Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang mga mungkahing ito sa pagtuturo ay magagamit sa loob ng klase gayundin sa tahanan. Maaari ninyong iakma ang mga ideyang ito sa inyong pamilya o sa klase.
“Ang Katangiang Selestiyal ng Pag-asa sa Sarili,” p. 15: Ibahagi ang kuwento ni Pangulong Marion G. Romney tungkol sa mga seagull na madaling maloko. Bakit hindi sila makahuli ng isda? Bigyang-kahulugan ang pag-asa sa sarili, at talakayin ang mga paraan para higit na umasa sa sarili ang inyong pamilya. Basahin ang huling dalawang talata ng artikulo. Magtakda ng mithiing tulungan ang isang kapitbahay, gamit ang mga kalakasan ng inyong pamilya.
“Paglakad sa pamamagitan ng Pananampalataya, Hindi sa pamamagitan ng Paningin,” p. 22: Piringan ang iba’t ibang miyembro ng pamilya, at bigyan sila ng maliliit na bagay na tutukuyin. Talakayin kung paano nila natukoy ang mga bagay. Basahin ang kuwento tungkol kay Sister Daggi, at talakayin kung ano ang kahulugan ng lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya, at hindi sa pamamagitan ng paningin.
“Bakit Tayo Nagbibinyag para sa mga Patay?” p. 32: Simulan ang aralin sa pagbasa sa unang talata ng artikulo. Kasama ang mga kapamilya, basahin ang mga banal na kasulatang binanggit sa artikulo. Talakayin ang kahulugan ng bawat banal na kasulatan at kung paano ito naaangkop sa pagbibinyag para sa mga patay. Magtapos sa pagsasadula kung paano ibabahagi ang mga alituntuning natutuhan sa artikulo sa mga kaibigan at pamilya.
“Hanapin at Sagipin,” p. 38: Ibahagi ang artikulo sa inyong pamilya. Lumikha ng sarili ninyong emergency committee sa inyong pamilya, atasan ng responsibilidad ang bawat kapamilya. Talakayin ang mga gipit na sitwasyong maaari ninyong kaharapin. Planuhin kung anong tulong ang magagawa ninyo para maiwasan o mapaghandaan ang mga sitwasyong ito. Mithiing makagawa ng isang palagiang planong pangkagipitan at magsanay na gamitin ito.
“Pagtatanggol kay Caleb,” p. K8: Magpasabi sa lahat ng isang magandang bagay tungkol sa bawat isa sa pamilya. Ikuwento ang tungkol kay Caleb. Pag-usapan ang ginawa ni Luke at ang nangyari dahil sa kanyang katapangan. Magpabahagi sa mga kapamilya ng isang pagkakataong sinuportahan nila o ng isang kakilala nila ang isang tao. Gumawa ng mithiing suportahan ang iba.