig na pamantayan.

Sa mundo ngayon, lalong nabibigyang-diin ang kapalaluan, pagpapahalaga sa sarili, at ang tinatawag na “pagpapakatotoo” na kung minsan ay humahantong sa kawalan ng tunay na pagpapakumbaba. Sinasabi ng ilan na kasama sa mga kagandahang-asal para sa kaligayahan ngayon ang “maging totoo, maging malakas, maging produktibo—at higit sa lahat, huwag umasa sa iba … dahil ang iyong kapalaran ay … nasa iyong sariling mga kamay.”28

Ibang pamamaraan ang itinataguyod ng mga banal na kasulatan. Iminumungkahi nito na tayo ay maging mga tunay na disipulo ni Jesucristo. Kaakibat nito ang pagkakaroon ng matinding damdamin ng pananagutan sa Diyos at mapagpakumbabang pananaw sa buhay. Itinuro sa atin ni Haring Benjamin na ang likas na tao ay kaaway ng Diyos at iminungkahi na kailangan tayong pasakop sa “panghihikayat ng Banal na Espiritu.” Ipinaliwanag Niya, bukod sa iba pang bagay, kailangan dito ang pagiging “masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, [at] puno ng pag-ibig.”29

Ang ilan ay mali sa paggamit ng pagpapakatotoo bilang pagdiriwang sa likas na tao at sa mga katangian na kabaligtaran ng pagpapakumbaba, kabaitan, awa, pagpapatawad, at pagkamagalang. Maaari nating ipagdiwang ang ating pagiging kaiba bilang mga anak ng Diyos nang hindi ginagamit ang pagpapakatotoo bilang dahilan sa ating ugaling hindi tulad ng kay Cristo.

Sa ating paghahangad sa pagpapakumbaba, ang makabagong internet ay lumilikha ng mga hamon sa pag-iwas sa kapalaluan. Ang dalawang halimbawa ay ang pagpapasunod sa sarili na “tingnan mo ako” o pag-atake sa iba sa paghiyaw sa social media. Ang isa pang halimbawa ay ang “humblebrag.” Ito ay inilalarawan na “pakunwaring kahinhinan o pahayag na pagtatakwil sa sarili [o paglalarawan] na ang talagang layon ay maituon ang pansin sa isang bagay na ipinagmamalaki ng isang tao.”30 Ang mga propeta ay palaging nagbababala tungkol sa kapalaluan at nagbibigay-diin sa mga bagay ng mundo na walang-kabuluhan.31

Ang malawakang pagkasira ng magalang na usapan ay problema rin. Sa walang-hanggang tuntunin ng kalayaan ay kailangang igalang natin ang maraming pagpili na hindi natin inaayunan. Ang salungatan at pagtatalo ngayon ay kadalasang lumalampas sa “mga hangganan ng karaniwang kagandahang-asal.”32 Kailangan natin ng dagdag na kadisentihan at pagpapakumbaba.

Nagbabala si Alma laban sa “[pagmamataas] sa kapalaluan ng inyong mga puso,” na “[iniisip] na kayo ay nakahihigit sa iba,” at inaapi ang mga mapagpakumbaba na “lumalakad alinsunod sa orden ng Diyos.”33

Nakatagpo ako ng tunay na kabutihan sa mga tao sa lahat ng relihiyon na mapagpakumbaba at damang mananagot sila sa Diyos. Marami sa kanila ang sumusunod sa mga turo ng propetang si Mikas ng Lumang Tipan, na nagsabing, “Ano ang hinihingi ng Panginoon sa iyo, kundi gumawa na may kaganapan, at ibigin ang kaawaan, at lumakad na may kababaan na kasama ng iyong Dios?”34

Kapag tunay tayong mapagpakumbaba, nananalangin tayo para sa kapatawaran at pinatatawad natin ang iba. Gaya ng mababasa natin sa Mosias, itinuro ni Alma na kung gaano kadalas tayong nagsisisi, ganoon din kadalas tayong patatawarin ng Panginoon sa ating mga pagkakasala.35 Sa kabilang banda, gaya ng nakasaad sa Panalangin ng Panginoon,36 kapag hindi natin pinatawad ang kasalanan ng iba, napapailalim tayo sa sumpa.37 Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, sa pamamagitan ng pagsisisi ang ating mga kasalanan ay pinatatawad. Kapag hindi natin pinatatawad ang mga nagkakasala sa atin, tinatanggihan natin ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang pagkimkim ng sama-ng-loob at pagtangging magpatawad at pagtangging magpakumbaba sa ating mga pakikipag-ugnayan sa paraang itinuro sa atin ni Cristo ay talagang naglalagay sa atin sa sumpa. Ang pagkimkim ng sama-ng-loob ay nakalalason sa ating mga kaluluwa.38

Hayaang magbabala rin ako laban sa anumang pagmamataas. Ang Panginoon, sa pamamagitan ng propetang si Moroni, ay tinukoy ang malaking pagkakaiba ng mapagmataas at ng mapagpakumbaba: “Ang mga hangal ay nangungutya, subalit sila ay magdadalamhati; at ang aking biyaya ay sapat para sa maaamo.” Sinabi pa ng Panginoon, “Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.”39

Kabilang din sa pagpapakumbaba ang pagiging mapagpasalamat para sa maraming pagpapala at banal na tulong sa atin. Ang pagpapakumbaba ay hindi kinikilala na malaking tagumpay o kaya ay pagdaig sa malaking hamon. Ito ay tanda ng espirituwal na kalakasan. Ito ay pagkakaroon ng kumpiyansa na sa bawat araw at bawat oras ay makaaasa tayo sa Panginoon, maglilingkod sa Kanya, at makakamit ang Kanyang mga layunin. Dalangin ko na sa daigdig na ito na puno ng pagtatalo ay patuloy tayong magsikap na magtaglay ng tunay na kababaang-loob sa bawat araw. Ganito ang sabi ng isang paborito kong tula:

Ang pagsubok sa kadakilaan ang paraan

Sa Araw-Araw na walang-hanggan.40

Pinatototohanan ko ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala at ang napakalaking kahalagahan ng mapagpakumbabang paglilingkod sa Kanya sa bawat araw. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Kathy Lette, sa “Town and Country Notebook,” ed. Victoria Marston, Country Life, Hunyo 7, 2017, 32; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  2. Annie Tempest, “Tottering-by-Gently,” Country Life, Okt. 3, 2012, 128.

  3. Tingnan sa Mga Awit 90:4. Maikli man o matagal kung pag-uusapan ang mga taon sa mundo, ang ating buhay ay napakaikli ayon sa walang-hanggang pananaw. “Ang lahat ay isang araw sa Diyos, at ang panahon ay sa tao lamang sinusukat” (Alma 40:8). Ipinahayag ni Apostol Pedro na, “Datapuwa’t, huwag ninyong kalimutan, mga minamahal, ang isang bagay na ito, na ang isang araw sa Panginoon ay katulad ng isang libong taon, at ang isang libong taon ay katulad ng isang araw” (II Ni Pedro 3:8).

  4. Tingnan sa Moises 1:6–9. Ito si Cristo na nagsasalita na may sagradong awtoridad (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 52, footnote 11).

  5. Moises 1:10.

  6. Moises 1:39.

  7. 2 Nephi 26:33; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 1:34–35; 38:16; Opisyal na Pahayag 2.

  8. Doktrina at mga Tipan 20:37 na nagsisimula sa, “Lahat ng yaong nagpapakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos.” At itinatakda nito ang mga kailangan para sa binyag. Tingnan din sa Mateo 11:28.

  9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37.

  10. Alam natin na kung hindi tayo magsisisi, kung hindi natin tatanggapin ang mga ordenansa, at susundin ang landas ng tipan na naghahanda sa atin para sa kawalang-hanggan, “ay darating ang gabi ng kadiliman kung saan ay maaaring wala nang gawaing magagawa” (Alma 34:33).

  11. Tingnan sa 3 Nephi 27:27.

  12. Alma 34:32.

  13. Tingnan sa 1 Nephi 11:26–33; 2 Nephi 9:53; Jacob 4:7; Doktrina at mga Tipan 122:8.

  14. Alma 5:26.

  15. Alma 5:27.

  16. Tingnan sa Alma 4:19.

  17. Joseph Smith, sa Heber C. Kimball, “History of Heber Chase Kimball by His Own Dictation,” ca. 1842–1856, Heber C. Kimball Papers, 54, Church History Library; tingnan din sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball, an Apostle; the Father and Founder of the British Mission (1888), 116.

  18. Heber C. Kimball, “History of Heber Chase Kimball by His Own Dictation,” 54; tingnan din sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball, 116.

  19. Itinuro ni Pangulong J. Reuben Clark Jr.: “Sa paglilingkod sa Panginoon, hindi mahalaga kung saan ka naglilingkod kundi kung paano. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ginagampanan ng isang tao ang tungkuling iniatas sa kanya, tungkuling hindi niya dapat hangarin o tanggihan” (sa Conference Report, Abr. 1951, 154).

  20. Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 5: October 1835–January 1838, ed. Brent M. Rogers and others (2017), 412–17. Iniulat ni Vilate Kimball sa isang liham sa kanyang asawa na si Heber C. Kimball, na kinopya niya ang paghahayag mula sa “aklat ni Elder Marsh na idinikta sa kanya ni Joseph” (Vilate Murray Kimball to Heber C. Kimball, Set. 6, 1837, sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 5: October 1835–January 1838, 412).

  21. Doktrina at mga Tipan 112:10; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  22. Tingnan sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball, 136–37.

  23. Tingnan sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball,149.

  24. Doktrina at mga Tipan 112:21–22; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  25. “Bagaman hindi natin hinihiling na ma-release mula sa isang calling, kung nagbabago ang ating katayuan nararapat lang na humingi tayo ng payo mula sa nagbigay ng calling at hayaang sila ang gumawa ng desisyon” (Boyd K. Packer, “Called to Serve,” Ensign, Nob. 1997, 8).

  26. Tingnan sa “Pagpapakumbaba,” sa kabanata 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 138.

  27. Tingnan sa Charles J. Chaput, Strangers in a Strange Land (2017), 14–15; tingnan din sa Rod Dreher, The Benedict Option (2017).

  28. Carl Cederstrom, “The Dangers of Happiness,” New York Times, Hulyo 19, 2015, SR8.

  29. Mosias 3:19.

  30. English Oxford Living Dictionaries, “humblebrag,” en.oxforddictionaries.com/definition/humblebrag.

  31. Sa ilang paraan inuulit nito ang paglalarawan ni Alma sa mga taong nagkaroon ng “lahat ng uri ng mahahalagang bagay, na kanilang natamo sa pamamagitan ng kanilang kasipagan; … [ngunit] naiangat … sa kapalaluan ng kanilang mga paningin” (Alma 4:6). Sinasabi na ang “humblebrag” ay pagyayabang pa rin.

  32. David Brooks, “Finding a Way to Roll Back Fanaticism,” New York Times, Ago. 15, 2017, A23.

  33. Alma 5:53, 54.

  34. Mikas 6:8.

  35. Tingnan sa Mosias 26:30.

  36. Tingnan sa Mateo 6:12, 15.

  37. Tingnan sa Mosias 26:31.

  38. Gaya ng sinabi ni Nelson Mandela, “Ang hinanakit ay gaya ng pag-inom ng lason at pagkatapos ay umaasa na papatayin nito ang iyong mga kaaway” (sa Jessica Durando, “15 of Nelson Mandela’s Best Quotes,” USA Today, Dis. 5, 2013, usatoday.com).

  39. Eter 12:26, 27; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  40. Edmund Vance Cooke, “The Eternal Everyday,” Impertinent Poems (1907), 21.