2009
Ang Totoong Simbahan
Marso 2009


Halina’t Pakinggan ang Tinig ng Isang Propeta

Ang Totoong Simbahan

Mula sa isang pananalita sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2008.

Ikinuwento ni Pangulong Eyring kung paano siya nagtamo ng patotoo na ang Simbahan ay totoo.

President Henry B. Eyring

Ang aking patotoo na ito ang totoong Simbahan ay nagsimula sa aking pagkabata. Isa sa mga naaalala ko noong bata pa ako ay ang isang pulong sa kumperensya. Isang lalaki ang nagsasalita noon na hindi ko kilala. Ang tanging alam ko ay ipinadala siya ng isang taong mayhawak ng priesthood sa maliit naming district sa misyon. Hindi ko alam kung ano ang sinabi niya. Ngunit nakatanggap ako ng malakas at tiyak na patotoo bago ako nagwalong taon, maging bago pa man ako bininyagan, na nakikinig ako sa isang lingkod ng Diyos sa totoong Simbahan ni Jesucristo.

Noong tinedyer ako, nadama ko ang kapangyarihan ng mga korum ng priesthood at ng isang mapagmahal na bishop. Naaalala at nadarama ko pa ang mga katiyakang dumating habang nakaupo ako sa isang priests quorum katabi ang bishop at nabatid ko na siya ang mayhawak ng mga susi ng isang tunay na hukom sa Israel.

Gayon ding patotoo ang dumating nang maaga sa buhay ko sa dalawang araw ng Linggo. Sa bawat pangyayari naroon ako sa araw na inorganisa ang isang stake. Tila mga karaniwang lalaking kilalang-kilala ko ang tinawag bilang mga stake president. Itinaas ko ang aking kamay sa mga araw na iyon at nadama ko ang patunay na tinawag ng Diyos ang Kanyang mga lingkod at ako ay pagpapalain sa kanilang paglilingkod at pagsuporta sa kanila. Maraming ulit kong nadama ang himalang iyon sa buong Simbahan.

Nakita ko na ang mga stake president na iyon ay binigyang-kakayahan sa kanilang mga tungkulin. Nakita ko rin ang himalang iyon sa paglilingkod ni Pangulong Monson nang tanggapin niya ang tungkuling mangulo bilang propeta at Pangulo ng Simbahan at gamitin ang lahat ng susi ng priesthood dito sa mundo. Dumating sa kanya ang paghahayag at inspirasyon sa harapan ko, na nagpapatunay sa akin na iginagalang ng Diyos ang mga susing iyon. Isa akong saksi.

Taimtim kong pinatototohanan sa inyo na ito ang totoo at buhay na Simbahan ni Jesucristo. Sasagutin ng Ama sa Langit ang inyong taimtim na mga panalangin para malaman iyan sa inyong sarili.

Paglalarawan ni Kristen Yee