2009
Pinasigla ng Panalangin
Marso 2009


Pakikipagkaibigan

Pinasigla ng Panalangin

Ang mga bata sa buong mundo ay nagdarasal sa Ama sa Langit—tulad ninyo! Sa buwang ito kilalanin natin si Jared Azzarini ng Porto Alegre, Brazil.

Si Jared Azzarini, edad 10, ay lungkot na lungkot habang minamasdan ang pagsakay ng kanyang coach at mga ka-team sa eroplano papuntang Goiânia para sa Brazilian National Gymnastics Championship nang hindi siya kasama. Lubos niyang ipinagdasal na pasakayin siya ng mga opisyal ng airport sa eroplano para makasama siya ng kanyang team sa kumpetisyon. Pero sabi nila hindi siya puwedeng maglakbay nang walang orihinal na birth certificate. Ang tanging dala niya ay kopya lang. Nasa bahay ang orihinal.

Kaya habang naghahanda ang kanyang team na ipagtanggol ang pambansang titulong napanalunan ng grupo ng mga kaedad niya kasama siya noong isang taon, umuwi siya kasama ng nanay niya. Naisip niya ang huling sinabi ng kanyang coach: “Kung hindi ka makakasama sa kumpetisyon, matatalo ang buong team. Kailangan ka namin.”

Kinabukasan pa ang alis ng susunod na eroplano. Aabot siya sa kumpetisyon, pero tamang-tama lang ang dating niya sa laro—at wala nang pagkakataong makapraktis pa o magsanay sa paggamit ng kasangkapan.

“Inay,” sabi niya pag-uwi sa bahay, “itinuro ninyo sa akin na kung taimtim tayong magdarasal, sasagutin ng Panginoon ang mga dalangin natin. Buong puso na akong nagdasal, at walang nangyari. Kung kinabukasan pa ako bibiyahe, wala na akong oras.”

Muling tiniyak ng nanay ni Jared sa kanya na “sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari” (Mateo 19:26). Tinawagan nito ang paliparan. Sa loob lang ng kalahating oras, tumawag ang airline at tinanong kung makakarating kaagad si Jared sa paliparan. May isang upuang nabakante sa isang eroplanong papaalis na.

Talagang sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin!” naisip ni Jared habang nagmamadaling pumasok sa kuwarto para pasalamatan ang Ama sa Langit.

Tamang-tama ang dating ni Jared, na isang miyembro ng Intercap Ward, Porto Alegre Brazil Partenon Stake, sa kumpetisyon para pumangatlo sa individual finish at natulungan ang kanyang team na muling mapanalunan ang pambansang kumpetisyon sa dibisyon ng edad nila.

Si Jared at ang Gymnastics

Noong anim na taon si Jared, maaga siyang ipinalista ng kanyang ina sa nag-iisang klase para sa edad niya sa isang lokal na unibersidad: gymnastics. Nagulat ang instructor nang malamang wala pang anumang karanasan si Jared. Sinubukan ng coach ng unibersidad si Jared at tinulungan siyang makasubok sa isang bantog na gymnastics club. Napasali si Jared sa team, at apat na buwan pagkaraan ay pumang-anim siya sa individual division sa isang kumpetisyon sa estado.

Minimithi niyang makasama sa kumpetisyon sa Olympics balang araw. Para makamit ang mithiing iyan, nagsasanay siya limang oras araw-araw maliban sa araw ng Linggo.

Si Jared at ang Word of Wisdom

Sinisikap ni Jared na panatilihing dalisay ang kanyang isipan at katawan at hindi siya nakikibahagi sa mga bagay na nakapipinsala. Alam niya na kailangan niyang pangalagaan ang kanyang katawan kung nais niyang maging magaling na gymnast. Pero hindi lang mithiin niya sa Olympics ang nag-udyok sa kanya na pangalagaan ang kanyang sarili. “Kung hindi ko susundin ang Word of Wisdom, maliban sa masisira ang kalusugan ko, hindi na ako makakabalik sa piling ng Ama sa Langit. “Ang Word of Wisdom ay isang utos,” sabi ni Jared.

Halimbawa ni Jared

Walang isa man sa mga ka-team ni Jared ang miyembro ng Simbahan, kaya maingat siya na makapagpakita ng mabuting halimbawa at mabuting pakikitungo sa iba. Dati nang naimbitahan ni Jared ang kanyang mga kaibigan na sumama sa kanya nang Sabado’t Linggo at naisama na niya sila sa simbahan. Pinahiram niya sila ng mga puting polo at kurbata. “Sinisikap ko palagi na maging handang makatulong,” wika niya. “Ipinagdarasal ko ang mga ka-team kong nasa kumpetisyon at tinuturuan ko pa sila kung paano magdasal.”

Mapitagan ang paggamit ni Jared sa mga pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Hindi siya nagmumura o nagsasalita nang hindi maganda, at sinisikap niyang tulungan ang iba na gayon din ang gawin. Wika niya, “Binabantayan ng mga ka-team ko ang isa’t isa para hindi sila magsalita ng masama, kahit man lang sa harapan ko.”

Pamilya ni Jared

Mahal ni Jared ang kanyang pamilya. “Anumang gawin ko kasama ang aking pamilya ay masaya,” wika niya. Ang kapatid ni Jared, si Sam, ay mas matanda nang isang taon. Masaya silang dalawa sa paggawa ng mga bagay nang magkasama, lalo na sa pagkanta. Umawit pa nga sila sa isang espesyal na pulong kung saan sina Bonnie D. Parkin, na noon ay Relief Society general president, at Cheryl C. Lant, Primary general president, ang nagsalita.

Mga Paborito ni Jared

Awitin ng Primary: ”Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7)

Pagkain: Kanin, black beans, at niligis na patatas. Sabi ni Jared, “At, siyempre pa, bilang isang ganap na gaucho [isang taong mula sa estado ng Rio Grande do Sul], mahilig ako sa barbecue.”

Isports: Gymnastics at soccer

Libangan: Video games

Banal na Kasulatan: Santiago 1:5—sabi ni Jared, “Gustung-gusto ko ang kasaysayan ng buhay ni Joseph Smith.”

Mga asignatura sa paaralan: Agham, kasaysayan, at edukasyong pampalakasan

Mga alagang hayop: Dalawang aso at dalawang pusa

Mga larawan sa kagandahang-loob ng pamilya Azzarini

Mapang likha ni Thomas S. Child; globo © Mountain High Maps

Saan Matatagpuan ang Porto Alegre, Brazil?

Brazil

Paraguay

Argentina

Porto Alegre

Uruguay