2017
Tulong sa mga Panahon ng Kagipitan
November 2017


Tulong sa mga Panahon ng Kagipitan

Kasunod ng isang bagyo at matinding pagbaha sa Houston, Texas, USA, nakita ng isang matandang babae ang mga Banal sa mga Huling Araw na nakasuot ng dilaw na Helping Hands T-shirts na papunta sa mga biktima ng bagyo para tumulong. “Alam kong darating ang mga Mormon!” wika niya.

Ang pangyayaring ito, na nakaulat sa isang Facebook post ng Pangulo ng Texas Houston South Mission na si Aaron T. Hall, ay halimbawa ng kung paano tumutulong ang Simbahan kapwa sa mga miyembro at sa mga kapitbahay sa panahon ng kagipitan. “Walang hamon na napakalaki para sa mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon!” pagsulat ni Pangulong Hall.

Kapag tumama ang kalamidad, kadalasa’y kasama ang Simbahan sa mga unang tumutugon, at sa mga apektadong lugar, kadalasa’y patuloy ang pagkakawanggawa ng Simbahan kapwa sa panandalian at sa pangmatagalang pagbangon, na may mithiing patatagin ang kakayahang itaguyod ang sarili. Nakikipagtulungan ang mga lokal na lider sa headquarters ng Simbahan sa pagsusuri at paglalaan ng mga pangangailangan at sa pag-oorganisa ng mga miyembro para tumulong sa pamamahagi ng resources, paglilinis, pagpapanumbalik, at pagtatayong muli ng mga tirahan.

Sa pamamagitan ng LDS Charities at ng pakikiisa sa mga matatatag na mga relief agency sa mga apektadong lugar, kamakailan ay tumulong ang Simbahan sa mga biktima ng pagbaha sa Peru; mga pagguho ng putik sa Sierra Leone; malalaking sunog sa Montana, USA, at Alberta, Canada; mga bagyo sa Texas, Florida, at Caribbean islands, kabilang na ang Puerto Rico, Haiti, at Dominican Republic; at dalawang malalakas na lindol sa Mexico.

Noong Setyembre, ibinalita ng Simbahan na magbibigay ito ng U.S. $11 milyon para suportahan ang mga proyektong pantawid-gutom at pakainin ang mga batang kulang sa nutrisyon sa walong bansa sa Afrika at Middle East. Ang LDS Charities ay nakikiisa sa 11 organisasyon sa 25 proyekto para mamahagi ng tulong.

Ang LDS Charities ay nakapagbigay ng halos $2 bilyon sa pagtulong sa milyun-milyong tao sa 189 na bansa mula pa noong 1985, simula sa tulong na ibinigay sa mga biktima ng taggutom sa Ethiopia.

Print