Habang lumalaki, lagi kong hangad na maging perpekto. Kaya nang matanggap ko ang aking patriarchal blessing, isang partikular na payo ang tila natural: tapusin ang mga atas na ibinigay sa akin “sa abot ng [aking] kakayahan, nang perpekto.” Kalaunan ko na lang naunawaan kung gaano kaliit ang pagkaunawa ko sa pagiging perpekto—o ang papel na ginagampanan ng biyaya.
Noong 1998 maaga akong umuwi mula sa isang misyon dahil sa mga problema sa kalusugan. Inusig akong mabuti ng aking budhi dahil nadama kong hindi ko natapos ang aking misyon “nang perpekto.” Dumagdag pa sa kabiguang ito ang kawalang-katiyakan tungkol sa aking sakit. Hindi pa alam ng mga doktor kung ano ang sakit ko.
Sa kabila ng mga hamon sa aking kalusugan, alam ko na kailangan kong magpatuloy, kaya nag-enrol ako sa isang unibersidad para magpatuloy sa pag-aaral. Gayunman, pagkaraan lang ng anim na buwan, umuwi ako ulit, na nasasaktan, para sa madaliang operasyon. Sa sandaling ito natuklasan ng mga doktor na mayroon akong autoimmune disease.
Habang nagpapagaling mula sa operasyon, nagsimula akong magtrabaho nang part-time sa tindahan ng tsokolate na dating pinasukan ko noong tinedyer pa ako. Kahit ginawa ko na ang magagawa ko, hindi ko nadamang may pinatutunguhan ako, ni hindi ko ito natapos “nang perpekto.” Nagsimula akong ihambing ang sarili ko sa iba, lalo na sa mga kaibigan kong nagtatapos sa kolehiyo, nagmimisyon, o nagsisimula ng pamilya. Damdam ko’y napag-iwanan ako.
Noon ko nakilala si Stephanie. Pumasok siya sa tindahan ng kendi isang araw na may suot na itim na bandana sa kanyang ulo. Nang ituro ko sa kanya ang paborito kong tsokolate, naisip kong magtanong tungkol sa kanyang sitwasyon. Ngumiti siya, nag-alis ng bandana, at, habang nakaturo sa kalbo niyang ulo, sinabi niya sa akin na kine-chemotherapy siya. Ang kuwentuhang iyon ang naging simula ng espesyal at tapat na pagkakaibigan.
Parating dumaraan si Stephanie sa tindahan para kumain at pag-usapan ang buhay-buhay. Nalaman ko na siya ay miyembro ng Simbahan at nahihirapan ang espiritu at maging ang katawan. Ikinuwento niya sa akin ang ilang maling pagpapasiyang nagawa niya at ang mga pagsisikap niyang magsisi. Sinisikap niyang maibuklod sa kanyang asawa sa templo.
Isang araw ikinuwento ko ang ilan sa sarili kong mga hamon. Ipinagtapat ko sa kanya kung gaano ako nanghina sa sitwasyon ko. “Ginagawa ko pa rin ang ginawa ko sa hayskul,” paliwanag ko. “Hindi ako nakatapos ng misyon o kolehiyo, at hindi ko alam kung ano ang gagawin ngayon.”
Sagot ni Stephanie, “Bakit mo kailangang tapusin ang lahat sa buhay ayon sa itinakda mong panahon? Bakit hindi mo na lang pagsikapang umasenso?”
Sa unang pagkakataon, natanto ko na ang mga pagsisikap na ginagawa ko, at sapat na ito. Minahal ako ng Tagapagligtas, at ang Kanyang biyaya, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay sapat na sa akin, para sa aking mga pagkukulang. Kahit damdam ko’y matagal ko na Siyang hinahanap, hanggang sa kuwentuhan ako ni Stephanie, kahit paano’y may nakaligtaan akong mahalagang leksyon tungkol sa papel Niya sa buhay ko.
Sabi sa Eter 12:27, “Ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.” Nang matutuhan kong magpakumbaba at sumampalataya sa Panginoon, paulit-ulit kong nasaksihan na talagang pinalalakas Niya ang mahihinang bagay. Natulungan ako ng lumakas kong patotoo sa katotohanang ito sa pagharap sa aking mga hamon nang may mas malakas na pananampalataya at pag-asa.
Ilang buwan pagkaraan ng pag-uusap na iyon, nilisan ko ang bayan namin para magsimula sa isang panibagong trabaho at nawalan ako ng kontak sa kaibigan ko. Isang araw tumawag ang nanay ko para sabihin sa akin na nabasa niya sa pahayagan ang obituaryo ni Stephanie. Umuwi ako para dumalo sa kanyang libing at nalaman ko na nabuklod siya sa kanyang asawa tatlong linggo lang bago siya namatay.
Napuspos ng pasasalamat ang puso ko na naging kaibigan ko si Stephanie at naturuan niya akong tahakin ang perpektong pamumuhay. Hindi ko kailangang laging magmadali. Paminsan-minsan, iyon lang ang abot-kaya kong gawin para makatuon sa aking mithiin. Gawin lang natin ang makakaya natin para sumulong—anuman ang “kaya” nating abutin—at OK na iyon. Ang ating kakayahan ay maaaring maging perpekto dahil ang biyaya ng Panginoon ay sapat para sa ating lahat (tingnan sa Moroni 10:32).