2009
Suportahan, Pangalagaan, at Protektahan ang Pamilya
Marso 2009


Mensahe sa Visiting Teaching

Suportahan, Pangalagaan, at Protektahan ang Pamilya

Ituro ang mga banal na kasulatan at mga siping magpapala sa mga kababaihang inyong binibisita. Patotohanan ang doktrina. Anyayahan ang mga tinuturuan ninyo na ibahagi ang kanilang nadama at natutuhan.

Bakit Ko Dapat Ipagtanggol ang Doktrina tungkol sa Pamilya?

Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mag-anak ay inorden ng Diyos. Ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa Kanyang walang hanggang plano. Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng matrimonyo at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49; Ensign, Nob. 1995, 102).

Julie B. Beck, Relief Society general president: “Bilang disipulo ni Jesucristo, ang responsibilidad na itaguyod, pangalagaan, at protektahan ang mga pamilya ay ibinibigay sa bawat babae sa Simbahang ito. Ang kababaihan ay binigyan ng natatanging tungkulin bago pa itatag ang daigdig. At bilang babaing Banal sa mga Huling Araw na sumusunod sa tipan, batid mo na ang pagtatanggol sa doktrina ng pamilya ay mahalaga sa pagpapatatag ng pamilya sa buong mundo” (“Ang Pinakamainam na Nagagawa ng mga Babaeng Banal sa mga Huling Araw: Pagiging Matatag at Di Natitinag,” Liahona at Ensign, Nob. 2007, 110).

Paano Ko Maipagtatanggol ang Pamilya?

D at T 88:119: “Magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalanginan, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pagkakatuto, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos.”

Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Ang … tahanan … ay kanlungan laban sa mga unos at pakikibaka sa buhay. Ang espirituwalidad ay sumisibol at inaalagaan ng araw-araw na panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, pagtalakay ng ebanghelyo sa tahanan at mga kaugnay na aktibidad, mga home evening, pagpupulong ng pamilya, magkasamang pagtatrabaho at paglilibang, paglilingkod sa isa’t isa, at pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga nakapalibot sa atin. Napangangalagaan din ang espirituwalidad sa ating mga pagtitiyaga, kabaitan, at pagpapatawad sa isa’t isa at sa pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa pamilya” (“Therefore I Was Taught,” Tambuli, Ago. 1982, 2; Ensign, Ene. 1982, 3).

Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nananawagan ako sa mga miyembro ng Simbahang ito at sa matatapat na magulang, lolo’t lola, at mga kamag-anakan saanman na mahigpit na manangan sa dakilang pagpapahayag [tungkol sa pamilya], na iwagayway itong tila “bandila ng kalayaan” ni Heneral Moroni, at tapat na ipamuhay ang mga tuntunin nito. …

“Sa mundo ngayon, kung saan laganap ang pag-atake ni Satanas sa pamilya, dapat gawin ng mga magulang ang lahat ng makakaya nila upang patibayin at ipagtanggol ang kanilang pamilya. Ngunit baka hindi sapat ang kanilang mga pagsisikap. Kailangang-kailangan ng tulong at suporta ng pinakapangunahing institusyon ng pamilya mula sa kamag-anakan at mga pampublikong institusyong nakapaligid sa atin” (“Ang Pinakamahalaga ay Kung Ano ang Mananatili Hanggang sa Kabilang Buhay,” Liahona at Ensign, Nob. 2005, 42–43).

Elder Robert S. Wood ng Pitumpu: “Para sa napakarami, tila nagwawakas ang responsibilidad sa pagkaligalig at pangamba. Ngunit halos walang mangyayari kung puro tayo salita at hindi kikilos. Kailangan tayong magtrabaho nang masigla sa mundo. Kung hindi sapat o naninira ng moralidad ang ating mga paaralan, dapat tayong makipagtulungan sa kapwa natin mga miyembro ng komunidad na gumawa ng pagbabago. Kung hindi ligtas o hindi malinis ang ating paligid, dapat tayong makisama sa mga nangangalaga sa mga pangangailangan at kapakanan ng komunidad sa paghahanap ng mga solusyon. Kung marumi ang ating mga lungsod at bayan, hindi lamang dahil sa nakapipinsalang mga gas kundi sa mga adiksyon at kahalayang nagpapamahak sa kaluluwa, dapat tayong magpursiging makahanap ng mga legal na paraan para maalis ang gayong karumihan. … May responsibilidad tayong maging isang pagpapala sa iba, sa ating bansa, at sa mundo” (“On the Responsible Self,” Ensign, Mar. 2002, 30–31).

Paglalarawan ni Craig Dimond; background ni Shannon Gygi Christensen