Mga Klasikong Ebanghelyo
Ang Katangiang Selestiyal ng Pag-asa sa Sarili
Gustung-gusto ko ang mga simpleng katotohanan ng ebanghelyo ayon sa turo ng mga banal na propeta, at hindi ko pinagsasawaang talakayin ang mga ito. Noon pa mang unang panahon pinayuhan na ang tao na kumita sa sarili niyang paraan, nang makaasa siya sa sarili. Madaling unawain kung bakit binigyang-diin nang husto ng Panginoon ang alituntuning ito kapag naunawaan natin na lubhang kaugnay ito ng kalayaan mismo.
Tungkol sa paksang ito, sinabi ni Elder Albert E. Bowen, “Ang … Simbahan ay hindi nasisiyahan sa anumang sistema na pinagiging palagiang nakaasa sa iba ang mga taong may kakayahan pa, at sa halip ay iginigiit na ang tunay na ginagampanan at layunin ng pagbibigay, ay tulungan ang mga tao na [makarating] sa kalagayan na matutulungan nila ang kanilang sarili at sa gayo’y maging malaya.”1
Maraming programang ginawa ang mga taong mabuti ang hangarin para tulungan ang mga nangangailangan. Gayunman, marami sa mga programang ito ang nilikha na may limitadong layunin na “tulungan ang mga tao,” na salungat sa “tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili.” Dapat nating laging ituon ang ating mga pagsisikap na mapaasa sa sarili nila ang mga taong may kakayahan.
Mga Sea Gull na Madaling Maloko
Ginupit ko ang sumusunod na artikulo mula sa Reader’s Digest noon pa. Mababasa rito:
“Sa kaibigan nating kalapit na lungsod ng St. Augustine napakaraming sea gull ang nagugutom sa gitna ng kasaganaan. Puwede namang mangisda, pero hindi marunong mangisda ang mga gull. Sa loob ng maraming henerasyon umasa sila sa mga maghihipon na iniitsahan sila ng mga patapon mula sa lambat. Pero wala na ang mga maghihipon. …
“Nakalikha ang mga maghihipon ng isang Welfare State para sa mga … sea gull. Hindi nag-abalang matutong mangisda ang malalaking ibong ito para sa kanilang sarili kahit kailan at hindi rin nila tinuruan ang kanilang mga anak kahit kailan. Sa halip inakay nila ang kanilang mga anak palapit sa mga lambat ng hipon.
“Ngayon ang mga sea gull, ang malalayang ibon na simbolo mismo ng kalayaan, ay namamatay sa gutom dahil natukso silang ‘manguha ng isang bagay nang hindi nila pinagpaguran’! Ipinagpalit nila ang kanilang kalayaan para sa libreng pagkain.
“Marami ring taong ganyan. Wala silang nakikitang mali sa pagsuporta sa kanila ng Pamahalaan ng Estados Unidos sa pamamagitan ng mga buwis na nakokolekta nito. Ngunit ano ang mangyayari kapag naubusan ng suplay ang Pamahalaan? Paano na ang mga anak natin sa darating na mga henerasyon?
“Huwag sana tayong maging mga gull na madaling maloko. Dapat nating … ipreserba ang ating mga talentong tumayo sa sariling mga paa, ang talino nating lumikha ng mga bagay para sa ating sarili, ang dunong nating magtipid at ang pagmamahal natin sa kalayaan.”2
Ang gawing magnasa at tumanggap ng mga benepisyong hindi natin pinaghirapan ay nagiging permanente na ngayon sa ating lipunan kaya kahit mayayaman, na may paraang magpayaman pa, ay umaasa na gagarantiyahan sila ng pamahalaan. Ang mga eleksyon ay madalas pagpasiyahan batay sa pangakong gagawin ng mga kandidato sa pondo ng pamahalaan para sa mga botante. Ang gawing ito, kung tatanggapin sa buong mundo at ipatutupad sa anumang lipunan, ay aalipin sa mga mamamayan nito.
Hindi tayo maaaring maging mga alagain ng pamahalaan, kahit may legal na karapatan tayong gawin ito. Kailangan dito ang napakalaking sakripisyo ng paggalang sa sarili at kalayaang pulitikal, temporal, at espirituwal.
Sa ilang bansa napakahirap ihiwalay ang pinaghirapan sa di pinaghirapang mga benepisyo. Gayunman, iisa ang tuntunin sa lahat ng bansa: Dapat tayong magpunyaging makaasa sa sarili at hindi umasa sa iba para mabuhay.
Hindi lamang mga pamahalaan ang mali. Nangangamba kami na maraming magulang ang ginagawang “gull na madaling maloko” ang kanilang mga anak dahil sa pagiging mapagparaya nila at mapagbigay ng kabuhayan sa mga kapamilya. Katunayan, ang ganitong mga kilos ng mga magulang ay maaaring higit na makapinsala kaysa anumang programa ng pamahalaan.
Maaaring mga bishop at iba pang mga lider ng priesthood ang sanhi ng pagiging “mga gull na madaling maloko” ng mga miyembro ng kanilang ward. May ilang miyembrong umaasa sa kanilang mga bishop sa pinansyal o sa emosyonal. Ang limos ay limos saanman ito nagmula. Dapat nating ituon ang lahat ng ating kilos sa Simbahan at pamilya sa pagkatuto ng ating mga anak at miyembro na umasa sa sarili. Hindi natin laging makokontrol ang mga programa ng pamahalaan, ngunit makokontrol natin ang sarili nating mga tahanan at kongregasyon. Kung ituturo at ipamumuhay natin ang mga alituntuning ito, malaki ang magagawa natin para malabanan ang masasamang epektong umiiral sa mga programa ng pamahalaan sa anumang bansa.
Alam naming may ilan, sa mga kadahilanang hindi nila kontrolado, na hindi makakaasa sa sarili. Nasa isipan ni Pangulong Henry D. Moyle ang mga taong ito nang sabihin niyang:
“Hindi ipinagkakait ng dakilang alituntuning ito ang tulong na nararapat sa mga nangangailangan o maralita. Ang mga inutil, matatanda, maysakit ay inaalagaan nang buong pagmamalasakit, ngunit bawat taong may kakayahan ay hinihikayat na gawin ang abot-kaya niya para sa kanyang sarili para hindi na siya umasa sa iba, kung kaya naman niya itong gawin; na ituring na pansamantala lamang ang kahirapan; na lakipan ng tapat na paggawa ang pananalig niya sa sariling kakayahan. …
“Naniniwala kami [na] bihirang [mangyari] na ang mga lalaking marubdob ang pananampalataya, totoong malakas ang loob, at di-matitinag ang determinasyon, na may pagmamahal sa kalayaang nag-aalab sa kanilang puso, at ipinagmamalaki ang sarili nilang mga tagumpay, ay hindi madaig ang mga balakid sa kanilang landas.”3
Espirituwal na Pag-asa sa Sarili
Ngayon, nais kong banggitin ang isang napakahalagang katotohanan: hindi pag-asa sa sarili ang ating layunin, kundi ang paraan para makamtan ang layunin. Napakaposibleng makapagsarili nang husto ang isang tao at kulangin sa bawat iba pang kanais-nais na katangian. Maaaring yumaman ang isang tao at hindi na humingi ng anuman sa iba kahit kailan, ngunit kung walang espirituwal na mithiing kaugnay ang pagsasariling ito, wawasakin nito ang kanyang kaluluwa.
Ang programang pangkapakanan ng Simbahan ay espirituwal. Noong 1936, nang ilunsad ang programa, ibinigay ni Pangulong David O. McKay ang matalinong obserbasyong ito:
“Pagkakaroon ng espirituwal na katangian ang dapat na una nating alalahanin. Espirituwalidad ang pinakamalaking tagumpay ng kaluluwa, ang kabanalan sa tao: ‘ang pinakamataas at pinakadakilang kaloob kaya siya naging hari ng lahat ng nilalang.’ Ito ang kaalaman ng tagumpay laban sa sarili at pakikiugnay sa walang hanggan. Espirituwalidad lamang ang tunay na nagbibigay ng pinakamainam sa buhay ng isang tao.
“Mahalagang bigyan ng damit ang [taong gula-gulanit] ang damit, ng sapat na pagkain ang wala halos makain, ng aktibidad ang mga desperadong nakikibaka sa kawalang-pag-asa dahil walang trabaho, ngunit matapos masabi at magawa ang lahat, ang pinakadakilang mga pagpapalang matatamo mula sa Simbahan [programang pangkapakanan] ay espirituwal. Sa tingin, bawat kilos ay tila nakatuon sa pisikal: pagreremedyo ng mga damit, pagdede-lata ng mga prutas at gulay, pag-iimbak ng pagkain, pagpili ng matabang kabukiran para matirhan—lahat ay tila napakatemporal, ngunit ang laganap sa lahat ng pagkilos na ito, na nagbibigay-inspirasyon at nagpapabanal sa kanila, ay ang elemento ng espirituwalidad.”4
Sinasabi sa atin sa Doktrina at mga Tipan 29:34–35 na walang temporal na kautusan, na lahat ng kautusan ay espirituwal. Sinasabi rin nito sa atin na ang tao ay magiging “kinatawan ng kanyang sarili.” Ang tao ay hindi makakatawan ang kanyang sarili kung hindi siya umaasa sa sarili. Dito ay nakikita natin na ang pagsasarili at pag-asa sa sarili ay mahahalagang susi sa ating sariling espirituwal na pag-unlad. Tuwing mapapasok tayo sa isang sitwasyong nanganganib ang ating pag-asa sa sarili, malalaman nating nasa panganib din ang ating kalayaan. Kung lalo pa tayong aasa sa iba, makikita natin na biglang mababawasan ang laya nating kumilos.
Kaya ngayon, dapat ay alam na natin na ang pag-asa sa sarili ay kailangan sa ganap na kalayaang kumilos. Gayunman, alam na rin natin na walang anumang espirituwal sa pag-asa sa sarili maliban kung gumawa tayo ng mga tamang pasiya sa kalayaang iyon. Ano, kung gayon, ang dapat natin gawin kapag nakaasa na tayo sa ating sarili para espirituwal na umunlad?
Ang susi para maging espirituwal ang pag-asa sa sarili ay sa paggamit ng kalayaang tumalima sa mga utos ng Diyos. Napakalinaw ng mga banal na kasulatan sa utos nito na tungkulin ng mga mayroon, na magbigay sa mga nangangailangan.
Pagtulong sa Iba
Sabi ni Jacob, nang kausapin niya ang mga tao ni Nephi:
“Ituring ang inyong mga kapatid nang tulad sa inyong sarili, at maging malapit sa lahat at mapagbigay sa inyong pag-aari, upang yumaman silang tulad ninyo.
“Subalit bago kayo maghanap ng mga kayamanan, hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos.
“At matapos kayong makatamo ng pag-asa kay Cristo kayo ay makatatamo ng mga kayamanan, kung inyo itong hahanapin; at hahanapin ninyo ito para sa hangaring gumawa ng kabutihan—upang damitan ang hubad, at pakainin ang nagugutom, at palayain ang bihag, at bigyang-ginhawa ang may karamdaman, at ang naghihirap” (Jacob 2:17–19).
Sa ating sariling dispensasyon, noong 10 buwan pa lamang ang Simbahan, sinabi ng Panginoon:
“Kung mahal ninyo ako kayo ay maglilingkod sa akin at susunod sa lahat ng aking kautusan.
“At masdan, inyong alalahanin ang mga maralita, at maglaan ng inyong mga ari-arian para sa kanilang panustos” (D at T 42:29–30).
Sa buwan ding iyon, muling tinukoy ng Panginoon ang paksang ito. Malinaw na medyo nakakaligtaan ito ng mga miyembro. Hindi sila maagap.
“Masdan, sinasabi ko sa inyo, na kailangang dalawin ninyo ang mga maralita at ang mga nangangailangan at magbigay sa kanila ng tulong” (D at T 44:6).
Noon pa ma’y medyo hindi na makatwiran sa tingin ko na palagi tayong inuutusan ng Panginoon sa mga bagay na makakabuti sa atin. Sinabi na ng Panginoon, “Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39). Kinalilimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod at pagpapalakas sa iba. Dahil dito nararanasan natin ang tanging totoo at walang hanggang kaligayahan. Ang paglilingkod ay hindi isang bagay na tinitiis natin dito sa lupa para makamtan ang karapatang manirahan sa kahariang selestiyal. Paglilingkod ang pinakadiwa ng buhay na pinadakila sa kahariang selestiyal.
Ah, sana’y sumapit na ang maluwalhatiang araw na kusa na nating ginagawa ang mga bagay na ito dahil sa kadalisayan ng ating puso. Sa araw na iyon hindi na kailangan ng isang kautusan, dahil naranasan na natin mismo ang tunay na kaligayahan kapag gumagawa tayo ng di-makasariling paglilingkod.
Nakikita ba natin kung gaano kahalaga ang pag-asa sa sarili kapag itinuring natin na kailangan ito sa paglilingkod, kapag alam din natin na paglilingkod ang diwa ng pagiging diyos? Kung hindi aasa sa sarili ang isang tao hindi niya magagawang maglingkod. Paano tayo magbibigay kung wala naman tayong ibibigay? Ang pagkain para sa nagugutom ay hindi nagmumula sa mga estanteng walang laman. Ang perang tutulong sa nangangailangan ay hindi nagmumula sa pitakang walang laman. Ang suporta at pag-unawa ay hindi nagmumula sa mga taong may problemang emosyonal. Ang pagtuturo ay hindi nagmumula sa mangmang. At higit sa lahat, ang espirituwal na patnubay ay hindi nagmumula sa taong mahina ang espirituwalidad.
Umaasa sa isa’t isa ang mga mayroon at mga wala. Ang proseso ng pagbibigay ay nagpapasigla sa dukha at nagpapakumbaba sa mayaman. Dahil dito, kapwa sila napapabanal. Ang dukha, na napalaya sa pang-aalipin at mga limitasyon ng karukhaan, ay malayang nakakabangon sa kanilang ganap na potensyal, kapwa sa temporal at sa espirituwal. Ang mayaman, sa pagbibigay ng kanilang sobra, ay nakikilahok sa walang hanggang alituntunin ng pagbibigay. Kapag ganap na ang isang tao, o umasa na sa sarili, tinutulungan niya ang iba, at ganito rin ang mangyayari sa iba pa.
Lahat tayo ay umaasa sa sarili sa ilang sitwasyon at umaasa sa iba sa ibang sitwasyon. Samakatwid, bawat isa sa atin ay dapat magpursiging tulungan ang iba kapag makakatulong tayo. Kasabay nito, hindi tayo dapat pigilan ng kahambugan na magiliw na tanggapin ang tulong ng iba kapag may tunay tayong pangangailangan. Sa paggawa nito pinagkakaitan natin ng oportunidad ang ibang tao na lumahok sa nagpapabanal na karanasan.
Ang isa sa tatlong bagay na binigyang-diin sa misyon ng Simbahan ay gawing sakdal ang mga Banal, at ito ang layunin ng programang pangkapakanan. Hindi ito programa para ihanda tayo sa katapusan ng mundo, kundi isang programa para sa buhay natin dito ngayon, dahil ito ang panahon para pasakdalin natin ang ating buhay. Nawa’y patuloy tayong manangan nang mahigpit sa mga katotohanang ito.